DAVID ANTHONY POV Mabilis na lumipas ang mga araw, linggo at naging mga buwan. Hinihintay lang namin na sumapit sa ika-pitong buwan ang ipinagbubuntis ng girlfriend ko para magawa ang operasyon dito. At habang lumalaki ang tiyan nito ay pahirap nang pahirap ang sitwasyon nito. May pagkakataon na parang ayaw ko na lang ituloy, sobrang naaawa ako sa girlfriend ko. Sa sobrang pagmamahal nito sa amin ng anak ko, ay kaya nitong tiisin ang lahat ng hirap. Sa tuwing mapapag-isa ako ay hindi ko maiwasang hindi palihim na umiyak. Nahihirapan ako, nasasaktan ako. Naaawa ako sa mag-ina ko. Minsan nga gusto ko na lang na hindi ito puntahan sa hospital. Hindi kasi kinakaya ng puso ko ang nakikita kong kalagayan nito. Ilang buwan na itong nakahiga lang, kaunting kilos lang nito nahihirapan na ito.

