Chapter 3 -Fear

2207 Words
“YAYA, anong ginagawa ninyo?” nagtatakang tanong ko kay Yaya Rona nang madatnan ko siya sa master’s bedroom na nagtutupi ng mga damit ni PJ saka ipinapasok ang mga ito sa isang maleta. Nilingon ako ng matanda. “Ah, nag-iimpake ako ng mga gamit ninyong mag-asawa. Tapos ka na bang mag-almusal?” Tumango lang ako. “Bakit kayo nag-iimpake? Para saan naman iyan?” Napakunot ang noo ng matanda. Nabasa ko ang pagkagulat sa mukha niya. Bigla akong kinabahan sa naging reaksyon niya. “Hindi ba nasabi sa iyo ng asawa mo na uuwi kayo ng probinsiya mamaya?” Napataas ang isang kilay ko saka ako marahas na napailing. Saang lupalop ba ng mundo ako dadalhin ng lalaking iyon? “Wala pong sinasabi sa akin si PJ tungkol diyan. Saang probinsiya daw kami pupunta?” “Sa Pangasinan daw, iha. Namatay kasi ang lola niya at bukas daw ang libing kaya kailangan ninyong humabol sa lamay. Naihanda ko na nga ang gamit mo. Itong kay PJ na lang ang aayusin ko. Pero patapos na rin ako dito,” tugon ni Yaya Rona bago siya may inginuso sa bandang likuran ko. Nang lingunin ko ang aking likuran, nakita ko roon ang isang maletang halos kasinlaki ng maletang pinaglalagyan ni Yaya Rona ng damit ni PJ. Sa pagkakaalam ko laking Manila si PJ. Sa loob ng isang taong pagsasama namin, ni minsan wala siyang nabanggit tungkol sa mga kamag-anak niya. Ngayon ko lang narinig ang tungkol sa lola niya sa Pangasinan. Kunsabagay hindi naman talaga kami gaanong nag-uusap lalo na kung tungkol sa mga family background namin. Hindi siya nagkukuwento sa akin. Nanggaling sa mama niya at sa Yaya niya ang mga impormasyong alam ko tungkol sa kanya. Ang walang kamatayang paninisi niya tungkol sa pagpapakasal namin ang bukambibig niya mula noong nagsama kami sa iisang bubong. Kung mayroon man kaming naging usapan pang iba ay tungkol na lang iyong sa mga utos at bilin niya na kailangan kong sundin. Maliban doon wala na kaming ibang pinag-uusapan dahil kung tutuusin hindi naman talaga kami nag-uusap. Ni ayaw niya akong kibuin maliban na lang kung may kailangan siya o may ipapagawa siya sa akin. Kaya kung iisipin para lang kaming nagsasama sa iisang bubong pero hindi mo matatawag na mag-asawa. Bukod sa hindi kami nag-uusap, hindi rin asawa ang turing niya sa akin. Para lang akong isang gamit kay PJ. Lalapitan lang kung kailangan at kung matapos niyang makuha ang gusto niya basta na lang akong babalewalain. Hindi lang puso ko ang nadurog sa paraan ng pagtrato niya sa akin, nawasak din maging maging ang isip at katawan ko. Hanggang ngayon nagpapanggap pa rin akong walang maalala sa nakaraan ko kahit isang buwan na ang lumipas mula noong makalabas ako sa ospital. Natatakot kasi ako na baka kapag nalaman niyang nagbalik na ang alaala ko bigla na lang siyang bumalik sa dati niyang pag-uugali. Ayoko nang maranasang muli ang pagmamaltrato niya sa akin. Ayoko nang malagay na muli ang buhay ko sa bingit ng kamatayan. Kung nakaligtas ako noon, baka sa susunod tuluyan na akong maglaho sa mundong ibabaw. Ayoko pang mangyari iyon. Gusto ko pang makapaghiganti bago ako bawian ng buhay. Kailangan kong maipaghiganti ang aking sarili sa lahat ng hirap na dinanas ko sa piling ni PJ. “Hindi ba nabanggit sa iyo ng asawa mo ang tungkol doon?” tanong ni Yaya