Isang sunod-sunod na tapik sa balikat ang naramdaman ko at sa takot ay agad akong napabalikwas sa kinahihigaang sahig. Agad na nanginig ang buo kong kalamnan na baka gawan na naman nila ako nang masama. Hindi na kaya ng sistema ko ang padagdag na padagdag na pasakit sa loob ng kulungang ito. Bawat segundo akong takot. Takot na huminga o makaagaw ng atensiyon sa grupo nina Myrna at Thelma. "Tsk, Hermoine? Bakit ka sa sahig natutulog?" Agad akong nanlambot nang nakita ko ang puno ng awang hitsura ni Percy sa akin. Nanghihina ako dahil sa sindak at agad na nalusaw nang nakita ko siya. Nakabalukot ang mga tuhod niyang nakaharap sa akin. Dama ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga at saka hinawakan ako sa braso. "Hindi ka talaga nila titigilan, Hermoine," aniyang iiling-iling na ina

