"Here we are," saad ni Manager Santillan nang dumating na sila sa tapat ng apartment na sinasabi nito sa kanya na maaari niyang tirhan sa mababang halaga ng mababayaran niya buwan-buwan.
Agad siyang lumabas sa sasakyan nito at tinulungan din siya nitong ilabas ang kanyang mga maleta.
Dinala siya nito sa kanyang magiging kwarto at nang nasa tapat na sila ng magiging kwarto niya ay pumihit siya paharap sa kanyang manager.
"Maraming salamat po sa tulong niyo pati na sa lahat-lahat ng nagawa niyo para sa akin sa araw na 'to," aniya saka siya yumuko bilang pasasalamat at paggalang dito.
"Haist! Ano ka ba. Maliit na bagay lang 'yon," nakangiti nitong saad.
"Maraming salamat pa rin, ho," ulit pa niya.
"Basta, if you need something just give me a beep, okay?" bilin nito sa kanya, "...and after you're done arranging your clothes, kindly take a nap first para naman nakapagpahinga ang buo mong katawan dahil alam kong pagod na pagod ka na."
Napatingin siya rito at may kung anong damdamin na lamang ang biglang umusbong sa kanyang puso.
Sana, ganu'n na lamang ang kanyang naririnig mula sa kanyang asawa.
Sana, mula kay Alexander na lamang niya narinig ang mga katagang 'yon.
At dahil sa kaka-sana niya ay napangiti na lamang siya nang sapilitan dahil sa katotohanan na ibang tao ang kanyang kaharap, ibang tao ang kanyang kausap pero si Alexander naman ang tumatakbo sa kanyang isipan.
"Maraming salamat po," muli pa niyang sabi.
"Here's the key," sabi nito sabay kapa sa susi na nasa bulsa nito.
Nagtataka naman siya kung bakit may susi ito sa kwartong 'yon.
Napakunot ang kanyang noo habang nakatingin siya sa susi na hawak ng kanyang manager at bahagya pang nakaunat ang braso nito patungo sa kanyang direksiyon.
"Well..." ani Manager Santillan nang mapansin nito ang kakaibang kahulugan niyang tingin, "...noong pinaalis mo ako, pinuntahan ko kaagad ang may-ari ng apartment na 'to since pinsan ko lang naman and then I told him about your plan to have a new home at dahil busy siya, ibinigay na lamang niya sa akin ang susi," paliwanag nito kahit pa hindi niya hiningi ang paliwanag nito kung bakit may susi ito ng apartment na 'yon.
"And he told me that he will going to meet you this weekend para naman pag-usapan ang magiging monthly fees mo," dagdag pa nito.
Napangiti na lamang siya dahil sa kabila ng katotohanan na halos lahat ng taong pinagkatiwalaan niya ay pinagloloko lamang siya kahit papaano ay may isang taong handa siyang tulungan at intindihin.
"Sige, alis na ako," pagpapaalam nito na sa kanya at napatango naman siya bilang tugon sa paalam nito.
"Maraming salamat po uli."
Nang nakaalis na si Manager Santillan ay agad naman niyang binuksan ang pintuan ng kwarto ng apartment na kung saan, ito na ang magiging bahay niya pagkatapos nang lahat ng nangyari.
Hinila niya ang kanyang mga maleta at agad din niyang isinara ang pintuan ng kawartong 'yon.
Inilibot niya ang kanyang mga mata sa loob ng apartment at napamangha na lamang siya dahil kahit na hindi ito kasing laki ng kanilang bahay ay maganda at malinis naman ito at well-arranged ang mga gamit na nandu'n kaya maluwag pa ring tingnan.
Agad niyang inayos ang kanyang mga gamit sa loob ng closet na nandu'n at nang matapos ay agad niyang ibinagsak ang pagod na pagod niyang katawan at puso sa ibabaw ng malambot na kama.
At habang nakahiga siya ay napatitig siya sa kisame at muling bumabalik sa kanyang isipan ang lahat-lahat.
Napaupo siya sa gilid ng kama at pilit na pinipigilan ang mga luha.
Ayaw na niyang umiyak. Napapagod na siya. Tama na ang mga luhang sinayang niya. Tama nang napahagulhol siya dahil sa sakit.
This time, kailangan na niyang bumangon at ipakita sa buong mundo na matatag siya at kahit na ano pang dadaanan sa kanyang buhay na mabibigat na pasanin ay hindi siya papatinag.
Ang mga taong nagpahirap sa kanya, ang mga nagwasak sa kanyang puso ay sisiguraduhin niyang luluhod sa kanyang harapan at hahabulin ang kanyang kahalagahan sa buhay ng mga ito.
Kung sakali mang hindi niya magagawa ang mga iyon, at least man lang ay napagtanto nang mga ito ang kanilang pagkakamali at kahit na isang beses ay marinig niya mula mismo sa mga labi ng mga ito ang pagsisisi.
Kapag iyon ay mangyari, magiging payapa na siya sa kanyang buhay!
"Anong ginagawa mo rito?" galit na tanong ni Nicole sa kanyang asawang nakarating na ito sa kanilang bahay matapos niya itong takasan.
"Nicole, mag-usap muna tayo. Ayusin natin ang lahat ng kung ano mang nangyayari sa atin," pakiusap ni Glendon pero nanatiling bato ang puso niya para sa pakiusap nito kahit na mahal na mahal niya ito.
Alam naman kasi niya na hanggang ngayon, mahal pa rin nito ang first love nito noong high school. Ramdam niya iyon kaya ganu'n na lamang kasakit para sa kanya ang lahat.
Kahit pa sabihin ng lahat na siya ang mahal ni Glendon dahil siya ang pinakasalan nito, hindi pa rin iyon sapat para kay Nicole dahil alam naman niya, alam naman ng lahat na kaya siya pinakasalan ng kanyang asawa dahil nabuntis siya nito at hindi dahil minahal siya nito.
"Umalis ka na," matigas niyang pagtataboy dito.
"Nicole, please," muli nitong pakiusap pero kailangan pa niya ng panahon upang magmuni-muni para sa maraming bagay.
"Umalis ka na kung ayaw mong tumawag ako ng pulis," pananakot niya.
"Nicole-----"Alis! Umalis ka na!" sigaw niya saka niya ito ipinagtulakan palayo sa kanya na siya namang paglabas ng kanyang anak na si Steph.
"Daddy!" giliw na giliw nitong tawag kay Glendon at nang lalapit na sana si Steph sa kanyang ama ay mabilis naman itong hinawakan ni Nicole sa kamay nito na siyang labis na ikinataka ni Glendon.
"Nicole, what do you mean by that?" kunot-noong tanong ni Glendon sa kanyang asawa habang mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay ng kanilang anak.
"Aalis ka kung gusto mo pang makita ang anako mo," aniya sa boses na nagbabanta.
"Nicole, don't do this," anito.
"Mommy?" anas ni Steph habang pinipilit nitong makawala mula sa pagkakahawak ni Nicole rito.
"Tumigil ka," mariing sawat ni Nicole sa anak.
"Nicole..." Napaatras si Nicole nang sinubukan siyang hawakan ni Glendon para aluin.
"Aalis ka o hindi mo na makikita ang anak mo kahit kailan?"
Walamg nagawa si Glendon kundi ang umalis na lamang. Mahal niya ang kanyang anak. Mahalaga sa kanya si Steph kaya hindi niya ito kayang hindi makikita at makasama kahit sandali lamang.
"Daddy!" tawag ni Steph sa kanya habang umiiyak na ito.
Naaawang napalingon siya rito at hanggang du'n lamang ang kanyang magagawa dahil alam niyang galit sa kanya ang kanyang asawa dahil sa kanyang ginawa rito.
Nang tuluyan nang nawala si Glendon sa kanilang paningin ay galit na binaklas ni Steph ang kanyang kamay na hawak-hawak ng kanyang ina.
Nabitiwan na rin ni Nicole ang kamay ng kanyang anak dahil na rin sa sakit na kanyang nararamdaman nang nawala na si Glendon sa kanilang harapan.
"I hate you!" sigaw ni Steph, "I hate you so much, Mommy!" muli pa nitong sigaw saka ito napatakbo papasok sa kanilang bahay.
Napapikit na lamang si Nicole sa kanyang ginawa. Masakit para sa kanya ang pagtabuyan ang ama ng kanyang anak pero kung hindi niya gagawin iyon, malamang hindi nito mararanasan o mararamdaman ang kanyang halaga bilang asawa nito at ina ng kanilang anak.
Sana, matauhan na rin si Glendon at masabi nito sa kanya na mahal na mahal siya nito at hindi nito kaya pang mawala.
Nagising si Alexander kinabukasan mula sa mahimbing niyang pagkakatulog sa ibabaw ng kanilang sofa.
Matapos kasing umalis si Xia ay muli niyang nilunod ang kanyang sarili sa alak na nasa loob ng kanilang refrigerator at wala na siyang pakialam kung ano ang mangyayari sa kanya pagkagising niya kinabukasan o magigising pa ba siya.
"Sweetie, give me water, please," aniya habang mapupungay pa ang kanyang mga mat dahil kagigising pa lamang niya.
Nakasanayan na kasi niyang ganu'n ang kanyang gagawin every time na malalasing siya.
Kung minsan nga, pagkagising niya kinabukasan ay may baso na ng tubig siyang makikita sa ibabaw ng center table o sa gilid ng katabi niyang side table sa loob ng kanilang kwarto.
Makalipas ang sandaling walang Xia na nag-abot sa kanya ng basong may lamang tubig ay napatayo na lamang siya para siya na lamang ang kusang kukuha.
Matapos niyang salinan ng tubig ang basong kanyang kinuha ay agad niya itong ininom pero bago pa man niya tuluyang nalagok ang tubig na laman ng hawak niyang baso ay bigla siyang natigilan.
"Sige! Umalis ka! Umalis ka! I don't need you anymore! Umalis ka!"
Naalala niyang singhal niya kay Xia pero hindi na niya maaalala kung totoo nga bang nangyari 'yon o baka nanaginip na lamang siya.
Naaalala rin niya ang ginawang paghakbang ni Xia palabas ng kanilang bahay kaya lalong napakunot ang kanyang noo.
Mabilis na pumasok siya sa kanilang kwarto at inaasahan niyang makikita niya sa loob ang kanyang asawa na mahimbing pang natutulog pero laking pagkadismaya niya nang sa kanyang pagbukas sa kanilang kwarto ay ang tahimik na loob nu'n ang tumambad sa kanya.
Mabilis niyang inihakbang ang kanyang mga paa palapit sa kanilang closet at agad niya itong binuksan at ganu'n na lamang ang malaking pagkadismaya niya nang mapagtanto niyang hindi nga siya nanaginip lamang.
Hindi pala dahil sa kanyang kalasingan kaya niya naisip na umalis ang kanyang asawa. Totoo palang umalis na ito.
Umalis na sa kanyang piling!
Agad niyang hinagilap ang kanyang phone saka niya sinubukang tawagan ang kanyang asawa pero nakailang tawag na kanyang ginawa ay talagang hindi na niya ito makuntak pa.
He doesn't know that the phone of his wife was already broken matapos itong itapon ni Xia sa sementadong sahig ng bar.
Sinubukan na rin niyang tawagan si Martha pero ring lang nang ring ang phone nito at nang nabwusit ito sa kanya ay pinatay siya ng phone.
Gulong-gulo ang isipang nakaupo siya sa ibabaw ng kanilang sofa at hindi niya alam kung ano nga ba ang dapat na kanyang mararamdaman gayong tuluyan na siyang iniwan ni Xia!