Ilang sandali pa ang lumipas nang matagumpay na makagawa ng malaking butas si Kaiden mula sa maliit na butas ng pader kanina. Kaagad silang lumabas doon ni Amiera. Hindi nila alam kung ilang oras silang namalagi doon pero nakikita nila sa kalangitan na padapit-hapon na. Hindi din nila alam kung nasaang lugar sila sapagkat hindi sila pamilyar sa kapaligiran. Tila nasa gitna sila ng kagubatan sapagkat wala ding makikitang kalsada o ibang establisyamento sa paligid. At sa halip ay puro mga halaman at puno lamang ang naroroon, bukod sa abandonadong malaking gusali na pinanggalingan nila. Nagsimula silang maglakad-lakad na dalawa. At bagama’t kapwa na silang nakakaramdam ng kapaguran at pagkagutom ay wala silang ibang pwedeng gawin kung hindi ang magpatuloy pa rin sa paglalakad. Pilit nilang

