THISA’s POV
Sa pag-alis ni Mel ay tila kasama nitong nawala si Hanz.
Natapos ang first year high school ko na hindi na siya nasilayan. Tanging ang huling sulyap niya ang malinaw sa aking puso at isipan.
May mga naging crush din ako pero hindi na tulad ng kay Hanz. Iba talaga iyon. Hindi na siya sa school namin nag grade 11 and 12. Kaya hindi ko na talaga siya nakita.
Magka-iba ang pinasukan naming university ni Ivy. Ngunit kahit ganoon ay hindi naman nagbago ang pagkakaibigan namin. Siya pa rin ang bff ko. Sina Mabel, Jona at Lhen ang kasama ko sa pinasukan kong school. Close friends ko naman silang tatlo. Mas late akong dumating sa group nila kaya hindi ako ganoon ka-in at dahil nakilala ko na si Ivy, siya ang madalas kong kadikit noon.
Nagmamadali ako sa pagpasok dahil naninibago ako. Nag-dorm ako kaya ako ang mag-aasikaso sa sarili ko. Okay naman ang lahat ng gamit kaya lang ang pag-alarm ko ang may problema. Sa kaka-five minutes ko, tinanghali na talaga ako.
Terror pa naman ang impression sa prof namin sa first subject. Dahil college na, wala na kaming adviser. Nagmamadali ako para huwag ma-late. Dire-diretso lang ako ng lakad. Hindi ko inaasahan na may mabubunggo ako. Galing sila sa isang wing kaya hindi ko napansin. Humagis ang mga libro ko. Ngayon ay hindi na ako bata at kasabay ng pagbabago ng aking katawan pati ang pananaw ko sa buhay.
Inis na inis akong pinagdadampot ko ang aking libro. Mamaya ko sila haharapin kapag nadampot ko na ang mga books ko.
“Miss, ito pa. Sorry, hindi kita nakita. May pinag-uusapan kami ng mga classmates ko,” hindi ko alam biglang tumambol ang puso ko pagkarinig sa baritonong boses na iyon. Kilala siya ng puso ko. Kilalang kilala ko ang boses na iyon. Akala ko sa television lang yung slow motion. Ngayon, pakiramdam ko ay nangyayari ito sa akin ngayon. Unti-unti ang aking paglingon. Tama ba si Hanz ito?
Si Hanz nga! Ang laki nang pinagbago niya. Mas naging makisig siya at mas lumakas ang dating niya. Ang gwapo niya lalo. Ako kilala ko siya pero siya nakikilala pa kaya niya ako?
“Hanz, tara na! Male-late na tayo sa subject natin,” sigaw ng isa niyang kasamahan.
“Miss, okay ka lang?”
“Hanz? Ikaw na ba iyan? Natatandaan mo pa ba ako? Si Thisa, yung grade 7 sa SMHS,” sambit ko dito at waring nag-iisip ito nang sumigaw na naman ang mga kasamahan niya. Hindi na lang isa ang tumawag sa kanya kundi yung tatlo niyang kasama. Dadagdagan ko pa sana na ako yung natamaan ng bola, kaya lang ay nakakahiya na.
“Yung magaling sumayaw? Yung cheerleader ng grade 7? Dalaga ka na at mas lalo ka pang gumanda. Gusto pa sana kitang maka-usap ngunit nagmamadali na ang mga kaklase ko. Pati ikaw, baka ma-late ka na. See you around, Thisa.” Sambit niya sa akin.
Naiwan akong nakatulala dahil sa sinabi niya, mas lalo raw akong gumanda. Nagandahan na pala siya sa akin noon? Bakit hindi niya ako niligawan? Hindi ako makasigaw dahil may mga tao rito sa paligid.
Prim and proper na ang peg ko kaya dapat maingat sa pagkilos.
“Sweet, anong ginagawa mo d’yan?” si Marco ang boyfriend ko dito sa school.
Dahil nag-eighteen na ako, pwede na ako mag-boyfriend. Pero hindi legal ang relasyon namin ni Marco sa family ko. Hindi nila alam na may boyfriend ako at kahit si Ivy ay hindi ito alam. Ang alam lamang niya ay manliligaw ko si Marco. Sweet, ang tawag niya sa akin. Sweet siya pero ako hindi ganoon. Sa tuksuhan kaya napasagot na rin ako. Gusto ko rin maranasan na magkaroon ng tinatawag na boyfriend.
“Nasagi kasi ako, humagis ang mga books ko. Kakatapos ko lang damputin. Tinanghali ka rin? Tara na!” niyaya ko na siya at saka na lang niya sinagot ang mga tanong ko.
Mag-boyfriend lang naman kami ni Marco at wala pa kaming one month kaya hindi pa rin siya nag-sink in sa utak ko na may boyfriend na pala ako. Sa school lang din kami nagkikita dahil ka-block ko siya.
Mabuti na lang at wala na si Hanz, pagdating ni Marco. Nagtungo na kami sa classroom. Hindi na ako ngayon natatakot na pumasok ng late dahil hindi ako nag-iisa. Dalawa kami ni Marco.
Bago kami pumasok ng classroom ay may sinabi ako kay Marco.
“Marco, pwede ba tayong mag-usap mamaya?”
“Importante ba?”
“Oo, tungkol sa ating dalawa.”
Pagdating namin sa may pintuan ng classroom ay rinig na rinig ang ingay ng buong klase. Wala ang professor namin o wala pa? Baka naipit ito sa traffic. Minsan iyon ang dahilan. Tahimik kaming pumasok ni Marco. Hindi ko alam kung bakit bigla kong naisip na makipag-break sa kanya. Iyon ang sasabihin ko dito. Wala naman akong alam pa tungkol kay Hanz pero ng makita ko siya kanina para akong na-guilty. Ang sinasabi ko sa diary ko ay hihintayin ko siya pero nag-boyfriend ako ng iba.
Late lang nga ang professor namin. Palabas na kami ng masalubong namin siya. Kaya nagsibalik kami. Wala naman kaming ginawa at may binigay na lang si Sir na kailangan naming aralin dahil may graded recitation kami next meeting.
Ilang subjects pa ang susunod kaya naman hindi pa kami makakapag-usap ni Marco.
Pag-uwi namin sa hapon saka lang kami nito nagkaroon ng oras. Nagtungo kami sa may sunken garden. Doon malinis ang Bermuda na mauupuan. May mga puno pa kaya hindi mainit.
“Mukhang seryoso ang pag-uusapan natin, Sweet,” sambit nito nang makaupo kaming dalawa.
“Oo, tungkol sa ating dalawa at sa relasyon natin.”
“Ipapakilala mo na ba ako sa daddy mo?” napatingin ako sa kanya. Kahit kailan ay hindi ko sa kanya sinabi na may plan akong ipakilala siya. Gwapo si Marco, marami nga ang may crush sa kanya. Tinukso lang talaga kaming dalawa, sinubukan ko lang naman kung pwede kaming mag-click. Never kong sinabi na gusto ko siya at mas lalong hindi ko sinabi na mahal ko siya. Ang natatandaan kong sinabi ko noon ay “sige subukan natin kung mag-work,” iyon ang exact words ko sa kanya. Kaya wala yung ipapakilala ko siya. Siya ang nagyaya na isasama ako sa kanila para ipakilala na tinanggihan ko rin.
“Hindi. At hindi na rin mangyayari iyon. Gusto ko na kasing makipag-hiwalay. I don’t think na mag-wo-work pa ang relasyon natin. Ayaw kong maging unfair sa iyo. Kaya ngayon pa lang, itigil na natin ito. Hindi ako ang babae na nararapat sa iyo,” sambit ko sa kanya.
“Kaunting time pa, Thisa. Baka matutunan mo rin akong mahalin,”
“Kilala ko ang sarili ko, Marco. Hindi talaga mag-wo-work. Sinubukan ko naman pero hindi talaga eh. Hanggang friends lang talaga tayo. At mas maganda na iyon na lang tayo,” sambit ko dito.
Hindi na siya sumagot. Tahimik lang ito na nakamasid sa mga naglalaro sa gitna.
“Dumidilim na Marco. Kailangan ko ng umuwi sa dorm. Mauuna na ako,” sambit ko sa kanya. Tumayo na ako ng hindi pa rin siya sumasagot. Wala na talagang magpapabago pa sa isipan ko. Noon ko pa naman gusto itong gawin. Hindi lang ako makahanap ng tamang salita pero ngayon kailangan kong makipaghiwalay dahil muling nabuhay ang nararamdaman ko kay Hanz na sandaling namahinga. Mas lalong hindi ko siya magagawang magustuhan dahil nandyan ang anino ni Hanz.
Umalis na ako. Hindi ko na rin nilingon si Marco. Kung hindi man niya ako pansinin sa classroom, okay lang sa akin. Wala na talaga eh. Ayaw kong lokohin siya at ayoko lalong lokohin ang sarili ko. Si Hanz pa rin ang gusto ko. At ngayon na ganap na akong dalaga ay pwede ko na sabihin kung sino ang gusto ko.