KUMURBA ang mga labi ni Clarissa nang iabot ko ‘yong flash drive niya na naglalaman ng kanyang mock business proposal. Ang aliwalas tingnan ng kanyang mukha; halatang masarap ang tulog ng babaeng ‘to. E, ako? Mas maitim pa yata sa budhi ni Satanas ang mga eyebags ko.
“Thank you, Franz!” natutuwang pagpapasalamat ni Clarissa.
Ako’y humikab saka matamlay na tumugon, “Welcome.”
“Ang bait-bait mo talaga!”
Bolera.
Bahagya akong napatango sa papuri ni Clarissa. Ni hindi ko man lang siya nginitian dahil stress, at sakit sa ulo lang naman ang binigay niya sa ‘kin. Hay, ‘na ‘ko.
Humugot ng isang Limandaang Piso si Clarissa mula sa kanyang bulsa, at patapon na binato ito sa armchair ko. ‘Di ko mapigilang hindi mapangiwi sa ginawa niya.
Nakaiinsulto.
Para bang talagang pinamumukha sa ‘kin ni Clarissa na isa akong hampas-lupa. Masiglang kumaripas ng takbo si Clarissa palabas ng silid. Naghihintay sa tabi ng pinto ang kanyang boyfriend, at mukhang makikipagharutan na naman.
Umiling-iling na lang ako dahil sa kanilang dalawa saka umirap. Maghihiwalay rin kayo; walang forever. Boyfriend mo, maraming kabit. Puro kayo landi, pero ‘di naman naghuhugas ng pinggan!
OK, ang bitter ko na.
“Hello, Franz.” Inangat ko ang tingin ko sa bumati sa ‘kin.
Si Love na naman.
“Hi,” walang gana kong balik kay Love.
Biglang sumulpot ang dalawang parating kasama ni Love mula sa kanyang likod—si Jam at Josephine.
Si Jam at Josephine? Mga identical twins sila. Si Jam ay isang bading; si Josephine ay isang ganap na babae. Ang cute nilang tingnan tuwing nagtatabi sila dahil ang cha-chubby ng mga cheeks nila; ang sarap pisilin. Nakagigigil!
Singkit ang magkambal na ito, palibhasa’y may lahi silang intsik. Parehas maliit ang kanilang ilong, pero ‘di naman sila pango. Mapupula, at plump din ang mga labi nila. Cute na sana silang parehas, pero . . . ‘di cute ang mga pag-uugali nila.
“Hi, Franz,” sabay na bati ng magkambal. Bahagya akong tumango bilang tugon.
Hmm, ano na namang kailangan nila?
“May tanong ako, Franz.” Ngumiti nang malawak si Love.
‘Di ko gusto ‘yong ngiti ni Love dahil nakaiirita tingnan; isabay mo pang nangingibabaw talaga ang pula niyang lip tint. Panigurado’t hindi kaaya-aya ‘yong mga susunod niyang sasabihin.
Mukhang alam ko na.
“Ano?”
May friends ka ba? “May friends ka ba? Pffft.”
O, ‘di ba? Ang galing ko manghula.
Umangat ang kanang kilay ko sa tanong ni Love. Nagtinginan silang tatlo nina Jam at Josephine na tila bang may ibig sabihin sa likod ng mga salitang iyon. Akala nila’y hindi ko naiintindihan ang mga munti nilang mga hagikhik, pero nagkakamali sila roon.
Ayan na naman ‘yong nakaiinsultong tanong na ‘yan.
“Huy, ang sama mo!” Kurot ni Josephine sa tagiliran ni Love.
“Uy! hindi ako nanlalait, ha? Gusto lang talaga namin malaman kasi concerned kami. Naaawa kami sa ‘yo, kaya gusto ka namin kaibiganin.”
Gusto nila akong kaibiganin? May . . . gustong makipagkaibigan sa ‘kin? Tama ba ‘yong narinig ko? Napaawang ako ng bibig nang marinig ko ang mga salitang ‘yon na nagmumula kay Love. ‘Di ako makapaniwala; may gustong kumaibigan sa ‘kin!
Katawa.
Ano ‘kala nila sa ‘kin, tanga? I mentally scoffed at them. Hindi ko ramdam ang sincerity sa likod ng mga salita ni Love. Alam ko kung kailan nanlalait ang isang tao, o hindi dahil sanay na akong makarinig ng ganyang mga salita mula sa kanila.
Hindi ko kailangan ng awa niyo.
“Mukha ka namang mabait, e,” sambit ni Jam saka nagsimulang i-braid ang aking buhok.
Medyo nakasasakal sa pakiramdam kung paano in-invade ng binabaeng si Jam ang private space ko. Layuan niyo ako, please lang. ‘Di ko talaga gustong hinahawakan ang buhok ko lalo na kapag hindi ko ka-close.
As if may ka-close ako, ‘no?
“Ang ganda mo, Franz,” pambobola ni Josephine saka plastik akong nginitian.
Wala kayong maloloko rito. ‘Di ako tanga. Puwede ba? ‘Wag niyo akong bola-bolahin! Gusto ko sanang sabihin ang mga salitang ‘yan, pero ‘wag na lang. Itatago ko na lang ang mga salitang ‘yan sa sarili ko.
Tutal, sanay na ako.
“Thank you,” monotono kong pasasalamat.
“Ang seryoso mo, Franz, ‘no?” wika ni Love.
“A, talaga?” Tinanguan nila akong tatlo.
“Advice ko lang, ha? Magiging prangka na ako sa ‘yo.” Bumuntong-hininga si Love. “Siguro, kaya wala kang friends dahil masyadong seryoso ang personality mo. ‘Di naman puwedeng habang-buhay kang seryoso, ano? Huwag mong sasabihin sa mga kaklase natin ‘to, pero nag-open sila sa ‘kin na naiinis daw sila sa ‘yo kasi ang weird mo raw kumilos. To be honest, kami rin. May oras na naiinis din kami kasi kinakausap ka namin, pero mukha kang ‘di interesado—and we find that weird. Para kang may sariling mundo.”
“E, kasi—” Dedepensahan ko na sana ang sarili ko, ngunit nagsalita muli si Love.
“Alam mo, ‘wag mo sanang i-take in a bad way. Sinusubukan kang lapitan ng mga tao, pero ikaw ‘tong hindi nag-e-effort na makipag-communicate sa kanila nang maayos. Alam mo, hindi mga tao ang mag-a-adjust sa ‘yo. Minsan, kailangan mo rin mag-adjust dahil hindi lang naman sa ‘yo umiikot ang mundo.”
Natahimik ako.
Sinusubukan? Kada lapit ng mga tao, ang unang sasabihin nila sa ‘kin ay, “May friends ka ba, Franz?” Hindi ba parang insulto ‘yon kung pakikinggan? Bakit naman ako makikipagkaibigan sa mga taong nais lang akong pahiyain?
Madali lang para kay Love dahil magaling siya makipag-socialize. E, ako? ‘Di ko alam kung sa’n ako magsisimula; ‘di ko alam kung pa’no. At ako? No choice ako, kun‘di kumilos na lang na para bang wala akong pakialam. Mas mabuti na lang magbingi-bingihan para walang gulo.
“Huwag mo sanang masamain ‘yong sinabi ni Love, Franz,” dagdag ni Josephine.
“Oo nga,” patong ni Jam na wala namang ambag sa usapan na ‘to.
“Alam mo, dapat magpasalamat ka sa ‘kin dahil diretso kong sinasabi sa ‘yo ‘yong mga opinion namin; ng mga kaklase natin dahil ayaw na rin namin na pinagtatawanan ka ng ibang tao. Hindi puwede ‘yong ganyan lalo na kapag may trabaho ka na. Kakailanganin mo rin makipag-interact sa mga tao. Hindi naman puwedeng habang-buhay kang anti-social," pahayag ni Love.
Napasimangot ako.
Nanginig ang mga labi ko. Pakiramdam ko’y pinipiga ang puso ko dahil sa mga salita niya. Ako ba talaga ang problema? Kung oo, saan ba ako nagkamali? Ano ba ang difference ko sa ibang mga tao? Paano ba ako naging weird? Ano ba ang weird?
Ano bang . . . mali sa ‘kin?
Ang daming katanungan ang bumabagabag sa ‘kin. Naririnig ko ang pagbasag ng puso ko dahil sa masasakit, ngunit tunay na mga salita nila. Sinabi ko na sa sarili ko noon pa na hindi ako magpapaapekto, pero mukhang . . . ako yata talaga ang may problema.
Hindi nga pala ‘to cliché na teleserye kung saan ako ang bida tapos binu-bully ako lahat ng mga tao. Ito ang realidad. Naiinis sila kasi may dahilan.
“Uy, tingnan mo si Bruce.” Nguso ni Jam kay Bruce na late nang nakarating sa classroom; halatang kagagaling lang niya ng computer shop. Agad silang napatingin Bruce.
“Crush mo, Josephine,” pang-asar ng binabaeng si Jam sa kanyang babaeng kambal na si Josephine.
“Kadiri! Ang pangit; mukhang pinipig tapos ang weird pa. Special child yata ‘yan, e.” Bungisngis ni Josephine habang nakangiwi kay Bruce na ngayo’y nangungulangot sa isang sulok.
Hindi ko matanggal sa isip ko ang sinabi ni Love. Nagiging totoo lang naman siya, pero bakit ang sakit? Bumaba ang self-esteem ko dahil do’n. Ang babaw na ng tingin ko sa sarili ko.
Basura.
Pinanuod ko kung paano nila laitin si Bruce. Hindi kaya . . . gano’n din nila ako nilalait kapag nakatalikod ako sa kanila? ‘Yong totoo, anong masama kapag walang kaibigan? Nakatutuwa nga naman kung paano madaling makagasgas ang mga simpleng salita ng isang tao.
“G*go, ang weird! Parang si Franz.”
Tumigil ang pag-ikot ng mundo ko nang madulas si Jam. Naiwan akong tulala. Kinurot ni Josephine ang tagiliran ng kanyang binabaeng kambal.
A-ano?
“Jam,” pagbabanta ni Love.
Sabi ko nga ba, e.
“U-uy, joke lang.” Kabadong tumawa si Jam.
Nanahimik ako; patuloy pa ring nakatulala. Ano bang nagawa ko para mainis ang mga tao sa ‘kin? Hindi ko na yata maitago ang dismaya sa mga mata ko, pero kahit gano’n ay ayos lang.
Sanay na ako.
“Franz, paturo ako sa Physics.”
Tumigil ang pagiging tulala ko nang bigla akong nilapitan ni Kyle out of nowhere.
“H-ha?” lutang kong tugon.
“Paturo ako sa Physics kung ayos lang?” Binigyan ako ng isang matamis na ngiti ni Kyle habang tinuturo ang kanyang libro sa Physics.
“S-sige lang.” Hindi ko na maitago sa tono ng pananalita ko kung gaano ako kaapektado sa sinabi ni Love; ang tinis pakinggan.
“Do’n muna kayo. Magpapaturo lang ako kay Franz,” saad ni Kyle kina Love, Jam, at Josephine.
“Uy! Joke lang iyon, Franz, ah?” pagmamalinis muli ni Jam. Pinilit kong magmukhang neutral kahit nasasaktan ako.
Sanay na ako.
“Ang alin?” Nagkunwari akong hindi ko na-gets ‘yong sinabi niya.
Bingi-bingihan lang, Franz. Bingi-bingihan.
Kinaladkad ni Josephine si Jam pabalik sa kani-kanilang mga upuan. Sumunod namang bumalik si Love sa kanyang armchair.
“Franz.” Agad kong binaling ang aking tingin kay Kyle; magpapaturo pa pala siya sa Physics.
“Y-yes? Ano pala ‘yong hindi mo maintindihan sa Physics?”
Saglit akong tinitigan ni Kyle. Ang kaninang matamis niyang ngiti ay ngayo’y napawi na. Tinitigan niya ako nang seryoso na tila bang may gusto itong sabihin sa ‘kin, ngunit hindi niya ito masabi-sabi. Siguro, weird na rin ang turing sa ‘kin ni Kyle.
Bakit hindi na ako nagulat pa?
“Kyle?” Kunot-noo kong usal. Kumurap-kurap muna si Kyle saka umiling-iling.
“‘Di na pala ako magpapaturo. Salamat na lang.” Mas lalong lumala lang ang pagkunot ng noo ko dahil sa inasta ni Kyle. Bigla siyang tumalikod, at naglakad pabalik sa kanyang upuan.
“Weird,” pag-ungot ko.
NAGDAAN ang mga oras, at nakauwi na ako sa bahay. Ilang araw nang hindi nakauuwi si Papa, kaya hinayaan na lang namin siya ni Mama. Natulala ako sa kisame naming butas-butas habang nakahiga sa aming banig, iniisip ang sinabi ni Jam kanina.
“G*go, ang weird! Parang si Franz.”
Sanay na ako.
“Muning.”
Bigla akong nakarinig ng mga impit na mga hikbi sa baba ng bahay namin; galing ito kay Mama. Dinikit ko ang tainga ko sa sahig naming gawa sa kahoy upang pakinggan nang maigi kung ano ang nangyayari sa baba.
“Meow.”
Narinig ko ang pagngiyaw ng kuting naming puti. Ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko habang pinakikinggan ang mga hikbi ni Mama.
“‘Na ‘ko, hindi ko na alam kung saan ako kukuha ng pambayad sa tubig at ilaw. ‘La na akong mapag-uutangan; marami pa ‘kong bayarin. Walang-wala na talaga ako,” naiiyak na wika ni Mama.
Akala niya siguro ay tulog na ako, kaya nagagawa niyang umiyak nang malaya. Hindi ko siya magawang lapitan dahil kesyo bata pa raw ako; wala akong alam sa buhay.
Hindi ko rin alam . . . kung paano siya tutulungan.
Iniisip niya siguro na hindi ko siya maiintindihan. Gabi-gabi na lang ganito si Mama; parati na lang umiiyak. Idagdag mo pa ang relasyon nila ni Papa na ngayo’y lubog na. Ang sarap nilang patayin ng kabit niya.
Ilang taon na silang ganyan, pero alam kong nasasaktan si Mama; kinikimkim niya lang ang lahat. Mas pinili niyang maging matatag para sa ‘kin.
‘Di nila alam na tahimik akong naaapektuhan ng lahat ng ito.
Masakit dahil wala akong magawa para kay Mama. ‘Di kami tulad ng ibang mag-ina na sobrang lapit sa isa’t isa, ‘yong tipong nagsasabihan ng mga sikreto. Mahal ko si Mama, ngunit may pader na namamagitan sa ‘ming dalawa. ‘Di ko magawang magsabi sa kanya kung ano ang nararamdaman ko, at gano’n din sa kanya.
‘Di ko man lang siyang magawang patahanin dahil nilalamon ako ng pangamba. Baka sermunan niya lang ako dahil ayon ‘yong lagi niyang ginagawa sa ‘kin araw-araw.
Pasensya na kung patuloy pa rin akong nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan, Mama.
“Wala na akong pambiling bigas, Muning. Dalawang palamunin ang magugutom.” Napaigtad ako.
Palamunin.
Palamunin lang pala ako sa paningin niya. Sagabal lang naman ako sa pinakamamahal kong ina. Sana hindi na lang ako naging pabigat; sana hindi na lang ako nabuhay. Nagtaksil sa ‘kin ang mga luha ko, at tuluyan nang tumulo sa sahig. Ang hirap maging bata katulad ko na walang alam sa mundo. Ang sakit.
Sobrang sakit kapag walang kuwenta.
Gusto ko na lang . . . itulog ang lahat ng ito.