CHAPTER 3

1591 Words
Habang kinukuskos ni Iskria ng espongha ang mga plato sa lababo, sa ilalim ng bumubuhos na tubig mula sa gripo, ay yukung-yuko naman ang ulo niya. Paano’y ayaw papigil ng kaniyang mga luha na tuluy-tuloy pa rin sa pagbagsak. Habang pinipiga niya ang sponge, parang may pumipiga rin sa puso niya. Ang liit-liit ngayon ng tingin niya sa sarili. Mali ba ang humanga? Gusto niya lang namang masilip ang mukha ng kaniyang Señorito Sixto. Wala naman siyang balak na lapitan ito. Pero bakit ganoon kagaspang ang reaksiyon nito sa kaniya? Lalong nanginig ang mga kamay niya kaya hindi sinasadyang dumulas ang hawak na pinggan at nahulog sa sahig. Nabasag iyon. Habang nakatingin siya sa mga nagtalsikang basag na piraso ay nandidilat ang kaniyang mga mata. Mukhang nadagdagan pa ang kasalanan niya! Napilitan siyang mag-angat ng mukha—hindi na alintana kung namumula ang basa niyang mga mata at kahit hilam sa luha ang kaniyang mukha. Ang akala naman ng iba, umiyak siya dahil nabasag nya ang plato. Mabilis na lumapit sa kaniya si Tisay na abala sana sa pag-mop ng sahig. “Iskria, okay ka lang?” nag-aalala nitong tanong. Imbes na sumagot, itiniklop niya ang mga tuhod upang yumuko nang bahagya, at pinulot ang mga bubog mula sa nabasag na plato na nakakalat sa sahig. Dahil binabagabag pa rin ang utak niya ng maraming isipin kaya hindi siya naging maingat sa pagdampot ng isang basag na piraso at natusok ang daliri niya. Napaigik siya at napatingin sa kamay niyang nasugatan. Sumungaw ang dugo mula sa maliit na hiwa. Napasinghap si Tisay. “Ayy, ano ba iyan, Iskria? Hindi ka naman nag-iingat, eh! Bakit ba kasi parang natutulala ka riyan? Dahil napagalitan ka nina Señora Elvira at Señorito Sixto? Huwag mo nang isipin iyon. Kung parang pakong nakapukpok pa rin sa utak mo ang mga insultong narinig mo mula sa kanila kanina, alisin mo na bago pa lumalim ang pagkakabaon. Alam mo namang likas na matalim ang dila ng pamilya Cruzano. Walang preno kung manghamak.” Sa sinabi ng kaibigan, mas bumulwak ang mga luha niya. Iyak siya nang iyak. Pero pinipilit niyang ikulong sa lalamunan ang anumang tunog na ibig lumabas. Sariwa pa rin sa kaniya ang masasakit na salitang tila mga bubog ng plato na itinarak sa puso niya. Kahamak-hamak ba talaga siya? Mayamaya’y humahangos nang dumating ang nanay niya. Hawak pa nito sa kanang kamay ang sandok. Sa harap ng palda nito ay nakakabit ang apron dahil abala ito sa pagluluto para sa mga bisita. “Iskria, ano ang nangyari sa ’yo?” tanong nito, nakaguhit sa mukha ang pag-aalala—na lalong tumindi nang matiyak nitong umiiyak siya. “W-wala po, ’Nay,” iling niya, mahapding-mahapdi ang lalamunan. “Puwede bang wala? Parang gripo ang buhos ng luha mo, eh. Iyan ba ang wala?” Labag man sa kalooban ni Iskria ang magsinungaling, ngunit ayaw niya ring ipagtapat sa ina ang buong pangyayari. Masasaktan ito. Oo, pagagalitan siya nito, pero mabigat din sa dibdib ng isang magulang ang malamang hinamak ang anak nito. “’Nay, nabitiwan ko po kasi ang plato, tapos nang pupulutin ko sana para iligpit, nasugatan ho ako.” Ipinakita pa niya sa ina ang nagdurugong sugat sa daliri niya. Totoo naman iyon, at hindi hinabing kasinungalingan. Mahapdi rin naman talaga ang sugat niya. Iyon nga lang, mas mahapdi ang sugat na likha ng itinarak na matatalim na salita ng mga Cruzano sa puso niya. “Diyos ko naman, Iskria, hindi ka nag-iingat. Ang sabi ko sa iyo, kapag may nabasag na gamit, huwag na huwag mong hahawakan. Ang dapat mong gawin ay kumuha ng walis tingting at dustpan. Gano’n. Bakit ba nawala sa isip mo iyon? Tapos ngayon, iiyak-iyak ka dahil kumikirot?” Mas namula ang magkabila niyang pisngi. Mas uminit. Mas umalsa ang emosyon niya. Dahil sana’y totoong ang sugat sa daliri lang ang iniinda niya. Hindi maampat-ampat ang mga luha niya. Napabuga na lamang ng hangin ang kaniyang Nanay Luisita. “Mabuti pa’y umuwi ka na lang muna sa bahay natin. Ako na rito.” “P-pero marami pa pong mga dapat hugasan at—” “Ako na, Iskria,” presenta ni Tisay. “Ako na ang bahala.” Napatingin siya sa mga kamay ng kaibigan niya. Namumula na iyon dahil kanina pa ito nagtatrabaho. “Ang kamay mo… namumula na.” Isinuksok nito sa magkabilang bulsa ang mga kamay upang ikubli. “Wala ka bang bilib sa akin? Para pamumula lang, iindahin ko? Dali na, umuwi ka na. Tapos lapatan mo ng yelo iyang mga mata mo para hindi mamugto.” “S-salamat, Tisay.” _____ PAGDATING ni Iskria sa maliit at simpleng bahay nila ng kaniyang ina, dumiretso siya kaagad sa kuwarto. Binuksan niya ang aparador at inilabas ang malaking lata ng biskwit. Pero hindi na pagkain ang laman niyon. Matagal na nilang naubos ang biskwit. Inalis niya ang takip at tiningnan ang loob—mga tinuping papel na pinormang bangka. Iyong klase ng pagkakatupi na palaging ginagawa ng mga bata. Kinuha niya ang isang maliit na bangka at binuklat. Ibinuka ang mga parteng nakatiklop. Nang tuluyan na niyang nabuksan ang papel, tumuon ang mga mata niya sa mga salitang nakasulat sa pinakagitna. Mali pa ang pagkakabaybay niya sa salitang ‘Señorito.’ Sinsorito, Salamat at tinulungan mo akong hindi makain ng mga gutom na isda sa ilog! Iskria. Hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na iyon—nang walong taong gulang pa lamang siya at kinse anyos naman si Sixto. Ipinikit niya ang mga mata at binalikan ang lumang alaala na maingat pa ring nakatago sa isipan niya… Asul na kamiseta ang suot ni Jose Sixto. Kulay puting shorts sa ibaba. Ang buhok nito ay nakahati sa gitna ang bangs. Ang walong taong gulang na si Iskria, na nakadukwang at abala sa pagguhit ng kung anu-ano sa tuyong lupa gamit ang maliit na putol na sanga, ay napanganga sa pagdaan ng anak ng amo ng nanay niya. Sa edad na kinse, matangkad na si Jose Sixto. Mabango. Mestizo ang mukha. Aristokrato. Napatingin ito sa kaniya. Pinaraanan ng mga mata nito ang suot niyang bestida na kupasing rosas ang kulay. May tastas na sa bandang tadyang, pero palagi niya pa ring sinusuot dahil paboritong damit niya iyon. Instinktibo ang pagtaas ng kanang kamay niya. “Hello po.” Hindi umimik ang señorito niya. Nilampasan lang siya nito. Sinundan niya ito hanggang hindi na niya namalayang nasa tabi na sila ng ilog na nasa loob pa rin ng Hacienda Cruzano. Sumampa si Sixto sa maliit na bangka. May bitbit itong pamingwit. Itinulak nito ang bangka palayo sa pampang, saka nagsimulang magsagwan patungo sa gitna ng ilog. Si Iskria ay naiwan sa isang tabi, pero ibig niyang bumuntot pa rin sa anak ng señor at señora nila. “S-sama ako,” aniya. Hindi siya pinansin ni Sixto. “Sama ako!” ulit niya, mas malakas. Pinamukalan ng luha ang kaniyang mga mata. Inignora pa rin siya ng lalaki. Tinalikuran pa siya nito. Pero dahil gustung-gusto niyang puntahan ang señorito niya, humakbang siya sa tubig hanggang sa umabot na sa lebel ng baywang niya iyon. Hindi nagtagal ay kumakampay at humahampas na ang maliit niyang mga kamay sa tubig habang nagpipilit siyang iahon ang ulo. Hindi siya marunong lumangoy kaya sa kabila ng pagpupumiglas niya ay nahahatak pa rin siya pababa. “T-tulong! T-tulong!” Nakaismid pa rin si Sixto nang lumingon ito sa dako niya. Namilog ang mga mata nito. “What the—! Pasaway kang bata ka!” Nang makita nitong tuluyan na siyang nilamon ng tubig ay walang pagdadalawang-isip itong tumalon, lumusong sa ilog. Lumangoy ito papunta sa kaniya at iniligtas siya nito. Galit na galit ito nang inihiga nito ang maiit niyang katawan sa batuhan. “What the hell is your problem?” paangil nitong tanong sa kaniya. Namumula ang buong mukha. Sa opinyon ng batang si Iskria, ang cute ng mukha ni Sixto. Kahit namumula rin ang mga mata niya at ubo siya nang ubo ay malinaw niya itong napagmamasdan at hindi niya magawang alisin ang tingin niya rito. Natigilan ito nang ngumiti siya, na nagpalitaw sa dalawang maliliit na biloy sa magkabilang gilid ng kaniyang mga labi. Iniling nito ang ulo at muling sumimangot. “Don’t do this again! Go home!” Pasikmat iyon. “Salamat at hindi mo ’ko hinayaang kainin ng mga isda, Sinsorito.” “Sinsorito? What’s wrong with your tongue? Or is your head the problem?” Ang sungit ng tono ng boses nito. “Sinsorito,” ulit niya lang, inosenteng ikinurap-kurap ang mga pilikmata. Napaungol si Sixto. “Umalis ka na nga. I want to be alone. And I don’t want a little kid like you drowning while I’m here. Hassle. Tingnan mo, basang-basa na ako!” Pumalatak ito. "Paano pa ako mamimingwit nito? Nilalamig na ako!" "Iskria? Maryosep na bata ka! Nasaan ka ba?" Napaigtad siya. Tinig iyon ng kaniyang nanay. "Hinahanap na ako ng nanay ko. Uuwi na muna ako. Salamat ulit, Sinsorito! Bye-bye po!” Buong tamis siyang ngumiti at kumaway, bago tumakbo papunta sa direksiyong pinanggagalingan ng tinig ng ina niya. Simula nang araw na iyon, kinagiliwan na niyang magsulat sa kapirasong papel at ipormang bangka. Hindi niya naman magawang iabot kay Sixto kaya itinatago niya na lamang ang mga iyon sa loob ng lata ng biskwit at iniingatang mabuti. Sa totoo lang, hindi niya alam kung mabibigyan pa siya ng pagkakataong maibigay sa kaniyang Señorito Sixto ang mga bangkang papel dahil mukhang mainit ang dugo nito sa kaniya kahit wala naman siyang ginagawang masama rito…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD