4.
--
"Niyaya niya kasi akong mag lunch," kinikilig na tugon ni Kreamy sa tanong namin kung bakit kakalabas pa lang ng professor ay nagmamadali na siyang mag ayos ng gamit niya.
"Nino?" tanong ni Bettina.
"Gusto akong makasama ni Samuel na mag lunch!" nakatingala sa kisame at nakangiting saad ni Kreamy.
Nailipat ko ang paningin kay Betty na ngayo'y nakanganga na habang nakatingin kay Kreamy.
Parang tanga 'tong si Betty!
"Oh, e ano naman kung niyaya ka niyang mag lunch?" tanong ko.
Mabilis na lumipat sa akin ang nakabusangot na mukha ni Kreamy. "Hindi mo ba gets? Ibig sabihin no'n, gusto niya ako."
"Pft." Natawa ako. Umaasa na naman po siya. "Ayan! Kaya ka nasasaktan kasi asadong-asado ka lagi sa mga lalake."
"Aba! E, ikaw nga 'tong umasa na gusto ka ni Luhan e."
Agaran ko siyang pinandilatan ng mata pero tinawanan niya lamang ako. Nakakainis! Bakit kailangan niya pang ungkatin 'yong nakakahiyang pangyayaring iyon?
"Teka, sino ba 'yang mga pangalang binabanggit niyo?"
Halos magkasabay lamang kami ni Kreamy na naglipat ng paningin kay Betty. Hayun na naman ang mga tingin ni Betty na hindi ko alam kung sinong nagmumukhang tanga, kami ba o siya, nakanganga na naman po kasi siya.
Bumagsak ang balikat ni Kreamy saka siya napabuga ng hangin.
"Wala ka ba talagang naaalala? Hindi mo naaalala 'yong mga nangyari no'ng Sabado?" tanong ni Kreamy.
"Siguro talagang isa ako do'n sa mga taong nagkaka-amnesia matapos malasing," ani Betty.
Bahagya akong natawa. Ang galing rumason. Matapos no'ng araw na 'yon ay hindi na namin pa muling nakita sina Luhan. Dalawang araw pa lang din naman ang dumaan. At ngayon nga, ay inaya raw si Kreamy ni Samuel na mag lunch. Siyempre hindi kami kasama do'n.
"Oh, isama ko raw kayo. Kasama raw niya sina Luhan at Kalik."
Naglalakad na kami sa field nang bigla ay huminto si Kreamy upang ibalita sa amin ang itinext sa kanya ni Samuel. Masyado talaga silang speed, akalain mong textmates na agad sila.
"Kayo nalang, hindi ko naman kilala 'yang mga sinasabi niyo," ani Betty.
Inakbayan naman siya ni Kreamy. "Dude, kilala mo 'yong mga 'yon. Nakalimutan mo lang."
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit walang maalala si Betty. Kapag kasi ako ang nalalasing, nagigising akong may hangover pero hindi naman ako nagkaka-amnesia. Naaalala ko pa naman lahat ng mga nagawa ko sa tuwing nalalasing.
"Sinong nakalimot?"
Napatalon ako sa gulat nang biglang bumulaga sa harapan namin si Kalik.
"Sinong nakalimot?" kunot ang noong tanong niya muli.
Namilog ang mga mata ko matapos makita ang biglaang paglingkis ng mga braso ni Kreamy sa braso ni Samuel.
"Uhh..." mahinang ungol ni Betty. Nakatingin ito kay Kalik na ngiting-ngiti naman sa kanya.
Nang maglipat ako ng paningin kay Luhan ay nahuli ko siyang nakatitig sa akin. Nagkangitian kaming dalawa. Bumilis ang t***k ng dibdib ko nang makita ang malalalim niyang dimple.
Dahan-dahan akong pumihit patalikod saka ako napahawak sa puso ko, naghahabol ng hangin.
Anong nangyayari sa akin?
"Iyang si Betty, nakalimutan kayo at 'yong mga nangyari no'ng sabado," saad ni Kreamy.
"Ano?" Muli akong napalingon sa kanila, nakita kong lumapit si Kalik kay Betty. Si Betty naman ay hindi malaman kung saan titingin.
"Nakalimutan mo 'yong kiss natin?" ani Kalik na nagpagulat sa aming lahat. Pansin ko pa ang pag-ayos ng tayo ni Kreamy at pagtanggal sa mga kamay niyang nakaangkla kay Samuel.
"Nag kiss kayo?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Kreamy.
"Eh?" nakalukot ang mukhang napabulalas si Betty. "Aksidente 'yon, Kalik!"
"Pft," natawa ako. Maging si Kreamy ay pilit na tinatago ang ngisi sa likod ng mga palad niyang nakatakip ngayon sa kanyang bibig.
"Nakalimot, o pilit na kinalimutan?" panay ang ngising saad ni Kreamy.
"Tama na nga 'yan, ginugutom niyo ako. Tara na!" singit ni Samuel.
"Saan tayo?" Ngayo'y nakaakbay naman si Samuel kay Kreamy.
"Saan mo ba gusto?" tugon niya kay Kreamy saka niya piningot ang ilong nito.
Naitagilid ko ang ulo ko. Something's going on with them.
Sila na ba? Kung sila naman na, hindi ba parang masyadong mabilis?
"Hey!" untag sa akin ni Luhan nang sumabay siya sa aking maglakad mula sa likuran no'ng apat.
Nilingon ko siya't medyo slight na ngumiti sa kanya. "Hey," saka ko ibinalik ang paningin sa daan.
Hayun na naman 'yong bilis ng t***k ng puso ko. Iyong parang kagagaling ko lang sa marathon, gayong dahan-dahan lang naman ang paglalakad namin.
"Mm...natanggap mo ba 'yong..."
Mabilis akong napalingon sa kanya. "Iyong alin?"
Pinipigilan ko ang sariling mangiti. Excited ako sa maaaring karugtong ng sinabi niya. Gusto kong malaman kung siya ba 'yong nagpadala ng bulaklak sa akin kahapon.
Nahinto siya sa paglalakad at bahagyang sumingkit ang mga mata habang nakatitig sa akin. Kaya napahinto rin ako.
"Why are you smiling?"
Mabilis na lumipat ang mga kamay ko sa bibig ko. "Naka smile ba ako? Hindi naman yata."
Natawa siya. Lumitaw ulit ang mga dimples niya. Bumilis ulit ang t***k ng puso ko. Ano na ba 'to? Gusto ko na ba siya?
"So anyway, natanggap mo ba 'yong text ko?"
Napaatras ako, napalunok bago ngumiti sa kanya. Mali ang iniisip ko. Hindi siya ang nagpadala ng bulaklak, sino kaya?
"Aling text? Kailan ka nag text?"
"Last Saturday, no'ng makauwi ako matapos kitang maihatid."
Naikunot ko ang noo ko. Now, confusion was written all over my face.
"Ano bang laman ng text? Hindi ko pa kasi nababasa."
Totoong hindi ko pa nababasa. Kasi hanggang ngayon, deadbatt ang cellphone ko. Masyado akong na-busy sa paggawa ng mga school works na kailangan kong habulin upang maipasa. Buong holiday kasi kaming gala nang gala nina Kreamy at Betty kaya hindi ko natapos ang mga dapat kong tapusin.
Kapansin-pansin ang bahagyang panlulumo ni Luhan. Kita ko 'yon sa kung paano nagbago ang mood niya.
Kaya nang makauwi ako sa bahay ay ang pag cha-charge ng cellphone ang pinakauna kong ginawa.
"Cresha, dinner na."
"Ano ba!" bulyaw ko sa kapatid kong si Elisha. Sipain ba naman ako sa binti, tapos naka sapatos pa siya. Bastos talaga!
"Call me ate. Wala ka talagang respeto no?"
Umangat ang gilid ng labi niya. "Hindi naman malayo agwat ng edad natin, hindi mo naman ikamamatay ang hindi ko pagtawag sa 'yo ng ate. Ang arte-arte mo!" aniya saka lumabas ng kwarto ko at padabog na isinarado ang pinto.
Sa aming dalawa, siya talaga ang may masamang ugali. Ewan ko ba d'yan sa kapatid kong 'yan at mainitin ang ulo. Halos sa lahat na lamang yata ng oras ay galit siya. Pero kahit ganyan siya, ay mapagmahal naman siyang anak at kapatid, hindi nga lang siya showy.
Mula sa pagkakahiga sa sahig at pagsandal sa kama ay tumayo na ako upang saluhan ang pamilya ko sa hapunan. Sana lang talaga masarap ang ulam ngayon.
Malaki ang naging ngisi ko matapos makita ang magandang pagkakahiwa sa pulang itlog na may kamatis at suka. Napalunok ako, natatakam na. Pareho kasi kami ni Elisha na mahilig sa itlog na maalat kaya isa siya sa laging nasa mesa namin dito sa bahay.
"Kumusta ang pag-aaral?" habang kumakain ay biglang tanong ni papa. Kailangan ba talagang sa tuwing kumakain ng hapunan ay tatanungin kaming mga anak ng mga magulang kung kumusta ang aming pag-aaral? Hindi ba pwedeng pagkatapos na lamang ng hapunan?
"Maayos naman po, naipasa ko na lahat ng kailangan kong ipasa," tugon ko kay papa.
"Mabuti, palagi ka kasing gala nang gala. Kung saan-saan ka nagpupupunta, kababae mong tao, lakwatsera ka!"
Iyan na nga ba ang sinasabi ko. Kaya ayaw kong tinatanong tungkol sa pag-aaral ko habang kumakain. Imbis kasi na nasasarapan ako sa itlog, mas lalo lamang siyang umaalat sa panlasa ko. May kasama na kasing sermon ni papa.
"At ikaw naman, Elisha! Nabasa ko ang diary mo. Sino na naman 'yang lalakeng hinahabol-habol mo?"
Nabitawan agad ni Elisha ang tinidor at kutsara sa plato niya. Naipikit ko pa ang isa kong mata dulot ng pagkarindi sa nag-iingay na kubyertos.
"Papa, ilang ulit ko na bang sinasabi sa iyo na huwag na huwag mong pakikialaman ang diary ko. Papa naman e, nakakainis ka na!" pagmamaktol ni Elisha, pero tinawanan lamang siya ni papa.
"Anak, gusto ko lang namang masigurong tamang lalake ang hinahabol mo. Ayokong masaktan ka," seryosong saad ni papa. Napanguso ako. Kahit istrikto 'yang si papa minsan, madalas naman siyang sweet at maalalahanin sa amin.
"Papa, alam ko po ang ginagawa ko. Huwag mo nang basahin ang diary ko, ha?" ani Elisha, nagpapa-cute pa kay papa.
Pareho kaming natawa ni mama sa iniasta ng nakababatang kapatid ko. Ilang sandali lang ay tapos na kami sa masayang hapunan. Halos magkasabay lamang kaming umakyat ni Elisha sa mga kwarto namin, habang si papa at mama naman ay naiwan sa kusina upang hugasan ang mga kubyertos na ginamit namin.
Hindi kami hinahayaan ni mama na gumawa ng mga gawaing bahay. Ang lagi niyang sinasabi sa amin, ay gagawin din naman daw namin ang mga 'yon kapag mag-aasawa na kami, at buong buhay na naming gagawin 'yon. Kaya gusto niyang i-enjoy namin ang kabataan namin.
Nang makapasok sa kwarto ay agad akong dumiretso sa cellphone ko. Binuksan ko ito at agad na hinanap ang sinasabi ni Luhan na text niya raw.
Uminit bigla ang pisngi ko't nararamdaman ko na naman ang mabilis na pagtibok ng puso ko matapos kong mabasa ang mensahe ni Luhan.
I lied. Yes it's a dare, pero ginusto ko talaga 'yon, hindi ko alam kung maniniwala ka pero na love at first sight yata ako sa 'yo at masyado kang maganda sa paningin ko.
Alam kong masyadong mabilis pero, pwede ba kitang ligawan?
—
Spectacular Journey
@Emoticonslover