“ANO BA talaga ang pangalan mo? Lahat sila halos, Beltran ang tawag sa iyo.”
Oras ng recess. Sinadya niyang humiwalay kina Justin at Raymond para samahan si Kitkat. May baon itong pagkain. Nag-volunteer siya na bilhan ito ng drinks pero kumpleto ito sa baon. Bumili na lang siya ng sarili niyang pagkain at magkasalo sila ngayon. Nasa classroom lang din sila. Inayos niya ang ilang armchair para magmukhang mesa na kainan.
“Apelyido ko iyon, eh. Di ba, sinabi ko ang sa iyo ang pangalan ko?”
“I know. Pero bakit hindi ka nila tinatawag sa pangalan mo?”
Nagkibit siya ng balikat. “Ewan ko sa kanila. Okay lang naman sa akin. Iyong iba saka iyon mga barkada ko, tinatawag nila akong Matmat.”
“Matmat?”
“Oo. Matmat. Parang Kitkat. Magkatunog, di ba? Matmat, Kitkat. Bagay lang.” Saka siya tumawa nang mahina. Kaso ay mukhang dead-ma lang kay Kitkat ang palipad-hangin niya.
“Pero bakit nga, Matmat?”
Ipinakita niya rito ang ID. “Ayan, di ba nga sabi ko na sa iyo dati, Matthew Dominic A. Beltran. Iyan ang talagang pangalan ko. Baka itatanong mo pa kung ano iyong A. Aguirre iyon.”
“Aguirre? A din ang middle ko, eh.”
“Aguirre din?” Bigla ang pag-ahon ng di-maipaliwanag na pagtutol sa buong sistema niya. “Hindi naman lahat ng Aguirre, magkakamag-anak, di ba?”
“Ewan ko. Siguro. Pero hindi naman Aguirre ang A ko. Aguilar.”
Nakahinga siya nang maluwag. “Mabuti naman.” “Bakit?” Kasi nga crush kita, he almost said aloud. “Basta.”
“Bakit hindi Dominic ang itawag nila sa iyo?” maya-maya ay tanong nito. “Ewan ko. Nasanay na ako sa Matmat o kaya Beltran.”
“Eh, kung Dominic ang itawag ko sa iyo?” Para siyang kiniliti. Dominic. Ito pa lang ang tatawag sa kanya ng ganoon. Suddenly, he felt that to be called Dominic was so special.
“De, sige, tawagin mo akong Dominic. Ako rin naman iyon.”
“Dominic,” ulit nito. Hindi niya napigil ang pagngiti. Parang ang sarap-sarap sa pandinig niya ang pangalang Dominic.
“Ayun, eh! Bilis mo, Beltran! Syota mo na agad! Easy to get ka pala, Tisay!”
Sabay silang napalingon ni Kitkat sa pinanggalingan ng tinig. Sina Jennilyn iyon, nakaposte sa may pintuan.
“Tangina kayo, ah!” pikon agad na sabi niya at iglap na tumayo.
Maagap siyang hinawakan sa braso ni Kitkat. “Dominic.”
Parang namutawi sa mga labi ng isang anghel ang pagtawag na iyon. Mabilis na napayapa ang pagkapikon niya.
“Wala ba kayong magawa?” nagpipigil na sita niya sa mga ito.
“Huwag na natin silang pansinin,” sabi naman ni Kitkat.
“How sweet! Magsyota na kayo, ano? Ang tulis mo, Beltran! Natuhog mo agad?”
“Tangina talaga kayo, ‘no?” Humulagpos ang pagtitimpi niya. Mabilis niyang nalapitan ang tatlo.
“Ano, sasapakin mo kami? Ipapa-office ka namin!”
“Mga bastos kayo, tangina ninyo, eh. Nananahimik kami dito---”
“Dominic.” Sumunod sa kanya ni Kitkat.
“Huwag na tayong pumatol.” “Bagay kayo. Isang mainitin ang ulo saka isang mahinhin. Mahinhin-dutin!” Saka nagtawanan ang mga ito.
“Tangina ninyo, mga bastos kayo talaga, eh!” Humakbang siya palapit sa mga ito pero hindi niya natapos ang unang hakbang at niyakap siya ni Kitkat buhat sa likuran.
“Dom, please.”
Dom.
Hindi niya alam kung dahil sa isang katagang iyon o dahil sa consciousness niya na nakayakap ito sa kanya kaya parang tumigil ang inog ng mundo sa kanya. It felt so good. Hindi pa siya nayakap ng ibang babae maliban sa inay niya at mga kapatid.
At crush niya si Kitkat!
Hindi niya kayang ipaliwanag ang sarap ng pakiramdam na yakap siya ng crush niya. Kahit na nga ba, likod lang niya ang yakap nito at iyon ay upang awatin siya at wala namang iba pang dahilan.
NAKITA na lang ni Dominic na nagtatawanan ang grupo ni Jennilyn habang papalayo ang mga ito.
“Tapusin na lang natin iyong pagkain natin.” Parang bata na inakay siya nito pabalik sa puwesto nila kanina.
Pero wala na siyang ganang kumain dahil sa magulong emosyon sa dibdib niya. Inubos na lang niya ang inumin niya.
Mukha namang hindi na rin makakain si Kitkat. Iniligpit na nito ang sariling baunan.
“Pasensya ka na,” sabi niya mayamaya.
“Pikon ka pala. Madaling mag-init ang ulo mo.”
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. “Nakakapikon naman silang talaga. Akala mo kung mga sino. Ang babastos. Ang sama ng tabas ng mga dila.” Tinitigan siya nito.
“Ikaw din naman.”
Kumunot ang noo niya. “Anong ako?”
“Medyo masama din ang tabas ng dila mo. I heard you. Ilang beses kang nagmura.”
“Ganoon talaga,” katwiran niya. “Kasalanan naman nila. Ang babastos nila. Narinig mo ba iyong mga sinabi nila, lalo na sa iyo. Alam mo ba iyong ibig-sabihin ng mahinhin-dutin?”
“Not exactly. But I guess it’s not a nice word.”
“Hindi talaga nice word iyon, bastos na salita iyon.”
“Salamat sa pagtatanggol mo sa akin, Dominic. But you know, it’s really bad to swear.”
Marahas siyang napahinga. “You know...” Lintik, hindi siya sanay ng pa-Ingles-Ingles!
“Sa nagmumura ako, eh.”
“Okay lang sa parents mo na nagmumura ka?”
Hindi siya nakaimik. Hindi siya nagmumura kapag nasa bahay. Namumulaklak sa pag-po at opo ang mga salita niya sa mga magulang.
“Maybe you can lessen saying those bad words. But it would be really nice if you do not swear. Hindi kasi talaga magandang pakinggan.”
Sa kung anumang kadahilanan ay hindi siya nakaramdaman ng paghihimagsik sa sinabi nito.
“Hindi ako mangangako. Pero sige, susubukan ko.”
Ngumiti ito nang ubod-tamis. Ngiti pa lang na iyon ay parang mabubura na talaga sa bokabularyo niya ang lahat ng mura na lumalabas sa bibig niya.
“Good. May isa pa nga pala, Dominic.”
Kunot na noo ang itinugon niya dito.
“Are you really like that? Parang pumapatol ka sa babae. Sasapakin mo sila talaga?”
Ilang sandali ang lumipas bago siya nakasagot. “Hindi ako nananakit. May dalawa akong nakababatang kapatid. Parehong babae. Saka sabi ng inay ko, ang lalaki, hindi dapat manakit ng babae. Dapat minamahal. Iyon din ang nakita ko sa itay ko. Mahal na mahal niya ang nanay ko.”
Bahagya itong napatango. “Pero bakit sina Jennilyn kanina, parang sasaktan mo sila talaga?”
“Eh, hindi ko naman sila mahal!” padaskol na sagot niya.
Namayani ang ilang sandaling katahimikan sa pagitan nila. Hindi niya alam kung may sasabihin pa uli si Kitkat o kung pinag-iisipan pa nito nang husto ang isinagot niya. Una din siyang nagbuka ng mga labi.
“Pasensya ka na kanina. Hindi naman ako bayolenteng tao. Hindi ko lang din talaga alam kanina kung bakit ang bilis-bilis kong mapuno sa kanila. Siguro... Dahil ayaw kong parang inaapi ka nila. Saka isipin mo naman, ang bastos-bastos nila talaga, di ba? Bagong-lipat ka dito. Imbes na i-welcome ka nila kanina, binu-bully ka nila. Akala nila siguro kayang-kaya ka nila.”
“Mukha bang kayan-kayanin lang nila ako?”
Tinitigan niya ito. “Alam mo, kahapon noong masalubong mo ako, ang taray-taray mo kaya. Akala ko nga, may lahi kang pusa, eh.”
Isang panibagong ngiti ang sumilay sa mga labi nito. “I have something to tell you.”
“What?” Naks, napapa-Ingles siya ni Kitkat!
“Meow!!!”
Pareho na lang silang natawa.
“May itatanong pala ako sa iyo,” sabi niya mayamaya.
“What is it?”
“Bakit ba ang taray-taray mo noong una kitang makita? Para kang pusang bagong panganak. Para kang aagawan ng kuting.”
Lumabi ito. “Masama kasi ang loob ko na mag-transfer. Nagrerebelde ako kaya pinapakita ko sa Mommy ko na ayaw ko talaga. I have two younger sisters, both are also complaining with our situation right now. That’s when I also realized na mas nahihirapan si Mommy. Wala namang may gusto sa amin na mangyari ito pero nandito na. Wala rin kaming magagawa kahit magrebelde pa kami, lalo na ako dahil ako ang panganay. I should be a good example to my sisters. Dominic, basically I’m a nice girl. I just have some tantrums once in a while.”
“Mukha ka naman talagang nice girl. Ni hindi ka nga makapiyok sa nambu-bully sa iyo.”
“Kung gusto kong lumaban ay makakalaban naman siguro ako. But I am emotionally down. Mahirap kasi talaga ang sitwasyon namin ngayon. From rags to riches, sabi ng iba. We are in a period of adjustment. And this isn’t easy. Wala naman kaming maitutulong kay Mommy maliban sa bigyan namin siya ng peace of mind. Kung lalaban ako at mao-office ako, magiging problema pa ni Mommy iyon.”
Napatango na lang siya. “Hindi ka na siguro ibu-bully ng mga iyon. Saka lagi kitang sasamahan para hindi na sila umulit.”
“Thanks, Dom.”