THISA’s POV
Hindi pa man break time ay nakabulong na sa akin si Mel.
“Ngayon ang araw ng PE ni Hanz.” Tiningnan ko lamang ito. Ilang araw ko na itong hinihintay pero hindi ko siya nakikita. Wala naman akong mapag-tanungan. Hindi ko alam kung bakit wala siya sa tuwing umuuwi kami. Kaya ilang araw na rin akong malungkot. Hindi na sumaya ang nakasulat sa diary ko para sa kanya. Puno ng pag-aalala.
“Sa tingin mo, nand’yan kaya siya?” tanong ko dito.
“Malay mo naman. Di ba mamaya pala ang announcement kung sino ang nakapasa sa audition? Mag-stay pa pala tayo rito sa school. Gusto mo ikot tayo sa may classroom nila?” pilit ako nitong pinapasaya dahil nakikita niya na ilang araw na akong matamlay dahil wala akong silay.
Natuwa naman ako sa sinabi nito. “Okay lang sa ‘yo? Paano kung masita tayo?”
“E di magpalusot na lang tayo kapag nahuli tayo. Madali na ‘yon! Kaysa naman laging ganyan ang mukha mo. Ang lungkot lagi. Gusto ko yung Thisa na naka-ngiti at punung-puno ng kompyansa sa sarili! Mamaya sa break natin, sa may quadrangle tayo dumaan,” natuwa naman ako sa mga sinabi ni Mel.
Biglang nagbago ang mood ko at gusto ko ng mag-break. Kaya pagtunog pa lang ng bell ay hawak ko na ang aking wallet at tumayo agad kami ni Mel. Nakatalikod naman ang teacher namin kaya hindi na kami napansin. Kung hanapin kami? May reason naman kami kung bakit kami nagmamadaling lumabas. Gutom na kami.
Nag-uusap kami ni Mel at dito ako nakatingin. Hindi ko nakita ang bolang paparating kaya natamaan ako sa aking ulo. Hindi rin napansin ni Mel kaya hindi talaga ako naka-ilag.
“Aray! Sinong may gawa---” hindi ko na naituloy ang aking sasabihin dahil may lalaking palapit sa amin.
Parang gusto kong himatayin para buhatin ako nito pero nakita na niya na nakatayo ako at sa ulo ko lang nakahawak.
“I’m sorry, Miss! Napasobra ang hagis ko sa bola. Nasaktan ka ba?” hinging paumanhin nito. Yung kasama niya na sumunod sa kanya ang kumuha ng bola. Hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga tanong nito sa akin?
“Ikaw na naman?! Lagi ka na lang pakalat-kalat! Noong nakaraang ilang linggo nasagi mo rin ang boyfriend ko. Ngayon nakakalat kayo kaya natamaan ka ng bola. Hindi naman dito ang daan, doon lang kaya dapat sa may hallway. May naglalaro dito.” Wika ng babaeng asungot na napakabaho ng bunganga.
“Miss, walang kasalanan ang kaibigan ko. Tahimik kaming naglalakad dito nang bigla siyang tamaan ng bola. Sa tingin mo? Gusto niya iyong nangyari? Sa iyo ko kaya patamain ang bola, gusto mo?” inawat ko na si Mel at sinaway rin ni Hanz ang asungot na babae.
“Belle, stop it. Hindi naman niya ginusto na tamaan siya. Wala namang may gusto. Aksidente lang ang nangyari at hindi ka dapat magalit sa kanila.” Hawak nito ang asungot at gustong gusto naman ng bruhildang ito na inaawat siya.
“If I know, kaya ‘yan pakalat kalat ay nagpapansin sa mga boys. Grade seven pa lang ay paghahanap na ng lalaki ang inaatupag. Mag-aral muna kayo bago kayo kumerengkeng!”
“Aba at talagang hinahamon ako nito—” muli ko na namang inawat si Mel.
“Miss, sorry talaga hindi ko sadya. Sige na umalis na kayo baka mag-abot na pa silang dalawa.” Sambit ni Hanz at bahagya akong tiningnan nito.
“Okay na sana ako, kaya lang pakisabihan yang kasama mo na magdahan-dahan siya sa pananalita. Baka siya ang kerengkeng at laging nakakapit sa iyo. Takot ba siya na baka may magustuhan kang iba kaya lagi na lang umeeksena? Sabagay, dapat nga siyang matakot dahil wala akong makita na maganda sa kanya. Kulay pa lang ng skin ay hindi na balance. Sorry, hindi ako pintasera pero kapag ang nanglait sa akin ay walang karapatan, pumapalag ako kahit na sabihin mo pang grade ten siya!” matapang kong wika sa kanilang dalawa.
“Ginagalit mo talaga ako—” galit nag alit nitong sambit at susugurin pa ako. Halos yakapin na siya ni Hanz sa pagpigil sa kanya.
“Wala naman kasi silang ginagawang masama. Ikaw kasi ang nagsalita ng hindi maganda…” hila-hila na ito ni Hanz palayo sa amin. Hindi ko talaga siya aatrasan. Kaunti lang ang taas niya sa akin. Ako pa ba? Mas lamang naman ako sa kanya.
“Kung hindi moa ko inawat, nakatikim sa akin ang babaeng iyon!” galit na wika ni Mel. Hindi na kami nakapag-break dahil naubos na sa pakikipagtalo namin sa asungot na iyon. Ngayon ko muling naramdaman na may masakit pala ako sa ulo. Masakit talaga ang tama ng bola kanina. Pinatingnan ko pa kay Mel kung may bukol. Wala naman daw.
May baon naman akong sandwich. Ibinigay ko na lang kay Mel ito. Dahil sa akin ay hindi na kami nakakain. Kaya ko namang magtiis ng gutom. Nakita ko naman si Hanz kanina kahit sa ganoong pagkakataon. Sana lang ay makapasa talaga ako sa audition. Gusto kong makalaban ang grade ten dahil sa babaeng iyon. Hindi bagay sa kanya ang pangalan niya. Belle raw, pwede na rin yung Belle na kamukha ng beast. Hindi si Belle na maganda. Siya ang Belle na dapat partner ng beast dahil ganoon ang mukha niya. Baka kailangan buhusan ng asin si Hanz at baka ginayuma ng babaeng nakakatakot ang hitsura. Kung makalait siya sa amin akala mo ay hindi kalait-lait ang hitsura niya. Kahit magpa-poll pa kaming dalawa kung sino ang mas maganda ay lalabanan ko siya. Lagi kaya akong muse sa classroom namin noong elementary. Ayaw nga akong i-nominate ng mga classmate ko sa ibang position dahil pang-muse lang daw ako. Walang pwede sa position na iyon kundi ako lang.
Hindi na kami umikot ni Mel. Sa canteen na lang kami dumiretso dahil ayaw namin na makita ang babaeng asungot. Hanggang ngayon ay kumukulo pa rin ang dugo namin sa kanya. Kakain na muna kami dahil ala-una raw ang announcement and after n’on ay meeting na. Kaya para sure kami ni Mel ay kailangan naming kumain at ako wala pa akong kain simula kanina.
“Thisa, kahit na natamaan ka ng bola, swerte ka pa rin.” Naka-ngiting sambit nito kaya naman sinundan ko ng tingin ang kanyang tinitingnan.
Sila Hanz at kasama yung mga lalaking lagi nitong kasama. Wala ang babaeng asungot. Dito na rin sila sa school nagbihis kaya marahil dito na rin sila kumain ng lunch.
Tila may nakapansin sa amin kaya napunta sa amin ang atensyon nito. Nakapila kami ni Mel, parang gusto ko na siyang salubungin at sabihing okay na ako, Hanz my love.
“Miss, pasensya na uli sa nangyari kanina. Pasensya ka na rin kay Belle,” sambit nito. Sasagot na sana ako ng may ituro ang kasama nito sa may pinto ng canteen. Napasunod din ako ng tingin at ang babaeng asungot na naman pala. Mukhang malakas ang pang-amoy nito. Hindi na ako nakasagot kay Hanz at sinalubong na nito si Belle na bagay kay Beast at hindi sa aking Hanz.
Wala na ang aking tinitingnan. Okay na sana, nasira na naman.
Kumain na lang kami ni Mel at kailangan naming makapunta sa quadrangle ng 1 pm.
Ang gwapo talaga ni Hanz. Kailan kaya kami makakapag-usap na dalawa. Yung tatanungin naman niya ako ng tungkol sa akin. Hindi dahil sa tinamaan lang ako ng bola.
Dito na kami sa quadrangle, pero nasa isang sulok kami dahil nandito rin ang ibang grade level. Kaya naman sira ang hapon ko dahil nakikita ko ang pinaka-ayaw kong makitang mukha.
Nandito rin ang grade ten, at mukhang unang-una na tinawag ang partner ni Beast. Nagtatalon pa ito. Akala mo ay nanalo sa lotto. Sana makapasok din ako dahil gusto ko talaga siyang makalaban.
Dumating na ang teacher ng grade seven na in-charge. Nagsimula na itong magtawag. Natawag na si Mel pero ako ay hindi pa rin.
“Okay, may tatlo pa at makukumpleto na ang ating group,” wika ng teacher.
Kuntodo na ang kaba ko at tatlo na lang hindi pa ako ang natatawag. “Ikaw na siguro iyan,” bulong ni Mel. Hawak kamay pa kami nito na akala mo ay sa beauty contest ako sasali.
Ibang pangalan ang binanggit. Nauubos na ang pag-asa ko. Baka nasobrahan naman ako sa kompyansa kaya ganito ang nangyayari.
May muling tinawag at hindi na naman ako. “Di bale, kung hindi ka tawagin. Balik tayo sa plan B.” wika nito at nandito ang aking atensyon.
“Ang swerte ko talaga at kaibigan kita. Lagi kang nandyan at naka-suporta,” para pa akong maiiyak dito kay Mel. Nandito na ang atensyon ko at wala na sa teacher.
“Wala ba dito si Thisa Libz Martin?” mukhang naka-ilang tanong na ang teacher namin.
“Tawag ka ni Ma’am.” Kalabit sa akin ng kaklase namin na naka-pwesto sa harap namin ni Mel.
“Ako po si Thisa, ma’am. Bakit po?” hindi ko alam kung bakit ako tinatawag tulad ng sabi nitong classmate namin.
“Hindi ka nakikinig! Ikaw ang huling pangalan sa mapapasama sa cheering squad. Ikaw ang pinaka-magaling sumayaw. Congratulations sa lahat ng napili.” Turan nito sa akin.
Agad akong humarap kay Mel at masayang masaya rin ito.
“Congratulations! Sabi ko sa iyo, makakasama pangalan mo kasi magaling ka. Yehey! Kasali tayo.” Masayang masaya kami ni Mel hanggang sa matapos ang meeting. Sa sunod na week na ang practice namin. Kaya magiging abala kami ni Mel at dapat galingan talaga namin.