Chapter 4

1369 Words
LORRINE'S POV "SINO BA KAYO?" Bakas sa mukha ni Miandro ang takot nang makitang hawak-hawak ng apat na salamangkerang taga-Questhora ang kapatid niyang si Nhykira. "Ano'ng ginagawa ninyo sa kapatid ko? Alam ninyo bang puwede kayong mapunta sa Horristhora sa ginagawa ninyong 'yan?" Halata sa boses ni Miandro ang tapang, mukhang hindi aatras sa anumang laban. Siyempre, sino ba namang kapatid ang hahayaang malagay sa peligro ang kapatid niya. Ngunit, bakit nga ba kasama nila si Nhykira? Bakit nga ba hawak nila ang kaibigan kong tinuturing ko nang kapatid? Ang Horristhora ay kulungan at kaharian ng masasamang wizard. Doon itinatapon ang mga wizard na may ginawang kasamaan sa kanilang kapwa kasama ang mababangis na hayop. Lahat ng mga salamangkerong itinapon doon ay hindi na nakalabas nang buhay. Habangbuhay silang ikinukulong doon kasama ang nakamamatay na hayop. Sama-sama sila sa iisang selda. Ngunit ang alam ko, pinamumunuan din ito ng mga kasanggana ng Questhora. Kumbaga, isa rin ito sa mga malaking kaharian. "Hindi mo alam ang iyong isinasambit, taga-Verphasa!" asik ng babaeng kulay asul ang buhok na may suot ng pulang kapa. Matalim ang kaniyang pagkakatingin at pawang anomang oras ay maaari siyang pumatay. "Ang babaeng aming hawak ay pumatay ng kapwa niya salamangkero. At ang sinasabi niyang nag-utos sa kaniya na gawin iyon, walang iba kun'di ang salamangkerang nagnangangalang Lorrine Kirschtein." Nanlaki ang mata ko sa narinig. Ano'ng sinasabi nila? Ano'ng ginawa ni Nhykira. Bumalatay sa mukha ko ang labis na takot. Nanginginig ang aking kamay dala ng kaba dahil batid kong hindi totoo ang tinuran ni Nhykira. At batid kong hindi rin niya magagawa ang pumatay. Hindi ang paraang iyon ang maiisip niya upang maisakatuparan ang pangarap na makatungtong sa Questhora. Napasulyap ako kay Miandro na nakayuko lamang. Bakit ganito? Hindi ko maintindihan ang lahat. Nalaman na ba ni Miandro ang totoo? Ang kapangyarihang taglay ni Miandro ay makapagsabi kung nagsasabi ng totoo ang isang tao o hindi. Kaya niya ring basahin ang isip ng isang tao lalo na kung malapit sa puso niya ang taong iyon. At sa nakikita ko, alam niya ang totoo. "M-Marahil ay n-nagkakamali ka l-lamang," nauutal na sambit ko habang naglalakad paatras. "N-N-Nhykira... sabihin mo sa kanilang hindi totoo ang paratang mo sa akin." Nag-init ang mata ko. Hindi ako makapaniwala sa mga nangyayari. Para akong mauubusan ng lakas. Napaluhod ako dala ng panghihina saka sunod-sunod na umiling. Kasabay niyon ay ang pagragasa ng luha sa aking mga mata. Sobrang sakit. Hindi ako makapaniwalang magagawa nila sa akin ito. Tinatraydor ako ng magkapatid... na itinuring ko ring tunay kong pamilya. "N-Nhykira..." tawag ko sa kaniya na tila nanghihingi ng saklolo. Tumalas ang tingin niya. "Tunay ang aking sinasambit, Lorrine. Hindi ba't ikaw ang nag-utos sa akin na patayin ang mga kawal ng Questhora upang makapasok tayo sa loob nito?" Walang alanganin niyang saad habang nakatingin nang diretso sa aking mata. Paano niya nasasabi ang ganitong klase ng kasinungalingan? Paano niya nagagawang pagbintangan ako? Ako na naging malapit sa kaniya. "Kung gayo'y sumama ka sa amin Lorrine Kirschtein." "Hindi ako sasama sa inyo!" "Huwag ka mag-alala, masarap naman kaming kasama!" Ngingisi-ngising ani ng isang lalaki. "Nyx!" puna ng lalaking seryoso ang mukha doon sa lalaking ngumisi. Tumayo ako't pinantayan sila ng tingin. "Pasensya na. Kulang ang inyong ebidensya upang patunayan na ako nga ang nag-utos kay Nhykira," mahinahon kong sambit at sinalubong ang tingin ni Miandro na kanina pa nakasulyap sa akin. "Ngunit sasama ako sa inyo, hindi dahil tinatanggap ko ang parusang maaari ninyong ibigay. Kun'di upang ipawalangsala ang aking sarili." "Lorrine!" tawag sa akin ni Nhykira na para bang hindi makapaniwala sa aking sinabi. "Inutusan mo ako! Inutusan mo ako! Sumama ka na sa kanila dahil kasalanan mo ang lahat ng ito!" pagdidiin niya pa. "Hindi ko alam kung bakit ninyo ito ginagawa sa akin." Ngumiti ako sa kanila nang mapait. "Pakawalan ninyo si Nhykira. Sasama ako sa inyo." Pagkasabi kong iyon ay sinunod naman nila ang ako. Pinakawalan nila si Nhykira na agad niyakap ang kuya niyang Miandro. "Hai să mergem la Questhora!" Nabigla ako nang maintindihan ang sinabing iyon ng babaeng may asul na buhok. Bakit kami pupunta sa Questhora? Akala ko ba'y sa Horristhora pinapadala ang mga salamangkerong nagkasala? Napapikit ako nang hawakan ako ng lalaking ngumisi kanina at sabay-sabay kami naglaho sa gubat. Natagpuan ko na lang ang aking sarili na hawak-hawak nila habang papasok sa malaking pintuan na gawa sa marmol. Sobrang laki niyon na para bang sampong salamangkero ang magpapatong-patong para maabot ang tuktok ng pinto na iyon. Nabighani ako sa ganda ng paligid. Nagmistulan akong bagong silang na sanggol na ngayon pa lang nakakita ng tunay na ganda ng mundo. Naglalakad kami sa mala-salaming sahig na kulay asul. Habang mayroong pulang karperta na siyang aming nilalakaran patungo sa hindi ko alam kung saan. Bawat malingunan ko ay napupuno ng kristal ang paligid. Kahit ang mismong bulaklak sa ibabaw ng vase ay namumukadkad sa ganda. Naglalakihan ang mga kung tawagin nila ay Chandelier. Malinawag at maaliwalas ang paligid, nakakasilaw ang ganitong kaliwanag na lugar. Para akong nasa palasyo ng Hari at Reyna. Napakamoderno ng ganitong gusali. Nakamamangha makita. Ang kaninang sakit na nadarama ko ay napalitan ng katuwaan. Tunay ngang napaka-inosente naming taga-Verphasa. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Hindi na ako tumutol pa kahit inalis na nila ang pagkakawak sa aking magkabilang braso. Palinga-linga ako sa paligid at talagang nagugustuhan ko ang bawat sulok na aking makita. "Tigilan mo ang pagnganga habang pinapakita mo ang iyong pagiging ignorante," mapait na saad ng babaeng kulay asul ang buhok. 'Tch. Panira!' "Nagagandahan ka ba sa paligid, Lorrine?" tanong ng isa pang babae nang nakangiti sa akin. Kulay pula ang kaniyang buhok at para bang ang bata niyang tingnan. Kung susumahin, parang labing-anim na taong gulang lamang siya. Mukha siyang mabait kaya naman tinanguan ko siya. "Napakaganda." "Maligayang pagdating sa kaharian ng Questhora, Lorrine Kirschtein." Napatigil kami sa paglalakad nang marinig ang boses ng isang babae. Ang tingin ko ay nalipat sa babaeng nasa aming harapan ngayon. Nagkikislapan ang kaniyang ngipin sa pagngiti habang diretsong nakatingin sa akin. Mukhang istrikta ang mukha niya ngunit may bahid ng kabaitan ang kaniyang mga ngiti. Nakasuot siya ng isang kapa na kulay asul habang ang panloob naman niyang isang bestida na nagkikislapan din ang mga kristal at mga batong matitingkad ang kulay. May tatlo siyang kasama. Pawang mga tagapagsilbi dahil pareho ang kanilang kasuotan. Puti at may mahabang manggas ang kanilang pangtaas habang mas pinatingkad na asul naman ang paldang kanilang suot na lampas sa talampakan. 'I-Ito ang Q-Questhora?' "Lady Aurea." Sabay-sabay na yumuko ang apat na salamangkerong kasama ko kaya naman, ganoon din ang ginawa ko. Bakit ganito ang trato niya sa akin? Hindi ba dapat ay sa Horristhora ang punta ko kung talagang ako ang nag-utos kay Nhykira na patayin ang mga kawal ng Questhora? Nagtataka ako sa nangyayari. Gusto kong masagot na ang tanong sa aking isip. Ano'ng ginagawa ko rito? Bakit ako nandirito? "Masasagot ang iyong katanungan kapag nagpahinga ka na. Sa ngayon ay ihahatid ka ng aking mga kasama sa iyong kuwarto upang makabawi ka ng lakas. Batid kong naguguluhan ka sa nangyayari," nakangiti niya pa ring saad. "Baka gusto mong magsalita?" mataray na pasaring ng babaeng kulay asul ang buhok. "N-Naguguluhan ho ako." Nakayuko kong turan. "Batid kong hindi ka makakatulog kaya naman, sasagutin ko nang kaunti ang tanong sa iyong isip. Narito ka sa Questhora dahil ang iyong kaibigang si Nhykira ay nagkasala. Kapalit ng kalayaan niya, ikaw ang itinuro niya bilang nag-utos sa kaniya." "Ngunit hindi ho ako ang may gawa niyon. Hindi ko kailanman inutos sa kaniya ang bagay na iyon." Ngumiti siyang muli sa akin at nilapitan ako. Mas nagulat pa ako nang hawakan niya ang dalawang kamay ko na para bang nangungumbinsi. "Alam ko. Kaya't ang kaibigan mong si Nhykira ay maitatapon pa rin sa Horristhora." "Ngunit bakit ho ako narito kung alam ninyo pa lang hindi totoo ang sinasabi ng aking kaibigan?" "Ah, iyon ba?" Tumawa siya nang bahagya saka ako tinalikuran. Bumalik siya sa kaniyang puwesto kanina na medyo malayo sa akin. "Kailangan mong umanib sa grupo nila." At tinuro niya ang apat na salamangkerong nagdala sa akin dito. 'Grupo nila?' "Kapalit niyon, ipapawalangbisa ko ang pagkakasala kay Nhykira."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD