BINUKSAN ni Sanura ang pintuan at tumambad sa amin sina Virginia, Minerva, Karmila at Natalia na parang may pinapalibutan at tinitignan doon sa may higaan ko.
“Anong ginagawa n’yo?” malakas na tanong ni Sanura sa apat kaya kami ay binalingan nila ng atensiyon.
“Binibini! Nandito na pala kayo, tamang-tama dahil kailangan mo po itong makita! Lumapit ka po rito, dali!” hiyaw ni Minerva at kitang-kita mo pa ang pagkasabik sa kan’yang mga mata.
“Ha? Ano bang meron d’yan?” aniya ko.
“Paano nga po pala kayong nagkasamang dalawa, binibini? Akala ko ba ay lumuwas ka, Sanura?” tanong ni Virginia kaya nagkatitigan kami ni Sanura.
“Lumuwas nga, hindi naman ako nagtagal kaya nadaanan ko si Binibining Ina na nasa—“ hindi ko na hinayaan na tapusin pa ni Sanura ang sasabihin n’ya kaya agad na akong sumingit.
“Nagkasalubong lang kami sa labas, kaya nagkasabay kami ni Sanura!” pagsisinungaling ko.
“Ah, ganoon po ba? Hayaan mo na ‘yan, binibini, lumapit ka na po rito at tignan itong pinadala ni Uno para sa ‘yo!” aniya naman ni Karmila.
“Ano ba kasi ‘yang pinagkakaguluhan n’yo? May ginto ba d’yan?” nagkakamot ako ng aking batok lalo na at tinitignan ako ni Sanura ng madiin.
Unti-unti nga akong lumapit sa pinakukumpulan nila at napahagip na lamang ako ng aking hininga nang makita ko ang napakalaking pinta ng mukha kong mahimbing na natutulog.
“Si-sinong nagdala n’yan dito?”
“SI UNO!” tugmang-tugma na sagot nina Virginia, Minerva, Karmila at Natalia.
“Binibini! Ang suwerte mo naman! Parang gusto ko na lang tulungan pati pulubi sa daan baka sakaling makahanap din ako ng katamang panahon!” tili ni Minerva. Tinignan ko siya ng nakangiti habang unti-unti kong nilapitan ang panibagong pinta ni Uno na gamit ang aking mukha.
“Ang ganda,” usal ko na lamang. Tumingkayad ako pababa upang mas mahawakan ang pinta. Hindi na mawala sa aking mukha ang galak at ang aking puso ay napupuno na ng tambol sa sobrang saya, hindi ko naranasan ang mga ganito noon. Bago lahat ng ginagawa sa kin ni Uno kaya ganoon na lang din ako lubos na kasaya. Ang sarap palang pahalagahan ng iba. Maingat kong hinawakan ang pinta mula sa mga buhok ko hanggang sa pinakadulo.
“Kapareha kita bukas?” basa ko sa nakasulat sa pinakagilid ng pinta at halos hindi mo na mapapansin sa sobrang liit ng pagkakagawa.
“Uy! Magkapareha si Uno at Binibining Ina bukas!” tukso agad ni Karmila.
“Ha? Ano na namang meron bukas?” walang kaalam-alam kong tanong ngunit imbes na sagutin ako ay naghawak kamay ang apat at sabay-sabay na binigkas at inulit-ulit ang mga katagang.
“Magkapareha si Uno at Binibining Ina bukas! Magkapareha si Uno at Binibining Ina bukas! Magkapareha si Uno at Binibining Ina bukas!”
Kaya imbes na hintayin kung kailan matatapos sa kakapanukso ng apat sa kin ay si Sanura na lang ang binalingan ko na kasalukuyang nakadekwatro ng upo sa hapagkainan namin.
“Sanura?” tawag ko sa kan’yang ngalan.
