PAGKARATING namin ni Virginia sa aming silid pahingahan ay agad ko siyang hinarap.
“Virginia, may alam ka ba sa kalagayan ng aking inay ngayon? Alam ba n’yang naririto ako?” batid kong hindi dapat si Virginia o kay Virginia ako magtanong patungkol sa ganitong mga bagay ngunit wala na akong iba pang naiisip na maari kong makausap ng mas madalian.
“Binibini…” Natagalan ito sa pagsagot na mukhang nag-iingat at nag-iisip ng mainam na mga kataga upang sabihin sa kin. Nakita ko kung paano n’ya kusutin ang kan’yang saya at maging balisa kaya naintindihan ko na.
“Huwag mo na lamang sagutin kung hindi pwede, naiintindihan ko. Matutulog muna ako, gisingin mo na lamang ako kung may susunod pa tayong klase.” Hindi ko na hinintay ang kan’yang kasagutan samakatuwid ay tinalikuran ko na lamang siya at agad na nahiga.
Alam kong kahit kunti ay may nalalaman siya ngunit may pumipigil lamang sa kan’ya na iyon ay isatinig. Hindi ko naman siya masisi lalo na at nababasa n’ya ang aking naiisip. Napakadaya lamang dahil halos isa akong bukas na aklat para sa kanila ngunit lahat sila lalo na ang Uno na iyan ay misteryoso kung maituturing ko.
“Binibini, huwag ka nang mag-alala, nasa mabuting kalagayan ang iyong inay. Sinisigurado kong nasa mabuti siyang kalagayan.”
Sana nga. Hindi kakayanin ng konsens’ya kong nagpapakasaya ako rito habang ang aking ina ay nagdudusa pala sa aming tahanan.
Hindi ko na lamang kinibo pa si Virginia. Bumigat na kasi ang talukap ng aking mga mata.
Virginia’s POV
Matapos kong banggitin ang mga katagang iyon ay hindi na kumibo pa ang Binibining Pilipina. Mukhang lubos na siyang naguguluhan ngayon. Hindi ko naman siya masisisi ngunit nawa’y maintindihan n’ya rin ang aking sitwasyon.
Hindi ako ang karapat dapat na magpaliwanag sa kan’ya ng lahat ng ito, kundi si Panginoong Uno.
Ayaw kong pangunahan ang gustong mangyari ng mahal na Uno. Wala ako sa lugar.
Sa katunayan n’yan ay ito talaga ang nangyari bago namin ganap na nasundo si Binibining Pilipina sa labas ng Unibersidad ng Maynila.
(Pagbabalik-tanaw)
“Natalia, anong nakita mo sa hinaharap?” bungad ni Sanura nang magbalik na sa wisyo ang aming kaibigan na si Natalia, siya kasi ay nabiyayaan ng kapangyarihan na makakita ng hinaharap. Ngunit ito ay hindi n’ya kontrolado, ang ibig sabihin anumang oras ay maari n’yang makita ang hinaharap ng kahit na sino man. Iyon ay kung pahihintulutan ng Bathala.
“Isang magandang babae, isang mortal. Mahaba ang buhok. May magagandang pares ng mata at mahahabang pilik-mata. Pilipina Amador ang kan’yang ngalan,” pagkukuwento ni Natalia sa kan’yang nakita.
“Pilipina Amador? Sino ang may kakilalang nilalang na nagngangalang ng gano’n?” agad na tanong ni Sanura sa aming apat. Ngunit sabay-sabay kaming umiling.
“Ano bang meron sa Pilipina Amador, Natalia?” singgit ni Minerva.
“Ayon sa aking nakita sa hinaharap ay maaabusuhan ang dalaga. Ibebenta siya ng kan’yang tiyahin sa isang binata kapalit ng salapi,” sagot ni Natalia. Nakakahabag naman pala!
“Anong gagawin natin?” bulong ni Karmila.
“Wala, hindi naman natin kakilala ang dalaga. Saan natin siya hahagilapin kung nagkataon?” si Sanura.
“Sanura, hindi ipapakita ng Bathala ang maaring mangyari sa binibining iyon kung hindi n’ya nais na iyon ay baguhin natin,” ani ko naman.
Ang lahat ng nakikita ni Natalia ay maaring mali o maaring mabago. Ang pagbabago ay nakadepende sa amin, kung gagawa ba kami ng hakbang upang kontrahin ang mangyayari sa hinaharap.
“Ipakita mo sa amin ang nakita mo, Natalia,” utos ni Sanura.
“Esmel! Ikaw pala iyan,” ani ng isang babaeng nakasuot ng kahil na saya, may katandaan na ito ngunit batid ang karangyaan sa kan’yang kasuotan.
Nagkasalubong ang dalawang partido sa isang sikat na kapehan sa Intramuros.
“Ginang Enrile! Salamat sa Diyos at nagtagpo rin ang ating mga landas,” sagot ng babaeng Esmel ang ngalan.
“Ginang Esmel, hindi ba at pamangkin mo si Pilipina Amador?” anas ng isang lalaki na kasa-kasama ni Ginang Enrile.
“Hindi ka naman nagkakamali, Constantino, bakit may atraso ba sa iyo ang aking pamangkin?” hindi nagbago ang ekspresiyon ng ginang ngunit kung kuyumin na lamang n’ya ang kan’yang mga kamay ay ubod na nang diin.
“Wala naman po. Hindi na siguro namin ito dapat na sabihin pa sa inyo ngunit…” Hindi na pinatapos ng ginang ang lalaking si Constantino.
“Alam kong may utang ang mag-ina sa inyo, anong nais ninyong iparating?” biglang sumeryoso si Ginang Esmel.
“Aba’y wala naman kung sa tutuusin, maayos kausap si Pilar ngunit ang aking anak na si Constantino ay may nais,” ani ni Ginang Enrile. Bumalantay sa mukha ni Ginang Esmel ang nakakalokong ngiti.
“Nais mo bang makausap ng masinsinan ang aking ‘pamangkin’, Constantino?” sagot nitong wari na ang tinutumbok ng mag-ina na nasa kan’yang harapan.
“Totoo ngang matalino at matalas ang pang-amoy ng napangasawa ng kilalang si Florencio Geronimo. Bayad ang utang nila sa min, handa akong magbigay ng padulas, ginang. Kahit magkano,” pilyong pakikipagnegosasyon ni Constantino.
“Huwag na kaya tayong magpatumpik-tumpik pa, Constantino. Ano bang nais mong mangyari?” paglilinaw n’ong Esmel.
“Umupo muna tayong muli, ginang. Tatlong baso ng tsokolate!” hiyaw ng binata sa serbidora ng kapehan.
“Masusunod, ginoo,” sagot naman ng serbidora.
Umupo nga ang tatlo at nagpatuloy sa pagtitigan nang makahulugan.
“Mukhang hindi na makakapaghintay ng mainit na tsokolate ang iyong sasabihin, Constantino? Ano nga ba iyon?” untag muli ni Esmel
“Ginang Geronimo, sampung libong piso idagdag mo pa ang utang ng mag-inang Amador, lahat ng iyon ibibigay ko. Basta dalhin mo si Pilipina sa aking kuwarto bukas, ganap na alas-sais ng gabi. Hind naman siya mahihirapan dahil ako pa mismo ang gagalaw, ako pa mismo ang gagawa ng lahat. Ang kailangan n’ya lang gawin ay bumukaka sa aking harapan. Ialay ang kan’yang bataan sa aking bayoneta,” napahalakhak si Ginang Esmel Geronimo ng malakas. Napawi lamang ito ng ilapag na ng serbidora ang mainit-init na tsokolate sa kanilang lamesa.
“Hijo, ang aking pamangkin ay may dangal. Hindi naman maari na basta-basta lamang n’yang ialay ang kan’yang sarili sa kung sino-sino lamang. Kahihiyan din iyon ng aming pamilya kapag nagkataon,” ani ni Ginang Esmel habang sumisipsip ng kan’yang tsokolate.
“Hindi ba at nais mong magkakabayo, ginang? Ang aming rantiyo ay may sobrang dalawang kabayo, maari mo iyong gawing kalesa. Ibibigay ko iyon at dadagdan ko pa ng limang libong piso, sundin mo lamang ang inuutos ko,” determinadong sagot ng Constantino.
“Gawin mong sampunong libong piso,” aniya.
“Payag ako,” mabilisang sagot ng lalaki.
Muling umalingaw-ngaw ang halakhak ng may bahay ni Florencio Geronimo sa kapehan.
“Napag-isip-isip ko na mas mapapadali kong masira ang buhay ng pamangkin ko kung makikipagkasundo ako sa ‘yo. Isa pa ay masyado siyang matalino at natatabunan na ang galing ng aking anak na si Esme. Hindi naman masama ang dangal kapalit sa salapi,” itinaas ng Ginang Esmel ang kan’yang tasa at maingat iyong idinuggo sa tasa ng tsokolate ni Constantino.
“Mainam ang iyong desisyon, ginang,” nagnanasang sambit ni Constantino.
“Mapuputing kutis na una ay ayaw pa sa aking ipahaplos. Ang mahalimuyak na amoy na ayaw pa sa aking ipahamyo. Ang mga mata n’yang kay ganda at pilik matang kay haba. Ang ganda ng pamangkin mo, Ginang Florencio,” ani nitong parang asong nauulol.
“Gandang uungol na sa iyong harapan bukas, sa ganap na alas sais ng gabi.”
“Napakasama ng tiyahin n’ya! Bakit gano’n n’ya na lamang ipagkalulo ang kan’yang pamangkin?!” bulalas ni Minerva.
“Sanura, hindi ko kayang hayaan na lamang iyan. May rason kung bakit nakita ‘yan ni Natalia,” ani ko na.
“Kailangan nating humingi ng permiso ni Uno upang makalabas tayo ng unibersidad. Kung kukunin natin siya ngayon ay maaring mabago ang kan’yang kapalaran,” sagot ni Sanura.
“Ngunit saan natin siya itatago? Maari naman nilang ulitin ang planong iyan hanggang sa magtagumpay sila,” tanong ni Karmila. May punto siya.
Ang taong tinatawag ng kan’yang laman ay kahit kailan man hindi makakatulog hanggang sa hindi makuha ang kan’yang inaasam-asam.
“Bahala na, tayo na. Kailangan nating makausap si Uno sa lalong madaling panahon,” determinadong sagot ko. Ang alam ko lamang ngayon ay kailangan naming iligtas si Binibining Pilipina laban sa kan’yang tiyahin at sa Constantino na iyon.
Walang puso.
(Pagtatapos ng pagbabalik-tanaw)
Pilipina’s POV
Suot-suot ang simpleng berdeng sayang pantulog na pinaresan ko ng balabal ay lumabas kami ni Virginia upang kumain ng hapunan sa Kantina. Napakaingay ng buong lugar habang may mga kumakain ay may nagkakantahan o ‘di naman kaya ay nagkakasiyahan sa labas.
“Anong meron?” pabigla-bigla kong tanong.
“Wala naman po. Bakit?” sagot nito habang nagpapatuloy sa kan’yang pagkain, wala naman? Eh, bakit may mga nag—
“Ah! Ang ibig sabihin mo po ba ay kung bakit sila nagkakasiyahan, binibini?” Tumango ako bilang tugon.
“Ganito lamang tuwing kumakagat na ang dilim dito, tulad ng alam mo ay may mga purong tao ring naninirahan dito kung kaya ay may sariling Bahay Aliwan ang unibersidad at nagsasagawa ng walang katapusang kasiyahan tuwing sumapit na ang dilim.” Tango na lamang ang nakuha n’yang tugon mula sa akin.
Ang dami ng mga pagkain na nakahanda sa aking harapan, mukhang napakasarap ng bawat isa ngunit hindi iyon ang importante dahil mas binibigyang pansin ko ang aking pag-alala para sa kalagayan ng aking inay.
Hindi na ako muling nagtanong pa at binilisan na lamang ang aking pagkain upang muling makatulog, nalulungkot lang ako lalo’t hindi ko kasama si inay.
Nakakain na kaya siya? Nakauwi na ba siya galing sa paggamutan? Hindi kaya siya napagod sa kan’yang lakad kanina? Kamusta na kaya si Inay Pilar?
“Tapos ka na ba, binibini?” saad ni Virginia. Tumango na lamang akong muli. Gusto ko na lang magpahinga. Gusto ko na lamang itulog itong lahat. Sana bukas maayos na, sana bukas mapag-alaman kong panaginip lang itong lahat at hindi totoo itong mga nangyayari sa akin ngayon.
“Halikana, binibini? Bumalik na tayo sa ating silid upang makapagpahinga ka na.” Wala akong imik na tumayo at nag-umpisang maglakad ngunit noong nagawi kami ni Virginia sa parte ng unibersidad na may entablado at nagkakantahan sila ay may biglang humablot sa akin.
Diyos ko! Gusto ko na lang magpahinga! Ano na naman ‘to?!
“Tignan n’yo kong sino ang nandito! Siya ang nagpahamak kina Acosta kanina!” pag-aanunsiyo nito. Hay! Hinawi ni Virginia ang kamay n’ya mula sa akin atsaka nakipagsukatan ng tingin sa dalagang humablot sa kin.
“Huwag mo ng pakialaman si Binibining Ina!” singhal nito.
Naririto rin pala sila Sanura kaya agad silang apat na lumapit sa amin, kasama n’ya si Minerva, Karmila at Natalia.
“Binibining Esparcia, hayaan mo na lamang makabalik sa kanilang silid si Virginia at Binibining Ina,” pagsasalita naman ni Sanura.
“Sanura, Virginia, huminahon kayo wala akong gagawin sa ‘Binibining Ina’ ninyo sa halip ay nais namin siyang marinig na kumanta, hindi ba mga kasama?” mapanudyo nitong saad.
“Maari mo ba kaming pagbigyan?”
Nais pa yata n’yang ipahiya ako ngunit pasensiya na. Tinanggap ko ang mikropono, aangal pa sana sila Virginia ngunit ako na mismo ang pumigil sa kanila. Naghiyawan ang mga kasamahan n’ong babae sabay patugtug ng isang awitin. Laking kalye ako kaya sanay ako sa kantahan. Bill Bailey, won’t you please come home? Ni Cannon, Hughie at Dewey ang kanta.
“Won’t you come home, Bill Bailey? Won’t you come home?” panimula kong kanta. Mabuti na lang at lagi ko ‘yang naririnig sa mga radyo n’ong ako pa ay nasa Intramuros.
Kakantahin ko na sana ang susunod pang mga linya ng bigla n’yang hilahin ang mikropono at itulak ako pa-upo.
Anong problema ng isang ‘to!
Umingay ang madla, kinukuwestiyun siya bakit n’ya ako pinatigil, sumasagot ito ngunit halos matabunan na ang boses n’ya ng mga hiyawan. Kahit ako ay hindi ko na marinig ang kan’yang mga sinasabi.
Tumayo akong mag-isa atsaka pinagpagan ang aking saya nang bigla n’yang hinablot ang aking buhok.
“Mapanlinlang ka! Paano mo ‘yon nagawa!” Napangiwi ako sa pagkakahawak n’ya sa buhok ko kaya agad ko siyang tinulak nabf malakas papalayo sa akin na siyang nagpaupo sa kan’ya sa sahig.
Pero mula sa pagkakabagsak n’yang iyon ay lalo ko pa yatang nagalit ang grupo nila dahil agad na nagsilapitan ang mga kasama n’ya at pinagkakalmot ako. Pati sina Virginia, Sanura, Minerva, Karmila at Natalia ay nakipag-away na rin.
Halos mapuno ng kalmot, sabunot at sampal ang katawan ko nang pinagtulungan ako ng tatlong iba’t ibang babae ngunit hindi ako nagpabaya. Nilaban ko sila at tindayakan sa puson na siyang nagpasalampak sa kanila isa-isa sa sahig.
Tatayo na sana sila ng biglang sumingit sa harapan ko si Sherwin.
“Ikaw na naman?!” nanggagalaiti nitong tanong, aambahin na sana n’ya akong sampalin na siyang nagpapikit sa akin ng may biglang malakas na suntok ang umalingaw-ngaw sa paligid.
“HINDI KA TALAGA NAGTATANDA, ACOSTA!” maawtoridad na sigaw ng lalaki, mula sa pagkakapikit ko ay agad akong namulat, si Uno. Sinusubukan kong sipatin ang mukha n’ya ngunit nakasuot ito ng sumbrerong tumatakip sa kan’yang mga mukha idagdag mo pa ang dilim.
“Uno! Sumusobra kana!” dinig kong sigaw ni Sherwin.
“Huwag na huwag mong kantiin ang ‘akin’. Acosta! Ako ang makakalaban mo!”
A-akin?
Hindi ko alam ngunit parang musika ang mga katagang iyon sa aking tenga, biglang uminit ang aking pisngi.
“Halikana, binibini.”
Agad akong hinawakan nila Virginia kaya sa isang iglap ay nalisan na kami sa lugar na iyon. Sino ba talaga ang Unong ‘yon?
Napakamisteryoso n’ya!
Anong ginagawa ko para magustuhan n’ya ako?
Respetado siya ng kanyang nasasakupan ngunit bakit ako? ‘Di hamak na merong mas pa kay’sa sa akin. Kung si Tiya Esmel pa ang pagbabasehan ‘di hamak na isa lamang akong ordinaryong mahirap.
Ngunit hindi iyon ang importante ngayon. Hindi ako nabibilang dito. Hindi ko lugar ‘to. Mas mabuti na lamang na ako ay umuwi mas mabuti pa roon kahit na nasasaktan ako ay kasama ko si Inay Pilar. Kahit kami ay naghihirap, ayos lamang, kay’sa naman sa lugar na ito na hindi pa nga ako nakakatagal ay puro na sakit sa katawan ang aking nakukuha. Paano kung wala si Uno? Paano kung wala sila Sanura, paano na lamang ako.
“Huwag kang mag-isip ng gan’yan, binibini. Hindi ka namin papabayaan,” ani ni Virginia.
“Virginia, naguguluhan na ako. Kung utang na loob lamang ang dahilan ng lahat ng ito, mas mabuti pa ay huwag na iyong isauli pa o ibalik pa. Hindi ako nanghihingi ng kapalit sa tuwing ako ay tumutulong. Hindi ako tumulong para maranasan ang mga ganitong mga bagay. Nais kong makapagtapos ng pag-aaral at maiahon ang aming buhay ngunit mas mauuna pang uurin ang katawan ko sa lupa kung ganito ang nadadangatan ko sa lugar na ito. Kabastusan. Panghahalay. Pananakit.”
Nanatili silang lima na nakatitig sa kin ng seryoso. Napailing ako. Nangingilid na kasi ang luha sa aking mga mata.
“Virginia, parang awa n’yo na ibalik n’yo na lamang ako sa aking ina, ibalik n’yo na lamang ako sa Intramuros,” hinagpis ko.
Hindi nila ako sinagot kaya mas minabuti kong talikuran na sila at mag-umpisa nang maglakad. Hindi ko man alam kong saan ako patungo ngunit ano pa’t makakarating din naman ako sa aking paroroonan.
“Binibining Amador, hindi ka na makakalabas ng Unibersidad ng Maynila. Binayaran ni Uno ang utang ninyo kina Ginang Enrile at kailangan mo ‘yong pagbayaran,” seryosong ani ni Sanura.
“Hindi ko hiningi na bayaran n’ya iyon. Kaya kong kumayod para roon,” ani ko.
“Hindi ka ba marunong magpasalamat? Hindi ba maaring magpasalamat ka na lamang kasi nandirito ka?! Alam mo bang kung hindi ka naririto malamang sa malamang ay naabuso ka na ng lintik na Constantino Enrile na ‘yon?! Sana alam mong ibenenta ka ng sarili mong tiyahin na si Esmel Geronimo sa gagong ‘yon! Ginawa ka n’yang sangkalan!”
Mapanindak na araw.
“Binibini!”