Chapter 1 - Lost

2785 Words
Mabilis ang pagtakbo ng mga paa ko palabas ng mansyon na naging tahanan ko rin nang maraming taon. Tumutulo ang mga pawis mula sa noo ko pero hindi ko iyon ininda. Mahigpit ang pagkakayakap ko sa isang taong gulang kong anak. Malakas ang pag-iyak niya pero mas mahalaga sa akin ang makaalis sa lugar na ito. "Rose! Ibalik mo ang apo ko!" Hindi ako lumingon sa taong humahabol sa akin. Hindi ako papayag na makuha nila ang anak ko. Gagawin ko ang lahat para makaalis ako sa lugar na ito. Mas binilisan ko pa ang pagtakbo ko hanggang sa makalabas ako ng malaking gate ng mansyon. Gano'n na lang ang gulat ko nang umalingawngaw ang malakas na putok ng baril. Niyakap ko nang mahigpit ang anak ko at lumingon sa likod. Nakita ko ang isang lalake na may hawak na baril at nakatutok sa langit. Ibinaba niya ang braso at sa akin na itinutok ang baril. "Hindi ako papayag na kunin mo ang apo ko! Huwag mong hintayin na makalimutan ko kung gaano ka kahalaga sa anak ko!" Kitang-kita sa mga mata niya ang determinasyon na kunin anak ko. Pero hindi ako papayag. Natawa ako nang mapakla. "Anong sinasabi mo? Nasaan siya ngayon? Pinabayaan niya ako, 'di ba? Wala nang natira sa 'kin tapos pati anak ko ay kukunin n'yo pa?" Mabagal akong umiling habang walang tigil ang pagbuhos ng mga luha sa mata ko. "H-Hindi ako papayag. Patayin mo muna ako..." Dumilim ang mukha niya at mas lalong tinutok sa direksyon ko ang baril niya. "Huwag mong hintayin na gawin ko ang sinabi mo." "Hindi ako natatakot," buong tapang kong sagot. Tumalikod ako at nag-umpisang tumakbo ulit. Batid kong hinahabol niya ulit ako pero hindi na ako muling lumingon pa. "Hindi ako papayag na pati ikaw kunin nila sa 'kin, anak. Poprotektahan kita..." puno ng emosyon na bulong ko sa anak ko habang tumaktabo palayo. Walang tigil ang pag-iyak niya pero wala akong ibang magawa kundi yakapin siya. "Mahal na mahal kita, anak..." Ngunit kahit gaano ako kadesperada na ilayo siya sa lugar na 'yon, at kahit isakripisyo ko ang buhay ko ay hindi ko magagawang pigilan ang tadhana naming dalawa. Hindi sapat ang mahigpit kong yakap sa anak ko para harangin ang balang tumama sa balikat ko. Napasigaw ako sa sakit at napaluhod sa sementadong daan. Damang-dama ko ang kirot at hapdi sa balikat ko pero hindi ko binitawan ang anak ko. Ngunit natigilan ako nang hindi ko na muling narinig ang iyak niya. Mabilis ko siyang tiningnan at gumuho ang mundo ko nang makita ang duguan niyang ulo. Ang balang tumama sa balikat ko ay tumagos sa kaniya. Umawang ang bibig ko. Nanginig ang buong katawan ko at hindi maiproseso ng utak ko ang kalunos-lunos na sinapit ng anak ko. "A-Anak ko..." nanginginig ang boses na sambit ko. "H-Hindi..." Hinawakan ko ang duguan niyang ulo at napatitig sa kamay kong puno ng dugo. Sunod-sunod ang pag-iling ko at walang awat ang pagbuhos ng mga luha ko. "B-Bakit..." Hindi ko magawang makapagsalita nang maayos dahil sa bigat ng nararamdaman ko. Para akong nalumpo. Inisip ko na panaginip lang ang lahat ng ito pero ramdam ko pa rin ang init na nanggagaling sa anak kong wala nang buhay sa bisig ko. Niyakap ko siya nang mahigpit. Unti-unting nagkaroon ng tunog ang paghagulhol ko hanggang sa napasigaw na lang ako sa sobrang sakit na nararamdaman ko. "H-Hayop kayo!" nanginginig ngunit puno ng galit na sigaw ko. Sa pagkakataong 'yon, hiniling ko na sana panaginip na lang lahat ng nangyari at magising ako mula sa malalim na bangungot. Nangyari ang gusto ko. Dumilat ang mga mata ko. Para akong nagising sa isang mahaba at masamang bangungot...pero wala na akong maalala. Biglaan ang pagbangon ko habang naghahabol ng hininga. May nakakabit na aparato sa katawan ko. Hindi ko magawang makapagsalita. Ang tanging nagawa ko lang ay ilibot ang mga mata ko sa kwartong kinaroroonan ko. Hindi pamilyar. Sa gilid ko ay may mga makina na na nakakabit sa akin. Bumaba ako sa kama at hindi ko inasahan na walang lakas ang tuhod ko. Bumagsak ako sa sahig. Sinubukan kong bumangon pero bumagsak ulit ako. Nag-umpisa akong umiyak. Para akong batang nawawala, hindi alam ang direksyon. Sino ako? Bakit ako nandito? Bakit wala akong maalala? "Rose, anak!" Napatingala ako sa magandang babaeng pumasok sa kwarto. Naluha siya nang makita ako. Niyakap niya ako nang mahigpit at tinulungang makabalik sa kama. At dahil hindi ko siya kilala, nagwala ako. Ang bigat ng dibdib ko pero hindi ko alam ang dahilan kung bakit. Ngayong nakita ko ang babaeng nasa harap ko ay para akong nalulunod sa sakit. Sino siya? Pumasok ang isang doktor at may itinurok sa akin. Ilang segundo lang ay naramdaman ko ang pagbigat ng talukap ko. *** "You were in a coma for almost five years, Rose. That explains why you had the trouble of walking," paliwanag ng doktor. Hindi ako makapagsalita. Maraming tanong na tumatakbo sa isip ko pero hindi ko alam kung saan ako magsisimula. "Anak?" Hinawakan ng babae ang kamay ko. Sa tingin ko ay nasa late 40's na siya pero wala pa ring kupas ang gandang taglay niya. Napansin ko rin ang pagkakahawig naming dalawa dahil nakita ko ang itsura ko kanina sa salamin. "Wala ka bang naaalala? Kahit 'yong mga huling nangyari bago ka na-coma?" Mabagal akong umiling at nag-isip nang malalim. "P-Pero...may napanaginipan ako bago ako nagising." "Ano naman 'yon? Pwede mo bang sabihin sa amin?" nakangiting tanong ng doktor. Gumuhit ang kakaibang kirot sa puso ko kaya napahawak ako sa dibdib ko. Naalala ko ulit 'yong panaginip ko kanina. Pakiramdam ko ay ako ang babaeng 'yon. Ako ang hinahabol ng lalakeng may hawak na baril. Ako rin 'yong babaeng namatayan ng anak. Hanggang ngayon ay kumikirot pa rin ang puso ko dahil sa nangyari sa kaniya. "It's okay." Bumuntong-hininga ang doktor. "Don't be hard on yourself. Hindi ka namin pipilitin na makaalala. It's been five years afterall. Maraming hindi magandang nangyari—" "Ano bang nangyari sa akin, Doc?" putol ko sa sinasabi niya. "Napanaginipan ko ang isang babae. Namatayan siya ng anak. Pinatay siya ng isang lalakeng may hawak na baril. Sabihin mo sa akin: ako ba ang babaeng 'yon?" Ngumiti siya at umiling. "I'm sorry, Rose. Masyado pang maaga para pilitin mo ang sarili mo na makaalala. I can't tell you everything. The pain and the trauma from your past may have an effect to your current healing." Kumuyom ang mga kamao ko. "Alam mo ba kung anong pakiramdam na hindi mo kilala ang sarili mo? Ni hindi ko alam kung bakit ako nandito! Hindi ko alam kung sino ako o kung anong nangyari sa akin! Kahit wala akong maalala, nararamdaman ko dito!" Itinuro ko ang dibdib ko. "Nararamdaman ko lahat ng bigat, lahat ng sakit! Bakit hindi ko pwedeng malaman ang totoo?! Gusto kong malaman bakit ang bigat ng nararamdaman ko!" "Anak, please..." pakiusap ng nanay ko. Alam ko na siya ang nanay ko. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang pag-aalala para sa 'kin. "Huminahon ka. Ipapaliwanag ko sa 'yo lahat." "Maria," tawag ng doktor at umiling. "We can't—" "Kailangan niyang malaman ang totoo, Doc. Ang tagal kong hinintay na magising ang anak ko. Hindi ako papayag na manahimik na lang. Kailangang magbayad ng pamilyang 'yon sa ginawa nila sa akin at sa anak ko." Parang may pumitik sa noo ko nang marinig ang sinabi ni Nanay. Pamilya Madrigal? Pamilyar sa akin ang apelyido na 'yon. "Anak, makinig ka sa akin..." Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi. Lumuluha na siya ngayon. "Patawarin mo ako kung kailangan kong ipaalala sa 'yo ang masakit na nakaraan mo pero ito lang ang paraan para makaganti tayo sa mga taong umapi sa atin." "A-Anong sinasabi n'yo?" nalilitong tanong ko. Pumikit siya para hayaan ang pagtulo ng mga luha niya at muling dumilat para titigan ako sa mga mata. "Anak, dati akong katulong sa mansyon ng mga Madrigal. Kilala mo sila kasi doon ka na rin nakatira. Si Thomas Madrigal...siya ang amo ko. Doon mo rin nakilala si Trevor at si Gun, silang dalawa ang anak ni Thomas. Si Gun...siya ang lalakeng nakabuntis sa 'yo...pero iniwan ka niya at pinabayaan." Napalunok ako. Kaagad sumagi sa isip ko 'yong lalake sa panaginip ko na may hawak na baril. Posibleng siya si Thomas Madrigal. "G-Ginahasa niya ako, anak." Umawang ang bibig ko kasabay ng panlalaki ng mga mata ko. "A-Anong..." "Nalaman mo 'yon kaya nagalit ka kay Thomas. Sinabi mo 'yon kay Gun pero hindi siya naniwala dahil nalaman niyang may relasyon kayo ng kapatid niyang si Trevor, pero hindi 'yon totoo at set-up lang 'yon. Iniwan ka niya at pinabayaan. Kinuha niya rin ang anak mo." Napahawak ako sa dibdib ko. Wala akong maalala pero damang-dama ko ang kirot sa puso ko habang sinasabi niya ang mga 'yon. "Nang subukan mong kunin ang anak mo sa mansyon, pinigilan ka ni Thomas. Tinakot mo siya na magsusumbong ka sa mga pulis dahil sa ginawa niya sa akin pero binaril ka niya bago ka pa tuluyang makalayo. Tumagos ang bala...a-at..." Hindi niya na magawang makapagsalita nang maayos dahil sa pag-iyak niya. "A-At..." "Maria, take it slow." Napalingon kami sa lalakeng nagsalita. Nakasandig sa may pintuan ang isang lalakeng matangkad at nakasuot ng suit. Maluwag ang pagkakasuot ng necktie niya at parang bagot na bagot. Gayunpaman, napansin ko kaagad ang taglay niyang kagwapuhan na may nakakatakot na aura. Tingin ko ay mas matanda siya sa akin nang ilang taon. "Edward..." Tumayo ang nanay ko at hinarap ang bagong dating na lalake. "Masyado kang emosyonal," seryosong sambit ng lalake at naglakad palapit sa akin. "You're making her confuse, can't you see? Halos pigilan ko ang paghinga ko dahil sa kakaibang titig na ibinibigay niya sa akin. Tumigil siya sa harap ko at hindi inalis ang tingin sa akin. "I'm Edward. I was the one who saved you from getting drown." Kinuha niya ang isang upuan sa gilid at umupo sa tabi ko. "Do you remember that night? Tumalon ka sa tulay kasama ang anak mo. Fortunately, I was there and saved you from—" "Namatay ang anak ko habang yakap ko siya..." mahinang sambit ko at napapikit upang hayaan na tumulo ang mga luha ko. "Panaginip lang 'yon pero alam kong nangyari talaga sa 'kin." "Your child was murdered," pagtatama niya."I mean, you were the target but I heard that the bullet penetrated your shoulder and hit your child as well. What else do you want to know?" "Edward," saway ni Nanay. "Akala ko ba hinay-hinay lang?" "I'm giving her the on-point details. Kapag ako ang nagkwento, mas maiintindihan niya," katwiran ng lalake. Walang nagawa si Nanay at maging ang doktor. Iniwan nila kaming dalawa sa loob ng kwarto para hayaang mag-usap. Masyado nang nagiging emosyonal si Nanay. "I thought you lost your memories? Bakit ka umiiyak na para bang naaalala mo na lahat?" tanong ni Edward maya-maya. Pinunasan ko ang mga luhang kumawala sa mata ko. "Wala akong maalala pero ang bigat ng dibdib ko," sagot ko habang nakatingin sa mga daliring kinukutkot ko. "Pero gusto kong malaman kung bakit nangyari sa akin 'to? Anong pinagmulan ng lahat? Bakit nila 'yon ginawa sa akin at sa nanay ko?" Nang tingnan ko siya ay nakatitig lang siya sa akin. Hindi ko alam kung bakit niya ko tinulungan pero mukhang mabait naman siya. "Gusto mo talagang malaman?" seryosong hamon niya. Tumango ako bilang sagot. Sinundan ko siya ng tingin nang tawagin niya ang assistant niya na nakatayo pala sa labas. Pagbalik niya ay may hawak na siyang ipad at may pinakita sa akin na litrato. "This is Thomas Madrigal. The former CEO of Madrigal Corp. Do you recognize him? Does his name ring a bell?" sunod-sunod na tanong niya. Tinitigan ko nang maigi ang lalakeng nakasuot ng suit at seryosong nakatingin sa camera. Nagsusumigaw sa yaman at awtoridad ang presensya niya. "Like Maria said, si Thomas Madrigal ang amo niya noon na gumahasa sa kaniya—" "Hindi ko alam kung bakit hindi ko napigilan na mangyari sa kaniya 'yon. Nasaan ako noong mga panahon na 'yon?" puno ng hinanakit na tanong ko sa kaniya. Dinilaan niya ang pang-ibabang labi bago sumagot. "According to your mother, you left the mansion after getting pregnant by this...lucky bastard." Itinuro niya ang sumunod na larawan sa ipad. Napatingin ako roon at gano'n na lang ang kabog ng dibdib ko nang pagmasdan ko ang mukha ng lalake. Topless ang lalake at kitang-kita ang magandang katawan. Nakasuot siya ng pulang boxer shorts at boxing gloves. Seryoso siyang nakatingin sa camera na para bang naghahamon ng away. "Trigun Madrigal. 25. MMA Fighter and the youngest son of Thomas Madrigal. The guy you fell in love with." Tumingin siya sa akin at ngumisi pagkatapos sabihin ang huli. "Pagkatapos ka niyang mabuntis, tumakas kayo sa mansyon dahil tutol si Thomas Madrigal sa relasyon n'yo. Dalawang taon kayong nagsama hanggang sa mabalitaan mo na ginahasa si Maria at bumalik ka sa mansyon. Doon nag-umpisa ang lahat." Matagal akong tumitig sa larawan ni Gun, iniisip kung anong klase siyang lalake para iwan at pabayaan kami ng anak niya. Ni hindi ko alam kung minahal niya ba talaga ako noon kasi wala akong maalala sa mga pinagsamahan namin. "What, are you falling in love again with this guy? Come on," nang-aasar na tanong ni Edward maya-maya. "Napapaisip lang ako kung paano niya nagawang iwan ako nang gano'n lang," sagot ko. "Hmm..." Bumuntong-hininga siya at muling nagpipindot sa hawak na ipad. "Because of this guy..." Itinuro niya ang sumunod na larawan. Nakasuot ng suit ang lalake. Matangkad at mas matured ang mukha kumpara kay Gun. "Trevor Madrigal. 30. The current CEO of Madrigal Corp. and the eldest son of Thomas Madrigal. He was the one who manipulated you." Kumunot ang noo ko sa kaniya. "Manipulated?" "You treated him like a friend. You tried to ask for his help to bring back your daughter but guess what? You woke up naked beside him. Wala kang maalala kung bakit nangyari 'yon pero kumalat ang picture n'yong dalawa at nakarating 'yon kay Gun. Gun felt betrayed. Ang akala niya ay niloko mo siya kaya kinuha niya ang anak mo at iniwan ka niya." Hindi ko magawang makapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang una kong mararamdaman. Magagalit ba 'ko o maaawa sa sarili ko at sa nanay ko? Hindi ko rin alam kung magpapasalamat ba ako na wala akong maalala dahil hindi ko alam kung gaano kasakit at kabigat ang mararamdaman kapag naalala ko ang mga nangyari sa akin. Kusang bumuhos ang mga luha ko nang ipakita pa ni Edward ang picture ko habang karga ang anak ko. Kakaiba ang ngiti ko sa picture na 'yon. Ang saya-saya ng mga mata ko. Hindi ko alam na gano'n ako kasigla noon. "A-Anong pangalan niya?" umiiyak na tanong ko habang hinahaplos ang mukha ng anak ko sa screen. "Primrose." "S-Saan siya nakalibing?" "You want to see her? Pwede kitang samahan kapag naka-recover ka na." Tumango ako. Pinunasan ko ang mga luha ko at tiningnan siya. "Bago ang lahat, gusto kitang tanungin. Bakit mo ginagawa 'to? Bakit mo 'ko tinulungan? Tumitig siya sa akin. "You deserve it." *** Pagkatapos ng pag-uusap namin ni Edward ay si Nanay naman ang pumasok ng kwarto. Tinitigan ko nang maigi ang mukha niya, nagbabakasakali na may maalala ako tungkol sa kaniya pero wala. Gayunpaman, nararamdaman ko ang koneksyon naming dalawa. "W-Wala po akong maalala," naiiyak na sambit ko. "Shhh..." Hinaplos niya ang buhok ko nang nakangiti ngunit lumuluha. "Pero sinabi na sa 'yo ni Edward ang lahat, 'di ba? Hanggang ngayon, gabi-gabi ko pa ring naaalala kung anong ginawa sa atin ng pamilyang 'yon. Ginusto kong hintayin ka na magising...para magkasama nating hanapin ang hustisyang ipinagkait sa atin noon." "A-Anong gusto mong gawin natin, Nay? Anong maitutulong ko para mabawasan 'yang bigat na nararamdaman mo?" Hindi ko man maalala na siya ang ina ko ay nasasaktan pa rin ako na nakikita siyang ganito. Naisip ko na masyado sigurong malalim ang pagmamahal ko para sa nanay ko noon na kahit ngayong wala akong maalala ay handa kong gawin lahat para sa kaniya. "Hindi sila nakulong sa ginawa nila sa atin noon...at hindi na ako aasa na mangyayari pa 'yon. Ang gusto ko na lang...ay makaganti sa kanila sa kahit anong paraan." "Sa anong paraan, Nay? H-Hindi ba pwedeng idaan na lang natin sa—" "Hindi mo ba gustong ipaghiganti ang anak mo? Dahil sa kanila, namatay si Primrose. Sinira nila ang buhay natin. Naiintindihan mo ba 'yon?" Mabagal akong tumango upang sumang-ayon. "O-Opo.” "Kung gano’n ay tulungan mo ‘ko. Sirain natin silang lahat…isa-isa. Papasukin mo ang mansyon ng mga Madrigal bilang ibang tao.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD