"Such pity..." ani ng isang malambing na boses. Hindi ko makita kung sino itong nagsasalita sa harap ko. Patuloy niya akong iniikutan at pinapadausdos ang patalim sa leeg ko. Napapikit ako sa sakit nang idiniin niya ito sa kaliwang bahagi.
"Paalam," huling sabi nito bago ako tuluyang ginitilan.
Pagdilat ko ng mata ay napabuntong hininga ako. Panaginip lang pala. Bumangon ako at didiretso sana sa kusina upang kumuha ng maiinom nang naabutan ko si tita na nagta-tsaa sa tabi ng bintana. Mukhang malalim ang iniisip niya dahil hindi niya napansin ang pagbangon ko.
Nagkibit balikat ako at dumiretso palabas ng kwarto ko. Habang umiinom ay napaisip ako kung bakit nandito si tita sa kwarto ko. Naibuga ko ang iniinom ko nang maalala ang kakaibang nangyari kagabi.
Nawalan ng liwanag ang buwan! At sakto pa talaga sa pag-ihip ko!
"Ano ba 'yan, Sel, dugyot ka?" pagbati ni tita. Wala sa sariling nairapan ko siya kaya nakakuha agad ako ng batok. Ginantihan ko siya ng isa pang irap na palihim.
"Bakit ka nandito, 'ta?" kaswal na tanong ko. Kumuha ako ng handang almusal at nagsimula nang kumain samantalang si tita ay umiinom ng kape.
"Nawalan ka ng malay kagabi. Bakit?" tanong niya. Nagdadalawang isip pa ako kung sasabihin ko ba ang kakaibang alaala ko o hindi na. Sa huli, nagpasya akong sarilihin nalang iyon. Hindi ko rin naman sigurado kung dahil nga ba sa akin nawala o coincidence lamang. Baka nga namamalik-mata lang ako.
"Sa kaba siguro, tita." Tumango siya sa sagot ko. Nagkwentuhan pa kami sa iilang bagay at nagpaalam na rin agad siya sa akin na papasok na sa opisina niya. Humalik ako sa pisngi niya at naamoy ko agad ang bago niyang pabango na amoy marigold.
Ilang sandali pag-alis niya ay naggayak na rin ako. May klase rin ako sa kabila ng lahat ng nangyari.
Pagkalabas ko ay natahimik bigla ang karaniwang maingay na hallway. Napatingin ako sa paligid ko at nagkataka kung bakit parang nagmamadali silang umalis lahat.
Isinawalang bahala ko nalang 'yon at binilisan nalang din ang paglakad patungo sa klase. Binaybay ko ang pagkahaba-habang hallway para lamang sa dormitoryo ng babae. Apat na palapag ito ngunit bawi naman sa laki ng espasyo kada palapag.
Ang sariwang simoy ng hangin ang bumungad sa akin pagkalabas. Ang pagaspas ng pakpak ng mga griffin, pegasus at iba pang hayop sa himpapawid ay nakadagdag sa kagandahan ng aura ng paligid.
Tumingin ako sa malaking orasan sa main building kung saan makikita ang karamihan ng classroom sa paaralan. Maaga pa pala para sa unang klase ko.
Pero bakit kaya nagmamadali sila? May announcement ba? Hindi naman Lunes para sa pagbisita ng royalty dito.
Imbis na magmadali, sinulit ko ang pagtungo sa klase. Malakas na umihip ang malamig na simoy ng hangin na hinipan ang medyo kulot kong buhok. Hindi ko na inayos pa dahil natutuwa ako sa ginagawa ng hangin dito.
Pinagmasdan ko ang paligid. Ang Akademya sa Sining ng Mahika ang siyang nagsilbing tahanan ko sa nagdaang mga taon. Wala na akong maalala sa buhay ko bago pa pumasok dito.
Napakaganda ng paligid. Mula sa mga punong iba't iba ang kulay, may mga gradient pa na mula sa taas ay kulay abo pababa sa mapusyaw na dilaw. Iyan ang paborito ko sa lahat. Ang puno ng maposa.
Napayuko ako nang nakaramdam ng papalapit mula sa likod-- isang fairy ito na mapaglaro. Tinawanan ko ang pagtama nito sa d**o imbis na sa akin.
Ang mga mariposa, mas kilala bilang fairy, ay mga evolved na version ng paru-paro. Sila ang mga pinili sa lahi nila upang magkaroon ng oportunidad na makapag-transform sa mas mataas na uri sa lahi nila.
Tinignan ko ang iilang estudyante na nakakalat sa field. Marami ang nagmumula sa dormitoryo ng lalaki. Nauuna laging pumasok ang mga babae sa hindi ko alam na dahilan. Ay, dahil pala nagchichismisan muna sila bago magklase. Napailing ako nang naalala ang scenario sa room namin.
Sa kanan ko ay ang papunta sa village para sa mga nakatataas na estudyante. Sila ang mga may kaya na may pera pambayad sa pagbili ng sarili nilang bahay sa loob ng paaralan.
Sa malayong harap ko at harap ng dormitoryo ng babae ay ang dormitoryo para naman sa mga lalaki. Pinaglayo ito dahil sa iilang mga violators na pumupuslit gamit ang bintana.
Naalala ko ang huling violation na nakapagpahimatay kay tita. Nakitulog siya sa dormitoryo ko at siya mismo ang nakarinig ng kakaiba sa katabing kwarto ko pa talaga. Pinasok niya ang kwartong iyon at naabutan ko nalang siya sa clinic kinabukasan.
Kumaliwa ako papunta sa main building. Ang unang klase ko ay tungkol sa mga halaman. Hindi ko 'yon gusto dahil puro tungkol lang 'yon sa mga halamang dapat at hindi dapat kainin.
"Hindi naman ako kumakain ng kahit anong halaman, hindi ko na 'yan kailangan," reklamo ko isang beses kay tita kaya't isang buwan niya akong pinakain ng puro dahon lang.
Malapit na ako sa main building nang may biglang announcement ang school admin. Tumingala ako pati na rin lahat ng estudyante sa field upang makita kung ano 'yon.
Tatlong star na sunud-sunod. Dumiretso na agad kami sa stadium kung saan ginaganap ang mga announcements. Ang tatlong sunud-sunod na bituin ay ang pagtawag sa amin ng headmistress mismo kaya't paniguradong importante ito.
"Good morning, students!" masiglang bati ng headmistress. Marami naman ang bumati pabalik at may mga nagsigawan pa. Tipikal na mga estudyante.
"Dahil sa nabiting seremonya kahapon, ngayon itutuloy ang pagpapakilala ng mga guild sa inyong mga estudyante-- kabilang man kayo sa mga kumuha ng guild o hindi," nakangiting sabi nito. Nagsigawan naman ang lahat bilang pagdiriwang sa program at sa cancelled na klase. Pati ako ay napahiyaw na rin.
"Okay, tama na," pagpapatahimik niya. Mabilis na sumunod ang mga estudyante sa halong awtoridad ng boses niya. Tumikhim siya bago nagsalitang muli.
"Nandito ang walong leaders ng bawat guild na meron tayo. Ipakikilala nila isa-isa ang kanilang mga kinabibilangang guild at ang mga dapat niyong asahan sa pagsali roon." Napatingin ako sa likod niya at napansing may walong upuan nga roon ngunit pito lang ang nandun. Teka, pito lang ang guild 'di ba? Ano ang ikawalo?
Habang nagsasalita ang unang guild ay may kumalabit sa akin. Nilingon ko siya-- sila pala. Dalawang mariposa ang nandito. Sino ang mga 'to?
"Bakit?" takang tanong ko. Ngumiti sila at nagsalita. Kakaiba ang pagsasalita nila. Hindi sila nagbubukas ng bibig para magsalita ngunit naririnig namin sila.
"Pinapatawag ka po ng mahal na reyna," anito. Nagulat ako ngunit agad na sumunod dahil nakakahiya na paghintayin ang kamahalan.
Iginiya nila ako sa backstage. Nandito ang iba't ibang uri at lahi. May mga dwarves sa gilid na nag-aayos yata ng platform sa labas. Napaka-busy dito dahil sa programa sa labas.
"Dito tayo." Nabaling ang tingin ko sa mga kasama ko nang nagsalita silang muli. Napahinto na pala kami sa paglalakad sa pagmamasid ko.
Pumunta kami sa isang banda na may pinto. Sa lahat ng nadaanan namin kanina, ito lang ang may pinto talaga. Ang nakita kong harang sa mga kwarto kanina ay mga kurtina o kaya'y wala na talagang harang upang mapadali ang paglabas-pasok.
"Pasok ka na," bulong ng isa sa akin. Tumango ako at kumatok muna ng tatlong beses bago tuluyang pumasok. Mula sa maliit na pinto ay napunta ako sa napakalawak at napakagandang lugar. Para itong sinlaki ng isang palapag ng mansyon.
Nilibot ko ang tingin sa paligid. Puro damit, sapatos, alahas at iba pang magagarbong gamit ang nandito. Sa isang banda ay may mga sofa naman kung saan ko nakita ang reyna. Lumapit ako at nagbigay-galang sa kanya.
"Magandang umaga po, mahal na reyna," pagbati ko. Tumango ito kaya't itinaas ko nang muli ang tingin ko. Napakaganda talaga niya. Halos malunod ako sa lalim ng titig niya ngunit napakaamo naman ng mukha niya.
"Maupo ka roon, Selene," aniya sa mahinhing boses. Nginitian niya ako at awtomatiko naman akong ngumiti pabalik bago naupo sa isang upuan katapat ng isang salamin. Naguguluhan man, hindi ko na iyon pinansin dahil sa pagkahumaling sa reyna.
May lumapit sa aking mga babae. Lima sila at may kanya-kanyang bitbit na gamit. Hindi ko alam kung para saan iyon o ano iyon kaya't magtatanong sana ako nang na-realize kong hindi ako makagalaw at makapagsalita.
Nanlaki ang mata ko at tumingin sa banda ng reyna sa salamin. Nakangiti pa rin siya at tinanguan ako na para bang in-assure sa akin na okay lang ang nangyayari. Nakalma ako dahil doon.
"Aayusan ka namin. Suggestion ng mahal na reyna na pigilan ka sa paggalaw dahil first time mo itong ayusan at baka hindi ka sanay sa gagawin sa'yo," pagpapaliwanag ng isang babae sa gilid ko. Tinignan ko siya sa salamin at tatango sana sa sinabi niya ngunit hindi ko ito magawa kaya't pumikit nalang ako ng marahan.
"Ganyan, pikit ka lang hanggang matapos kami." Bakas ang pagkatuwa sa boses nito na hindi ko maintindihan kung bakit. Nagsimula na silang maglagay ng kung anu-ano sa mukha ko.
Una ay may naramdaman akong pinahid sila na cream. Sa amoy palang ay halatang gamit ito ng mga mayayaman. Tuluy-tuloy lang sila sa mga pinapahid at minamasahe sa mukha ko. Mahigit trenta minuto siguro nila iyong ginawa sa akin.
"Pwede ka nang dumilat." Namangha ako sa nakita ko. Pinong-pino ang pagkakaayos ng buhok ko. Wala ni isang hibla ang nakakalat at perpekto ang pagkaunat nito.
Puno ng kolorete ang mukha ko ngunit hindi ito sobrang makulay. Maayos ang pagkakalagay at para akong parte ng royals sa itsura ko ngayon.
"Ang ganda," bulong ko. Hindi ko napansin na lumapit pala ang reyna sa tabi ko. Nginitian niya ako sa salamin na sinuklian ko rin ng malaking ngiti.
"Ah-ah Selene, hindi ganyan ang tamang ngiti ng parte ng royals," ani nito nang may kasama pang paggalaw ng kamay sa umpisa. Nagulat man ay tumango pa rin ako.
"Paano po ba?" tanong ko. Namangha ako nang ngumiti siya sa akin tulad ng madalas niyang ngiti-- kimi at napakaelegante. Tumango ako at sinubukang gayahin siya.
Hindi ko alam kung bakit ngunit bakas ang gulat sa mukha ng mahal na reyna ngunit ngumiti rin naman siya agad. Kinabahan ako ng kaunti sa pagkagulat niya dahil akala ko'y mali ang pagngiti ko.
"Ayos na 'yan. Vanessa, isunod na ang damit," utos niya sa nag-ayos sa akin. Tumango ito at pinatayo agad ako mula sa salamin tungo sa isang kwarto.
Bumungad sa amin ang naggagandahang damit. Puro magagarbong damit ito at katulad ng style ng nakita ko noon sa pagtitipon sa palasyo.
"Anong kulay ba ang gusto mo?" tanong ni Vanessa sa akin. Nilingon ko siya at may hawak na pala siyang mga damit. Isang kulay pula at isang kulay asul. Hindi ko nagustuhan iyon ngunit may nakaagaw ng pansin ko sa likod niya.
"Ayun." Itinuro ko ang kulay gintong damit. Lumaki ang ngiti ko nang mas mapagmasdan ito sa pag-alis ni Vanessa sa pwesto. Nilapitan ko ito at kukunin sana nang pinigilan niya ang kamay ko.
"Hibang ka ba? Para sa reyna lamang ang kulay na ginto!" pasigaw na bulong niya. Napaatras naman ako kaagad at nagulat na may gano'ng batas pala. Hindi na ako nakapili at kinuha nalang ang kulay asul na dress sa kanya. Maganda naman ito at mukhang sakto sa akin.
Iniwan ako ni Vanessa upang magbihis daw habang may kukunin siya na kung ano.
"Ang hirap pala magsuot nito," reklamo ko. Hindi ko maabot 'yong zipper sa likod!
Nangangawit na ako sa pag-abot at feeling ko ay mababalian pa ako ng buto sa kung anu-anong pormang sinusubukan ko para maabot ito.
Napatalon ako nang may bumagsak sa literal na harap ko. Nanlaki ang mata ko nang nakitang lalaki ito!
Dinampot ko ang hanger ng damit ko at hinandang pamalo sa nasa harap.
"Sino ka?!" sigaw ko rito. Napaatras naman ito nang nakitang nakaamba na ang hanger sa kamay ko.
"Woah, pakibaba 'yan!" sabi nito at itinuro ang hanger ngunit mas inilapit ko iyon sa kanya at kunwari pang hahampasin siya. Napatakip siya sa mukha.
"'Wag ang mukha ko!" sigaw din niya. Nanlaki ang mata ko nang nakita ang cufflink niya. Half moon! Ibig sabihin... royalty siya?!
"Pasensya na po, kamahalan!" mabilis na bawi ko sa mga sinabi kanina. Sumilip siya sa pagitan ng mga daliri niya at ngumisi nang nakitang nakayuko ako sa kanya.
Umayos siya ng tayo at pinagpagan ang sarili. Inayos niya ang cufflink at sinadya pa yatang sa harap ko ayusin na para bang ipinagmamayabang iyon. Umirap ako ng patago.
Tumikhim siya bago nagsalita.
"Una sa lahat, ibaba mo muna 'yang hawak mo," sabi niya at nginuso ang hanger na nakaamba pa pala. Napapahiyang ibinaba ko iyon at hinagis sa isang tabi.
"A-Ano po ba ang ginagawa niyo rito?" tanong ko at nautal pa. Ano ba, Selene? Umayos ka!
"Sabihin nalang natin na... may hinahanap ako." Tumangu-tango siya na para bang pati ang sarili ay kinukumbinsi. Hindi man ako naniniwala sa sinabi niya ay pinigilan ko ang pagtatanong dahil baka magalit siya sa akin.
"N-Nagbibihis po kasi ako..." mahinang sabi ko. Natigilan siya at tinignan ang kabuuan ko. Nag-init ang mukha ko sa ginawa niya at nahiya ngunit pareho yata kami ng naramdaman dahil napansin kong namula ang tenga niya.
"Aalis na ako," sabi niya at umubo pa. Gumilid ako upang bigyan siya ng daan ngunit ang malakas na boses ni Vanessa ay nag-echo sa paligid.
Natigilan siya at dali-daling nagtago sa isang rack ng mga damit. Sumenyas pa siya na manahimik ako at wala naman akong nagawa kundi tumango.
"Selene, ano na?! Hindi ka pa nakaayos?! Ikaw na ang aakyat!" natatarantang sabi ni Vanessa. Mabilis siyang lumapit at inayos na ang zipper ko. Pumunta siya sa harap ko at tinignan ang kabuuang itsura.
"Nakalimutan ko ang corset!" sigaw niya.
"Dali, hubad!" natatarantang sabi niya habang naghahalughog ng corset sa isang baul sa tabi ng rack na pinagtataguan ng lalaki kanina. Nanlaki ang mata ko sa iniutos niya.
"P-Pero..." nabitin ang reklamo ko nang may kumatok at sinabing ako na raw ang aakyat.
"Hindi na kaya! Okay na 'yan! H'wag ka nalang huminga at ipitin mo ang tyan mo pag-akyat!" Tumango nalang ako kay Vanessa kahit hindi ko na naintindihan halos lahat ng sinabi niya.
Palapit sa stage ay nakasalubong namin ang reyna. Biglang kumalma ang kaninang tarantang si Vanessa at binulungan ako na umayos ng tindig at kung anu-ano pa. Sinunod ko nalang dahil mukha namang para sa akin din iyon.
"Tandaan mo ang ngiti mo, Selene," sabi ng reyna. Marahan akong tumango at napatingin sa harap nang nakita ang sasakyan namin. Isa itong malaking yelo na parang katulad ng nasa palasyo.
Pinatuntong ako ng reyna at kaming dalawa lamang ang nandoon. Dinala kami nito papunta sa entablado sa stadium. Napakatahimik ng buong stadium.
Hindi ko alam kung bakit ngunit nanlamig ako sa kaba nang nakita na kami ng mga tao. Nagsimula na akong maging hindi konportable sa suot ko. Nangatog din ang mga tuhod ko at pakiramdam ko ay madudulas ako anumang oras sa napakataas na takong ko.
Nangati ang pakiramdam ko sa mukha ko sa kolorete. Hindi naman sila masakit sa balat ngunit mabigat sila at hindi ako sanay sa ganoong pakiramdam sa mukha kong hindi nadadapuan ng kolorete dati.
Huminto ang yelo sa tapat ng stage. May umalalay sa reyna sa pagbaba ngunit nagsikap ako na bumaba mag-isa. Kinabahan ako dahil baka matapilok ako sa taas ng takong ko o 'di kaya'y matapakan ko ang damit ko.
Muntik na akong matapilok nang may humawak bigla sa kamay ko. Napatingin ako sa pinuno ng Orion. Tumango siya at inalalayan ako hanggang makababa.
Nagpasalamat agad ako at sumunod na sa reyna. Hindi ko gusto ang tingin ng ibang tao nang tinulungan ako ng pinuno.
Nang nasa tabi na ako ng reyna ay nagsimula na siya sa kanyang speech.
"Magandang umaga. Hindi ko na pahahabain pa ito dahil may mga susunod pa. Ang kasama ko ngayon, si Selene Luna," huminto siya at hinawakan ako sa siko upang igiya palapit sa kanya. Mas kinabahan ako ngunit hindi ko alam kung bakit.
"Siya ay isang kandidato bilang... prinsesa."
Napuno ng bulungan ang paligid. Ako? Prinsesa?! Napatingin ako bigla sa reyna. Nginitian niya ako. Aangal sana ako ngunit napansin kong hindi ako makapagsalita!
Ibinalik ko ang tingin ko sa harap. Mali, hindi ko ibinalik. Kusang gumalaw ang ulo ko paharap. Hindi rin ako makapagsalita. Anong nangyayari?!
Hindi ko alam kung bakit ngunit ngumingiti ako. Nagpupumiglas ako ngunit ang kamay ay paa ko ay nakapirmi at nakaayos ng pormal.
"Bilang kandidato, haharapin niya ang iilang hamon at misyon upang patunayan ang sarili. Bukas na ang umpisa."
Tuluyan nang umalis ang reyna kasama ako. Para akong lumulutang lang pabalik ng sinakyan namin kanina. Hanggang sa nakaalis kami sa stadium, hindi ako makagalaw at wala akong kontrol sa katawan ko.
Nakita ko sa kalayuan si Vanessa at iilang mga tao pa. Pati ang lalaki kanina ay nandun!
Pagkatapak ko sa baba ay tsaka ko lang nagalaw muli ang sarili. Halos maghisterya na ako sa kaba.
"A-Anong nangyari? B-Bakit... Bakit?" Gulong-gulo ako. Hindi ko maintindihan kung bakit nangyari iyon. Bakit hindi ako nakagalaw?
"Ginamitan ka namin ng magic. Inayos namin ang tindig mo--" pinutol ko si Vanessa sa nanlilisik na mata at halos bulyawan ko na siya.
"Ni hindi niyo sinabi sa akin! Hindi ako nakagalaw! Hindi ko alam ang nangyayari sa stage kanina!"
Histerikal na ako sa gulat, takot, pangamba at galit. Hindi maganda ang nangyari. Kung nagawa nila akong kontrolin sa harap ng maraming tao, paano pa sa iba?
"Kailangan iyon upang panatilihin ang reputasyon jg mga royalties," pagpapakalma ng reyna sa tabi ko.
Yumuko ako at nagbigay-galang. Nakalimutan kong nandiyan siya. Luluhod sana ako upang humingi ng tawad nang pinigilan niya ako.
"'Wag. Ako ang dapat gumawa niyan. Pasensya na sa nangyari," sabi ng reyna. Nanlaki ang mata ko nang siya mismo ang luluhod sana ngunit agaran ko siyang pinigilan.
"Mahal na reyna!" sigawan ng iba. Napaiyak pa si Vanessa sa nakita.
"H'wag na po, mahal na reyna! Naiintindihan ko po kayo!" taranta kong sabi habang pinapatayo siya. Tumingin siya sa akin at tumango ako upang kumpirmahin ang sinabi ko. Umayos naman na siya ng tayo.
Nagpaalam na sila ngunit pakiramdam ko ay may kakaiba. May mga binilin pa si Vanessa tungkol sa pag-ayos ng postura at pananamit ko at iba pa. Tinanguan ko lang siya sa lahat ng iyon.
Yumuko nalang ako bilang paggalang at napabuntong hininga nang nakalayo na sila. Napalingon ako nang may tumabi sa akin. Teka, bakit nandito pa 'tong lalaki kanina?
"You're stuck in a golden box, huh?" Sumipol ito bago umalis.