“BAKIT?” galit na tanong ni Lavender kay Pablo pagpasok na pagpasok pa lang niya sa receiving room ng kanilang bahay. Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang sweet sixteen birthday party niya na nauwi sa pagiging bitter sixteen niya.
Nang sabihin ng kawaksi na hinahanap siya ni Pablo ay hindi siya natuwa. Sa halip ay nainis siya nang labis. Ang kapal ng mukha nito at may gana pa itong magpakita sa kanya pagkatapos ng ginawa nito sa kanya noong birthday niya? Kung nang mga panahong baliw na baliw siya rito siya binisita nito ay baka nagtatalon na siya sa tuwa at baka namilipit pa siya sa sobrang kilig. Baka nagkukumahog siyang bumaba mula sa silid sa halip na nagdadabog at mabigat ang katawan.
Ito ang first love niya ngunit hindi nito matutugunan ang pag-ibig niya. May iba itong girlfriend. Naghanap pa ito ng iba samantalang alam nito na puwedeng siya na lang ang maging girlfriend nito. Ito ang first kiss niya pero hindi iyon memorable kagaya ng pinangarap niya. Hindi iyon romantiko. Hindi espesyal. Tila pinagbigyan lang nito ang kapritso ng isang bata.
Galit siya rito. Hindi nagmaliw iyon kahit dalawang araw na siyang umiiyak bago makatulog. Hindi kasi niya ito maalis sa puso niya. Naroon pa rin ito kahit ano ang gawin niya kaya mas nagagalit siya rito.
Napangiti ito habang pinagmamasdan ang mukha niya. Bahagya siyang na-conscious sa uri ng tingin nito. Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay nabasa niya ang paghanga sa mga mata nito. Matagal niyang inasam iyon.
“Ang cute mo pa rin pala kahit nakabusangot `yang mukha mo,” anito sa naaaliw na tinig.
Hindi iyon ang nais niyang marinig kaya lalong nalukot ang mukha niya. “Bakit ka ba narito, ha? Baka hinahanap ka na ng girlfriend mo.” Ayaw niyang magmukhang nene na nagseselos ngunit iyon pa rin ang naging dating niya kahit sa kanyang pandinig.
Tumawa ito. “May trabaho si Linda. Mamaya pa kami magkikita.”
Inirapan niya ito. “Para gumawa na naman ng kahalayan against the wall?”
Ngumisi ito. “Bata ka pa para malaman ang mga kahalayan na `yan. Burahin mo na lang sa isip mo ang mga nakita mo. Huwag kang maging curious.”
“Ganoon ba ang mga tipo mong babae?” tanong niya.
Napangiwi siya. Ano nga ba ang sinabi nito sa kanya nang gabing iyon? His girlfriend was mature and game. Sa palagay niya ay mature na siya ngunit iba ang pananaw ni Pablo. Sa tingin nito ay bata siya na hindi makakasabay rito. Hindi yata niya kayang maging game kagaya ng babaeng iyon.
Maraming pagkakataon na nagde-daydream siya na kahalikan si Pablo, ngunit palaging sweet iyon at hindi hot at passionate. Ang halik na nasa pantasya niya ay iyong tipo ng matamis na halik na palaging last scene sa mga corny na romantic film. Iyong may background na sunset o fireworks at sweet music. Hindi pa yata niya kayang magpahalik nang torrid against the wall habang nakabuyangyang ang dibdib niyang hindi niya maipagmamalaki. Hindi niya ma-imagine ang sarili niya sa ganoong sitwasyon. Subukan pa lang niyang isipin ay napapangiwi na siya.
Tumango si Pablo. “Ganoon nga. I like strong women. Iyong may sariling pag-iisip at identity. Iyong hindi nagpapasakop sa lalaki.”
“Hindi ako ganoon?”
“Bata ka pa, Lav.”
Iningusan niya ito. “Makipag-break ka na sa girlfriend mo,” ungot niya. Naiinis siya sa sarili ngunit hindi niya mapigilan ang bibig niya. Nararamdaman din niyang unti-unti nang nalulusaw ang galit sa kanyang puso. Baliw na baliw talaga siya sa hinayupak na ito.
“Next month na lang. Nag-e-enjoy pa ako, eh.”
Nabuhayan siya ng loob. “`Ibig mong sabihin, plano mo talagang makipag-break sa kanya?” Kung gayon, hindi pala ito seryoso sa girlfriend nito.
May pag-asa pa siya!
“Wala ka pa ring pag-asa sa `kin, Lavender,” anito na tila nabasa ang nasa isip niya. “Kapag wala na kami ni Linda, maghahanap din ako ng katulad niya. Hindi pa rin ikaw ang pipiliin ko para maging girlfriend. Idemanda pa ako ni Blythe for cradle snatching at corruption of minor.”
Napalis ang pag-asa sa puso niya. “Naghanap ka pa ng iba kung katulad lang pala ni Linda ang ipapalit mo sa kanya. `Wag mo na lang siyang hiwalayan. Pakasalan mo na lang siya,” puno ng sarkasmong sabi niya.
Natatawang hinila nito ang kamay niya upang mapaupo siya sa tabi nito. “Huwag na nga nating pag-usapan ang girlfriend ko. I’m here to give you your birthday present. Nagpalipas talaga ako ng ilang araw para kahit paano ay lipas na ang galit mo sa `kin.”
Iniabot nito sa kanya ang isang malaking kuwadradong bagay na nakabalot sa makulay na gift wrapper. Kahit hindi pa niya iyon nabubuksan, alam niyang painting iyon. Inabutan din siya nito ng isa pang regalo na kasinlaki ng kahon ng sapatos. Hindi iyon nakabalot sa gift wrapper ngunit maganda ang ginamit na kahon.
“Galit pa rin ako sa `yo,” aniya habang tinatanggap ang mga regalo nito sa kanya.
“Good. Mas mapapadali ang paglimot mo. Bata ka pa kaya madali kang makakapag-move on. Marami naman diyang iba.”
Umasim ang mukha niya. “Salamat sa advice. Salamat din sa mga regalo.”
Ginulo nito ang buhok niya. “Hindi na ako magtatagal. I’ll go ahead.”
Tumango na lang siya. Pag-alis nito ay nagpatulong siya sa isang kawaksi upang maiakyat ang malaking painting sa kuwarto niya. Siya na ang nagbitbit ng mas maliit na kahon.
Nasasabik na inalisan niya ng wrapper ang painting. Nanlaki ang mga mata niya nang bumungad sa kanya ang kanyang mukha. Buhay na buhay ang pagkakaguhit sa kanya ni Pablo. Masigla ang ngiti niya at kumikinang ang kanyang mga mata. Nakalugay ang kanyang mahabang buhok.
Sa paligid ng kanyang mukha ay iba’t ibang mga bagay na galing sa iba’t ibang fairy tales. Tila nagsilbing frame ang mga iyon sa kanyang mukha. Nasa ilalim ng baba niya ang dwarfs ni Snow White. Nasa kanan ang tower ni Rapunzel, tatlong good fairies na nagbigay ng regalo kay Sleeping Beauty, at rose sa Beauty and The Beast. Nasa kaliwa ng mukha niya ang glass shoes ni Cinderella, magical wand ni Fairy Godmother, at isang malaking orasan na naka-set sa twelve o’clock. Napakarami ring bulaklak at butterflies.
Napakakulay ng painting.
Nagdesisyon siyang ilagay iyon sa tapat ng headboard ng kama niya.
Sunod na binuksan niya ang maliit na kahon. Nawala ang lahat ng kaligayahang nararamdaman niya nang makita kung ano ang mga nasa loob niyon. Inisa-isa niya ang laman. Nanghihinang napasadlak siya sa kanyang kama. Ang mga nasa kahon ay ang mga sulat na ipinadala niya kay Pablo, iyong mga ipinahulog niya sa mailbox ng mga Munis.
Mula’t sapol ay alam ni Pablo na siya ang nagpapadala ng mga iyon. Hindi iyon ang dahilan kung bakit siya naiiyak. Ang mas iniiyakan niya at mas ikinasasama ng loob niya ay walang kahit anong sulat na bukas. Lahat ay selyado pa rin at hindi pa nababasa.
Naalala niya ang mga araw na inilaan niya upang maisulat nang maganda ang lahat ng nilalaman ng bawat liham. Ilang scented stationery ang nasasayang niya bago siya makabuo ng isang liham na sa tingin niya ay magugustuhan ni Pablo. She had poured her heart out in every letter she had written. Nais kasi niyang malaman o maramdaman nito kung ano ang nasa puso niya, kung gaano niya ito kamahal.
She could feel her heart slowly breaking into pieces. How could he be so heartless?
You finally did it, Pablo Vicente. I’m going to stop loving you. I’m going to move on. I hate you!