“Bukas po kasi paparangalan ang mga nanalo n’ong paligsahan sa pagpatana, binibini. Bukas din po kasi ang kapistahan ng pagtayo ng unibersidad na ito ng mga ninuno kaya po magkakaroon ng pagtitipon na siyang sigurado akong magiging magarbo. Halos lahat po kasi ng mga importanteng nilalang dito sa unibersidad ay makikilahok d’yan taon-taon,” aniya.
“Ibig mong sabihin pati ang lolo at lola ni Uno pupunta?”
“Tama po kayo diyan, magkakaroon po kasi iyan ng programa at kung ano-ano pang pakulo kaya malamang po ay nandoon sila bilang mga panauhing pandangal,” dugtong ni Sanura.
“Hindi lang po ‘yan, binibini! Taon-taon po nagpapagarbohan ang lahat ng mga mortal o mga bampira sa kanilang mga kasuotan kasi po pagkatapos ng programa ay may paparangalan bilang mga paraluman ng gabi, hindi naman na po tinatanong kong sino ang sa lalaki kaya taon-taon ay sa mga babae na lang po sila naghahanap.” Si Uno na ‘yon, malamang.
“Sino ang laging nanalong babae noon?” tanong ko.
“Si Binibining Hiyas Escudero po.”
“Hiyas Escudero, ha?” sarkastiko kong sagot habang tumatango-tango. Mula sa angkan ng mga Escudero kaya baka siya ang babaeng tinutukoy noon ni Ginang Melchor.
“Naku, binibini! Huwag ka pong mag-alala, kami ang bahala sa ‘yo, mababago ang kasaysayan at ikaw ang hihiranging paraluman bukas ng gabi! Sisiguraduhin po namin ‘yan!” hambog na ani ni Minerva.
“Siguradong-sigurado ka naman yata, Minerva? Anong laban ko sa Hiyas na iyon kung siya pala ang laging nanalo, sigurado akong magarbo ang suot noon bukas,” ani ko naman.
“Binibini, magtiwala ka po sa amin lalo na kay Minerva, pinaghandaan na po naming lima ang araw bukas kaya sigurado po kaming ikaw ang makakuha ng korona!” dugtong naman ni Natalia.
“Tama! Ikaw ang kapareha ni Uno kaya nararapat lamang na ikaw din ang aakyat sa entablado upang manalo!” wika naman ni Karmila.
“Kung ‘yan ang sabi n’yo?” alanganin kong sagot.
“Mabuti pa ay matulog ka na po, binibini, kailangang ikaw ang pinakamaganda sa lahat bukas! Hindi po tayo magpapatalo sa mga babaeng nagpapansin kay Uno! May nanalo na kaya, kailangan na lang ng korona!” sabay kindat pa nito sa kin.
Third Person’s POV
“Magandang araw, Presidente Fernando, kamusta na po kayo?” pormal na bati ni Uno sa isang lalaking nakatayo ngayon sa paanan ng kan’yang kay gandang mesa at nakasuot pa ng barong tagalog.
“Hindi ba at sabi ko sa ‘yo huwag mo na ako tawaging presidente, hindi naman kami nagkakalayo ng iyong ama. Ayos naman ako, hijo, ang iyong lolo at lola ba ay kamusta?” nakangiting sagot ng lalaki.
“Mabuting-mabuti po, mabuti naman ang kalagayan ng lolo’t lola, tiyo.”
“Mabuti naman kung ganoon, ma-upo ka, hijo, anong sadya mo? Hindi ka na sana nag-abala pa at kami na lang ang pupunta d’yan sa inyong lugar,” wika ng lalaki bago pormal ding umupo.
“Nagluto po kasi ang lola ng paborito ninyong minatamis na niyog. Naalala ka po n’ya, tiyo, kaya ako ay inutusan upang pumunta rito. Atsaka pinapabigay din po ni lolo,” saad ni Uno bago kinuha ang kulay-kapeng sobre na may makapal na laman sa kan’yang tsaketa.
Humahalakhak ang lalaki na tinatanggap ang sobre at halos kuminang ang kan’yang mga mata n’ong silipin ang laman. “Sobra-sobra naman mag-alaga ang iyong lolo, Uno! Sabihin mo sa kan’ya ay salamat at napakarami naman nito. Malaking tulong ito sa aming pamahalaan,” aniya bago ibinigay sa kan’yang alalay ang sobre.
“Ingatan mo ‘yan, malaking halaga ‘yan!” natatawang saad nito.
“Wala po iyon, tiyo, sabihin n’yo lamang kung kulang pa at malugod po naming dadagdagan, alam n’yo naman pong tumatanaw po kami ng utang na loob. Maraming salamat po at hinahayaan n’yo pa rin kaming mamuhay sa inyong lugar ng matiwasay sa loob ng maraming nagdaang taon.”
“Naku! Walang problema, tumira kayo rito hanggang kailan n’yo gusto! Nagagalak nga ako at mukhang kami pa ang alagang-alaga ninyo! Napakagaling!”
Tumagal ang kanilang naging usapan ng halos isang oras bago tuluyang bumukas ang kilaki-laking pintuan ng tanggapan ng Presidente Fernando at lumabas si Uno roon. Sinalubong siya ni Dos at Tres na nanggaling din sa iba’t ibang direksiyon.
“Nakuha n’yo ba ang mga kailangan nating impormasiyon at dokumento?” agad na tanong ni Uno bago binuksan ang nakabutones n’yang yari sa tunay na balat na tsaketa.
“Areglado, kayang-kaya na nating pagbagsakin ang gobyerno ng Filipinas,” nakangising saad ni Tres.
“Magagalak ang mga kataas-taasan sa ating ibabalita,” dugtong naman ni Dos.
Ngumisi lamang si Uno bago silang tatlo tuluyang naglaho sa kanilang kinatatayuan kanina ng walang kahirap-hirap.
Pilipina’s POV
Nagising ako kinabukasan na maingay ang loob ng aming silid pahingahan. Agad kong tinignan ang orasan at magpapa-alas siyete palang ng umaga. Hindi naman na ako makabalik pa sa pagtulog kaya napabangon na lamang ako at nakita ko sina Virginia, Minerva, Karmila at Natalia na puro naka-ayos na at naglalagay ng mga kolorete sa mukha. Lahat sila ay nakasuot na ng mga magagarang saya, si Sanura na nga lang yata ang hindi pa nakabihis.
“Ngayong umaga ba gaganapin ang sinasabi n’yong pagtitipon?” mahina kong tanong na kumuha naman sa kanilang atensiyon.
“Gising ka na pala, binibini! Magbihis ka na po, binibini!” ani ni Karmila at mabilis akong itinayo’t hinila papasok ng palikuran.
“Teka! Sandali, hindi man lang ba tayo kakain ng umagahan?” wika ko habang nasa loob na ng palikuran at nag-uumpisa ng maghilamos.
“Mamaya na, binibini! Maraming masasarap na pagkain doon kaya kailangan natin sulitin!” sigaw ni Virginia.
“Ihanda mo na ang hinanda nating saya para sa binibini, Minerva!” dinig kong bulalas ni Natalia sa labas na sinundan pa ng palakpak nila at hagikhikan.
“Teka! Teka! Kayo muna ang mag-ayos kay Sanura, aasikasuhin ko muna ang isusuot ni Binibining Ina,” dinig ko namang sagot ni Minerva.
Habang nasa palikuran ako ay bigla na lamang dumaan sa akin isipan ang katotohanan na maari kong makasasalamuha ang Hiyas Escudero na iyon mamaya at hindi lang iyon. Maari ko ring magkatagpo ng landas ang lolo at lola ni Uno, bigla yatang sumupok sa akin ang matinding kaba at hiya.
Kailangan kong maging presentable!
Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko ay inabot yata ako ng halos kalahating oras sa palikuran. Halos kudkurin ko kasi ang bawat sulok ng katawan ko at hindi ko talaga tinatanan hanggang sa kaputian ko na lang ang makikita. Mahirap na, ayaw ko namang mapahiya lalo na sa harapan ng angkan ni Uno.
Lumabas ako ng palikuran matapos kong masigurado na maayos na ang lahat sa akin at tumamba na sa akin ang limang na handang-handa na.
“Binibini, handa ka na ba? Sisiguraduhin kong ikaw ang magiging maganda sa programa mamaya!” saad ni Minerva na siyang aking tinanguan.
Humawi sila sa aking higaan at doon ko nakita ang kulay kahel na saya na halos palibutan ng iba’t ibang uri ng mga makikislap na bagay.
“Iyan ba ang susuotin ko? Ang ganda naman!” puri ko na lamang.
“Hindi lang ‘yan, binibini, dahil ang bakya mo naman ay ito!” tumayo sa harapan ko si Virginia na hawak-hawak ang kahel na bakya na halos ngayon ko lang maisusuot. Nakikita ko lamang kasi ang ganitong bakya sa mga mamahaling pamilihan noon. Sa wakas makakapagsuot na rin ako ng ganitong mga magagarang kasuotan.
“Saan n’yo ‘to nakuhang lahat? Ang ganda talaga! Nahihiya tuloy akong suotin,” aniya ko.
“Naku, binibini! Huwag ka pong mahiya at ibinigay lang din po ito sa amin ng isang ginang na sabihin na po nating may mabuting puso at nais na nais ka pong makitang maganda!” panigurado ni Karmila.
“Talaga ba? Pakisabi sa kan’ya na salamat at salamat sa inyong lahat, maraming maraming salamat.”
“Oh, siya! Binini, umupo ka na po, ihanda mo po ang sarili mo dahil pagkatapos po nito kahit sarili mo ay hindi mo makikilala,” saad ni Minerva bago ako pina-upo kaharap ng malaking salamin.
Nangangalay ang mga batok ko at kamuntik pa akong makatulog dahil pinapapikit lamang ako ni Minerva sa buong oras na nilalagyan n’ya ako ng kung ano-anong mga kulorete sa mukha.
“Perpekto! Tapos na po, binibini, maari mo na pong imulat ang iyong mga mata,” wika ni Minerva at mahina pang tinapik ang aking mga balikat.
“Ang ganda mo po, binibini!” sabay-sabay nilang saad sa likod.
“Sigurado ka ba sa ginawa mo sa kin, Minerva? Ba-ka na-man, teka?! Ako ba talaga ito?” hindi ko makapaniwalang saad matapos kong makita ang repleksiyon ng aking mukha. Inilugay ni Minerva ang buhok ko at sinuklay ng maayos kaya ngayon ay bagsak na bagsak ito, nilagyan n’ya pa ng gintong palamuti sa taas ng aking dalawang tenga upang ipitin ang aking buhok. Hindi ko alam kung paano n’ya nagawa ngunit nilagyan n’ya rin ako ng kulorete sa mata na kumikinang pa ng kunti, tamang-tama lang ang pula ng aking mga labi at pulbo sa aking mga pisngi.
“Binibini, sabi ko sa ‘yo hindi ba? Maniwala ka sa kin, abilidad ko yata ang pag-aayos!” mapagmalaking saad ni Minerva.
“Syempre, hindi mawawala ang mga alahas! Isuot mo po ang hikaw na ito, binibini, ayos na po iyang kuwintas mo, bigay naman po iyan ng Panginoong Uno, kaya tamang-tama na po sa ‘yo!” wika naman ni Virginia bago nila kapuwa ilagay ni Natalia ang hikaw sa aking mga tenga.
Sa ganap na alas diyes kami ng umaga natapos at nag-umpisang maglakad palabas ng aming silid pahingahan. Paglabas namin ay halos tahimik na ang buong kalye na kinaroroonan ng gusali ng aming silid pahingahan.
“Bakit wala naman yatang mga nilalang ang nasa labas? Talaga bang may gaganaping programa?” bulalas ko habang buhat-buhat ang saya kong napakagarbo at ako na lamang ang mahihiya kung nadumihan ko ito kahit kunti pa.
“Malamang ay nandoon na sila, binibini, sa totoo ay huli na nga po tayo kasi nag-umpisa ang programa kaninang alas nuebe ng umaga,” seryosong sagot ni Sanura.
“Ano?! Bakit hindi n’yo naman agad sinabi?” tili ko.
“Wala po ‘yan, binibini, pumunta na rin po tayo roon.”
Iyon ang huling salita ni Virginia bago kami sabay-sabay na naglaho at lumitaw sa hindi kalayuan sa entablado ng unibersidad. Agad kaming pinatinginan ng mga nilalang na kan’ya-kan’ya ng naka-upo sa mga mesang inihanda naman para sa kanila. Tahimik kaming umupo na anim habang ako ay nanlalamig na lalo ng mahagip ng paningin ko si Uno na nasa harapan na ng entablado at katabi sina Dos, Tres, isang lalaking pamilyar sa kin, at dalawang may edad ng lalaki’t babae.
“Mukhang pinagtitinginan na tayo,” bulong ko sa aking mga kasama habang may lumapit na sa aming serbidora upang ilapag ang iba’t ibang masasarap na pagkain sa aming harapan.
“Ganoon talaga, binibini, kapag magaganda,” sagot naman ni Minerva habang hawak-hawak na ang isang piraso ng pritong manok. Hindi naman halatang gutom na siya.
“Kumain na po tayo, binibini!” pa-anyaya ni Virginia kaya kumuha na rin ako ng pagkain lalo at kanina pa ako nagugutom. Sanay kasi ang katawan kong nag-aagahan talaga.
Ma-ingay na ang paligid, punong-puno ng mga bulungan at tunog ng mga kubyertos. Hanggang sa may isang malaking kalesa ang tumigil sa hindi kalayuan sa aming kina-uupuan.
“Kita mo po, binibini, may mas huli pa po sa atin,” bulong ni Minerva sa akin. Napako ang tingin ko sa babaeng dumaan dahil halos kumikinang na siya sa suot-suot n’yang mga alahas. Aaminin ko, maganda rin naman talaga siya.
“Naku, wala! Mas maganda ka po, binibini,” komento agad ni Minerva habang sinusundan namin ng tingin ang babaeng kakarating lamang na naglakad papunta sa harapan.
“Bakit? Sino ba iyon?”
“Si Binibining Hiyas Escudero po,” halos buhusan ako ng malalamig na yelo sa narinig ko at muntik na akong mapasugod ng nilapitan n’ya ang mga bampira sa entablado at isa-isa silang bineso, n’ong akmang yayakap sana siya kay Uno ay umiwas ito. Mabuti naman.
“Siya pala si Hiyas Escudero, maganda naman,” sarkastiko kong saad bago binalikan ang kinakain ko.
“Upang ganap na umpisahan ang kasiyahan sa araw na ito. Tawagin natin ang bampirang itinakda ng propesiya, ang presidente ng samahan ng ating mag-aaral at ang susunod na mamumuno sa buong Unibersidad ng Maynila. Ang siyang kinabukasan nating lahat, Zacarias ‘Uno’ Gervacio!”
Gustong-gusto ko ring isigaw na manliligaw ko ‘yan n’ong halos mapuno ng sipol at kantiyawan ang malawak na kapatagan matapos tumayo ang lalaking itong nakasuot ngayon ng hapit na hapit na barong tagalog. Bakit parang lalo pa siyang gumuwapo ngayong araw? Lumapit siya sa mikropono at iginala ang kan’yang mga mata sa paligid ng magtagpo ang aming paningin ay agad itong ngumiti sa akin.
“Maraming salamat at binigyan tayo ng Bathala ng magandang panahon ngayon upang ipagdiwang ng matiwasay ang pagkabuo ng unibersidad na ito na siyang kinagisnan nating tahanan. Bilang susunod na pinuno, nais kong malaman ninyo na gagawin ko ang lahat mapanatili lamang na ligtas ang bawat isa sa inyo at mas lalong mapanatiling nakatayo ang Unibersidad ng Maynila hanggang sa huli kong hininga. Hindi-hindi tayo matitibag kaya ipagpatuloy lamang natin ang ating pamumuhay ng may saya at walang pangamba. Magsaya tayo sa buong araw na ito! Mananalo tayo laban--- Mabuhay ang Unibersidad ng Maynila! Mabuhay!” buong pagsasalita n’ya ay nakatingin lang ito sa akin at nakangiti.
“Ay! Bakit hindi n’ya itinuloy?” dinig kong bulong ni Minerva sa tabi.
“Minerva!” suway sa kan’ya ni Sanura.
“Patawad, pasensiya, paumanhin naman! Ang init agad ng ulo mo, Sanura, ito naman!”
Hindi naman nagtagal at napuno na ang sayawan ng iba’t ibang mga nagsasayang mga nilalang na kahit ang mga kasama ko ay nagsitayuan na rin upang makisali sa nagaganap na kasiyahan.
“Binibini, sigurado ka bang dito ka lang?” pangatlong tanong na yata sa kin ‘to ni Virginia.
“Virginia, sumali kana sa kanila doon, pupuntahan ko na lamang si Uno,” saad ko sa kan’ya na agad naman n’yang tinanguan. Mabuti naman.
Tahimik akong naglalakad papunta sa kinatatayuan ni Uno na ngayon ay may kausap na baka isa sa sinasabi nilang importanteng bampira dahil nakasuot sila ng magagarang mga barong tagalog, halata talaga sa kanilang pagtayo na sila ay makapangyarihang uri ng nilalang. Nasa kalagitnaan na ako ng paglalakad ng may biglang humarang sa aking isang binatilyo.
“Binibini, may kapareha ka na ba?” agad n’yang tanong at nahihiya pa.
“Wa—” hindi ko na natapos ang sasabihin ko ng biglang sumulpot si Uno sa tabi ko at agad na kinabig ang bewang ko palapit sa kan’ya habang ang libreng kamay ay nakakubli sa kan’yang bulsa.
“Meron na, ako, may problema ka ba?” diretshan n’yang sagot, nagsukatan pa sila ng tingin na dalawa hanggang sa ang lalaki na lang na iyon ang nagbaba ng una.
“Wa-wala naman, Panginoong Uno,” huli n’yang sambit bago yumuko sa amin at umalis.
“Natakot yata sa ‘yo,” biro ko pa.
“Mabuti na ‘yan para sigurado,” umiigiting ang panga n’yang saad.
“Oh, sino pa ang kaaway mo bakit parang galit ka pa rin?” tanong ko habang tinitignan siya. Kailangan ko pa talaga siyang tingalain. Ang laki kasi talaga ng lalaking ‘to.
“Itong mga gagong kanina pa tingin nang tingin sa ‘yo,” inis n’yang tugon. Nakakahiya.
Magsasalita pa sana ako bilang tugon ngunit sa hindi ko inaasahang pagkakataon na sira ang suot kong bakya. Napangiwi ako ng tahimik dahil napaekis ang paa ko sa biglaang pagkasira.
“Ina!” gulat na gulat n’yang saad nang kamuntik na akong matumba. Inalalayan n’ya ako hanggang sa makaupo ako sa isang silya at umupo rin siya upang makapantay sa akin bago n’ya hilutin ang paa ko at palitan ang bakyang suot-suot ko.
“Ako na ang kapareha mo, hindi ba?” bigla-bigla n’yang saad at tinignan ako ng husto.
“O-oo naman,” nahihiya kong sagot na sinabayan ko pa nang tango.
“Buti naman. Kasi kung wala pang nakakapagsabi sa ‘yo na maganda ka, gusto kong malaman mong sobra mong ganda. Hindi na ako makapaghintay na maging akin ka na. Panghambuhay."