Chapter 17

1672 Words
Chapter 17 Wala akong maintindihan. Tinawag na si Ninang ng isang doktor kaya nagpaalam na rin ako sa kanya. Dala-dala ang siopao at iced tea, naglakad ako palabas ng ospital na lutang. Si Joy lamang ang pumapasok sa utak ko ngayon. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ni Ninang. Naguguluhan ako. Pasyente ba talaga siya roon? Ba't siya nakakapag-aral? Ba't siya nakakalabas? Bakit ganun? Ang dami kong tanong pero parang hindi ko pwedeng sabihin...hindi ko pwedeng ipalabas. Ginulo ko ang buhok sa inis. Nasa dulo na ng dila ko lahat, pero hindi ko masabi-sabi. Natatakot ako na baka hindi na niya ako haharapin pagkatapos na malaman ang katotohanan. Tahimik ako nang pumasok sa kwarto. Kinuha ko ang cellphone at nag-browse sa web tungkol sa PTSD. Grabeng trauma raw ang na-e-experience ng tao kapag na-diagnose sa ganitong sakit. Pwede raw na baka nakaranas ka nito mismo o nakakita ka ng mga hindi kaaya-ayang bagay. Marami pa ang malala kaysa sa tinidor. Pwede nga raw sa manok, ballpen at sa mga pinakasimpleng bagay sa mundo. Walang pinipili ang takot. Mapa-bata man o matanda. Tama nga si Ninang...iba-iba tayo ng kahinaan. Pero bakit takot si Joy? Ano ang dahilan? Humiga ako at humugot ng hininga nang pindutin ang pangalan niya sa messenger. Lester: Joy, bakante ka ba sa susunod na linggo? Birthday ko kasi at may konting handaan. Konti lang din ang tao. Pwede kang pumunta. Pati si Phil, pwede mong imbitahin :) Nag-seen siya, pero walang reply. Ilang araw kong hinintay sa mga message niya pero walang dumating. Nag-aalala ako kung ano ang iniisip niya. May parang malaking harang sa lalamunan ko. Iba kasi iyong dating ng pagtakbo niya sa 'kin. Kinutuban ako na baka...tumakbo na talaga siya papalayo. "Huy." Siniko ako ni Reggie. "Ngiti-ngiti ka naman diyan." Natawa si Oyo. "Oo, nga. Birthday mo kaya." Kinamot ko ang ulo at ipinakita sa kanila ang buo kong ngipin. "Okay na ba?" "Siraulo," ani Oyo. Nasa bahay silang lahat kasama ang iilan kong kapitbahay at mga pinsan dahil sa birthday ko. Alas kwatro na at umuwi na iyong ilan, pero hindi pa rin ako mapakali, eh... "Kanina ka pa tingin nang tingin sa labas, ah," si Tiboy. "Sino bang hinihintay mo?" Umiling ako at nag-iwas ng tingin. "Wala." Hindi sila naniniwala at nagpatuloy sa pangungulit pero hindi ko na sila pinansin. Nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa kaya kaagad ko itong kinuha. Pero nawala ang pagkasabik ko nang si Mayumi lang pala ang nag-message. Mayumi: Happy birthday, Lester :) Nagbuntong-hininga ako at nagtingin kung may iba pa bang message kaso wala na talaga, eh. Lester: Salamat. May handaan sa bahay, pwede kang pumunta. Mayumi: Thanks but may lakad kami ni Mommy, eh. Enjoy your day! Lester: :) Ibinalik ko ulit ito sa bulsa at pilit na itinago ang lungkot. "Okay ka lang ba talaga, pare?" tanong ni Tiboy nang mag-serve ako ng inumin sa kanila. "Oo nga," ani Oyo. "Chair up, Silvester. Ngiti ka naman." Natawa si Reggie kaso nagkatinginan lang kami ni Tiboy. "Ang corny," sabi ko. "Ano ba kasi problema mo?" tanong ni Reggie sa 'kin. Nagbuntong-hininga ako. "Wala...ano...stressed lang." "Saan ka naman nase-stressed?" ani Oyo. "Naku, sadboi naman pala itong kaibigan natin." "Gago hindi," natatawa kong tugon. Hanggang sa sumapit ang gabi, lagi pa rin akon naka-check sa cellphone pero tanging mga greeting lang galing sa mga kakilala ang natatanggap ko. Walang message kay Joy. 10 PM nang wala na talagang tao. Tinutulungan ko sina Mama at Lovely sa pagliligpit. "Kanina ka pa malungkot, ah?" pati si Mama napapansin na rin. "Anong problema?" "Wala po," sabay iling ko. "Pagod lang siguro." "May hinihintay ka yatang iba, eh," tukso ni Lovely. Sinamaan ko siya ng tingin. "Imbento na naman. Maging scientist ka na lang kaya, mas bagay sa 'yo." Tumawa lamang siya. Hinawakan ni Mama ang balikat ko. "May pinadala pala iyong Papa mo para sa 'yo." Prente ko siyang tiningnan. "Ma, may ugnayan pa rin kayo? Sabi ko naman sa 'yo na hindi na natin siya kailangan, 'di ba?" Napansin yata ni Lovely na mabigat ang pinag-uusapan namin kaya nagpaalam siya na may kukunin sa kwarto at naiwan kaming dalawa ni Mama sa kusina. May ipinatong siyang sobre sa mesa. "Extra daw...panggastos mo." Pera siguro ang laman nun. Hindi ko iyon ginalaw, at wala akong balak. "Ma...huwag na nating kausapin si Papa. May pamilya na siya. Choice niya 'yun, kaya dapat panindigan niya." "Naiintindihan ko, Lester, pero sana maisip mo na ginagampanan niya lang ang responsibilidad niya sa inyo." "Ayoko nun, Ma..." medyo tumaas iyong boses ko kay kinuyom ko ang kamao para pigilan pa ang sarili. Nagbuntong-hininga si Mama at nag-iwas ng tingin. "Ilalabas ko lang 'yung mga basura," paalam ko para na rin takasan ang usapan. Kinuha ko ang mga trash bag at naglakad papunta sa labas. Kaso nahinto ako nang makita si Joy na nakayuko habang nakatayo sa dilim. Sure ako na siya iyon base sa suot na dilaw na bestida at boots. Siya lang naman ang kilala kong ganyan. Unti-unting nawala iyong mabigat kong nararamdaman lalo na nang mapansin niya ako. Masaya ako na makita iyong walang emosyon niyang mga mata, pati na rin iyong maputla niyang mukha. "Kanina ka pa ba?" mahinahon kong tanong. "Teka, itatapon ko na muna 'to." Itinali ko 'to isa-isa at inilagay sa may lagayan at kaagad na bumalik para harapin siya. Doon ko napasin na may hawak siyang maliit na paper bag. Ang dami kong tanong, pero alam ko na kailangan kong itikom ang bibig. Natatakot ako na baka hindi ko na siya makita ulit 'pag pinilit ko. Kaya bahala na kung malunod ako sa rami ng tanong... "May pagkain pa sa loob. Gusto mo bang kumain-" "Ayoko." Shemay. Pati iyong boses niya namiss ko na ring pakinggan. "Bakit naman? Maraming lamok dito, 'tsaka malamig ang hangin." "Sa tingin mo ba nilalamok ako?" Napangiti ako sa pagsusungit niya. Imbis na pilitin siya, umupo ako sa may pasemano at nag-angat ng tingin sa langit na puno ng mga bituin. Tinago ko ang ngiti nang umupo rin siya nang ilang dangkal mula sa 'kin. Halos maupuan niya rin iyong mahaba niyang buhok, pero wala yata siyang pakialam. Hindi ako nagsalita. Pinapakiramdaman ko si Joy. Na-e-excite ako lalo na at nasa tabi ko lang siya at nararamdaman pati ang paghinga niya. "Ano bang handa niyo?" mahina niyang tanong. "May adobong manok at baboy, kaldereta, lechon-" "Lechong baboy?" "Manok." "Ano ba 'yan ang cheap naman," sabay irap niya. "Hindi kaya...pwede kitang balutan ng pagkain-" "Huwag na." Hinawi niya ang buhok na pumapagitna sa mukha. "Naghahanap ako ng lechong baboy o liempo." Nag-iwas ako ng tingin. "M-May nagbebenta sa kabilang kalye kaso baka sarado na sila." Ngumisi siya. "Bibilhan mo talaga ako?" Wala sa sarili kong tango. "Tama nga iyong ex mo...para kang aso." Hindi ako nasaktan o natinag man lang. Napangiti pa nga ako. Inihagis niya iyong maliit na paper bag sa may semento na para bang nagta-taxi lang ng barya. "Regalo ko." Pinulot ko iyon. "Talaga? Hindi mo naman kailangang gumastos pa." Pagkabukas ko ay may bracelet na gawa sa maliliit na mga bilog na kulay itim. Nang kinuha ito ay naramdaman ko na mula pala 'to sa kahoy. Nang isinuot sa kanang kamay ay ipinakita ko 'to sa kanya. "Maraming salamat," sabi ko. "Gumastos ka pa tuloy." "Sinong nagsabi na gumastos ako? Ninakaw ko lang 'yan sa isang pasyente 'no." Nawala ang ngiti ko lalo na at parang seryoso siya. Tumaas ang balahibo ko. "Joke." Kaagad akong huminga nang maluwag. Kasabay nun ang pagtawa niya. "Hindi nakakatawa," sabi ko. Pero patuloy pa rin siya sa pagtawa. Napansin ko na medyo may buhay na iyon kaysa noon. Tinatakpan niya rin ang mukha gamit ang kamay. "Iyong mukha mo..." sabi niya sa gitna ng mga tawa. "Grabe..." Nag-iwas ako ng tingin at tinago ang ngiti. "Binili ko 'yan. Hindi second hand," sabay hawi niya sa bangs sa bawat gilid kaya nakikita ko iyong noo niya. "Huwag mong hawiin," sabi ko. "Bagay naman sa 'yo." Sumimangot siya. "Galit pa rin ako sa nanay mo dahil dito." "Bakit ka naman magagalit kung ikaw mismo ang nagsabi na putulan ka ng bangs?" "Ang pangit kasi." Natawa na lang ako. Pero kalaunan ay inayos niya naman iyong bangs pabalik sa pwesto nito. Inayos ko ang suot na salamin para mas makita siya nang malinaw. Natahimik kaming dalawa at sabay na dumungaw sa mga bituin. Naging mapayapa ang pakiramdam ko lalo na at pinakiramdam ang suot na bracelet. "Alam ko na may gusto kang sabihin, Lester," aniya. "Pero na-a-appreciate ko na hindi ka nagsasalita." Tumingin ako sa kanya na nakatingin pa rin sa kalangitan. Napansin ko iyong nunal niya sa gitna ng tulay ng ilong. "Hindi ko alam kung ano ang mga nalalaman mo ngayon, pero sana huwag kang maniwala." Kaagad akong nag-iwas ng tingin nang nilingon niya ako. Nanatili akong tahimik. Nagbuntong-hininga siya. "Alam ko na magulo, pero ganoon talaga, eh. Magulo akong tao." Ngumiti ako sa kanya. "Hindi pala ako natakot nung nakaraan. Naguguluhan lang, pero naiintindihan ko na, Joy. Naiintindihan ko na." Hindi ako sigurado pero parang ngumiti yata siya. Ilang gabi rin akong nag-isip at nag-aral tungkol sa PTSD. Kung ano man ang pinagdaanan niya, may kutob ako na hindi lang iyon dahil sa tinidor o ano mang bagay. May mabigat na dahilan, at handa akong makinig. Tumayo na siya at pinagpagan ang puwetan. "Mauna na siguro ako. Gabi na at alam kong nababaliw na si Edwin kakahanap sa 'kin." "Tumakas ka na naman ba?" sabi ko at tumayo na rin. "Of course." "May masasakyan ka pa ba?" "May traysikel pa." "Gusto mo bang ihatid kita-" "Nakita mo naman na may mga paa ako, 'di ba? Relax ka lang," masungit niyang sabi. Natawa ako. "Sige...ingat." Tumango siya. "Bye. Happy birthday." "Salamat." Pinanood ko siyang maglakad palayo hanggang sa hindi ko na talaga siya makita. Napatingin ako sa suot na bracelet at nahinto nang may mapansin ako. Teka...nagpaalam ba siyang umalis? "Wow," bulong ko sa sarili. "Nagpaalam nga siya." Napangiti ako at pumasok na sa loob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD