“Alam kong wala sa usapan natin ang bagay na ‘to. Natatandaan ko na sinabi mong huwag akong mai-in love sayo. But hey, nandito na ‘to. Mahal na kita, Travis. Hindi ko alam kung kelan kita unang beses na minahal. Basta nagising na lang ako isang araw na mahal na kita. Masaya ako kapag kasama kita. And I want to take this chance with you,” matapang na saad ni Daniella sa nilalaman ng puso niya.
Gusto na niyang maiyak habang nakatitig siya sa mga mata ni Travis. The guy seems lost in his own thoughts. At nagulat pa siya nang biglang magsalita ang babaeng nakatayo sa tabi nito.
“I guess it’s better if you two talk at home. Certainly, this is not the right place to talk about your feelings, guys,” anang babae na hindi naman niya kilala. Sino ba ito? At bakit ito sumasabat sa usapan nila ni Travis? Dahil doon ay nakaramdam siya ng bahagyang inis para sa babae. “Travis, I’ll just wait for you at the car. Congratulations, Daniella.”
Iyon lang at naglakad na papalayo ang babae. Aaminin niyang maganda ang babae. At ipupusta niya ang laman ng closet niya na original ang LV bag na gamit ng babae. She’s also sporting an expensive perfume.
“Sino ‘yun, Travis?” tanong niya sa binata.
“Sa bahay na tayo mag-usap, Daniella. Sasabay ba kayo ni Barbie sa amin or hindi na?”
Nagpanting ang tenga niya dahil sa sinabi nito. “What’s wrong with you, Travis? We just won this competition. We shouldn’t be going home right away. Our triumph calls for a celebration. We should celebrate, right?”
“I’m tired, Daniella. I just want to go home. Maybe we can just celebrate this momentous event of yours at home? Nagpa-deliver na ako ng pizza sa bahay. We’ll talk. Marami tayong dapat pag-usapan.”
Kahit naiinis ay wala siyang nagawa kundi ang sumunod sa kagustuhan nito. Wala rin naman siyang choice. Ayaw naman niya itong piliting sumama na mag-celebrate kasama siya kung napipilitan lang ito. Besides, mas mahalaga nga sigurong mag-usap sila ng masinsinan. She wanted to know kung may nararamdaman din ito sa kanya. Kung kagaya niya ay mahal din ba siya nito.
Isang magarang sasakyan ang naghihintay sa kanila paglabas nila ng Manila Pen. Kaagapay nila sa paglalakad si Barbie na katakatakang tahimik ng gabing iyon. Siguro ay nararamdaman nito ang tensyon na namamagitan sa pagitan nila ni Travis.
Nakaupo sa tabi ng driver’s seat ang babaeng kanina lang niya nakita kaya wala siyang choice kung hindi maupo sa backseat kasama si Barbie.
Para sa kanya ay iyon na yata ang pinakamatagal na biyahe na nasuungan niya. Tahimik silang lahat. Well, there’s Barbie who’s attempting to start a light conversation with the woman sitting right next to Travis. My Travis.
Nang makarating sila sa village nila ay inanyayahan sila ng magandang babae na kasama ni Travis na tumuloy sa bahay nito. Noon lang nila nalaman ni Barbie na ito pala ang may-ari ng bahay na tinutuluyan ng binata.
“Tuloy kayo. Pasensya na kayo at hindi man lang ako nakapagpahanda ng bonggang dinner para sa inyo. Biglaan kasi ang pag-uwi ko dito sa Pilipinas. Na-approve na kasi ang papers ni Travis. He’s leaving with me next week. Oh! By the way, I’m Sasha,” pakilala ng babae na para bang matagal na silang magkakilala.
Bigla yata siyang nahilo dahil sa sinabi ng babae. Leaving? Bakit aalis si Travis? Saan ito pupunta? At sino ba ang babaeng ito sa buhay ni Travis?
Doon naman tumikhim si Barbie. “Guys, kain na muna tayo. Ditey na ang pizza oh. Mamaya na ang chika.”
And they all obliged. Kinuha niya ang platitong iniaabot ni Barbie sa kanya na may isang slice ng pizza. Tahimik na kumain siya bagamat hirap siyang lunukin ang naturang pagkain.
Matapos kumain ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Binalingan niya si Sasha. “Ms. Sasha, I just want to ask kung anong relasyon niyo ni Travis. As you can see, hindi pa nababanggit ni Travis kung anong relationship meron kayong dalawa.”
Nakita niya nang sulyapan ni Sasha si Travis na para bang may hinihintay itong clue mula sa binata. And Travis just nodded. Na para bang inuudyukan nito si Sasha na magsalita.
“I am actually Mrs. Paxton. I am Travis’ wife.” Parang bomba na sumabog sa harapan niya ang mga salitang binitawan ni Sasha. Biglang nag-init ang sulok ng mga mata niya.
“Wife?” Binibiro ba siya nito? She looked way older than her. Sigurado siyang naglalaro sa tatlumpu pataas ang edad nito. Tumayo siya at hinarap si Travis.
“Ano ba ang pinagsasasabi ng babaeng ‘to, Travis? What’s this? Some kind of a joke? At sino ba talaga siya sa buhay mo?”
Tumayo rin si Travis na halatang magulong-magulo ang itsura. “It’s true, Daniella. She’s really my wife. At kaya sinabi ko sayo noon na huwag kang mai-in love sa akin ay dahil kasal na ako. I’m sorry. I’m so sorry I didn’t have the chance to tell you.”
Kung pwede lang siyang lamunin ng kinatatayuan niya ay hiniling na sana niya iyon. She felt betrayed, kahit hindi naman talaga siya pinagtaksilan ni Travis. Sa umpisa pa lang ay binalaan na siya nito. Siya lang itong matigas ang ulo na hindi nakinig.
Sa nanlalabong mga mata ay nagtatakbo siya palabas sa bahay nina Travis. Nagmamadali siyang umakyat sa kwarto niya at doon ay nagkulong at saka umiyak nang umiyak.
Hindi siya tumayo maski nang marinig niya si Travis na kumakatok sa labas ng pinto ng kwarto niya. Ayaw niya itong makita at makausap. Una dahil nasasaktan siya sa kaalamang may asawa na pala ito. Pangalawa, anong mukha pa ba ang ihaharap niya dito?
Nasabi na niya ditong mahal niya ito. At hindi na niya iyon mababawi pa. “Iwanan mo na muna ako, Travis. Gusto kong mapag-isa,” aniya sa binata na patuloy pa rin ang pagkatok.
“I just came to say sorry. And please, don’t make any stupid thing to yourself.”
Maya-maya lang ay narinig na lang niya ang papalayong yabag ng binata. At doon ay napaiyak uli siya.
Hindi niya alam kung anong oras na siya nakatulog. Basta nagising na lang siya na namamaga ang mga mata niya kinabukasan.
Gusto niyang umakto na parang normal na tila ba wala siyang natuklasan kagabi na magpapabago pala sa takbo ng buhay niya. Pero sa tuwing maaalala niyang nasa kabilang bahay lang si Travis at kasama nito ang asawa nito ay mabilis na bumabalik ang sakit sa puso niya.
Sa huli ay pinili niyang patayin na lang ang TV dahil wala rin naman siyang maintindihan sa palabas. Masyadong malayo ang itinatakbo ng isip niya.
Nakasalampak siya ng upo sa carpeted na sahig habang nakasandal ang likod niya sa malambot na sofa nang tumunog ang doorbell. Hinayaan niyang si Barbie ang magbukas ng pinto. Nanatili lang siya sa pwesto niya.
Pagbalik ni Barbie sa sala ay hindi na ito nag-iisa. Kasama na nito si Sasha. At parang patalim na sumasaksak sa puso niya ang ngiting iginawad nito sa kanya. Kung gaano kamiserable ang itsura niya, kabaliktaran naman niya si Sasha. Sasha looked radiantly beautiful in her floral dress.
“Hi, Daniella. Pwede ba tayong mag-usap?”
“Tungkol saan?” tanong niya.
“Tungkol sana kay Travis,” direktang sagot ng babae.
Napatitig siya dito. Hindi niya maarok kung sa likod ba nang ngiti nito sa mga labi nito ay ang inis na lihim na itinatago nito para sa kanya. Maybe, at the back of Sasha’s mind, she really wanted to murder her. Ganoon naman talaga ang ginagawa sa mga babaeng nang-aagaw ng asawa, di ba?
Well, at least hindi niya alam na kasal na pala si Travis sa ibang babae. Pero kahit na anong pagja-justify niya, hindi pa rin niya maaalis na pwedeng manibugho si Sasha lalo na’t nakita nito nang halikan niya ang asawa nito kagabi.
“Sure. Sige maupo ka.”
But Sasha politely declined her invitation. “Ang gusto ko sana ay sa labas tayo mag-usap. Maybe we can talk in a coffee shop or somewhere else?”
Napatango-tango siya sa sinabi nito. “Just give me a sec, magbibihis lang ako.”
Mabilisan nga siyang nagbihis at wala pang sampung minuto ay lulan na sila ng kotse na sinakyan rin nila kagabi. Magkatabi sila ni Sasha sa backseat.
If truth be told, wala siyang maramdamang animosity mula kay Sasha. Oo nga at malakas ang personality nito pero hindi niya maramdaman na naiinis ito sa kanya. Kahit nang nasa loob na sila ng coffee shop ay napaka-considerate nito sa kanya.
“Dito tayo sa loob o sa labas? Maybe you want to smoke to release some tension?” anito.
“Sa loob na lang tayo. Besides, I don’t smoke.”
Pumasok nga sila sa loob at saka um-order ng kanya-kanyang coffee. Habang naghihintay na idulot ang orders nila ay isang tanong ang pinakawalan ni Sasha sa kanya.
“Do you really love him, Daniella?” Alam niyang ang “him” na tinutukoy nito ay si Travis.
“Maiibsan ba ang galit mo kung sasabihin ko sayong, oo?” matapang na sagot niya.
“Daniella, sa maniwala ka at sa hindi, hindi ako galit sayo. Ni katiting na galit, wala akong nararamdaman para sayo. I bet, you also don’t know na ikinasal na si Travis six months ago. Kaming dalawa lang ni Travis ang nakakaalam tungkol sa naging kasal namin about six months ago, Daniella. It’s a long story. Pero kung gusto mong makinig, handa akong magkwento sayo.”
“Okay, you do the talking. Makikinig lang ako.” And so, she did listen carefully. Habang sumisipsip sila sa kanya-kanyang kape ay nagawang magkwento ni Sasha tungkol sa naging kasal nito at ni Travis anim na buwan na ang nakakaraan.
“I met Travis in Cebu last March. Umuwi ako dito sa Pilipinas para hanapin ang nag-iisang kapatid ko dahil may nagbalita sa akin na ilang araw na raw na hindi umuuwi ang kapatid ko sa inuupahan nitong apartment. Kung saan-saan ako nakarating dahil sa paghahanap ko sa kapatid ko.
“Hanggang isang gabi, habang pauwi ako sa tinutuluyan kong hotel, may mga lalaking humarang sa akin. At first, I thought na pangho-holdup lang motibo nila sa akin. But I was wrong dahil kinaladkad nila ako sa madilim na parte ng iskinita and attempted to rape me. Tatlo silang lalaki kaya ang buong akala ko ay hindi na ako makakaalpas pa mula sa mga hayop na ‘yun.
“Pero may isang lalaki ang bigla na lang sumulpot sa dilim at walang pagda-dalawang isip na tinulungan ako. And it was Travis who fought against those three men. Nang makaalis kami sa lugar na iyon ay doon ko lang nakita na maraming sugat din pala ang tinamo ni Travis. Dinala ko siya sa pinakamalapit na hospital. Noong una nga ay ayaw pa niyang pumayag. Pero bilang utang na loob dahil iniligtas niya ang buhay ko, I insisted on bringing him to the hospital.
“Nang ma-discharge na sa hospital si Travis, I asked him kung saan ang bahay nito at gusto kong pasalamatan ang mga magulang niya. At hindi ko inaasahan na sa kantong iyon lang pala nakatira si Travis. Mayroon lang itong maliit na pwesto doon na tinutulugan. Kapag umaga naman ay suma-sideline ito sa palengke.
“I found out later na mag-isa na lang pala sa buhay si Travis. Namatay ang nanay nito dahil sa TB. Ang tatay naman nitong Amerikano ay hindi pa nito nakikita maski kailan. He was practically alone. At naawa ako sa kanya.
“Kaya ginawa ko ang naisip kong tama. I wanted to give Travis a chance in life. Naramdaman ko kasing mabuti siyang tao. Bukod pa doon ang utang na loob ko sa kanya dahil iniligtas niya ako mula sa mga lalaking iyon. I asked him to marry me para makapunta siya sa America. It was all my idea. Ang sabi ko sa kanya, kailangan niya lang akong pakasalan para mai-petition ko siya papuntang Amerika at para makakuha siya ng green card. Doon pwede siyang maghanap ng magandang trabaho. At pwede niyang mahanap ang tatay niya lalo at sa California rin ako nakatira.
“Daniella, kung iniisip mo na kaya kami nagpakasal ni Travis ay dahil mahal namin ang isa’t isa, nagkakamali ka. At huwag mo rin sanang iisipin na kaya niya ako pinakasalan ay dahil lang sa pera. Ako ang pumilit kay Travis na magpakasal kami dahil gusto kong mabago ang buhay niya. At ngayong alam mo na ang totoo, huwag mo sanang basta-basta na lang itatapon ang pagmamahal mo para kay Travis. Kausapin mo siya. Mag-usap kayo.
“Huwag mo siyang basta na lang na isusuko. Dahil naranasan ko na rin ang magmahal at basta na lang bumitaw.”
Sa haba ng sinabi ni Sasha, isang bagay lang ang tumimo sa isip niya: hindi nagmamahalan sina Travis at Sasha.
At ang gagang puso niya, umasang maaaring mahal din siya ni Travis. There’s hope. Yes, there’s hope.
* * * * *
Matapos ang naging pag-uusap nila ni Sasha, hindi agad siya nakahanap ng lakas ng loob na kausapin si Travis. Dahil sa totoo lang, hindi rin naman niya alam ang sasabihin niya dito. Masyadong komplikado ang sitwasyon na kinasasangkutan ng puso niya ngayon.
Kailangan niyang mamili sa pagitan ng pangarap ni Travis at sarili niyang kaligayahan. Magiging maramot ba siya o magpaparaya para lumigaya ang lalaking mahal niya?
Tatlong araw bago ang nakatakdang flight nina Travis at Sasha papuntang Amerika ay nakahanap siya ng pagkakataon at lakas ng loob na kausapin ang binata.
Nagkagulatan pa sila nang sabay silang lumabas ng kanya-kanyang gate. Mukhang kagaya niya ay magsisimba rin ito. Parang katulad lang ng dati. Ang pinagkaiba lang, hindi na baduy si Travis. At hindi na rin aandap-andap ang puso niya dahil may plano sila ni Guido. Ngayon, faith ang nagdiktang mag pang-abot uli sila.
“Hi,” bati ni Travis sa kanya. “Magsisimba ka rin ba? Sabay na tayo.”
“Sige…” pag sang-ayon niya.
Sobrang pagpipigil ang ginawa niya para huwag sugurin ng yakap si Travis. Sobra niya itong na-miss.
“Kamusta ka na, Daniella?” tanong ni Travis sa kanya habang magkaagapay silang naglalakad.
Napatigil siya dahil sa tanong nito. At hindi na niya napigilan ang mabilis na pagbagsak ng mga luha niya na kay tagal na rin niyang pinipigilang lumabas. Mabilis naman siyang inalo ni Travis. Niyakap siya nito at marahang tinapik ang balikat niya.
“Hey, why are you crying?”
“Na-miss kita Travis. Sobra kitang na-miss.”
“Na-miss din naman kita, Daniella. Sobra. Pero kailangan nating sanayin ang mga sarili natin na malayo sa isa’t isa. Ilang araw na lang, aalis na ako kasama ni Sasha. Maiiwan ka dito. Matagal bago tayo uli magkita,” malungkot na saad ni Travis.
“Bakit ka ba kasi aalis?”
“Dahil iyon ang tama, Daniella.”
Nahihikbing napatingin uli siya dito. “Aalis ka kahit alam mong mahal kita?”
At sa nahihirapang ekspresyon ay hinawakan ni Travis ang mukha niya at matagal na tinitigan iyon na para bang gusto nitong kabisaduhin bawat sulok ng mukha niya. “Someday, magkikita uli tayo. At siguro, sa panahong iyon, pwede na rin kitang mahalin. Kapag tama na ang mali at kapag pwede na ang hindi.”
Tinatagan niya ang loob niya. “Lagi kitang susulatan kapag nasa California ka na.”
“Hihintayin ko ang mga sulat mo,” tugon naman ni Travis.
“Travis, isa na lang ang hihilingin ko,” nagtatanong ang mga mata na tumitig sa kanya ang binata kaya nagpatuloy siya. “Kiss me. For the last time, I want you to kiss me.”
Ipinikit niya ang mga mata niya at hinintay na lumapat ang mga labi ng binata sa labi niya pero hindi dumating ang halik na hinihiling niya. Sa halip ay niyakap lang siya nito.
At sa gitna ng kalsada ng Aplaya ay unti-unting nadurog ang puso niya.
Isang huling halik lang…