Rona na pumutol sa pagmumuni-muni ko. “Wala pong nabanggit si PJ tungkol diyan. Wala rin akong ideya na may kamag-anak siya sa probinsiya,” mahinahon kong sagot. Napangiti si Yaya Rona. “Wala ka talagang maaalala, anak. Kahit naman siguro bumalik pa ang memorya mo, hindi mo pa rin alam ang tungkol sa kamag-anak ng asawa mo sa Pangasinan. Hindi naman kasi kayo nag-uusap ng asawa mo noon.” Agad kong nilingon si Yaya Rona dahil sa sinabi niya. Nanlaki naman ang mga mata niya at agad na napatakip ng kanyang bibig. “Ah, ang ibig ko lang namang sabihin, hindi mahilig magkuwento ang asawa mo. Tahimik kasi siyang tao. Hindi siya madaldal. Mas madaldal ka pa sa kanya, anak.” Hindi na lang ako umimik sa sinabi ni Yaya Rona. Napaghahalatang pinagtatakpan na naman niya ang kanyang mahal na alaga. Ganoon naman siya lagi kahit noon pa. Lahat ng pagkukulang at pagkakamali ni PJ lagi niyang binibigyan ng justification. Ni hindi niya pinipigilan ang asawa ko sa mga pananakit niya sa akin. Bagaman, ginagamot niya ang mga sugat ko at inaalagaan niya ako katulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak pero hanggang doon na lang iyon. Hindi niya kayang kontrahin ang asawa ko. Hindi niya ako kayang ipagtanggol sa harapan ng alaga niya. Kaya minsan tuloy hindi ko maiwasang mag-isip na baka napaamin din siya ni PJ sa ginawa niyang pagpapaalis sa akin noon para makatakas ako. Ngunit nasayang din ang effort niya dahil nandito pa rin ako sa poder ng asawa ko. Hindi ko rin siya natakasan. Ang pakonsuwelo ko na lang sa sarili ko ay may pagkakataon akong makapaghiganti sa sitwasyon ko ngayon. Pero ang malaking tanong, paano ko gagawin iyon? Sa paanong paraan ko maipaghihiganti ang aking sarili? Puwede bang barilin ko siya habang natutulog o kaya lasunin ko na lang siya? Tapos tatakas akong muli? Napailing na lang ako sa tinatakbo ng aking isip. Magiging kriminal ako kapag nangyari iyon. Mawawalan din ng saysay ang kalayaan ko kung nasa loob naman ako ng bakal na rehas. Dapat kung makakawala man ako sa pagsasama namin ni PJ, iyong totoong kalayaan ang makakamit ko. Hindi iyong uubusin ko ang aking buong panahon sa loob ng piitan. Useless na lalaya ako kung sa ibang kulungan naman ako babagsak. Pero paano ko siya magagantihan? Kailangan kong makaisip ng ibang paraan upang maisakatuparan iyon. Lumalakad ang oras at araw. Kung hindi ako makakaisip ng paraan baka bigla na lang madiskubre ni PJ na nakakaalala na pala ako. Kapag nangyari iyon baka lalo akong mapahamak kaya dapat maunahan ko siya. “TAYO lang ba ang aalis? Hindi ba puwedeng isama rin natin si Yaya Rona?” tanong ko kay PJ nang paalis na kami. Umiling si PJ. “Tayong dalawa lang ang uuwi sa Pangasinan. Hindi mo na kailangan si yaya na mag-aalaga at magbabantay sa iyo dahil nandito naman ako. Hindi kita pababayaan,” sagot niya saka marahang hinaplos ang tuktok ng aking ulo. Kung sa ibang pagkakataon, kikiligin ako sa gesture niya. Pero iba ang nararamdaman ko sa ngayon. Magkahalong takot at pangamba ang bumalot sa buong pagkatao ko. Kung dadalawa lang kami sa loob ng sasakyan, magagawa niya ang anumang gusto niya sa akin lalo na kung mahaba ang oras ng pagbibiyahe namin. Wala sa sariling napatingin ako sa mga kamay niyang nakahawak na ngayon sa manibela ng SUV. Ang mga kamay na iyon ang madalas na dumapo sa mukha ko, leeg, buhok, at iba pang parte ng katawan ko. Sa laki niyang tao, ganoon din kabigat ang mga kamay niya. Kayang-kaya niya akong sakalin hanggang sa mawalan ako ng hininga. O kaya itulak lang niya ako palabas ng sasakyan habang umaandar ito, siguradong bagok ang ulo ko kung hindi man ako mabalian ng buto o magkasugat sa buong katawan. Nangatog ang mga tuhod ko at bigla ko ring nayakap ang aking sarili. Matutuluyan na ba akong mamaalam sa mundo? Bakit ba kasi isang buwan na ang nakaraan ngunit hindi pa rin ako makaisip ng paraan upang makaganti kay PJ? Nararamdaman kong parang naiihi ako. Patingin-tingin ako sa labas ng bintana. Binabagtas pa lang namin ang kahabaan ng EDSA. Puno ng sasakyan ang buong kalsada. Bagaman katanghaliang-tapat at hindi naman rush hour pero ma-traffic pa rin. Siguro sa oras na ito, ligtas pa rin ako. Hindi naman siguro gagawa si PJ ng hindi kanais-nais sa akin habang naipit kami sa traffic. Pero kumakabog pa rin nang malakas ang puso ko. Hindi ko maiwasang mag-isip nang hindi maganda sa kanya. Paano’y heavily tinted ang SUV niya kaya maari niyang gawin ang anumang gusto niya nang hindi kami napapansin sa labas. Nang mapatingin ako sa kanya, napansin kong nakatutok ang mga mata niya sa unahan ng kalsada. Tahimik siya at maaliwalas ang mukha na para bang normal na sa kanya ang makakita ng trapik. Nakakapanibago siya dahil alam kong mainitin ang kanyang ulo kahit sa mumunting bagay lang. Kaya paanong tahimik siya ngayon habang nasa gitna kami ng trapik? Nakapagtatakang hindi siya nagagalit at nagmumura habang nakatitig sa kalsada. Ngayon lang yata nangyari ito. Sa pagkakaalala ko nagagalit siya kapag nata-traffic kami habang nagbibiyahe. Panay malulutong na mura ang lumalabas sa bunganga niya. May pagkakataon pa noon na nakipag-away siya sa isang motorista na nakagitgitan niya sa kalsada. Natakot pa nga ako nang biglang naglabas ng baril ang nakaaway niya. Akala ko talaga noon makikipagbarilan na siya. Mabuti na lang at may lumapit na traffic enforcer na siyang nag-ayos ng away nila. Pero kahit nasa loob na siya ng sasakyan panay pa rin ang pagmumura niya habang nagmamaneho nang mabilis palayo sa lugar na iyon. Kulang na lang magtakip ako ng aking mga tainga para lang hindi marinig ang mga pangit na salitang nagmumula sa bunganga niya. Kaya kung titingnan ko siya ngayon, hindi ko maiwasang mag-isip ng iba sa kanya. Paanong nangyari na nagkakaganito siya ngayon? Totoo bang nagbago na nga siya tulad nang madalas niyang sabihin sa akin mula noong nagkamalay ako sa ospital? O nangpapanggap lang siya tulad ng ginagawa ko? Napakapit ako sa aking upuan nang maisip ang bagay na iyon. Mahabaging langit! Huwag naman sanang totoo ang huling naisip ko dahil kung totoo iyon, lagot ako ngayon. Baka nanganganib na naman ang buhay ko. Baka naghahanap lang ng pagkakataon si PJ para tuluyan akong idispatsa. Baka dahilan lang niya iyong pagpunta namin sa probinsiya. Baka doon niya ako ililibing ng buhay. Halos dumoble ang lakas ng kabog sa aking dibdib. Kung hindi lang siguro nasa loob ng aking katawan ang puso ko, baka tumalon na ito palabas sa bilis at lakas ng palpitate nito. “Sweetheart, what’s wrong? Anong nangyari sa iyo?” Bigla akong napalingon kay PJ nang magsalita siya kasabay ng pagdantay ng palad niya sa kamay kong mahigpit na nakahawak sa upuan ko. Tinatawag na naman niya ako sa endearment na ginamit niya mula noong nasa ospital ako. Nakakapanibago talaga siya dahil wala siyang endearment sa akin noon. Tinatawag lang niya akong babae o kaya sa pangalan ko at wala man lang kahit anong pagmamahal o lambing. “You’re cold as ice! Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong niya habang marahang pinipisil ang palad ko. Mainit ang kamay niya na lalong nakadagdag sa kabang nararamdaman ko.Tahimik lang akong nakatitig sa kanya habang kinakagat-kagat ko ang aking ibabang labi. Ganito talaga ako kapag kinakabahan. Hindi ko mapigilang kagatin ang labi ko. Pero napilitan akong huminto nang mapansin kong titig na titig na siya sa mukha ko. Baka mahalata niyang kinakabahan ako. Baka lalo akong mapahamak sa ginagawa ko. Itinaas niya ang aking kamay at dinala ito sa kanyang bibig. Hinalik-halikan niya ito. Sa ginagawa niyang iyon hindi ko napigilan ang kuryenteng bigla na lang dumaloy mula sa kamay ko patungo sa aking katawan. Shit! Hindi ako dapat kiligin sa ginagawa niya. Nagpapanggap lang siya. Hindi naman niya ginagawa ito noon sa akin. Ang bibig niyang masuyong humahalik sa kamay ko ngayon ay kaparehong bibig na nagbigay ng mapagparusang halik noon. Iyon din ang ginamit niya noon para kagatin ako sa iba’t ibang parte ng aking katawan lalo na kung inaangkin niya ako nang marahas. Hindi siya kailanman naging mahinahon o malambing sa akin. Kaya paanong nag-iba ang pakikitungo niya ngayon? Para siyang maamong tupa gayong animo’y mabangis na lobo siya noon. “It’s okay, sweetheart. Na-traffic lang tayo ngayon. Pero paglabas natin ng Manila, magiging maluwag na ang daan dahil sa NLEX na tayo. Tapos sa TPLEX ako dadaan para apat na oras lang nasa Burgos na tayo,” mahinahon niyang sabi. Ibinaba niya ang aking kamay sa hita niya ngunit hindi niya ito binitiwan na para bang ayaw niya akong pakawalan. Imbes na kiligin ako sa ginawa niya lalo lang akong ninerbiyos. Mamamatay na ba ako mamaya kaya pinakikilig niya ako para hindi ako mag-isip nang masama sa kanya? Huwag naman sana. Ayoko pang mamatay. Kung hindi ko man maipaghiganti ang aking sarili, sana man lang matakasan ko si PJ. Gusto kong maranasan ang magkaroon ng panibagong buhay na malayo sa piling niya. Simula kasi nang maikasal ako sa kanya, naging impiyerno na ang buhay ko. Kung alam ko lang na mapapahamak pala ako sa piling niya, sana hindi na lang ako pumayag sa kagustuhan ng mama niya na makasal sa kanya. Sana hindi ko na lang hinangad na makasama ang lalaking una kong minahal dahil kapahamakan pala ang naghihintay sa akin sa paghahangad ng pag-ibig na pinapangarap ko. Ang tanga-tanga ko dahil halimaw pala ang lalaking inibig ko. Mala-anghel man ang itsura at pangangatawan niya pero isa palang demonyo ang nagtatago sa loob ng katawan niya at impiyerno ang buhay na ipinalasap niya sa akin. Ayoko nang bumalik sa impiyernong buhay na iyon kaya kailangan ko siyang matakasan kung hindi ko man siya kayang singilin sa lahat ng kasalanan niya sa akin. Kaya dalawa lang ang pamimilian ko, gaganti o tatakas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD