AFLW 10: Petisyon at Pananda

2629 Words
AFLW 10: Petisyon at Pananda *** Prinsesa Yuki POV Sa tuwing lalabas ako ng aking tahanan upang mamasyal sa Hardin ng Palasyo o sa kung saang bahagi man ng Palasyo ako pupunta, bawat taga-lingkod at tagasilbi na aming makakasalubong ay binibigyan ako ng lihim na pailalim na tingin. Magmula ng araw na iyon, ang araw ng pagpapakilala, ay lumaganap na sa buong Palasyo ang usapin hinggil sa aking anyo. Maraming hindi magagandang salita ang umaabot sa aking pandinig. Iniiwasan ako ng lahat at pinandidirihan, kahit ang sarili kong mga taga-lingkod, tagasilbi at mga bantay. Subalit may iilan sa kanila ang mas ninais na manatili sa aking tabi at maging tapat sa akin. Gayunman, maging sila ay iniwasan at pinadirihan din ng mga kapwa nila kasamahan. Sa halip na malungkot sa mga pangyayari ay mas lalo akong nasisiyahan sapagkat halos wala ng nais lumapit sa akin. Maliban kay Kisana Sachi na sa kabila ng kanyang nasaksihan ay lumalapit pa rin sa akin at nakikipagkaibigan. Inaalam ko pa ang lahat ng tungkol sa kanya at sa kanyang angkan. Kailangan kong mag-ingat sapagkat hindi ko alam ang kanyang tunay na hangarin. Hindi lang ang tungkol kay Kisana ang inaalam ko kundi sa lahat ng mga babaeng pagpipilian pati na mga opisyal ng Palasyo. Kailangan may hawak akong dokumento sa lahat ng mga ugnayan nila sa loob at labas ng Palasyo. Lalo na sa angkan ng mga Wakamoto, sa lahat sa kanila ako mas naghihinala. "Shuji, may nalaman ka ba sa iyong pagmamatyag sa buong Palasyo?" Agad na aking tanong ng makita ko ang kanyang pagpasok sa tanggapan ng aking tahanan. "Sa susunod na linggo ay lalabas ang Mahal na Prinsipe sa Palasyo. Dadalo siya sa pinal na paglalaro ng mga kabataan sa larangan ng larong basketball. Siya ang magbibigay ng parangal." "Kailangan ko pa lang kumilos upang makumbinsi ang Mahal na Prinsipe upang ako ay isama sa kanyang pagdalo ng nasabing laro. Maganda ang pagkakataon na iyon upang makuha ang mga impormasyon na ating kailangan mula sa aking ama." "Paano mo makukumbinsi ang Mahal na Prinsipe, Prinsesa Yuki? Hindi sapat ang minsan mo siyang nakausap upang siya ay pumayag. Lalo na sa sitwasyong ating kinakaharap sa kasalukuyan." Nag-aalangan na pahayag ni Yoshie. "Ano ang nais mong ipahiwatig Yoshie? Atin ng nakamit ang bunga ng tagumpay sa mga nangyari." "Hindi ka nag-aalala man lang Mahal na Prinsesa? Paano kung maging ang Mahal na Prinsipe ay pinandidirihan din kayo? Sa iyong palagay, papayag siyang makasama ang isang tulad mo pagkatapos ng mga nangyari?" Ang kanyang paliwanag. "Hindi lang ang bagay na iyan ang dapat nating pagtuunan ng pansin, Prinsesa Yuki. Sapagkat ayon sa aking narinig mula sa mga taga-lingkod ng bulwagan maraming petisyon na po ang ipinapaabot sa Emperador. Petisyon upang kayo ay tanggalin bilang kinatawan ng kaharian. Sapagkat sinasabi nila na hindi kayo nararapat upang maging isa sa babaeng pagpipilian. Ayon sa aking narinig, may mga petisyon galing pa sa pinakasulok na lugar na nasasakupan ng Imperyo." Nababahalang pagtatapat ni Shuji. "Ibig sabihin lumaganap na hanggang sa pinakasulok na bahagi ng Imperyo ang tungkol sa iyong anyo, Prinsesa Yuki. Sa aking paniniwala ay hindi ito makakabuti sa iyong katayuan." Nababahalang pahayag ni Yoshie. Isang misteryosong ngiti ang aking pinakawalan. "Taliwas ito sa aking inaaasahan. Hindi ko inaakala na mas mabilis na lalaganap ang usapin hinggil sa aking kaanyuan." "Paano mo nagagawang ngumiti sa ganitong pagkakataon, Mahal na Prinsesa?" Hindi makapaniwalang tanong ni Yoshie. "Kilala ko ang ganyang ngiti. Ano ang iyong binabalak Prinsesa Yuki?" Tanong naman ni Shuji. Hindi ko sinagot ang kanilang katanungan sa halip ay tumayo ako sa aking kinauupuan. Pinasunod ko sila sa aking silid upang doon ituloy ang aming nasimulang usapan. Hindi ako maaaring maging kampante kahit pa sa loob ng aking tahanan. Nais ko lang maging maingat sa mga posibleng mangyari. Paano kung may makarinig sa aming usapan at ipaalam ito sa aming kalaban? Ayokong mapupunta lang sa wala ang aking sakripisyo at ipinaglalaban. Tinulungan ako ni Yoshie sa pagtanggal sa telang nakatakip sa aking mukha. Maingat niya itong isinabit sa lagayan bago umupo sa aking harapan katabi ni Shuji. "Gaya ng aking inaasahan." Aking pasimula. "Umaayon ang lahat sa aking nais mangyari. Nang aking maisip na humarap sa buong Palasyo ng may pangit na anyo, alam ko na iyon na ang pinakamagandang pagkakataon upang umpisahan ang larong ito. Akin ng inaasahan na ang kasunod ay ang mga Petisyon na ipapasa ng karamihan. Na siyang kailangan ko." "Hindi ko pa rin maintindihan ng nais mong mangyari Mahal na Prinsesa." Naguguluhang wika ni Yoshie. "Isang malaking pabor para sa akin ang ginawa ng ating mga kalaban na maghain ng petisyon upang ako ay tanggalin, Yoshie. Sa pamamagitan ng mga Petisyong ito maaaring na natin matatagpuan ang mga taong maaari makakasama natin sa labang ito." "Ang nais mo iparating Mahal na Prinsesa na sa pamamagitan ng mga Petisyon na ito malalaman natin kung sino ang kalaban at kakampi?" Tanong ni Shuji. "Tama ka Shuji, iyon nga ang aking hangarin ng maisip ko ang bagay na ito. Mahahati ang opinyon ng buong Imperyo at magkaroon tayo ng sapat na pagkakataon upang makuha ang loob ng mga hindi nagpetisyon." "Binabati kita, Prinsesa Yuki, sa napakagandang plano na iyong naisip." "Walang anuman Shuji. At ngayon, mag-uumpisa na ng inyong mga gawain." "Ipag-utos mo Prinsesa Yuki at aming susundin ng buong puso at buong tapat." Pahayag ni Yoshie. "Shuji, alamin mo kung sino-sino ang mga naghahain ng petisyon at kung hindi kalabisan, alamin mo na rin kung sino ang maaaring namumuno sa kanila. Hindi malayong ang iba ay sumunod lamang sa isang nakakataas sa kanila." "Masusunod po Mahal na Prinsesa." Yumuko si Shuji bilang pagtanggap sa aking iniatas sa kanya. "Yoshie, alamin mo ang mga pangyayari sa tahanan ng ibang kababaehan. Nais kong malaman kung sino-sino ang kanilang bisita at kanilang pinagkakaabalahan. Ipaalam mo sa akin kapag may napansin ka na kahinahinala. May palagay ako na ang ilan sa mga nag-petisyon ay makikita nating bibisita sa isa sa mga tahanan ng kababaehan." "Naiintindihan po ng iyong lingkod, Mahal na Prinsesa." "Aasahan ko ang magandang resulta bago ang paglabas ng Mahal na Prinsipe." "Gagawin namin ang aming makakaya, Mahal na Prinsesa." Pangako ni Shuji. "Itutuloy mo pa ba ang iyong binabalak na pagsama sa paglabas ng Mahal na Prinsipe?" Tanong ni Yoshie. "Hindi ko maaaring palalagpasin ang pagkakataong iyon Yoshie. Nasisiguro ko na tapos na ng aking Mahal na Ama ang mga dokumento at impormasyon na aking kailangan." "Paano natin maipaparating sa Mahal na Konsorte na maaari ng ipadala ang mga dokumento? Paano nila malalaman na dadalo tayo sa palaro?" "Tama ang tinuran ni Yoshie, Mahal na Prinsesa. Paano nga ba? Wala tayong komunikasyon sa labas at baka may makakaalam kung magpapadala tayo ng mensahe sa pamamagitan ng ibon." Pahayag ni Shuji. Ngumisi ako. "Hindi niyo pa nalalaman ang kayang gawin ng aking ama, maging ng aking mga kapatid. Gagawin natin ang pinakamadaling paraan upang iparating sa kanila ang mensahe." Kumuha ako ng malinis na papel at panulat. Nagsulat ako ng mensahe para sa aking kapatid na si Prinsipe Yuuji. Mensahe na kahit maharang ng kalaban ay hindi nila maiintindihan. Mensahe na kaming magkakapatid lang makakabasa, isa itong sekretong paraan na kami lang ang nakakaalam. Amin itong pinag-aralan upang magamit sa ganitong pagkakataon. Inabot ko kay Shuji ang mensahe na maayos na nakabalot sa puting tela. Naguguluhang tinanggap niya ito saka tumingin sa akin na puno ng katanungan ang mga mata. "Pumunta ka sa isang kilalang bahay-aliwan malapit sa pamilihang bayan. Hanapin mo si Himiko, isang babaeng nagbebenta ng aliw. Ipakita mo ang bagay na ito sa kanya." Inilapag ko sa mesa ang isang kulay asul na maliit na tela na may bilog na pananda sa gitna. "Sa sandaling makita niya ang kakaibang telang ito ay alam na niya ang kanyang gagawin. Dadalhin ka niya sa isang lugar kung saan may kakausap sa'yo. Ito ang pananda na gamit upang makaharap mo ang alinmang tauhan ng kaharian na lihim na nagkalat sa buong Imperyo. Ang pananda na ito ay para talaga sa'yo, Shuji. Sa oras na makita ng taong makaharap mo ang bilog na nasa telang iyan, matutukoy niya na ikaw ang aking tagabantay. At matutukoy niya na nagmula sa akin ang mensahe at kay Prinsipe Yuuji o kay Prinsesa Yuuna lamang makakarating ang mensahe." Ang aking mahabang paliwanag. Maingat na inangat ni Shuji ang pananda at sinuri ito ng maigi. Isang maluwang na ngiti ang ibinigay niya sa akin ng mag-angat siya ng tingin pagkatapos suriin ang pananda. "Maraming salamat, Mahal na Prinsesa." "Nararapat lang sa iyo ang bagay na iyan, Shuji. Upang maging malaya ka sa pagpadala ng mensahe sa Kaharian." Isang pananda ulit ang aking inilabas at iniabot kay Yoshie. Kulay puti naman ang tela nito, bilang tanda na siya ay ang aking tapat na taga-lingkod. "Para sa'yo naman ito Yoshie. At katulad ng pananda ni Shuji, makikilala din ito ng mga lihim na tauhan na nagkalat sa paligid." "Maraming salamat sa walang humpay na tiwala, Mahal na Prinsesa." Wika ni Yoshie. "Maging maingat kayo sa pakikipag-ugyan sa kahit sino. Ang mga lihim na tauhan ay may sariling pananda. Kulay berde ang kanilang hawak at sa bilog ay malalaman niyo kung sino ang kanilang sinusunod. Maaaring sa ilalim ng aking mga kapatid, sa aking Mahal na Ina o sa Mahal na Hari." Sabay na tumango ang dalawa. "At bago ko makalimutan, ang isang pinakamahalagang bagay. Ang Itim na Pananda. Ang mga taong may hawak ng panandang ito ay tauhan ng aking Mahal na Ama. Direktang silang nag-uulat rito subalit bibihira lamang sila at mahirap matagpuan. Subalit nagkalat sila sa buong Imperyo." "Ano po ang iyong ibig sabihin, Mahal na Prinsesa?" Nagtatakang tanong ni Yoshie. Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan. "Lahat sila ay hindi tauhan ng Kaharian. Ang lahat ng may Itim na Pananda at nasa ilalim lamang ng pamumuno ng aking Ama at karamihan sa kanila ay hindi mamamayan ng Imperyo." "Paano po nangyari ang bagay na iyon, Mahal na Prinsesa? Paano nagkaroon ng ganoong uri ng tauhan ang Mahal na Konsorte? At nagkalat pa sa buong Imperyo?" Kunot-noong tanong ni Shuji. Tumayo ako at kinuha ang aking balabal. Isunuot ko ito bago sila binalingan at sumagot. "May mga bagay at pangyayari na mas mabuting hindi niyo alam o malalaman. May mga sikreto na mas marapat na mananatiling lihim para sa mga taong walang kinalaman. Kung nagkataon man na makaharap niyo ang isa sa kanila, ang mas mainam ay gawin na lang na nararapat na gawin." "Tatandaan po namin ang inyong paalala." Sabay na bigkas ng dalawa at sabay na yumukod. "Mabuti kung ganun." Naglakad na ako palabas ng aking silid. Bago tuluyang lumabas ay hinarap ko si Shuji. "Ihatid mo ang aking mensahe ng palihim, Shuji. Huwag mong hayaang may makatuklas ng iyong gagawin. Maaaring may mga tauhan sila na nagmamatyag sa ating mga galaw." "Naintindihan ko, Mahal na Prinsesa. Kikilos po ako ngayon din." Agad ng lumabas ng aking silid si Shuji upang maghanda. Mainam na umalis siya ngayon sapagkat papalubog na ang araw. At ng makabalik siya dito ng hindi pa malalim ang gabi. "Maghanda ka, Yoshie, dadalawin ko ang Mahal na Prinsipe sa kanyang tahanan. Nais ko siyang kausapin tungkol na nalalapit paglabas niya ng Palasyo." "Masusunod po, Mahal na Prinsesa." Ilang sandali pa ay naglalakad na kami patungo sa tahanan ng Mahal na Prinsipe. Sa gitna ng aming paglalakad ay aming nakasalubong ang ibang kababaehan. Sa direksyon na kanilang pinagmulan ay mukhang namasyal sila sa Hardin ng Palasyo. "At saan pupunta ang Prinsesang may nakakadiring mukha?" Nakangising wika ni Reina Wakamoto. Sabay namang nagtawanan ang iba pa maliban kay Kisana. "Nais ko lamang pumunta ng silid-aklatan, Binibini." Ang aking mahinang pahayag at nilagpasan ang kanilang pangkat sapagkat wala akong oras upang harapin ang kanyang panghahamak. "Ikaw ay akin pang kinakausap kaya wala kang karapatan na talikuran ako." Mahigpit niyang hinawakan ang aking braso at pabalya akong binitawan dahilan upang ako ay bumagsak sa lupa. "Mahal na Prinsesa." Nag-aalalang sigaw ng aking mga taga-lingkod. Agad nila akong dinaluhan at tinulungang makatayo. Breath, Shandra, breath. Don't let that spoiled brat loosen your control. Hold it tight. You don't want to be in the bad side if ever you loose it and punch that shitty face of her. Huminga ako ng malalim upang kalmahin ang aking sarili. Hindi ko maaaring isugal ang aking katayuan dahil lamang sa ganitong pangyayari. Gaganti na lang ako sa kanya sa ibang paraan na aking alam. "Ipagpaumanhin mo Binibining Reina subalit wala po kayong karapatan na saktan ang Mahal na Prinsesa." Pagtatanggol sa akin ng aking punong taga-lingkod. "Alalahanin po ninyo kabilang pa rin si Prinsesa Yuki sa mga babaeng pagpipilian." "Ipinagtatanggol mo ang babaeng yan na hindi karapat-dapat na nandito? Hindi nandidiri sa kanyang pagmumukha? " Nandidiring pahayag ni Mizane Hanata. "Magkatulad naman kasi sila ng kanyang pinaglilingkuran Mizane, nakakadidiri. Lahat sila ay hindi nararapat dito sa Palasyo dahil mga hamak na mahihirap lang sila. Napahigpit ang aking paghawak sa braso ni Yoshie. Upang pigilan ang aking sarili na sapakin sina Reina at Mizane dahil sa paghahamak nila sa aking mga taga-lingkod. "Maaaring bang tama na." Pagpipigil ni Kisana. "Reina, Mizane kapag hindi pa kayo titigil makakarating ang pangyayaring ito sa Mahal na Emperatris." Tinitigan ng lahat si Kisana. Umismid ang dalawa bago padabog na tumalikod at tinuntun ang daan pabalik ng kanilang tahanan. "Paumanhin sa kanilang ginawa, Prinsesa Yuki." Wika ni Kisana. "Hindi ikaw ang nararapat na humingi ng paumanhin Kisana. Salamat sa pamamagitan." Wika ko bago yumukod tanda ng pamamaalam. Nagpatuloy na kami sa paglakad patungo sa tahanan ng Mahal na Prinsipe. Agad namang ipinaalam ang aming pagdating at upang saglit pa kaharap ko na ang Mahal na Prinsipe. "Hindi ko inaasahan ang iyong pagbisita Mahal na Prinsesa. Subalit natutuwa ako na naisipan mong dalawin ang isang tulad ko." "Akin ang karangalan, Kamahalan. Ipagpaumanhin mo ang aking pagpunta ng walang abiso sa inyo." "Huwag mo ng alalahanin iyon. Ano ang maipaglilingkod ko sa'yo Prinsesa Yuki?" "Aking napag-alaman na kayo, Mahal na Prinsipe ay lalabas ng Palasyo upang magbigay parangal sa isang laro. Maging kalabisan po ba kung hihingin ko na ako ay iyong isama sa araw na iyon?" "At bakit nais mong sumama Mahal na Prinsesa?" "Hindi ko pa nagagawang manonood ng nasabing laro, Kamahalan at nais ko sanang masaksihan ito sa unang pagkakataon. At nais ko din sana na lumayo dito kahit isang araw lang. Alam kung batid ninyo ang naka-ambang pagkatanggal ko bilang isa sa babaeng pagpipilian. Sa kasalukuyan alam ko na maraming petisyon ang natanggap ng bulwagan ng Mahal na Emperador." "Naintindihan ko ang iyong nais gawin. Hangad mo na takasan kahit isang araw lang ang mga pangyayari." "Alam ko na isang malaking kapangahasan ang aking ginawang paghiling Mahal na Prinsipe. Subalit gaya nga iyong sinabi nais kung takasan ang lahat ng ito kahit sa isang araw lang." Pinalungkot ko ang aking boses at sinamahan ng kunting hikbi upang aking tuluyang makumbinsi ang Mahal na Prinsipe. Sapagkat hindi maaaring idaan sa mga lihim na tauhan ang bagay na aking kukunin. At hindi ko maaaring ilagay sa panganib ang buhay ng kung sino mang tao na magdadala nito. Nais ko ring kausapin si Prinsesa Yuuna kahit sandali. "Alam ko na mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon Prinsesa Yuki. Hinahamak ka ng karamihan at pinandidirihan kaya kung may magagawa man ako upang maibsan ang hirap ng iyong kalooban ay aking gagawin. Kaya pinapahintulutan kitang sumama sa akin sa paglabas ng Palasyo." Naka-ngiting pahayag ng Mahal na Prinsipe. "Maraming salamat sa iyong kabutihan Kamahalan." Yumukod ako bilang tanda ng pasasalamat. Hindi ko mapigilan ang mapangiti. Umaayon ang lahat sa aking nais mangyari, sa aking inaasahan. Hindi magtatagal mapapasa-akin na din ang mga dokumento at impormasyon na kailangan upang masimulan ang aking mga balak upang ipanalo ang labang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD