DALAWANG ARAW na ang nakalipas ngunit nahihirapan pa rin si Trutty na iproseso sa isipan ang mga ikinuwento ni Blumentritt sa kanya. May mga bagay pa siyang hindi nalalaman. Paanong nasa ganoong kalagayan si Alana? Ano ang nangyari?
Hindi na pinilit ni Trutty si Blumentritt na sabihin sa kanya ang lahat. Nakita niya na napagod nang husto ang binata sa ginawang pagtatapat. He was emotionally drained. The misplaced guilt was taking its toll on him.
It was never his fault. Alam ni Trutty na hindi lamang siya ang unang taong nagsabi niyon, ngunit kung siya ang nasa kalagayan ni Blumentritt ay hindi rin siya gaanong maniniwala. Hindi rin maaaring hindi niya sisihin ang sarili kung sakaling kay Tutti mangyari ang bagay na iyon. Ni hindi niya mailarawan sa kanyang isipan ang isang buhay na wala ang kakambal.
Trutty realized Blumentritt had suffered so much. He had been lonely for too long. Iyon ang mga tinatakpan ng angas nito.
Sa nakalipas na dalawang araw ay hindi lang mataman na nag-isip si Trutty, nag-research din siya tungkol sa pamilya ng politiko. Kailangan niyang aminin na wala siyang gaanong interes sa politika. Matagal na mula nang tumigil siya sa pagrereklamo sa hindi magandang pamamalakad at korupsiyon. Hindi na siya gaanong naiinis kahit na dumadami na ang mga kliyente niyang politiko o asawa ng politiko. She had decided to do something to help people in need than complain about the system.
Nakakalap din siya ng impormasyon tungkol sa naging aksidente ni Jose Maria Tolentino. Marami ang hindi naniniwala na kasalanan ng truck driver ang nangyari. Tinakpan lang daw ang totoong nangyari dahil apo ng dating presidente ng bansa ang sangkot. Kumbinsido ang ilan na dahil sa pagiging lasing ni Jose Maria nang gabing iyon kaya nangyari ang malagim na aksidente sa kabila ng napakaraming ebidensiya na nakalap at ipiniresenta.
Pakiramdam ni Trutty ay lalong natatakpan ang Blumentritt na nakilala niya. Ang maangas at sarkastikong Blumentritt. Ang walang pakialam sa anumang bagay bukod sa musika na Blumentritt. Mas nagiging malinaw sa kanya si Juan Miguel Tolentino.
Mapaninindigan ba niya ang sinabi niya kay Blumentritt na hindi magbabago ang tingin niya rito?
Sa loob ng dalawang araw, hindi nagkita o nagkausap sa telepono sina Trutty at Blumentritt. Abala si Blumentritt sa trabaho. Ngayon ay alam na niya kung saan napupunta ang kinikita ng binata. Hindi biro ang medical bills ni Alana.
Pagsapit ng ikatlong araw ay hindi maiiwasang hindi magkita ang dalawa. Plinano ng ibang girls na magtungo sa bahay ng Charmings upang maipagluto ang mga boys ng hapunan. Isang tipikal na quiet night in na mabilis na nagiging tradisyon na para sa kanila. Sinikap umiwas ni Trutty ngunit hindi siya hinayaan nina Mariquit, Justienne at Jay Ann. Darating daw si Kyle, ang nobya ni Estong, at kawawa naman si Blumentritt na walang kapareha.
Nagtungo si Trutty dahil nami-miss na niya si Blumentritt. Nais niyang makita ang binata at masigurong maayos ito. Kailangan niyang aminin ang bagay na iyon kahit na sa sarili lamang niya. Nagsisimula na siyang mag-alala.
Pagkatapos marinig ni Trutty ang tungkol kay Alana, alam niya na kailangan na talaga niyang sugpuin ang nadarama niya para kay Blumentritt. Walang kahihinatnan ang anumang damdamin na iyon. Handa na siyang ganap na sumuko, ganap na bumitiw. Ngunit sa ngayon ay kailangan muna niyang makita ang binata.
Nagdala na lang si Trutty ng mga pagkain mula sa isang restaurant. Nahuli siya ng dating sa bahay ng mga Charmings. Hindi naman niya sinasadya. Nagkaroon siya ng emergency consultation sa isang importanteng kliyente.
Si Blumentritt ang nagbukas ng pintuan kay Trutty. Bahagya siyang nagulat ngunit mukhang inaasahan na ng binata na siya ang nasa labas ng pintuan. Siya na lang marahil ang wala sa salo-salong iyon.
“Are you okay?” tanong kaagad ni Trutty. Waring may munting puwang ang napunan nang makita ang pagguhit ng ngiti sa mga labi nito.
Itinaas nito ang kamay at sandaling hinaplos ang ibabaw ng kanyang ulo. The gesture was friendly and safe enough. Ngunit iba pa rin ang epekto kay Trutty.
“Come on in,” ang sabi ni Blumentritt sa magaang tinig. “Everyone’s waiting for you.”
Including you? “Are you okay?” tanong uli ni Trutty sa halip.
Tumango si Blumentritt, hindi nabubura ang ngiti sa mga labi. “Don’t worry,” ang pabulong nitong dagdag habang kinukuha mula sa kanyang mga kamay ang mga bitbit na pagkain.
Masaya siyang binati ng lahat. Kahit na paano ay gumaan ang pakiramdam ni Trutty pagkakita ng mga kaibigan. Masaya siya hindi lamang sa kaalamang may mga tao siyang masasandalan, mga kaibigan na palaging nariyan. Masaya siya sa kaalamang ang mga taong iyon ay handa ring tumulong kay Blumentritt, mga kaibigan na nakasuporta sa lahat ng panahon. They both had these wonderful people.
Niyakap siya ni Tutti nang mahigpit at hinagkan ang sentido. Hindi nito madalas gawin iyon. Alam niya na may nararamdamang kakaiba ang kakambal base sa nababasa niyang pag-aalala sa mga mata nito. Ngumiti lamang siya. Don’t worry. I’m fine.
Waring hindi gaanong naniniwala ang kakambal. I’m here.
I know.
Nakisali na si Trutty sa mga kaibigang babae sa loob ng kusina. Mukhang patapos na ang lahat kaya tumulong na lang siya sa paghahanda ng mesa. Wala namang ibang nakahalata na may kakaiba sa kanya.
Masaya at maingay ang hapunan. Masigla at masaya ang lahat. Pasulyap-sulyap si Trutty kay Blumentritt at natutuwa siya sa tuwing nakikita ang maganda at totoong ngiti sa mukha nito. Hindi maipaliwanag ang epekto sa kanya ng malutong nitong tawa. Mahirap paniwalaan ang bigat ng dinadala nito sa mga nakalipas na taon. Nais sana niyang itanong kung paano nito nagagawa iyon. Ngunit nabatid din niyang alam pala niya ang sagot sa tanong na iyon. Nagiging madali dahil nakahanap si Blumentritt ng mga totoong kaibigan, isang munting pamilya. Nakatagpo ang binata ng isang mundo na maaari nitong kalimutan kahit na pansamantala lamang ang mga bagay-bagay.
Si Jay Ann ang gumawa ng dessert nila. She served her almost flourless chocolate cake that was so heavenly.
“Listen, guys,” wika ni Blumentritt. May pag-aalangan sa tinig nito. Iilan lang ang nakikinig dahil abala na ang karamihan sa paglantak ng masarap na cake. Tumingin si Blumentritt kay Trutty at humugot ng malalim na hininga bago nagpatuloy sa nais sabihin. “Uhm, iniimbitahan kayo ng pamilya ko na mag-lunch sa bahay sa susunod na Linggo. Naisip ko na magandang ideya since wala tayong show na gagawin.”
Mukhang si Trutty lamang ang nagulat sa pahayag na iyon ni Blumentritt. Nagpatuloy ang kasama nila sa paglantak ng chocolate cake samantalang siya ay namimilog ang mga mata.
“Uumuwi ng Pilipinas ang mga magulang mo?” ang kaswal na tanong ni Estong.
“Bahay? Hindi mo nabanggit na may bahay sila rito,” ang sabi ni Kent Lauro bago pa man masagot ni Blumentritt ang naunang tanong. “O bumili ka ng bagong bahay para sa kanila?”
Nang hindi kaagad makasagot si Blumentritt ay nagsalita si Zane. “Sure, let’s do that. Makikilala na namin sa wakas ang pamilya mo.”
Tumango si Tutti. “That’d be great. Are the girls free next Sunday?”
Nagsitanguan ang mga kasamahang babae.
Tumikhim si Blumentritt. “Okay. I’ll make all the necessary arrangements.”
Hindi na nakapagsalita si Trutty.