CHAPTER TWO
"YOU WANT to take a break? You want a vacation? Go ahead! It's just fine with me."
Hindi siya makapaniwala sa sinabing iyon ng Tita Anecita niya. Pumunta siya sa bahay nito nang dumating ang weekend at naabutan niya itong gumagawa ng lesson plan sa sala kasama ang isang tambak na mga English books.
Sinunod niya ang payo ni Camya na magpaalam dito. Ang totoo ay hindi pa niya alam kung ano ang plano niya sa hihinging break pero ang sabi ni Camya, kapag napapayag niya ang kanyang Tita ay madali na lang iyon.
Hindi naman niya ini-expect na papayag ito kaagad!
"S-sigurado po ba kayo, Tita?"
"Hija, naman. Alam mo bang hinihintay lang kitang magpaalam? Matagal ka nang nagtatrabaho sa restaurant pero hindi ka pa nakakapagbakasyon ni minsan. Maano ba naman 'yong bigyan mo ng reward ang sarili mo kahit ngayon lang?"
Natutop niya ang bibig sa sobrang tuwa at bigla na lang niyang niyakap ang tiyahin. Nabitawan tuloy nito ang hawak na ballpen sa mesa.
"Thank you, Tita! The best ka talaga kahit kailan!"
"Si Amber na muna ang papalit sa'yo. Kaka-resign lang kasi n'on sa trabaho," tukoy nito sa pinsan niya.
"Okay, Tita! Basta thank you-thank you talaga!"
Tinapik-tapik nito ang kanyang balikat.
"Walang anuman. Saan mo ba balak magbakasyon? Ha?"
Kumalas siya rito.
"Hindi pa po ako sigurado, Tita. Inuna ko kasi ang pagpapaalam sa inyo. Hayaan niyo po, sasabihan ko kayo," hindi maitago ang excitement na sabi niya.
"O, siya, sige, ikaw ang bahala. Good luck diyan sa bakasyon mo. I don't mind kung magka-boyfriend ka na pagkatapos n'on."
Napahagikhik siya.
"G-IN-IVE up mo 'yong successful mong business sa States para lang pagbigyan ang kahilingan ng Lolo mo?" Dinampot ni Carson ang baso ng alak nito at lumagok. Nakangising pinahid nito ang gilid ng bibig pagkatapos. "Hindi ka man lang ba nanghihinayang?"
Kinuha niya ang bote ng alak at binuhusan ang sariling baso. Nasa bar sila nang gabing iyon upang maglibang at bilang pa-welcome na rin daw nito sa kanya. Carson is one of his few friends na nakilala niya while he was in the States. Naging kaklase niya ito sa ilang subjects during college at Stanford. Hindi naman naging mahirap ang maging kaibigan ang isa't-isa dahil pareho silang Pinoy nito.
"Sino naman ang hindi manghihinayang?" sabi niya matapos lumagok. "Pero kumpara kay Lolo, okay lang na mawala sa 'kin ang mga 'yon. He's right, aapat lang kaming mga apo niya. Kailangan naming pagtulungan ang pagma-manage sa negosyo niya dahil para rin naman sa amin ang mga 'yon."
Habang nasa States kasi siya ay pinagkakaabalahan nila ng mga kaibigan niya ang pagtatayo ng mga convenient stores sa buong LA. Sa kanilang tatlo, siya lang ang Pilipino. Sa ngayon ay tinutulungan siya ng dalawa na maibenta ang mga shares niya. He decided na i-invest na lang iyon sa kompanya ng kanyang Lolo. Ilang araw na lang ay papasok na siya bilang president for operations sa Montreal Corporation.
Carson chuckled. "Ikaw na, Thirdy," anito at muling uminom.
It's been a week since he was home. Naikuha na niya ng condo ang sarili dahil tumanggi siyang tumira sa bahay ng grandparents niya. Nangangahulugan kasi iyon na araw-araw niyang makakasulubong ang Dad niya. Matagal na panahon na ngang nangyari ang isyung iyon sa pagitan nila pero kapag nakikita niya ito ay para bang nananariwa lang ang lahat.
And it always makes him miss his Mom so much.
"Oo nga pala," sabi niya nang may maalala. "I need a driver. Can you help me find one?"
Napalatak si Carson. "Ginawa mo pa 'kong employment agency."
"Alam mo namang ikaw lang ang pwede kong hingan ng tulong. Ang tagal kong nawala sa Pilipinas, remember?"
He shook his head. "Ano pa nga ba?" Pagkatapos ay bigla na lang tumayo si Carson. Nilingon niya ang tinitingnan nito sa kanyang likuran. May isang babaeng nakaupong mag-isa dalawang mesa lang ang layo mula sa kusina.
Napailing siya. Alam niya ang tumatakbo sa utak ng kaibigan. Basta babae ang pinag-uusapan, record holder si Carson sa sobrang bilis.
"Mauuna na ba 'kong umuwi sa lagay na 'yan?" tanong niya.
Ngumisi si Carson. "Kilalang-kilala mo na nga talaga ako, pare."
Nagkibit-balikat siya. "Kita tayo bukas. Basta I need my driver by the day after tomorrow."
"Oo na, oo na," sagot ni Carson at nagmamadaling nilisan ang mesa nila.
TAKING A break from her job doesn't necessarily mean na kailangan niyang lumayo at magbakasyon. All she wanted was to try something new. It turned out na ang nakaplano niyang buhay ay naging boring na para sa kanya.
Habang naglalakad siya pabalik ng restaurant mula convenient store ay sinamantala niya ang pagkakataon para obserbahan ang paligid. If she didn't become a restaurant manager, naging ano kaya siya? Naging writer katulad ni Camya, naging call center agent katulad ni Jingke o naging tindera ng bulaklak sa kabilang kalsada?
Sa loob ng maraming taon ay nasanay siyang mga tao ang nagtatrabaho para sa kanya. Ano kaya ang feeling ng siya naman ang magtrabaho para sa iba? Paano kaya kung naging kasambahay siya?
Napailing siya. Hindi niya kaya ang trabahong ganoon kaya nga bilib na bilib siya sa kasambahay ng tita niya.
Hindi na siya nagulat nang madatnan niya sina Jingke at Camya sa opisina pagdating niya. Ini-expect na rin naman niya ang mga ito. Mukhang problemado pa yata ang huli.
"Yes, what can I do for you?" pigil ang ngiting tanong niya.
"Itong si Camya badtrip sa Kuya Carson niya," ani Jingke.
"O, ano naman ang bago ro'n?" tanong niya pagkaupo. Simula nang makilala niya si Camya ay badtrip na ito sa kuya nitong saksakan daw ng palikero.
"Ginawa niya 'kong recruiter!" sagot ni Camya at pabagsak na inilapag ang isang calling card sa desk niya.
Nakakunot ang noong kinuha niya iyon at binasa.
Alejandro Montreal III. Sa ibaba ay ang pangalan ng isang kompanya, ang posisyon nito, address at contact number.
"Recruiter ng ano?"
"Naghahanap daw ang kaibigan niya ng driver. Eh sa akin niya ipinasa. Bagsak pa kasi 'yon hanggang ngayon. Malamang may naikama na namang babae kagabi. Ang loko hindi na nadala," nakasimangot na sabi nito. "Bukas daw kailangan may driver na 'yong kaibigan niya. Hindi siya demanding sa lagay na 'yan, ha!"
Natawa siya. "Kailan ba kayo huling nagkasundo n'ong kapatid mong 'yon?"
Napaisip si Camya para lang madismaya. Ikinumpas nito ang mga kamay. "Hindi ko maalala. I mean, wala talaga. Wala naman akong choice kundi ang sundin siya or else hindi niya ibibigay sa 'kin ang mana ko."
Natawa silang dalawa ni Jingke rito.
"Baka ikaw may alam kang pwedeng mag-apply," ani Jingke.
"I'll see what I can do. Sa ngayon, umalis na tayo."
"Tama!" sabay na sang-ayon ng magpinsan. Wala sa loob na inilagay niya sa bulsa ng kanyang blazer ang calling card. Sabay-sabay pa silang napatayong tatlo.
Dahil iyon na ang huling araw niya sa restaurant ay napag-usapan na naman nilang tatlo na mag-slumber party. Iyon ang dahilan kung bakit siya nagpunta ng convenience store kanina.
"SO HANGGANG ngayon hindi ka pa rin sigurado kung ano ang gagawin mo sa hiningi mong bakasyon?" tanong ni Camya matapos nitong ipasok ang wala nang lamang corn snack sa puting supot sa tabi nito.
Kumuha naman siya ng ilang curls sa bowl at isinubo. Nakasalampak sila ngayong tatlo sa sahig ng kanyang kwarto, in their silly pajamas.
"Hindi pa. Gusto niyo ba 'kong samahan?"
"Hindi na 'ko pupwede, g**g, sorry," ani Jingke. "Ang dami kong iti-train bukas. Sa loob na ng isang buwan 'yon, ha."
"Ako naman magtatago na 'ko sa lungga ko," ani Camya. "Tama nang procastination ito. Nauubusan na ng pasensiya sa akin ang editor ko."
Nagkibit-balikat siya. "Okay. I understand. Just wish me luck. Sana magtagumpay ako."
"Ugaliin mong mag-text sa amin ng mga updates, ha?" ani Camya bago sumubo ng isang dakot na potato chips.
"Ang sabihin mo, ilalagay mo lang 'yon sa nobela mo!"
"Sige na. Kailangan ko ng pera, eh. Ipagkakait mo ba naman sa 'kin 'yon?"
MATAPOS niyang ihatid sa labas ng apartment ang dalawa ay bumalik siya ng kanyang kwarto. Kinuha niya ang ilan niyang mga nagkalat na gamit at inilagay sa ibabaw ng higaan. Ang itim na blazer na nakasabit sa harap ng kanyang cabinet ay kinuha niya para dalhin naman sa labahan. Napatingin siya sa sahig nang may malaglag mula doon na agad niyang dinampot.
Nagulat siya nang ang calling card pala iyon na nanggaling kay Camya. Nangako pala siya ritong tutulungan niya ito.
Bakit nga ba hindi?
Dali-dali siyang naghanda ng pampaligo niya.
"Umupo ka muna, hija. Palabas na rin si Sir," sabi sa kanya ng katulong na nagbukas ng pintuan ng condo para sa kanya.
"Salamat po, Manang," magalang na tugon niya. Iyon na lang ang tawag niya rito dahil halos kasing edad lang ito ng kasambahay ng Tita niya. 'Manang' din kasi ang tawag niya doon.
"Gusto mo bang uminom ng kahit na ano? Kape, gusto mo?"
Nakangiti siyang umiling-iling. "Salamat na lang po, Manang Lory. Nakapagkape na po ako kanina sa almusal."
"Kung gano'n, maiwan na kita."
Nagpasalamat ulit siya rito at umupo sa sofa nang iwan na siya nito.
Hanggang sa mga sandaling iyon ay naninibago pa rin siya sa suot niyang puting polo shirt at jeans. Nasanay kasi siyang palaging naka-corporate attire kapag nasa restaurant siya.
Wala sa loob na ipinaypay niya ang hawak niyang sliding folder. Naglalaman iyon ng resumé niya. Tama. Siya mismo ang mag-a-apply na driver at hindi niya alam kung anong pumasok sa utak niya.
Something new nga, 'di ba?
Awtomatiko siyang napatayo nang may lumabas na makisig na lalaki mula sa isang silid sa unit na iyon habang inaayos nito ang suot nitong necktie. Napaawang ang kanyang mga labi. The guy is sinfully gorgeous for his own good!
"Yes?"
Napakurap-kurap siya at itinikom ang kanyang bibig. Oo nga't marami na siyang nakakasalubong na mga gwapong lalaki at ang ilan ay celebrities pa pero ang isang 'to, ito lang ang nakapagpatulala sa kanya!
What is the meaning of this?
Kunot na kunot ang noo nito habang nakatingin sa mukha niya.
"U-um, kwan..."
He extended his hand. Wala sa sariling inabot niya ang hawak na folder dito.
"You are Noelle Radelyn Tingson?" he asked casually nang pasadahan nito ng tingin ang kanyang resumé.
"Y-yes, Sir," kabado niyang sagot. Hindi naman ganoon ang reaksiyon niya noong hindi pa niya nakakaharap ang lalaki, ah?
"Where's your recommendation?"
"U-um..." She clumsily searched for the calling card in her pocket at ibinigay iyon sa lalaki.
"You know Carson Montañez?"
And his deep, soothing voice...
"Y-yes, um, he's my--" Sandali. May nag-a-apply bang driver na inglesera? "K-kuya siya ng kaibigan ko. Siya ang nagbigay sa akin ng calling card ninyo, Sir."
Buong ingat siyang nagpakawala ng buntong-hininga. Hindi na siya magtataka kung kaagad siya nitong paalisin. Bukod sa hindi pa siya nakakapag-drive para kahit kanino ay isa pa siyang Eba.
"Do you have your license with you?"
"Y-yes, Sir! N-nandito," sabay tapik niya sa sukbit niyang body bag.
"Ilang taon ka nang nagda-drive?"
"Four years, Sir." At dahil iyon ay may sarili siyang kotse. In fairness, sa mga panahong iyon naman ay isa siyang consistent na ulirang motorista.
May dinukot itong isang pumpon ng susi mula sa bulsa at iniabot sa kanya.
"Take it," sabi nito.
"P-po?" takang tanong niya. "Ano po ang mga 'yan?"
"Nandiyan ang susi ng kotse ko."
Wala sa loob na tinanggap niya iyon. "Bakit niyo po ibinibigay sa 'kin?"
Kumunot lalo ang noo nito. "Male-late na ako sa trabaho."
Napalunok siya. "P-po?"
"Ipag-drive mo na 'ko."
"Tanggap na po ako?" hindi makapaniwalang sabi niya.
"Bakit hindi? Hindi pa ako binibigo ng mga recommendations ni Carson."
Impit siyang napatili pero nang makita niyang napakurap ang bago niyang boss ay napahiyang tinakpan niya ang bibig.
"S-sorry po, Sir."
Tumango naman ito. "I'll take a quick breakfast. Wait for me here."
"Okay, Sir!" masayang sabi niya.
Nang talikuran na siya nito ay napasuntok siya sa hangin.
May bago na 'kong trabaho! Yahoo!
Hindi na siya makapaghintay na ipaalam kina Camya at Jingke ang magandang balita!
"Miss Tingson."
Napaayos siya ng tayo nang marinig niyang nagsalita ang bago niyang boss.
"S-sir?" sabi niya at alanganin itong nilingon. Nakatayo na ito malapit sa pintuan ng tingin niya ay kusina. Nakita kaya nito ang ginawa niya?
"Ano'ng itatawag ko sa'yo?"
"K-kayo po ang bahala." You can call me yours if you want. Charot!
"Okay lang ba kung 'Noelle'?"
Sandali siyang napaisip. Ni minsan ay walang tumawag sa kanya sa first name niya dahil boyish ang dating niyon.
"Okay lang naman, Sir," kunwari ay nahihiyang sabi niya.
"Thank you, Noelle." Tipid siya nitong nginitian bago pumasok ng kusina.
Napahawak siya sa kanyang dibdib. Bakit babaeng-babae ang dating ng pangalan niya nang ito ang magbanggit niyon?
What is the meaning of this?