"INAY! INAY!" sigaw ni Nhykira saka niyakap ang magulang. "Nakakainis! Hindi ko pa rin matalo si Lorrine! May nagagawa siyang hindi ko magawa, at kahit ano'ng gawin ko ay hindi ko magagawa!" nagpapadyak siya habang nagsusumbong kina Inay na sinagot lang ng mga ito ng malakas na halakhak. "Nais kong makapunta ng Questhora, Inay!" muli ay umiyak ito na parang bata.
Niyakap ni Inay Serra ang anak saka nagsalita. "Ang mga salamangkerong tulad nating naninirahan lamang sa Verphasa, kailama'y hindi makatutungtong sa kaharian na iyon. Alam kong batid mo kung sino lang ang puwedeng makapasok doon,"
"Sinusumpa ko, Inay. Hindi natatapos ang bukas. Gagawa ako ng paraan para makapunta ng Questhora!" mariin nitong pahayag. Hindi ko maitago ang kaba nang makita ko kung gaano kadesidido ang mababanaag sa mga mata niya.
"At ano ang iyong balak?" tanong ng kapatid nitong si Miandro.
Hindi naman na umimik si Nhykira saka padabog na pumasok sa maliit na kubo. Lumapit ako kay Inay Serra at isinandal ang aking ulo sa kaniyang balikat.
"Ikaw ba? Pinapangarap mo rin ba ang makatungtong sa Questhora?" tanong niya nang hindi inaalis ang pagkakapatong ng aking ulo.
Pumikit ako at ninamnam ang sariwang hangin. Hinayaan kong liparin nito ang nakaladlad na itim at mahaba kong buhok. Kinapa ko ang aking sarili, mula sa puso, kung may pagkakataon bang ninais kong makapunta ng Questhora.
Ngunit parang...
"Wala," maikli kong sagot. "Ngunit hindi ko maiaalis sa akin ang kabahan, Inay. Mukhang hindi padadaig si Nhykira."
Inangat ko ang aking ulo saka nakipagtitigan kay Inay. Nagulat ako nang ngumiti siya sa akin, at hindi ang ngiti na iyon ang siyang kinagulat ko. Kun'di ang pag-iiba ng kulay ng kaniyang mata. Hindi ko maiwasang ngumanga.
"I-inay..."
"Makakatapak siya ng Questhora... ngunit kasama ka."
"Ano ho?"
**
HANGGANG NGAYON ay hindi maalis sa akin ang mag-alala at kabahan sa iniwang salita sa akin kanina ni Inay. Noong inalam ko kung paano niya nasabi iyon ay ngiti lang ang isinusukli niya sa akin. Para bang sa ngiting iyon, siguradong-sigurado siya na mangyayari iyon.
'Thanks for the headaches, Inay Serra. It really bothers me a lot.' sarkastiko kong saad sa isip.
Napabuntong hininga ako. Hindi naman sa ayaw kong makapasok ng Questhora. Hindi ko lang talaga hilig ang pangarapin ang isang bagay na alam kong hindi ko makukuha. At isa pa, dalawangpung taon akong nabuhay sa Verphasa, parang hindi ko yata kayang iwan ang bayan na ito.
"Sinasabi ko na nga ba't nandirito ka lang."
Hindi na ako nabigla nang sumulpot sa kabilang sanga ang kaibigan kong si Miandro. Kanina pa man ay nararamdaman ko na siyang palapit sa gawi ko. Hindi ko lang pinapansin dahil ramdam ko naman na hindi panganib.
Kasalukuyan akong nakaupo sa matibay na sanga sa isang matayog na puno. Nakatitig sa kawalan. Kitang-kita ko ang libo-libong bituin na nagpapatingkaran sa pagkislap. Kahit ano'ng ganda no'n, parang hindi napupunan ng saya ang puso ko. May kulang. At alam ko kung ano iyon.
"Bakit mo ako sinundan?" tanong ko sa kaniya nang hindi ko na matiis ang pagkakatitig niya sa akin. Saglit ko siyang sinulyapan saka ibinalik ang tingin sa itim na kalangitan.
"May bumabagabag ba sa iyo, Lorrine?" I can feel his sincerity... the will to know what's bothering me.
"Hindi ko na tatangkain pang pabulaanan ang nais kong sabihin. Alam ko namang nararamdaman mo ito..." Tumawa ako nang pagak saka muling nagsalita. "... hindi ko naman nakakalimutan kung ano'ng klase ng salamangka ang mayroon ka."
Narinig ko rin siyang tumawa, mayamaya pa'y naramdaman ko ang pagbigat ng sangang inuupuan ko. Tumabi sa akin si Miandro.
"Buti't alam mo. Ano'ng bumabagabag sa pinakamagandang salamangkera na kilala ko?" biro niya sa akin. Napangiti naman ako nang dahil doon.
Si Miandro... ang nakatatandang kapatid ni Nhykira na walang ginawa kun'di ang pasiyahin ako. Kung ano ang trato niya kay Nhykira ang ganoon din sa akin. Ni isang beses ay hindi niya pinaramdam na hindi niya ako tunay na kapatid. Araw-araw, pinararamdaman niya sa akin na hindi ako naiiba sa kanila.
Muli akong napabuntong hininga. "Minsan ba'y nakikita mo ang mata ni Inay?" Tumingin ako sa kaniya, nasaksihan ko naman ang pagkunot ng noo nito, tanda na nagtataka siya sa aking tinuran.
"Ano'ng mayroon?"
"Wala. May sinabi lang kasi siya sa akin,"
Sinadya kong hindi na sabihin pa ang nasaksihan ko sa mga mata ni Inay Serra dahil batid kong hindi niya alam ang tungkol doon. At batid ko ring hindi nais ni Inay Serra na ipagsabi ko ito.
"Maaari ko bang malaman kung ano iyon?"
"Napag-usapan namin ang pagiging desidido ni Nhykira na makatungtong sa Questhora. At sinabi niyang makakarating si Nhykira doon... kasama ako."
"Ano'ng mali roon?"
"Bakit kasama ako? Hindi ko maintindihan! Kung makikita mo ang mga mata at ngiti ni Inay, para bang siguradong-sigurado siya na mangyayari iyon. Nababahala ako, Miandro."
Hindi ko na naitago ang pagkabalisa habang kinukuwento ko kay Miandro ang aking nararamdaman. Pinaintindi ko sa kaniya ang mga bagay na hindi ko naiintindihan. Umaasa akong baka kapag kinuwento ko sa kaniya ay may sagot akong makukuha kung bakit iyon sinabi sa akin ni Inay Serra.
It sounds weird, I know. Pero hindi iyon mawala sa isipan ko. It seems like, there's something might happen and it's really bothering me.
Ilang sandali pa ay niyaya na ako ni Miandro na pumasok sa kubo. Pero hindi ako sumama sa kaniya, nanatili lang akong nakaupo sa sangang ito. Nagpapasalamat ako sa mundong kinagagalawan ko ngayon. Hindi ko kailangan makipaglaban sa sinag ng araw dahil sa mundong ito, hindi ito sumisikat.
**
"LORRINE! LORRINE! Gumising ka!"
Napabalikwas ako nang bangon nang marinig ang boses ni Miandro habang niyuyugyog ang aking katawan.
What happened?
"Ano'ng nangyayari?" Tinanggap ko ang kapang nakabalot sa aking katawan. Gayon na lang ang gulat ko nang makita ang nasa paligid ko.
Narito pa rin ako sa puno, ngunit nasa ilalim na lang ako nito. Nakahiga sa damuhan at mistulang nawalan ng malay. Pilit kong inalala ang mga huling nangyari bago ako mapunta sa ganitong kalagayan. Ngunit ang huli kong natatandaan ay ang pag-iisip sa sinabi ni Inay Serra, bukod do'n, wala na.
"Nawawala si Nhykira!"
Nawawala? Saan siya nagpunta?