Three

1307 Words
"May sasabihin ako, Daisy," simula ni Edgar. "Tungkol sa Ate Ara mo, sa atin lang muna. Hindi gusto ng Ate mo na mag-alala ang mga magulang n'yo kaya sinadya niyang hindi banggitin." Napatigil si Daisy sa pag-inom ng tubig. Seryoso ang mukha ni Edgar. Sigurado siyang mahalaga ang sasabihin nito. "Ano ang tungkol kay Ate, Kuya Ed?" Nanahimik ng ilang segundo ang lalaki. Naghintay si Daisy nang susunod nitong sasabihin pero hindi na umimik. Mayamaya ay hinila nito ang kinauupuang silya, inilapit sa upuan niya. Ang dating sa kanya ay may sekretong sasabihin ito na hindi dapat marinig ng ibang taong nasa lugar nang sandaling iyon. Napatitig siya rito. "Makinig kang mabuti," sabi ni Edgar, pabulong lang. "Sa atin lang muna ito habang naghihintay ako ng balita." "Ano nga?" balik niya, pabulong rin. "Sabihin mo na, kinakabahan na ako, eh." "Sa atin lang muna, ha? Saka na natin sabihin kina Tatay Ceroy at Nanang Feling. Mag-aalala sila—" "Oo nga!" agap niya. "Sinabi mo na 'yan kanina!" naiinis na siya dahil pinapatagal pa nito. Masama na tuloy ang kutob niya. "Inuulit mo lang, Kuya Ed, eh!" Seryoso ang lalaki nang magtama ang mga mata nila. Ang impormasyon tungkol sa kapatid ang dahilan kaya kumilos si Daisy, sinalubong niya ang tingin nito. Malapit na malapit sila pero hindi siya naasiwa. Si Edgar ang unang lalaking hinayaan niyang makalapit nang ganoon sa kanya. Komportable siyang kasama nito. "Si Mila, Daisy—" "Siya ang tumulong kay Ate Ara, alam ko 'yon—" "Bugaw si Mila." "B-Bugaw? Ano? Bugaw...Bugaw?" napasapo siya sa sariling dibdib. Mas inilapit ni Edgar ang silyang kinauupuan. "Bugaw," ulit nito, pabulong lang. "Alam mo naman ang ibig sabihin ng bugaw o mali ako?" "Alam ko," sabi niya, dumaan ang hagod sa dibdib. Gusto niyang isipin na mali siya ng dinig o kaya ay hindi sila pareho ng pakahulugan sa salita. "Siyempre, alam ko..." "Mula sa malalayong probinsiya ang kadalasang biktima niya," patuloy ni Edgar. "Mga probinsiyanang naghahangad ng magandang buhay sa Maynila ang naloloko niya. Mga inosenteng babae—" Napatigil si Edgar sa pagsasalita nang mahigpit niyang hinawakan ang braso nito. "Si Ate...Si Ate, Kuya Ed," niyugyog niya ang braso nito. "Wala akong pakialam sa impaktang Mila na 'yan na bugaw pala. Si Ate...Si Ate Ara, sabihin mong ligtas siya at hindi napahamak..." "Daisy—" "Please," pagsamo niya, nagsimulang mamasa ng luha ang mga mata. "Sabihin mong walang nangyari sa kanya. 'Sabi mo magkasama kayo sa trabaho. Bakit...bakit nandito ka at hinahanap mo siya sa amin? Nasaan si Ate Ara, Kuya Ed? Nasaan ang kapatid ko? Nasaan siya!?" "Shhhh," saway nito, hinawakan ang kamay niyang nasa braso nito bago luminga sa paligid para tingnan ang mga taong kasabayan nila. "Hindi ko alam, Daisy. Araw-araw akong nandito para makibalita. Nauna ko siyang pinatakas sa Neon, sumunod ako dahil hindi na rin ligtas. Nakahalata silang ako ang tumulong kay Ara. Nakauwi ako rito sa tulong ng isang kaibigang nilapitan ko. Hinatid ako ng private car hanggang sa Naga. May dalawang bodyguards akong kasama sakaling may kailangan akong takasan." "At...At si Ate?" umalpas na ang mga luha ni Daisy. "Nasaan siya nang umalis ka?" "Nagkausap kami. Ang sabi niya, ligtas siya at nasa Maynila pa rin. Wala akong ideya kung sino ang kasama niya. Ang Taxi na kausap ko para tulungan siyang makalayo, walang alam ang driver. Ibang Taxi ang nasakyan ng Ate mo noong gabing tinulungan ko siyang tumakas." Nagsunod-sunod ang patak ng luha ni Daisy. Hindi niya kakayanin kapag napahamak ang kapatid dahil hinangad na gumanda ang buhay niya. "Sino'ng kasama ni Ate?" balik niya kay Edgar. "Kilala ko ang babaeng 'yon, kahit napapahamak na, hindi niya aaminin para lang hindi kami mag-alala." "'Yan nga rin ang takot ko," sabi ni Edgar. "Ang usapan namin, dito na kami magkikita. Umaasa akong ligtas na makakauwi ang ate mo." "Wala ba tayong gagawin? Hindi puwedeng maghintay lang tayo, Kuya Ed!" "Maghintay muna tayo," sabi nito. "Tatawag 'yon." "Paano kung hindi? Paano kung napahamak na siya habang naghihintay tayo?" "Sana hindi, Daisy," mababang sabi ng lalaki, kasunod ang paghinga nang malalim. "Kailangang makabalik ng ligtas ang Ate mo." "Dapat may gawin man lang tayo..." "Maghintay muna tayo. Dalawang linggo pa, Daisy. Kapag hindi dumating si Ara, gagawan ko ng paraan." "Ano'ng gagawin mo?" "Hihingi ako ng tulong sa...sa isang kaibigan." "Bakit hindi pa ngayon?" Hindi umimik si Edgar, tiningnan lang siya. Inulit ni Daisy ang tanong. "May kapalit ang bawat pabor," sabi nito. "Wala nang libre sa mundo. Kapag may hiningan ka ng pabor, kailangan mong ibigay ang anumang hihingin niyang kapalit. Malupit ang mundo sa mga taong walang impluwensiya at kapangyarihan. Ang mga walang kakayahan, laging kailangang lumuhod sa may kapangyarihan." Hindi niya naintindihan lahat ang sinabi nito. Tungkol sa pabor na may kapalit lang ang naiwan sa kanyang isip. "Kapalit? Ano'ng kapalit?" Ilang segundong tinitigan siya ni Edgar bago marahang ngumiti, inabot ang mukha niya at maingat na tinuyo ang mga luha. "Basta. Ako na'ng bahala ro'n." "ANO na? Wala pa rin text o tawag?" naging paulit-ulit na linya ni Daisy ang tanong na iyon kay Edgar nang mga sumunod na araw. Walang araw na hindi dumaan ang lalaki sa bahay nila o kaya ay sa eskuwelahan. Kapag umaga ito dumaan, ihahatid siya sa eskuwelahan. Kapag hapon naman, sa eskuwelahan dumederetso at sinusundo siya. Ang biyahe nila mula sa bahay at ang biyahe pauwi ang ginagamit nila para pag-usapan ang tungkol sa kapatid. May araw na hindi sapat ang oras, dumadaan sila sa lugar na puwedeng mag-usap. Nagpalitan na rin sila ng cell phone numbers. Sa mga gabing hindi siya makatulog ay sunod-sunod ang text message niya kay Edgar. Paulit-ulit lang ang tanong niya. Napansin niyang tamad mag-text ang lalaki. Hindi ito nagre-reply pero kapag naka-sampu na siyang text ay tumatawag na para sagutin lahat ng tanong. Lampas isang linggong nasa Calabanga na si Edgar. At hanggang nang sandaling iyon, wala pa rin silang natatanggap na text o tawag mula kay Ate Ara. Lalong kinakabahan si Daisy sa bawat paglipas ng araw. Gustong-gusto na niyang sabihin sa mga magulang ang nalalaman pero sa tuwing naiisip niya ang nangyari sa ama noong nalaman nito ang aksidente ng bayaw niya ay nagbabago ang isip ni Daisy. Hindi makabubuti sa puso nito ang masamang balita. Nang hapon na iyon ay sinundo siya ni Edgar sa eskuwelahan. "Wala pa rin," tugon nito. "'Yong ginamit niyang numero para tawagan ako, nakapatay." "Ano na'ng gagawin natin?" "Kapag wala pa rin hanggang matapos ang linggong 'to, luluwas na akong Maynila, Daisy." Magkasabay silang tumawid sa kalsada. "'Kain muna tayo?" Umiling siya. "Sa bahay na lang ako, Kuya Ed. Wala akong gana." "'Wag kang masyadong mag-alala," sabi nito. "Baka mapabayaan mo na ang pag-aaral mo, hindi magugustuhan ng Ate mo 'yan." "Five over twenty nga ang score ko sa quiz namin sa Math," kasunod ang buntong hininga. "First time kong bumagsak. Ang hirap mag-focus..." pagtatapat niya. "Ako ang dahilan kaya lumuwas si Ate Ara, eh. Kapag napahamak siya—" "Hindi siya mapapahamak," agap ni Edgar. Hinawakan siya sa magkabilang balikat at kinabig para magkaharap sila. "Daisy, makinig ka sa akin," may diin na sabi nito. "May tiwala ka naman sa 'taas 'di ba? Magdasal ka lang. Manalig tayong ligtas si Ara. Ang pag-aaral mo, hindi dapat maapektuhan." "Paano 'pag napahamak si Ate Ara? Paano ko sasabihin kina Nanay at Tatay na—" "Hindi siya mapapahamak," agaw muli ni Edgar. "Babalik ang ate mo rito nang ligtas." "Paano ko panghahawakan 'yan?" balik niya, napapaluha na naman. "Ni hindi nga natin alam kung nasaan na si Ate Ara ngayon, eh..." "O, sige, para hindi ka na mag-alala, bukas mismo, tatawagan ko si...ang kaibigan kong puwedeng makatulong. Ipapahanap ko si Ara." "Ano'ng ibibigay mong kapalit? May pera ka ba?" Tinitigan lang siya ni Edgar bago huminga nang malalim. "'Wag mo nang isipin 'yon."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD