WALANG pagkakataon si Audrey na pag-isipan pa ang eksenang iyon sa kanila ni Rico. Nang dumating siya sa shop ay dinatnan niyang naghihintay na sa kanya ang boss ng beauty salon. Kahit hindi naman late ang dating niya para sa talagang oras ng pasok niya ay parang bigla siyang na-guilty na ito ang naghihintay sa kanya. “Sorry, Ma’am. Hindi po namin ine-expect na—” “Okay lang, Audrey. Gusto sana kitang makausap,” pormal na wika ni Mrs. Cora Cardenas. “Opo.” Anyo siyang pupunta sa maliit na opisina ng salon nang abutin nito ang braso niya. “Sa labas na lang siguro tayo mag-usap. May pina-reserve akong mesa sa restaurant diyan sa ibaba. Tutal, malapit na rin lang namang mag-lunchtime.” “Sige po,” pagpapaunlak niya rito pero hindi rin maiwasang kabahan.

