5

446 Words
Vlad “Mamamatay ako sa nerbiyos sa ‘yong bata ka,” histerikal na bungad ni Lola pagkakita sa akin sa tapat ng Brangay Hall. Eksaktong baba niya ng tricycle, siya namang paglabas ko ng pinto. “Anong nangyari? Sabi ng kapitbahay, dinampot ka raw ng mga Barangay Police at may nagreklamo sa ‘yo ng pambubugbog.” Pinilit kong ngumiti sa kabila ng mainit na panahon. Pawisan ang aking likod sa init sa loob ng barangay hall at pati iisang electric fan sa dingding ay sira pa.  “Relax ka lang, ‘La,” sabi ko sa kaniya. “Kita mo’t nakasalubong mo na ako. Ibig sabihin walang katotohanan ang ibinibintang sa akin.”  Hinawakan niya ako sa kaliwang bisig saka iginiya palayo sa tapat ng hall at palapit sa pila ng mga tricycle. “E sino ang inireklamo? Sina Von at Alex na naman?” Iniiwas ko ang tingin sa kaniya. Sina Von at Alex ang mga kakosa ko. Iyon ang tawagan namin. Kakosa. Kagaya sa mga magkakampi sa loob ng bilangguan. Pero hindi ibig sabihin nakulong na kaming tatlo. Kataasan, hanggang Barangay lang ang inaabot namin at pagkatapos maareglo ng mayamang Daddy ni Von ang nagawan ng dalawa ng kabulastugan, laya na kaagad kami sa asunto.  Sina Von at Alex na sampung taon ko na ring kakosa. Sina Alex at Von na dalawa sa iniilagang makabangga ng ibang bata sa buong eskwelahan. Si Von na siyang nambully at sumuntok sa akin sa eskwelahan noong seven years old kami parehas at kasabwat niya si Alex. Umuwi pa nga akong umiiyak at basag ang labi noon. Nagsumbong ako kay Tatay pero imbes na kaawaan ako at magalit kina Von at Alex, sa akim siya nagalit. Pinangaralan niya ako at kinabukasan, sinunod ko ang payo ni Tatay. Nang i-bully na naman ako ng dalawa, hinayaan ko lang silang ipahiya ako sa harap ng karamihan. Pero pagtalikod ng dalawa, sinaksak ko ng lapis sa likod si Alex na unang naabutan ko.  Pumalakpak at natuwa si Von sa ginawa ko at mula nang araw na iyon, naging kakosa ko na silang dalawa. Pero usually silang dalawa ang nambu-bully. Ako nasa likod lang o sa background lang nila sa lahat ng kalokohang pinaggagagawa. At least nang mapabilang ako sa kanila, wala ng nagtangkang kumursunada sa akin. Parang pag-amin na rin ang hindi ko pagsagot sa tanong ni Lola. “At sino naman ang binugbog nila ngayon?” Hindi ako sumagot. Sumakay ako sa loob ng tricycle at sumunod naman si Lola.  May isang grupo rin ng kabataang gustong maghari-harian sa barangay ang gustong pumalit sa trono namin. Nagkataon na masama ang tiyan ko kagabi kaya hindi ko nasamahan sina Von at Alex para turuan ng leksiyon iyong isang miyembro ng grupo. Kaya ang dalawang kakosa ko lang ang itinuro ng mga nakasaksi sa pambubugbog kagabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD