ELARA LACANILAO
"Elara, alagaan mo ang mga kapatid mo, pupunta muna kami ng tatay mo sa laot para mangisda ng may maibenta tayo bukas pambili ng bigas." bilin sa akin ni Nanay.
Tuwing hapon ay sinasamahan ni nanay na mangilaw ang tatay ko para may maibenta kami kinabukasan. Ang napagbentahan ay siya naman naming ibibili ng bigas para may makain kami.
"Opo nanay, ako na po ang bahala sa mga kapatid ko." magalang kong sagot sa aking ina.
Ako si Elara Lacanilao, 22 years old, high school graduate at galing sa isang mahirap na pamilya dito sa Quezon. Namamasukan ako bilang isang tindera sa palengke para makatulong sa aking mga magulang sa aming gastusin. Ang tanging pangarap ko ay matulungang iahon ang aking pamilya sa kahirapan. Pero hindi ko alam kung papaano.
"Lara... Lara...!" isang malakas na boses ang narinig ko mula sa labas ng bahay namin.
Nagmamadali ako dumungaw sa may bintana namin para tignan kung sino ba yung babaeng tumatawag sa akin.
"Ano ba, Millet? Kung makatawag ka naman akala mo may sunog na." inis kong ani sa kaibigan ko.
"Gusto mo bang sumama sa bayan, meron daw mga artista doon ngayon. Halika na, samahan mo na kami." aya sa akin ni Millet.
"Naku , hindi ako pwede ngayon. Nangilaw sila nanay at tatay, sa akin ibinilin ang mga kapatid ko. Alam mo naman maliliit pa sila kaya hindi ko pwedeng iwan ang mga ito." pagtangi ko kay Millet.
"Ano ba yan? Sayang naman, gusto pa naman kitang makasama ngayon. Ang dami daw artista sa Miss Gay, hindi ka pa rin ba sasama. Makikita muna ang crush mo si Juswa." biro pa sa akin ni Millet.
"Talaga ba, pwera biro, nandoon ba talaga si Juswa." kinikilig kong tanong sa kanya.
"Oo nga, ano sasama ka ba?" tanong ni Millet.
"Wala ngang kasama ang mga kapatid ko, sa susunod na lang ako. Hindi ko kasi sila pwedeng iwan, alam mo naman makukulit ang mga ito baka kung ano pa ang mangyari sa kanila habang wala ako." Pagkakaton ko na sana para makita ang ultimate crush kong si Juswa, kaso wrong timing naman dahil wala sila nanay. Bukas na lang ako magpapaalam sa kanila na manonood ako sa bayan, fiesta bukas dito sa amin at tiyak na maraming artista ang iimbitahan para mag perform bukas.
"Oh siya, ayaw mo rin lang naman sumama mauna na ako, hinihintay na ako ni Ruel." Paalam sa akin ni Millet.
Ako naman ay pumasok na sa loob ng bahay at nagsimula na akong magluto para sa hapunan ng mga kapatid ko. Maliliit pa ang mga kapatid ko ang layo ng agwat namin sa isa't isa. Ang sabi sa akin ni Nanay ay matagal daw kasi ako bago nasundan kaya ganun.
"Ate, hindi ka pa po ba tapos mag luto nagugutom na po kami." Tanong ng kapatid kong sumunod sa akin.
"Iniin-in ko na lang ang kanin, hintayin n'yo na lang at malapit na." sagot ko sa kapatid kong si Jelay.
"Ate, ano pong ulam natin?" tanong naman ni Jojo.
"Ginisang sardinas na may malunggay, ito lang kasi ang kaya ng pera ko. Pagpasensyahan na ninyo hindi pa sumusweldo si ate. Hayaan n'yo kapag sumahod na ako papakainin ko kayo sa paborito ninyong kainanan ng pancit." masaya kong sabi sa kanila.
"Totoo ba ate, kakainin tayo ng pancit sa bayan?" sabay pang sabi ng mga kapatid ko. Kita ko sa mukha nila ang saya, kahit sa simpleng bagay ay masaya na sila. Kung sabi iba ordinary na lang ang pancit para sa amin ay espesyal ito.
"Oo, basta ba magpapakabait kayo para wala tayong maging problema. Sagot kayo ni Ate, gagawin ko ang lahat para maging maganda-ganda ang buhay ninyong dalawa at di na kayo mahirapan kagaya ko." nakangiti kong sabi sa mga kapatid ko.
Nang makaluto na ako ay pinagsandok ko na silang dalawa, nagtira din ako ng ulam para kay Nanay at Tatay. Tiyak kong gutom din sila pagdating galing sa pangingilaw.
Mgkakaharap kami sa lamesang kawayan habang tanging gasera lang ang tanglaw namin sa madilim na gabi.
"Pagkatapos ninyong kumain ay maghilamos na kayo, mag sipilyo ng ngipin para makatulog na tayo." sabi ko sa kanila.
"Ate, pwede po ba kaming makinood ng T.V kila ate Millet?" tanong ni Jelay.
"Wala ang ate Millet ninyo sa kanila, nasa bayan siya kaya matulog na kayo. Maaga pa tayo gigising bukas at mangunguha tayo ng sisi pandagdag sa ibebenta ni nanay bukas." utos ko sa mga kapatid ko.
Mahirap ang buhay namin dito sa probinsya, minsan gusto ko ng lumuwas ng Manila para doon mag hanap ng trabaho. Kung nakapagtapos lang sana ako ng pag aaral marahil mas malaki ang chance na gumanda ang buhay namin. Naiingit nga ako kay Millet, bestfriend ko siya pero may maayos siyangb trabaho sa Maynila bilang isang Cashier sa mall. Samantalang ako isa lang tindera sa palengke. Gusto ko man mag apply sa pinag tatrabahuan niya pero ang kailangan daw ay college level. Doon pa lang bagsak na agad ako.
Pagkatapos kong pakainin ang mga kapatid ko ay pinag hugas ko na ng plato si Jelay, si Jojo naman ang nag punas ng lamesa namin. Pumasok ako sa isang maliit naming kwarto at doon ay naglatag na ako ng karto at sinapinan ko ng banig. Sa lapag lang kami nahihiga dahil wala kaming pera para ipambili ng malambot na kutson.
Mag aalas syete na ng pinatulog ko ang mga kapatid ko. Iniwan ko lang na nakasindi ang gasera sa may lamesa para pag dating nila Nanay at Tatay ay hindi na sila mangapa sa dilim. Bago ako humiga ay nagpainit na rin ako ng tubig para pagdating nila ay makakapag kape na sila.
"Matulog na kayong dalawa, maaga pa tayo bukas na pupunta sa may bakawanan para kumuha ng lamang dagat." kinuha ko ang pamaypay kong karton at pinaypayan ko sila. Medyo maalinsangan kasi ang panahon. Hindi ko namalayan na nakatulog na rin pala ako, nagising lang ako dahil may narinig akong kumakaluskos sa labas ng silid namin kaya tumayo ako para silipin ito.
"Nay, nanjan na po pala kayo, kamusta po ang pangingilaw ninyo? Marami po ba kayong huli?" tanong ko kay nanay.
"Mukang swerte kami ngayon anak at may mga huli kami. Idinaan na rin namin kay aling Martha at baka mamatay pa dito sa bahay ang mga isdang huli namin. Malaki laki ang napagbentahan namin ngayon ng tatay mo, hindi na ninyo kailangan gumising ng maaga bukas para manihi."
"Talag po, Nanay. Naku mabuti naman po at naka jackpot po kayo. Mukang makakapag ulam po tayo ng masarap bukas." masayang sabi ko.
Naglakad ako papunta sa amay maliit naming kusina at ipinagtimpla ko ng kape ang mga magulang ko. Ipinaghain ko rin sila ng pagkain dahil alam kong gutom din sila.
"Maraming salamat anak, matulog ka na para makapagpahinga ka na rin. Pagtapos namin kumain ng tatay mo ay matutulog na rin kami." sabi sa akin ni Nanay.
Agad naman akong nagpaalam sa kanila at muling tumabi sa mga kapatid ko para muling matulog.
Kinaumagahan ay nagising ako dahil sa masarap na amoy ng sinangag, bumangon ako sa higaan ko at dumiretso ako sa banyo para mag hilamos.
"Magandang umaga po, Nanay. Ano po ang almusal natin?"
"Sinangag, tuyo at itlog anak, gisingin muna ang mga kapatid mo para sabay-sabay na tayong mag almusal." Utos sa akin ni nanay.
Bumalik ako sa silid namin para gisingin ang mga kapatid ko. Paglabas ko ay tinulungan ko na ring mag hain si nanay.
"Jelay, tawagin muna ang tatay mo sa labas ng makakain na tayo." Utos ni Nanay.
Agad namang sumunod ang kapatid ko at pagbalik niya ay kasama na si Tatay.
"Magsiupo na tayo ng makakain na,"
Nakagawian na namin na bago magsimulang kumain ay nagdarasal muna kami para magpasalamat sa diyos sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob niya sa amin. Saka pa lang kami nagsimulang kumain, masaya kaming nag kukwentuhan habang kumakain. Simple man at payak ang pamumuhay namin pero masasabi ko naman na masaya ang aming pamilya.
Naunang natapos si nanay sa pagkain kaya tumayo na siya at lumabas para mag walis. Sumunod rin naman ako kay nanay dahil gusto kong magpaalam sa kanya para makasama ako kila Millet mamayang gabi sa bayan.
"Mareng Sabel, kamusta, kailan ka pa dumating?" narinig kong tanong ni nanay kay Manang Sabel.
"Kaninang madaling araw lang Mading, tatlong araw laang naman ako dito." sagot naman ni Manang Sabel.
Lumapit naman ako kay nanay at kinuha ang walis na hawak niya, ako na ang magpapatuloy ng ginagawa niya ng makapag usap naman sil ni Manang Sabel.
"Magandang umaga po, Manang Sabel." Bati ko sa kanya sabay ngiti.
"Abay dalaga na pala itong si Lara, mayroon ka bang trabaho ngayon?" tanong sa akin ni Manang Sabel.
"Meron po, tindera po ako sa palengke." nahihiya kong sagot.
"Gusto mo bang magtrabaho sa Maynila? Naghahanap kasi ang kapatid ng amo ko ng mag aalaga sa kanyang anak. Baka gusto mong maging yaya?" tanong sa akin ni Manang Sabel.
"Hindi po ba nakakatakot ang amo mo, Manang?" tanong ko.
"Naku, mababait ang mga amo ko, tatlo silang magkakapatid na puro mababait. Maging ang mga asawa at anak nila at mababait din kaya wala ka dapat ipag alala." Sabi sa akin ni Manang Sabel. "Kung papayag ka ay tatawagan ko ngayon si Ma'am Weng para makita ka niya at mainterview. Kung papasa ka sa kanila ay isasama na kita sa Maynila." sabi sa akin ni Manang Sabel.
"Pwede po bang pag isipan ko po muna, malayo po kasi ang Manila." sagot ko.
"Sige, pero sana masabi mo ang sagot sa akin bago ako umalis kasi kung hindi hahanap ako ng iba. Kailangan na kasi ng amo ko ng yaya para sa pamangkin niya dahil kamamatay lang ng ina nito." Muling sabi ni Manang Sabel.
Nakaramdam naman ako ng awa para sa bata, sa mura niyang edad ay wala na siyang inang kakalinga sa kanya.
"Oh siya, mauna na ako sa inyo at ipapasyal ko ang mga apo ko sa bayan gusto raw nilang kumain sa jollibee." paalam sa amin ni Manang Sabel.
Ipinagpatuloy ko na ang pag wawalis ko, si Nanay naman ay pumasok na sa loob. Matapos kong mag walis ay pumasok na rin ako sa loob ng bahay.
"Lara, halika nga dito anak at mag usap tayo." tawag sa akin ni Nanay. "Kung ako ang tatanungin mo anak, mas gusto ko na nandito ka sa atin. Hirap man tayo sa buhay pero nakakaraos naman, kapag sa Maynila ka magtatrabaho tiyak kong bihira ka nang makakauwi dito sa atin. Baka nga kahit pasko ay hindi ka na namin makasama." malungkot na sabi sa akin ni nanay.
"Pero Nay, pag sa Maynila po ako nagtrabaho, tiyak na mas malaki po ang kita ko. Mapapadalahan ko po kayo ng mas malaking pera at makakatulong na po ako sa gastos natin dito sa bahay." sagot ko.
"Tiyak na hindi papayag ang tatay mo kapag nalaman niya ang plano mo. Mabuting siya na lang ang kausapin mo." sabi sa akin ni nanay.
Nagtatalon ang isip at puso ko, gusto kong magtarabaho sa Maynila para sa pamilya ko, pero natatakot din naman ako dahil ito ang unang beses na malalayo ako sa kanila. Isa problema ko din si Tatay dahil sigurado ako na hindi siya papayag.
Mamaya pag uwi niya galing sa pantalan ay kakausapin ko na lang siya. Ipapaliwanag ko na lang mabuti na malaki ang maitutulong ko kapag sa Maynila ako nagtrabaho.
Dahil wala naman akong pasok sa palengke ay tinulungan ko na lang si Nanay sa pag lalaba. Abala kami ni Nanay sa pag lalaba ng makarinig kami ng isang lalaki na tinatawag ang pangalan ni Nanay.
"Aling Nora... aling Nora!" malakas na tawag kay nanay.
Mabilis kaming tumayo at naglakad papunta sa harap ng aming bahay.
"Ikaw pala Dexter, bakit naman humahangos ka sa pagtawag kay Nanay." sabi ko sa kanya. Meron bang nangyari?" muli kong tanong.
"Lara... ang Tatay mo sinugod sa ospital!" kanda utal na sabi ni Dexter sa amin.
"Ano? Bakit? Ano ba ang nangyari?" natataranta ko na ring tanong sa kanya.
"Aling Nora, pinapasundo po kayo sa akin, puntahan niyo na po si Mang Poldo sa ospital baka kailangan po kayo roon." sabi ni Dexter kay nanay.
"Lara, anak, ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid mo; pupuntahan ko lang ang tatay mo. Ipagdasal mo na hindi naman sana grabe ang nangyari sa kanya." nanginginig na sabi ni Nanay. "Uuwi rin ako agad kapag alam ko na ang nangyari sa tatay ninyo." muli pang sabi ni Nanay.
Naiiyak ako na natatakot, paano na lng kung malala ang kalagayan ni tatay? Paano na ang pag aaral ng mga kapatid ko?
"Lord, huwag po naman sana ninyong pahintulutan na may mangyaring masama kay tatay. Siya lang po ang tanging lakas ng aming pamilya, maliliit pa po ang mga kapatid ko. Kailangan pa po namin ang tatay ko." Dasal ko habang nakatingin ako sa kalangitan, umaasa na makakuha ako ng awa mula sa amang lumikha.