Nangyari pa rin. Tulala lang ako habang nakatitig sa kabaong ni Nanay Meding. Nakaupo ako sa tapat ng kabaong habang si Moymoy ay nasa tabi na at panay ang paghagulhol. Katabi niya si Jamaica na pilit siyang inaalo. “‘Nay! Sorry, ‘Nay!” hagulhol ni Moymoy. “Sorry po!” Nag-iwas ako ng tingin. Itinukod ko ang mga siko ko sa hita at sinapo ang mukha. Tumulo na ang luha ko. Masakit para sa akin na mawala si Nanay Meding. Hindi ko nga alam kung bakit ganito. Sa alaala ko ay naging mabuti si Nanay Meding sa akin. Nailigtas ko nga ang mga buhay namin sa kapahamakan pero wala akong nagawa para kay Nanay Meding. Bakit ba nangyayari sa amin? How could they do this to Nanay Meding? “B-Bakit, ‘Nay? Bakit mo ginawa ‘yon?” garalgal ang boses na tanong ni Moymoy. Muli akong nag-angat ng ulo.

