“FRANZ, puwede bang ikaw na lang ang gumawa ng business proposal namin?”
Hindi ko pinansin ‘yong kaklase kong babae na nanghihingi ng pabor sa ‘kin. Pinagpatuloy ko ang magbasa ng mga notes ko sa notebook habang nakaupo sa armchair ko dahil may quiz pa kami mamayang hapon.
“Franz—”
“Hindi kita kagrupo, Clarissa. Bakit ko naman gagawin ang business proposal niyo?” monotono kong tanong nang hindi binabalingan ng tingin si Clarissa.
Hay, ‘na ‘ko. May quiz pa kami sa Physics; kailangan ko munang mag-aral. Alam na dapat ni Clarissa na ‘di ko responsibilidad ang business proposal niya, lalo na’t hindi kami magkagrupo.
“Sige na, Franz,” pamimilit ni Clarissa.
Dahan-dahan kong nilapag ang notebook ko sa aking lamesa, at pinanlisikan siya ng mga mata. Pinagdikit ni Clarissa ang kanyang mga palad, umaakto na para bang nagmamakaawang aso. Napabuntong-hininga na lang ako sa inasta niya.
Lagi namang ganito sa Clarissa, nagiging kaibigan lang kapag may kailangan, pero kapag wala . . . nga-nga.
Sa mga mata niya, isa lang naman akong convenient tool para sa kanya.
“Clarissa, puwede ba—”
“Sige na. Babayaran naman kita, e. Bilis na! May date pa kasi kami ng boyfriend ko mamaya. Madali na lang sa ‘yo iyon.” Tinapik-tapik ni Clarissa ang likod ko.
I scoffed. Madali? Ni hindi ko pa nga tapos ‘yong mock business proposal namin; iyong kanya pa ang gusto niyang tapusin ko? Seryoso, i-ri-risk niya ‘yong performance task niya, for the sake of her boyfriend that’s cheating on her? Sobra naman siya!
“Ito ‘yong flash drive ko, at doon sa “Mock Business Proposal ni Clarissa” folder mo i-save, ha? Sige na’t aalis na ako. Ayusin mo ‘yong trabaho mo, para mataas ang grado ko.” Nilapag ni Clarissa ang kanyang flash drive sa armchair ko, at kumaripas ng takbo paalis ng classroom. Wala na akong nagawa, kundi umiling-iling na lang.
Sanay na ako.
“Wala man lang ‘thank you.’” pag-ungot ko sabay irap.
Bumuntong-hininga ako upang pakalmahin ang sarili ko. Bakit ba hinahayaan ko ang sarili ko na maging push-over? Hay.
Iginala ko ang aking tingin sa paligid. Wala na bang bago sa makikita ko araw-araw? Hay, nagsasawa na ako sa mga pagmumukha ng mga tao rito.
Puro mga estudyanteng nahati sa iba’t ibang mga grupo: mga weirdo, mga sikat, mga matatalino, mga gamer, mga komedyante, mga bad influence, mga anghel, at mayro’n ding . . . mga normal lang.
Suot ng mga estudyante ang kanilang mga mga proper uniforms. ‘Yong mga boys namin, nakaputing polo shirt plus itim na pantalon sila; sa mga babae naman, simpleng puting blouse lang saka itim na school skirt ang kanilang mga suot.
Kaya ako, talagang iniingatan ko ‘yong mga uniform ko upang ‘di magmansta’t manilaw, para hindi na ako pabili-bili ng bago. Nakakahiya naman kasi kay Mama; sakit sa bulsa na naman. Puro perwisyo nga lang ang dala ko sa bahay, ayon sa kanya.
‘Di nga ako nagsasapatos, e; tsinelas na lang. Nasira kasi agad no’ng pangalawang beses ko ginamit. ‘Di kasi original ‘yong sapatos ko, kaya wala akong choice; nagtsinelas na lang ako. Ayaw ko na rin gumastos; sayang pera.
Malinis ang bawat sulok ng puting silid. Aba’y siyempre, lagi kong nililinis, e. Ito kasing mga kaklase ko, ang tatamad magsilinis. Grabe, sino kaya ‘yong nag-drawing ng t*ti sa sirang chalkboard? Tsk, tsk! ‘Di na nahiya. Panigurado’t magwawala na naman ang teacher naming panot kapag nakita niya ‘yan.
Siksikan kaming magkakaklase sa loob ng aming silid, kaya nakabukas ang mga bintana upang mabawasan man lang ang init. Sayang, walang electric fan. Mabuti na lang, at may upuan pa ako kasi kulang ‘yong mga armchair namin. ‘Yong iba nga, sira-sira pa mga inuupuan nila.
Sa public school lang ako nag-aaral dahil mahirap lang ang pamilya ko.
“Psst! Franz.” Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng tawag na ‘yon—si Love.
Si Love? Famous siya public school namin, at parati siyang center of attention sa mga party dahil sa kadaldalan niya. Siya ‘yong tipong laging puno ang inbox; laging may kasamang mga kaibigan; at laging may panibagong post sa f*******:, i********:, t****k, at Twitter.
Siyempre . . . maganda siya, kaya madalas siyang nakaaakit ng atensyon.
Petite, morena, singkit, matangos ang ilong, at mahaba ang kanyang straight saka itim na buhok. Paborito niyang gamitin ang pula niyang lip tint. Ang masaklap kay Love, hindi niya masyadong binibigyan ng pansin ang kanyang pag-aaral. Kadalasan, sangkot pa siya sa mga away.
Love’s my complete opposite.
“Ano?” plat kong responde.
Nakatayo si Love sa harap ng classroom. Kalahati ng mga kaklase ko sa classroom ay pinaliligiran siya; enjoy na enjoy nila ‘yong chika na nakukuha niya galing sa ibang section. Balita ko, may buntis daw na sixteen-year-old sa kabilang classroom; mukhang ayon ang pinag-uusapan nila.
Ako? Nakaupo lang ako sa kaliwang pinakadulo ng silid kung saan walang makapapansin sa ‘kin. ‘La akong interes sa mga tsismis nila.
Loser.
“May friends ka ba, Franz?” Kumulubot ang noo ko nang marinig ko ang mga salitang ‘yon mula kay Love.
Hay, tinawagan niya lang yata ako para laitin. Agad namang nagsitawanan ang mga kaklase ko dahil sa biro niya. Mabuti na lang, at nakayanan kong manahimik. Mas pipiliin ko na lang itikom ‘yong bibig ko kaysa makipag-away sa kanila.
“O, ba’t kayo tumatawa? Tinatanong ko lang naman kung may friends si Franz,” inosenteng giit ni Love, kunwari hindi nanlalait.
She even emphasized the word “friends” which made it sound more insulting. Alam ko namang wala akong kaibigan, at ‘di ko kailangan no’n. ‘Yong totoo, may nakatatawa ba ro’n? Akala nila, hindi ko naiintindihan ang mga biro nila.
Tahimik ako; hindi ako tanga.
Masyadong insensitive ang dating ng biro niya. Alam kong gusto nila ‘kong pahiyain nang hindi nila direktang sinasabi sa ‘kin dahil sa mga mata nila, isa akong weirdo.
Their judgmental thoughts are hidden behind their giggles. They find joy in making fun of people; they find joy in making fun of me.
Sanay na ako.
“Bagay kayo ni Bruce, Franz!” natatawang sambit ni Love, at itinuro si Bruce na nangungulangot sa isang sulok sabay pahid ng kulangot sa pader.
Ang dugyot!
Napangiwi ako nang tingnan ko si Bruce: siya’y moreno; malaki ang kanyang itim na mga mata; kasing tangkad ko lang siya na one hundred fifty-seven point forty-eight centimeters; puno ng tigyawat ang kanyang mukha; at siya’y kalbo.
Hindi itsura ang pinoproblema ko kay Bruce; ang problema ko ay ang kanyang ugali dahil napakayabang niya. Bigla-bigla na lang siyang susulpot kung saan-saan para lang ipagyabang ang kanyang mga sunud-sunurang pagkapanalo sa larong Dota.
Mas lalo lang siyang napag-ti-trip-an nina Love dahil halos lahat ng mga babae sa classroom ay nilalandi niya. Ako na lang yata ang hindi nilalapitan ni Bruce, at mabuti nga lang ‘yon.
Ito na yata ang oras para maging thankful ako na ‘di ako gano’n kagandahan para i-attract si Bruce. Hay, salamat.
Muling bumungisngis ang mga kasama ni Love. Nakabibingi ang mga hagikhik nila. Tatlo? Apat? Lima? Sampu? ‘Di ko na mabilang ang numero ng mga estudyanteng nagtatawanan.
Binaling ni Bruce ang kanyang tingin sa ‘kin. Nakasimangot siyang nakatitig na para bang nandidiri. Ano bang problema niya? Ang yabang tingnan ng ngisi niya.
“Ewww!” Umakto si Bruce na para bang naduduwal na nagpataas ng kilay ko.
Wow, a! Ang kapal ng mukha.
“Ayiee! Ako ninang sa kasal, a?” pagbiro ni Love na ikinatuwa ng lahat.
Parang walang pakialam si Bruce. Aware ba siyang napagti-trip-an na siya? Hindi siguro. Huminga ako nang malalim para pigilan ang irita ko. ‘Di naman ako madaling maapektuhan sa mga ganyang salita, e.
Sanay na ako.
“Tama na ‘yan, Love.” Nagitla ako nang biglang may magsalita—si Kyle.
Napataas ako ng dalawang kilay dahil sa biglaang pagsulpot ni Kyle mula sa pinto ng classroom. Kung famous si Love sa school namin, gano’n din si Kyle. Ang dami ngang nagkaka-crush sa kanya dahil sa kaguwapuhan niya. Mukhang ako na lang yata ang ‘di tinatablan.
Ang tangkad ni Kyle. Siguro, six-footer siya? Moreno ang kanyang balat, at ang tamis pa niya ngumiti. Nakasisilaw ang ngipin niya. Nag-match ang kanyang magulong buhok saka makapal na kilay sa kanyang mga mata—itim.
Ang tangos ng ilong niya; matulis ang kanyang panga, ngunit mas firm ‘yong jawline ng lalakeng napanaginipan ko. Sa totoo lang, mas prefer ko ang itsura ng lalakeng ‘yon kaysa kay Kyle.
Hmm . . . totoo kaya siya?
Hindi, ‘di siya totoo. Panaginip lang ‘yon, Franz.
Kung iisipin, ayon yata ang pinakauna kong panaginip pagkat hindi ako dinadatnan ng mga dreams. Medyo imposible siyang pakinggan, pero ayon ang totoo. I thought that dreams were supposed to be magical, pero ‘yong napanaginipan ko kagabi? Nakatatakot siya.
Ang weird.
“Ang cute kaya nila. Two weirdos make a perfect couple, right? Charot!” Nagtawanan muli ang mga kaklase ko sa biro ni Love.
Nanatiling seryoso ang itsura ko, para naman maipakita ko sa kanila na ‘di ako apektado. Maniwala akong “charot” lang ‘yong sinabi niya dahil half-meant ‘yong mga salitang iyon; sigurado ako ro'n.
Pero ayos lang, sanay na ako.
“Joke lang ‘yon, mga p’re. H’wag oh-ey.” Umirap si Love habang si Kyle ay umiling-iling.
Binaling ni Kyle ang tingin niya sa ‘kin saka nagtanong, “OK ka lang, Franz?”
Kita ko sa mukha ni Kyle ang pag-aalala. Bahagya akong tumango bilang tugon. Gusto kong sabihan si Kyle na ‘wag na niya sanang isuksok ang ilong niya rito; it’s none of his business anyway dahil wala naman akong pakialam.
I kept a straight face. “Ayos lang.”
Nagsalubong ang kilay ni Kyle. “Sigurado ka?”
Nag-thumbs-up ako sa kanya at tumugon, “Sanay na ako.”
Ito ang buhay ko araw-araw sa eskuwelahan bilang si Franzine Eleonor Luna: pasimpleng nilalait; laging tinatadtad ng mga assignment; taga-gawa ng mga projects ng mga kaklase ko—minsan nga, hindi na binabayaran—at patuloy pa ring nilalayuan ng mga tao.
Sino naman kasi ang may gustong lumapit sa weirdong katulad ko? Wala akong kaibigan ni isa. Si Mama lang ang pinakamalapit na tao sa ‘kin, at siya lang ang kailangan ko. Ang cute nga, e; maliit na bagay lang ang mga nangyayari sa ‘kin sa eskuwelahan.
Walang-wala ‘to sa mga nangyayari sa ‘kin sa bahay.
Matagal ko nang tanggap na hindi ko na makakamit ang kasiyahan, but little did I know that something big; something good is going to happen to me.
An unexpected event that’s almost as good as a magical fantasy.