CHAPTER 6
ARZIEL'S POV
Tahimik ang buong bahay nang lumabas ako ng kwarto. Hindi ko alam kung gutom lang ba ako o hinahanap ko lang talaga ang presensya ni Kuya Gideon sa paligid. Maaga pa, kaya’t akala ko’y ako pa lang ang gising.
Pero pagdaan ko sa tapat ng kwarto niya, napansin kong nakaawang ang pinto.
Hindi ko alam kung bakit pero may humila sa akin na sumilip. Maingat akong lumapit at nang idikit ko ang mata ko sa siwang, bigla akong natigilan.
Si Kuya Gideon, kasama si Lea.
Magkatabi sila sa kama. Hindi naman sila yakap-yakap, pero ang lapit nila. Nag-aabot ang mga daliri nila, at kitang-kita sa mga mata ni Kuya ang lambing habang kausap ito. Si Lea naman, tumatawa ng mahina, saka tumukod sa balikat niya habang may binubulong.
Parang may sumabog na malamig sa dibdib ko. Parang pinisil ang puso ko nang sabay-sabay.
Agad akong umatras. Dahan-dahang bumalik sa kwarto ko na parang ayokong gumawa ng ingay. Pagkasarado ng pinto, hindi ko na napigilan ang luha ko.
So... ganu’n talaga. May gusto rin pala siya kay Lea.
Huminga ako nang malalim. Paulit-ulit.
At ako? Ako yung kapatid. Ako yung palaging nando’n, pero hindi kailanman mapapansin sa paraang gusto ko.
Bumagsak ako sa kama, tumagilid, at niyakap ang sarili. Gusto kong tawagan si Marianne, pero alam kong ang sasabihin niya, "Sali ka na sa HFO. Ililihis ka n’un."
Pero hindi ko pa kaya. Hindi pa ako handa. Ayoko pang bitawan ang kakaibang saya kapag kasama si Kuya. Kahit na masakit. Kahit na hindi naman talaga para sa akin.
Tumunog ang phone ko. Text ni Marianne.
[Marianne: Girl? Update! Gusto mo ba talagang sumali na? Promise, distraction ito na may purpose!]
Pinag-isipan ko ang isasagot. Hinawakan ko ang phone, tapos nag-type ng mabagal:
[Arziel: Hindi pa siguro. Hindi pa ako handa.]
Isinend ko iyon at agad binalik ang cellphone sa ibabaw ng side table. Humiga ulit ako, at tumitig sa kisame. Tahimik lang. Tahimik pero maingay ang utak ko.
Marahil, hindi pa ito ang oras para umiwas.
Marahil, kailangan ko munang harapin ang sakit.
At marahil… kahit walang pag-asang bumalik ang nararamdaman ko, mas pipiliin ko pa ring manatili sa tabi niya. Bilang kapatid. Bilang lihim na tagahanga. Bilang taong, kahit nasasaktan… ay patuloy pa ring nagmamahal nang palihim.
Tahimik ang kwarto ko pero ang dami kong naririnig—lahat mula sa loob ko. t***k ng puso ko na parang binibilisan ng sakit, hinga kong parang hinahabol, at mga tanong na paulit-ulit lang ang sagot:
“Bakit siya, hindi ako??
Hindi ko alam kung naiinggit ako kay Lea… o nahihirapan lang akong tanggapin na si Kuya Gideon ay may ibang pinapahalagahan sa paraang pinapangarap ko sanang sa akin lang niya ibigay.
Gusto kong isipin na espesyal pa rin ako. Na kahit papaano, may parte sa puso ni Kuya na para lang sa akin. Pero kanina, nang nakita ko sila—hindi ko na kayang lokohin ang sarili ko.
Bumuntong hininga ako at tumingin sa kisame.
“Hindi pa rin sapat ‘yung pagiging ‘close’ naming dalawa. Hindi rin sapat na ako ‘yung palaging nando’n. Kapag puso na ang usapan, hindi mo mapipilit ang damdamin ng kahit sino.”
Napapikit ako at pinilit ang sarili kong huwag umiyak muli. Pero habang ginugulo ng isip ko ang mga nakita ko, hindi ko napansin na tumulo na naman ang luha ko. Mabilis ko iyong pinunasan.
Bigla na lang tumunog ang cellphone ko.
Marianne.
Hindi ko muna sinagot. Ayoko muna ng sermon niya o pangungulit na sumali na ako sa HFO. Hindi pa ako handa. Lalo ngayon, parang mas lalong lumalim ang sugat sa puso ko. Hindi ko kailangan ng distraction. Kailangan ko lang ng kaunting lakas para kayanin ang sakit.
Tumayo ako mula sa kama, tinungo ang salamin, at tumitig sa sarili ko.
Namumugto ang mata ko. Mukhang pagod. Wala na ‘yung dating sigla.
“Bukas... bukas ulit. Baka mas kaya ko na bukas.”
At kahit paunti-unti, pipilitin kong tanggapin.
Na baka hanggang dito na lang talaga ako—sa tabi niya, sa likod niya, sa mga ngiting hindi para sa akin.
Na baka ako lang ang nakakaramdam ng ganito.
Na baka... hindi talaga kami.
Pagkatingin ko sa sarili ko sa salamin, hindi ko mapigilang mapailing.
“Ang tanga-tanga mo, Arziel,” mahinang bulong ko sa sarili. “Alam mo naman ‘yon sa simula pa lang, ‘di ba? Na hindi pwede. Na bawal. Na imposibleng maging kayo.”
Pero kahit ilang beses kong sabihin sa sarili ko na tama na, na dapat nang itigil ang nararamdaman kong ito para kay Kuya, hindi ko pa rin magawa. Kasi sa bawat simpleng ngiti niya, sa bawat pag-aalala, sa bawat haplos niya sa ulo ko na parang ang sarap balik-balikan—doon ako nahulog. Hindi biglaan. Unti-unti. Paulit-ulit. Malalim.
Humiga ako ulit sa kama, iniipit ang unan sa dibdib ko habang pilit na hinuhugot ang lakas. Iniisip ko kung paano ko haharapin ang umaga bukas. Kung paano ako magpapanggap na okay kahit hindi naman talaga.
Tumunog ulit ang cellphone ko. This time, may text si Kuya.
[Kuya Gideon: Kumain ka na ba? Tinabi kita ng mango smoothie ni Lea. Favorite mo ‘yon ‘di ba?]
Napahawak ako sa dibdib ko. Kung gaano kasimpleng mensahe, ganoon kabigat ang tama sa puso ko. Kasi pinaparamdam niya pa rin na iniisip niya ako. Pinapahalagahan. Pero hindi sa paraang gusto ko.
Sinubukan kong hindi mag-reply. Pero hindi ko kinaya.
[Arziel: Thank you, Kuya. Busog pa ako kanina. Maybe later.]
Walang emoji. Wala ring dagdag. Dahil baka kapag dinagdagan ko pa, bumigay ako. At ayokong makita niya kung gaano ako nasasaktan. Ayokong magtanong siya at mapilit akong magsabi ng totoo.
Pagkatapos ng ilang minuto, tumunog ulit ang phone. Isang simpleng “Okay :)” mula sa kanya.
Napangiti ako kahit na may luha sa mata ko.
Ang unfair mo, Kuya. Ang hirap mong bitawan kapag ganyan ka.
Tumagilid ako sa kama, tinatakpan ng kumot ang katawan ko. Umuulan na pala sa labas. Maingay ang patak ng ulan sa bintana, pero sapat lang para sabayan ang mga hikbi kong pinipigil.
Siguro nga, hanggang tanong na lang ako. Hanggang sa "paano kung…” at "baka sakali…”
Pero alam ko sa sarili ko, kailangan kong masanay.
Masanay na makita siyang masaya, kahit hindi ako ang dahilan.
Masanay na ako lang ang nakakaramdam, at siya… hindi kailanman.