Maingay! Magulo. Mausok. Amoy alcohol at usok ng sigarilyo. Mga naghalong pawis at perfume ng iba't ibang tao. Siksikan. May sigawan. Pero karamihan, masayang naghihiyawan.
Kakaibang mundo para kay Alea ang unang tapak niya sa labas ng hawlang pinanggalingan niya. Kaya naman para siyang ibon na nakalaya. Pinalaya na siya ng mga magulang para naman harapin ang mundo na hindi lamang pag-aaral at pagsunod sa mga kagustuhan ng mga ito. She graduated already. Ngayon naman ang sariling kaligayahan ang kanyang haharapin. At iyon ay maging malaya. Ibuka ang pakpak at mamayagpag.
"Wohoo!" sigaw ni Alea habang sumasayaw sa gitna ng dance floor. Kasama ang ilang mga kaibigan ay naisip nilang mag-clubbing. Kaka-dalawampo niya lamang at ngayon nga ay malayang malaya na siyang gawin iyon.
Though alam niyang hindi lubos ang kalayaan niya dahil may nakabantay pa sa kanya sa paligid. Wala siyang pakialam doon. Nagawa na niya ang gusto ng mga magulang. Nagtapos siya ng pag-aaral sa isang eksklusibong paaralan na may mataas na karangalan. Ngayon ay haharapin naman niya ang isang mundo. Mundo kung saan hindi niya alam kung tuluyan ba siyang sasaya. Kaya ba niyang yakapin ang buhay na nakahanda sa kanya ngayon.
"Friend, daming umaaligid sa iyo oh...baka gusto mong isayaw ang mga iyan!" untag sa kanya ni Trish na siyang kasama niya sa dance floor. Inirapan niya ito at maarteng pinitik ang mahabang buhok patalikod.
"Wala pa sila sa kalingkingan ng lalaking gusto ko. Why should I?" tugon niya sa kaibigan. Iisa lang ang lalaking gusto niya at gugustuhin na makuha.
Jacob Benitez. Ang lalaking bumihag ng puso niya simula nang umapak ang mga paa niya sa pamamahay ng pamilya nito. Ang nag-iisang anak ng umampon sa kanya at itinuring siyang prinsesa.
"Si Jacob na naman? Alam mo girl, wala kang mapapala sa kanya. Lantaran kang inaayawan uy! Isa pa, hindi ba at may girlfriend iyon!" litanya ni Trish.
Inirapan niya ang kaibigan at walang sabi-sabing iniwanan niya ito sa dance floor. Hindi niya kailangan ang pagpapamukha nito sa kanya na hindi siya kayang mahalin ng lalaking inasam. Ayaw niyang pakinggan ito.
Kung alam lang nila...
Malapit nang mapasakanya si Jacob.
Naupo siya sa mesa nila kung nasaan pa ang dalawang kaibigan. Hindi siya napansin ng mga ito dahil may ginagawa ng kababalaghan. Si Lezandro at Allyssa ay lantaran na naghahalikan kahit maraming tao. Sabagay, eksklusibo naman ang club na iyon sa mga mayayaman at may kaya na gaya nila.
Hindi niya pinansin ang mga ito. Padabog siyang naupo sa gilid. Nagsalin siya ng bourbon sa baso. Unang laya, unang tikim. Ngunit hindi unang sakit nang magawi ang tingin niya sa paparating na dalawang tao na nasa bungad na ng club.
Natawa siya habang nilalagok ang alak. Kasabay ng mapaklang lasa nito ay ang paglamon rin sa kanya ng inggit at bitterness. Nakakapit sa braso si Genelyn sa nobyo nitong si Jacob.
Si Genelyn ay naging matalik niyang kaibigan. Noon. Pareho silang galing sa bahay ampunan. Parehong naampon ng mayamang tao. Parehong pareho na pati lalaki, iisa ang kanilang minahal. Mas lamang nga lamang ito dahil ito ang minahal ni Jacob. Ito ang ginusto ng lalakeng minahal.Ito ang pinili kaysa siya samantalang siya ang kasa-kasama ni Jacob na lumaki.
"Iyo siya ngayon. Akin siya bukas!" saad niya sa sarili at nilagok ang alak sa baso.
"Woah! I saw that. Kaya ba rito mo ginustong club ang puntahan? Are you stalking them now?" sita sa kanya ni Lezandro nang magawi rin ang mga mata sa pinto ng club dahil nagkaingay nang batiin si Jacob at Genelyn ng mga kasama. Naroon din pala ang mga barkada ng mga ito.
Pinag-ekis niya ang kanyang mga hita at pinanood ang dalawa habang kumakaway sa mga kakilala. Walang kaalam-alam ang mga ito na naroon siya. Tama naman si Lezandro, naroon siya para muling saktan ang sarili habang nakikita sila Jacob at Genelyn.
Lumapit sa kanya si Allyssa at kinuha ang bote ng bourbon sa pagkakahawak niya. Nagsalin rin sa baso nito. Dati ng umiinom ang mga kasamahan kaya hindi na siya magtataka kung parang tubig lang kung uminom ang mga ito.
Siya ay hindi kailanman naging pasaway dahil mas ginusto niyang maging mabuting anak sa mga magulang hanggang sa makatapos ng pag-aaral. They trust her. Kaya nga ngayon ay malayang malaya siya. Katulad ni Jacob.
"Kung ako sa iyo, friend. Gagawa na lang talaga ako ng paraan para mapasaakin ang lalaking gusto ko. Kung hindi ka manalo ng harap harapan. Subukan mong ipanalo na nakatalikod silang dalawa!" sulsol sa kanya ni Allyssa. "Kung hindi makuha sa santong dasalan, sa santong paspasan, puwede na!"
Natatawa siyang napapailing. Bad influence si Allyssa kung pakikinggan. Pero isa ito sa mga kaibigan na alam niyang dadamay sa kanya sa masama man o sa mabuti.
Bigla naman na humalakhak si Lezandro. "Ganyan na ganyan ako pinaibig ni Ally eh," saad nito na hinalikan sa harap niya ang kasintahan sa leeg.
Tinabig naman ni Allyssa ang kasintahan bago siya muling hinarap.
"Sinasabi ko ito hindi para mademonyo ang utak mo, Alea. Matalino kang tao. You know the consequences kapag ginawa mo nga ang sinasabi ko. But if you really want him. Why not! Tutulungan ka namin..."
Alam niya iyon. Puwedeng mas masaktan siya. Ngunit handa siyang harapin iyon basta makuha lamang niya si Jacob.
"You will be doomed! Impiyerno sa langit!" Singit ni Lezandro na nakangisi bago humalakhak nang malakas.
Inirapan ni Alea ang mga ito bago muling bumaling sa paligid ang mga mata. Doon ay nakasalubong ng mga mata niya ang mga mata ni Jacob na biglang napalingon sa kinaroroonan niya.
Tila tumigil ang mundo niya sa titig nitong hindi rin naman nagtagal. Muling napangiti si Alea nang mapait. Wala man lamang emosyon ang mga titig na iyon ni Jacob sa kanya. Ni hindi niya nakitaan ito ng gulat na naroon siya.
Muli niyang nilagyan ang baso ng inumin. Siya naman na pagdating ni Trish at may kasama na itong mga lalaki. Hindi lang isa kundi dalawa pa.
Tinitigan niya ito nang masama nang tumapat ang dalawang lalaki sa kanya. Mga guwapo naman ang mga iyon. Mukhang galing din sa marangyang pamilya.
"May nakita ako, kaya kailangan mo ng distraction..." bulong ni Trish sa kanya nang makaupo sa tabi niya. "Si Rein at Joshua," pakilala nito sa dalawang lalaki. "Ang prinsesa ng Benitez Group of Companies," pakilala naman sa kanya ni Trish na ipinagkalandakan talaga ang kompanyang pag-aari ng kinilalang ama. Parang gusto niyang kurutin ito sa singit dahil dinadamay nito ang pagiging Benitez niya. Ayaw sana niya ng ganoon.
BGC is one of the biggest company sa larangan ng travel agencies, airlines and resorts. Multi-billionaire contracts at iba't ibang businesses ang pinapasok ng mga ito. Magaling mamuno ang kanilang ama. Bagay na hinahangaan niya dito.
"Hi, Alea. Nice to meet you. Pinangarap ko talagang makilala ka," ani Rein na inabot ang kamay sa kanya. Guwapo naman ito. Clean cut ang gupit nito at may biloy na lalong nagpaguwapo sa itsura nito.
Ayaw niyang maging bastos kaya inabot niya ang kamay nito upang kamayan. Hindi na bago sa kanya iyon. Bata pa lamang siya, limang taong gulang to be exact ay laman na siya ng spotlight kasama ang pamilyang umampon sa kanya.
Kung parang artista kung ituring siya ng nakakakita sa kanya. Hindi ganoon si Jacob. Hindi nito hilig na maging celebrity sa mga mata ng mga tao. Gustong maging low profile lang ito. Kaya mas kilala pa siyang heredera at anak ng mga Benitez kesa sa tunay na anak na si Jacob.
Nakipagkamay rin sa kanya si Joshua. Pero mas natuon ang pansin sa kanya ni Rein. Naupo pa ito sa tabi niya. Hinayaan na lamang niya dahil she really needs distraction lalo na at tanaw na tanaw niya sila Jacob at Genelyn.
Nakaalalay pa rin si Jacob sa babae at may kausap ang mga ito.Limang mesa lamang sa kinauupuan nila.
Muli niyang itinuon ang mga mata sa baso. Humigpit ang hawak niya roon. Bakit nga ba naroon siya? Bakit gustong gusto niyang pasakitan ang sarili? Bakit sa kabila ng lantarang pag-ayaw ni Jacob sa pagmamahal na inaalay niya, heto siya, handang maghintay. Handang madurog ang puso para lamang sa isang pagmamahal na hindi nito masuklian.
Natawa siya sa sarili. Magiging kanya naman si Jacob kaya hahayaan niya ito ngayon. Hahayaan niyang maging malaya ito sa sandaling iyon.
"Can I dance with you, Alea?"
Napaangat siya ng tingin kay Rein nang ayain siya nito. Nakatayo na ito sa kanyang harapan at nakaamba ang mga palad para siya ay isayaw. Masyado na palang umespasyo ang utak niya sa mga kasamahan.
"Go!" untag sa kanya ni Trish sabay siko. "Ipakita mo kayang kunwaring wala lang siya sa iyo. Masyado mo kasing isinisiksik ang sarili mo kay Jacob," dagdag pa ni Trish sa sinasabi. Pabulong lang naman iyon.
Muli siyang napaangat ng tingin kay Rein. May yabang ang dating nito ngunit mukha namang mapagkakatiwalaan niya ang lalake.
Pawang mayayaman ang naroroon sa club at kilala ang mga magulang sa larangan ng politika at negosyo. Siguro naman, napalaking maayos si Rein ng mga magulang.
"Of course!" Ngumiti siya sa lalaki at iniabot ang kamay niya para alalayan siya.
"Napakaganda mo talaga. I am a fan of yours!"Natawa lamang siya sa papuri nito.
"Hindi naman ako artista para magkaroon ng fans club. But thanks anyway..." usal niya rito. Inilapit pa ang mukha rito upang mabulungan niya at marinig siya. Nasa gitna na sila ng dance floor. Maingay ang paligid gawa ng musika at mga nagkakasiyahang mga tao gaya nila.
Umindak siya sa saliw ng tugtugin. Maharot siyang gumiling habang kasayaw si Rein. Itinaas niya ang kamay at tila nagsayaw rin iyon sa hangin.
Hindi lang siya sa akademya magaling. She can dance too. Paint and act. Malambot ang kanyang katawan at bawat indayog n'on ay nakakabighani sa sinumang nanonood sa kanya.
Tumaas ang kanyang damit at kitang kita na ang kanyang maputing tiyan at pusod. Hindi na nakapagpigil si Rein na hapitin ang maliit niyang beywang at hilain siya papunta sa katawan nito.
Ngayon nga ay magkadikit sila ni Rein kahit pa masayang musika ang nasa paligid. Yumakap ang kamay ni Alea sa batok ng kasayaw. Bigla kasi siyang nahilo at umepekto na ang ininom kanina.
Pumikit siya at hinayaang igiya ng kasayaw ang kanyang katawan. Hindi niya lamang nagustuhan ang biglang paglipat ng kamay nito sa kanyang pang-upo. Pumisil doon.
Hindi niya gustong mag-eskandalo pero mas hindi niya gugustuhin na mabastos. Itinulak niya si Rein at mabilis na tinuhod sa pagitan ng hita.
"Ouch!" sigaw nito na nakakuha ng atensiyon ng mga naroon.
Siyang dahilan upang magawi rin ang tingin nina Jacob at Genelyn sa kanya.
"Next time hindi lang iyan ang mapapala mo!" banta niya rito at sinenyasan ang papalapit na bodyguard niya na huwag lumapit. Si Liezle na naka-disguise at walang suot na uniporme para hindi mailang ang mga naroon.
"b***h!" nahihirapang sigaw ni Rein na agad na dinaluhan ng mga kaibigan.
Hindi niya ito pinansin. Taas noo siyang naglakad paalis sa dance floor. Nakasunod lamang si Liezle. Nang makarating siya sa kanilang mesa ay kinuha niya agad ang kanyang mamahaling purse na nagsusumigaw ng kayamanan.
"I'm going. Nasira na ang gabi ko!" paalam niya sa mga kaibigan.
Mabilis siyang naglakad paalis sa lugar na iyon. Hindi naman talaga ang nangyari ang nakasira ng kanyang gabi. Kaya niyang makihalubilo sa mga taong nakasaksi. Ang hindi niya kayang harapin ay ang nanghuhusgang mga mata ni Jacob. Ang pagbabalewala nito kahit pa nabastos na siya. Ang kawalang pakialam nito kahit siya ang agrabyado. Sinasabi ng mga mata nito na tama lamang iyon sa kanya. Pinili niya iyon...
Napalunok siya para tanggalin ang bikig na biglang namuo sa kanyang lalamunan. Pilit man niyang pigilan ang pagtulo ng kanyang luha ay kusang tumulo iyon. Nagpapatunay ng kahinaan niya. Na nasasaktan siya.
"Okay ka lang, Alea?" tanong ni Liezle sa kanya.
Marahas niyang pinahid ang luha sa kanyang pisngi bago tumango.
Okay siya. Okay naman siya lagi. Okay siya sa harap ng mga tao. Kaya niyang magkunwari. Ang luha ay simbolo ng kahinaan kaya hinding hindi niya hahayaang malunod siya roon Kahit nasasaktan na siya ng sobra.