"HUY, MARE! Chika naman diyan."
Papasok pa lang ako ng sarili kong opisina nang biglang bumungad sa akin ang kapwa ko mga manunulat na para bang inaabangan ang pagpasok ko.
Tahimik akong bumuntong hininga. Pagkatapos niyon ay pilit akong ngumiti sa kanila.
Maayos naman ang pakikisama ng kapwa ko manunulat. Sa totoo lang ay ginagalang nila ako paminsan dahil na rin sa mas nauna ako sa kanila dito sa kumpanya at mas nauna akong magsulat kaysa sa kanila. Pero kinausap ko sila na huwag na akong galangin masyado dahil para sa akin, pantay-pantay naman kaming lahat.
Kaya naman, noong naging komportable na sila sa akin, medyo sumobra naman ang pagiging dikit nila. At hindi ko alam kung bakit.
Alam ko na may ideya na sila sa problema ko. Kaya nga heto si Krizyle na isang fantasy novel author, siyang lumapit sa akin upang alamin ang tungkol sa chismis nasasagap nila. Kasama niya ang dalawa sa kaniyang kaibigan na si Cass at Venice na parehong fantasy writer din.
Kaya nga magkakasundo silang tatlo dahil pare-pareho sila ng genreng sinusulat. Sikat din sila tulad ko, tanyag din ang mga pangalan nila at mayroon ding malaking fan base. Tulad ko, nagtatrabaho rin sila sa publishing house na ito. Ngunit hindi tulad ko, malayo ang trato sa kanila ng editors at ambassadors.
Dahil sa ako ang pinakasikat na manunulat, ako ang mas alaga ng kumpanya. Sa benefits, sa book signings, sa events at sa paglalabas ng libro, ako lagi ang inuuna at mayroong espesyal na pagtrato. Para bang ako ang priority nila dito.
Kaya nga ganoon na lang ang stress ni Miss Diana nang makitang bumaba ang engagements ko. Bukod kasi sa sarili ko, siya ang unang taong manghihinayang kapag bumagsak ako.
Gayon pa man ay hindi sila pinababayaan ng kumpanya.
"Ano ang mayroon?" tanong ko sa kanilang tatlo na para bang mga ahas na handang manuklaw dahil sa pag-aabang nila ng ikukwento ko sa kanila.
Hindi naman ako ilag sa kanila pero hindi ako masyadong malapit. Sa publishing na ito, dahil nga mayroong special treatment dito, hindi ako pinapayagan ng management na basta makihalubilo. Sa lahat ng writers, ako lang ang may sariling opisina. At mawawala sa akin ang opisina na iyon kapag bumagsak ako.
"Narinig namin na usap-usapan ka, ah!" singit naman ni Venice, siyang mas interesado.
"Oo nga, girl! Totoo ba 'yon?" Hindi na rin nakapagpigil si Cass.
"Ano ba ang tungkol sa sinasabi ninyo?" tanong ko. Nagmamang-maangan.
Ayaw ko kasi na sa akin manggaling ang ikakasaya ng pagiging chismosa nila. Malay ko ba kung ibang chismis pala ang tinutukoy nila? Baka mabigyan ko pa sila ng panibagong mapag-uusapan kung sa akin manggagaling, 'di ba?
Hahayaan ko munang sabihin nila ang tungkol sa nalaman nila. Hindi naman ako tatanggi kung totoo. At hindi naman ako magsisinungaling. Para saan pa?
"Pinipilit ka raw ni Miss Diana na magsulat ng erotic? 'Di ba, malayong-malayo 'yon sa genre mo? Anong sabi mo? Bakit niya raw sinabi iyon? Ano raw ang rason?" Ang akala ko, si Venice na ang pinaka-interesado sa kanilang tatlo. Nakalimutan kong si Krizyle nga pala ang leader ng mga ito at siyang mas mausisa sa issue.
Bumuntong hininga ako. From what Venice said earlier, usap-usapan daw ako. Ibig sabihin, kalat na sa buong kumpanya ang problemang kinakaharap ko.
"Alam na ba ng lahat?" tanong ko sa kanila.
Obvious na obvious ang tanong ko pero gusto ko pa ring malaman mismo sa mga bibig nila ang totoo.
Hindi na ako nagulat nang sabay-sabay silang tumango bilang sagot. Hindi man sa bibig nila nanggaling ang impormasyon, alam ko na ngayon.
Lahat alam na… pati 'yong mga taong gusto akong hilahin pababa.
Huminga ako nang malalim.
"I will work hard for this. I won't let them dragging me down."
Pagkatapos kong sabihin iyon ay tinalikuran ko na sila at mabilis na naglakad papunta sa opisina ko. Bumigat ang pakiramdam ko sa katotohanan na alam ng mga taong gusto akong bumagsak ang problema ko. Sigurado akong gumagawa na sila ng hakbang para mas lalo akong lumubog dahil iyon ang kinasasaya nila. Iyon ang magpapasaya sa kanila.
Hindi ko alam kung nakaka-ilang buntong hininga na ako. Kahit kasi paulit-ulit kong gawin iyon ay hindi naman mababawasan niyon ang bigat na nararamdaman ko.
Inilibot ko ang paningin sa buong opisina.
Mapapaalis na ba ako rito?
Mawawala na ba sa akin ang lahat ng pinaghirapan ko?
Nasa gitna ako ng malalim na pag-iisip nang maudlot iyon dahil sa sunod-sunod na katok na narinig ko.
Mabilis kong inilapag ang mga gamit sa desk at tinungo ang pinto ng sariling opisina. Iniluwa niyon si Irene na mayroong nakapaskil na ngisi sa kaniyang labi.
Sigurado akong isa siya sa natutuwa dahil sa nalalapit kong pagbagsak.
"Bakit?" tipid kong tanong.
Ano na naman kaya ang kailangan niya?
"Pinatatawag ka ni Miss Diana," mapait niyang saad, naroon pa rin ang sarkastikong ngiti.
"Okay." Iyon na lang ang sinabi ko.
Nakita ko pang sinuyod ng paningin ni Irene ang opisina ko. Para bang pinararamdam niya sa akin na malapit nang mapasakanya ang opisina na ito.
At hindi naman ako makakapayag doon.
Mabilis akong lumabas ng opisina at sinara iyon nang sa ganoob ay maputol ang pananabik ni Irene sa nakikita. Napansin naman niyang sadya ang ginawa ko kaya ibinalik niya ang paningin sa akin.
Pagkatapos niyon ay sarkastiko siyang tumawa, nang-aasar.
"Bilisan mong makipag-usap. Baka kasi mawala na ang mga gamit mo dito, eh." Matapos niyang sabihin iyon ay nag-iwan siya sa akin nang matalim na tingin.
May laman ang huling salitang sinabi niya bago lumisan. Doon ay nakumpirma kong iyon nga ang gustong mangyari ni Irene. Ang agawin ang lahat sa akin.
Sorry na lang siya dahil hindi ako pinanganak para lang sumuko.
Marami na akong problema na nalampasan. At ito ang pinakamababaw. Hindi ko hahayaan na dahil dito, mawalan ng saysay ang pagiging matatag ko sa mga hamon sa buhay.
This is just a test.
Nakarating ako sa opisina ni Miss Diana nang nangangatog ang mga tuhod. Matatag ako, hindi ako babagsak. Pero bakit pakiramdam ko, katawan ko naman ang babagsak sa sobrang kaba?
"Miss Diana, si Spicey po ito," medyo malakas kong usal kasabay ng pagkatok. Nagbaba ako ng tingin.
Naghintay ako nang ilang segundo, pagkatapos niyon ay narinig ko na ang pagbukas ng pinto.
Doon ay agad kong inangat ang paningin ko, inaasahang si Miss Diana ang bubungad sa akin pero mukhang nagkamali ako ng opisinang pinuntahan.
Isang lalaki ang sumalubong sa paningin ko. Bitbit ang isang matamis na ngiti na nakapaskil sa mapulang labi nito.
Totoo ba ang anghel?
Kung oo, nakakita ako ng anghel sa katauhan ng lalaking ito.
Tila natulala ako sa gandang lalaki niya. Parang hindi ako makapaniwala na may ganito palang klase ng mukha. Para siyang fictional character na inilalarawan ko sa mga libro mula sa imahinasyon ko.
Mula sa makapal nitong kilay pababa sa matangos nitong ilong hanggang sa mapupula nitong labi na may hikaw pa.
Teka, anghel na may hikaw sa bibig?
Posible ba 'yon?
"Hi."
Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang boses niya. Nanlaki ang mga mata ko. Ako ba ang kinakausap niya? Ako ba ang binati niya?
Nagugulat kong sinilip ang pangalan ng opisinang kinatok ko.
CEO's office…
Ito naman iyon.
Pero bakit siya ang sumalubong sa akin?
"Do you know that it is rude to ignore my kindness?" Mas lalong nanlaki ang mga mata ko.
Kasunod niyon ay mabilis akong nagbaba ng tingin at yumuko. "I'm s-sorry…" nauutal kong sabi.
Tumawa naman siya nang malakas dahil sa inasal ko.
"Cold, do not scare my Spicey! Come inside, Spicey!" Narinig ko ang malakas na boses ni Miss Diana sa loob kaya naman kahit nakaharang ang lalaki sa harapan ko ay tumingkayad ako para hanapin ng mga mata ko ang pakay sa pagpunta rito.
Pero mas lalong inilapit ng lalaki ang mukha niyang mayroong matamis na ngiti sa akin, talagang hinaharang ang paningin ko.
Kumunot ang noo ko. At pinakita ko sa kaniya ang kaunting inis na nararamdaman ko. Mukha namang nakuha niya ang ibig kong sabihin dahil mayamaya lang din ay binawi niya ang mukhang nakaharang at pinadaan ako sa malaking pinto ng CEO's office.
Doon ay naabutan ko si Miss Diana na nag-aayos ng mga indoor plants niya.
"Miss Diana…" tawag ko sa kaniya.
"Sit beside Cold," mabilis nitong turan kaya naman agad din akong napatingin sa lalaking nakaupo na ngayon sa single couch. Nakakrus ang mga binti nito at malagkit na nakatingin sa akin.
Ang sarkastiko nitong ngiti ang siyang tumatak sa akin kaya naman, agad kong binawi ang paningin.
"Po?" paglilinaw ko kay Miss Diana.
Nakaupo ang lalaking nagngangalang Cold sa single couch. Paano ako tatabi roon.
Dahan-dahang pumihit paharap sa akin si Miss Diana.
"He is Cold Herrera, my eldest Nephew. And he can help you with your problem." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Miss Diana.
Ano raw?
Pamangkin niya itong lalaki?
At ano pa raw ang sabi?
Matutulungan ako sa problema ko?
Paano? Paano mangyayari iyon? Alam niya ba ang tungkol sa pagsusulat? Writer din ba siya?
"A-Ano pong genre ang sinusulat niya?" Nag-aalangan man ay nagtanong pa rin ako ng ganoon.
Huminga ako nang malalim nang biglang tumawa si Miss Diana nang malakas. She seems in a good mood. Ganoon din ang lalaking pamangkin niya. Sabay silang tumawa na para bang may nakakatawa sa pagtatanong ko.
Agad na kumunot ang noo ko sa kanila. Ano ba ang pinalalabas nila? Anong nakakatawa sa tanong ko? Masama bang magtanong kung ano ang genreng sinusulat niya?
O baka naman kasi sobrang obvious ng tanong ko? Ang problema ko kasi ay ang pagsusulat ng erotic at ang sabi ni Miss Diana, matutulungan daw ako ni Cold sa problema ko. Edi erotic writer siya?
Is that true?
Woah! Kung ganoon, humahanga na ako agad sa kaniya dahil kalalaki niyang tao, kaya niyang magsulat ng ganoon. Bibihira lang kasi iyon sa lalaki.
"Sorry to pop out your bubbles but I don't write." Nagulat ako nang marinig ang sinabi ni Cold.
"Ha? Eh, matutulungan mo raw ako—"
Hindi na niya ako pinatapos magsalita, agad siyang tumayo sa kinauupuan at prenteng lumakad palapit sa akin.
Ang malagkit niyang tingin ay nakapukol lang sa akin. Nakaramdaman ako ng ibayong kaba sa puso. Bakit siya lumalapit? Bakit ganiyan siya kung makatingin? Ano ang gagawin niya sa akin?
Nang tuluyan siyang makalapit sa akin ay para bang naestatwa ako. Hindi ako makagalaw. Nanatili ang mga paa ko sa kinatatayuan ko. Nanigas iyon doon.
Mayamaya pa ay inilapit niya ang mukha sa akin at bumulong doon na siyang nakapagpakilabot sa akin.
"How about us doing an erotic things?"