KABANATA 15 Mula sa malayo, kita ni Malaya ang malaking palasyo nina Silverio. Gawa sa pinagpatong-patong na malalaking bato ang mataas na pader na bakod nito. Malapad at mataas din ang ang tarangkahan na gawa sa makapal na bakal na matutulis ang dulo. Napatingala si Malaya nang biglang may gumuhit na kidlat sa madilim na langit at tumama ito sa isang puno na sa isang iglap ay nabiyak sa gitna. Lumipad din ang abo ng mga dahon nitong nasunog at naiwang nagliliyab ang katawan ng puno. Dumagundong din ang malakas na kulog ngunit hindi siya natakot. Sa kalangitan siya lumaki at kaya niyang kontrolin ang panahon. Nakakapagpaulan siya ngunit kailan man ay hindi pa niya nagawang magpaulan nang malakas na may kasamang kulog at kidlat. Kaya niya kung nanaisin niya ngunit hindi niya ginagawa.

