SI LEAMOR na ang huling pasaherong bumaba ng bus. Kung hindi pa nga huminto ang bus, baka hindi pa siya bababa. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Basta nang magpasya siyang umalis ng bahay ng tiyahin niya, nagbalot lang siya ng ilang damit at ng mahahalagang gamit niya tapos tumakas na siya.
Hindi na siya nagpaalam kahit kanino, kahit sa mga pinsan niyang malapit ang loob niya dahil sa tagal ng panahong alaga niya ang mga ito. Nag-aalala kasi siya na kapag nagpaalam pa siya, baka isumbong siya ng mga ito sa mama nila. O kaya naman ay pigilan pa siya.
Hindi niya talaga kaya iyong ipinapagawa ng Tita Marie niya kaya lumayo na lang siya. Ang problema niya ngayon ay kung saan siya pupunta. Basta na lang kasi sumakay ng bus kanina. Papuntang Manila iyong bus at ngayon ibinaba na siya sa terminal. Hindi na niya alam kung saan siya pupunta. Saan nga ba siya pupunta ngayong nakaalis na siya sa kanila?
Dahil hindi niya alam ang susunod na gagawin, naglakad-lakad siya, tutal maliwanag na. Ilang minuto na lang ay sisikat na ang araw. Nang may madaanan siyang kainan ay bigla niyang naramdaman ang pagkalam ng kanyang sikmura. Naalala niyang wala pa pala siyang kinain simula kagabi. Hindi siya makakain sa sama ng loob niya kaya itinulog na lang niya matapos siyang magpasya na aalis na.
Lumapit siya sa puwesto ng kainan. Um-order siya ng isang mangkok ng goto bago siya umupo sa pinakamalapit na mesa. Habang naghihintay ng kanyang order ay palinga-linga siya sa paligid. Malapit lang pala sila sa palengke. Napansin niya ang ilang tindahan na kabubukas lang pero may mga ilan na silang customer. Naninibago siya dahil hindi ganito karami at kaingay ang mga tao sa lugar na pinanggalingan niya.
Pagkatapos niya kumain ay nagbayad na siya. Saka niya naisip na magtanong sa tindera.
“Nanang, may alam po ba kayong malapit na boarding house dito? O kaya iyong nagpapa-bedspace?” lakas-loob niyang tanong.
Tiningnan siya ng tindera mula ulo hanggang paa. Naasiwa siya tuloy. Kung hindi lang niya kailangan ang tulong nito ay tatalikuran na sana niya ito. Hindi niya gustong pinagtitinginan siya ng mga tao.
“Ikaw ba ang titira?” tanong nito.
Parang gusto niyang mainis sa tanong nito. Alangan naman kasing ibang tao pa ang ipaghahanap niya ng matitirhan.
“Opo.” Pinilit niyang sumagot nang mahinahon.
Napangiti ang matanda. “May pinauupahan akong bahay. May isa pang kuwartong bakante roon. Kahapon lang umalis iyong dating umuupa. Gusto mo bang makita?”
“Sige po.” Mabilis siyang tumango.
Tinawag ng tindera ang isang kasama nito sa puwesto.
“Ikaw na muna ang bahala rito. Sasamahan ko lang itong magandang dalaga na naghahanap ng matitirhan,” bilin nito sa kausap. Pagkatapos ay binalingan siya nito.
“Tara na, ineng.”
Sinabayan niya ang matanda na naglakad patungo sa maliit na eskinita sa tabi mismo ng kainan. Pumasok sila sa isang gate na nasa likuran lang ng puwesto. May inilabas na susi ang matanda at binuksan ang pinto ng dalawang palapag na bahay.
“Pasok ka,” anyaya nito nang itulak ang pinto.
Pagpasok ni Leamor ay tumambad sa kanya ang maliit na sala. Mula roon ay nakikita na na niya ang kusina kung saan may mesa na kasya ang walong tao.
“Halika ka rito, ineng.”
Napapitlag si Leamor. Hindi niya namalayan na nakalayo na pala ang matanda sa kanya. Nasa harapan na ito ng isang pinto malapit sa kusina.
Mabilis naman niya itong nilapitan.
“Ito ang sinasabi kong kuwarto.” Binuksan ng matanda ang pinto.
Napangiti si Leamor nang makita ang loob ng kuwarto. Maliit lang ito pero malinis tingnan. May single bed na naroon at maliit na night table. Sa isang sulok ay may built-in cabinet. May orbit fan din sa taas.
“Magkano po?” agad niyang tanong sa matanda. Kung sakali ay first time niyang magkaroon ng sariling kuwarto. Mula pa noong magkaisip siya lagi na lang siyang may kasama sa kuwarto. Noong bata siya ay kasama niya ang kanyang lola. Tapos noong tumira siya sa bahay ng tiyahin niya ay mga pinsan niyang babae ang kasama niya sa tulugan.
“Three thousand lang. One month deposit at one month advance. Bale six thousand lahat.”
Parang biglang nanghina si Leamor sa kanyang narinig. Ten thousand lang ang pera niya. Naipon niya iyon mula sa allowance na tinatanggap niya noong nag-aaral siya. Nabawasan na nga iyon dahil nagpamasahe siya at kumain na rin. Pero maganda ang lokasyon ng bahay dahil walking distance lang sa mismong palengke. Saka solo niya ang kuwarto. Maghahanap din naman siya ng trabaho. Sana lang bago maubos ang pera niya ay may trabaho na siya.
“Sige po. Kukunin ko na.”
“Mabuti naman, ineng. Iyan lang ba ang dala mo?” usisa ng matanda habang nakatingin sa may kalakihang backpack na inilapag niya sa tabi ng kama.
“Opo.”
Inilabas niya ang kanyang wallet at kumuha ng pera saka inabot sa matanda.
“Ang bilis mo palang kausap. Libre na ang tubig at kuryente mo. Basta huwag mo na lang ipagsabi sa mga kasama mo rito. Iyong banyo nasa tabi lang nitong kuwarto mo. Kung may bisita ka, hanggang doon lang sa sala, ha? Pero kung babae, puwede mong patuluyin dito sa kuwarto mo. Puwede ka na ring magluto doon sa kusina kung gusto mo. Magbigay ka na lang ng share mo sa LPG sa mga kasama mo. Nagluluto iyong iba rito. Iyong iba naman ay kumakain sa karinderya.”
Napangiti nang malapad si Leamor.
“Maraming salamat po sa inyo, nanang.” Malaking bagay na iyong libre siya sa tubig at kuryente. Makakatipid siya sa gastusin.
“Nanay Nora na lang ang itawag mo sa akin. Gano’n din ang tawag sa akin ng mga nakatira rito.”
“Sige po. Maraming salamat po ulit, Nanay Nora.”
“Walang anuman, ineng. Heto pala ang susi ng kuwarto.” May inabot sa kanya ang matanda na susi at nakakabit sa keychain.
Tinalikuran na siya ng matanda ngunit bago ito tuluyang lumabas ay muli siyang nilingon.
“Ang ganda mo, ineng. Mag-ingat ka lang kapag lumalabas ng bahay, maraming loko-loko riyan sa labas. Baka mapag-trip-an ka.”
“Salamat po sa paalala, Nanay Nora.”
Nang makalabas ang matanda ay inayos na ni Leamor ang kanyang mga gamit sa cabinet. Pagkatapos niyang mag-ayos ay nagbihis siya saka biuksan niya ang orbit fan bago humilata sa kama.
Mamaya na lang siya maghahanap ng trabaho. Matutulog muna siya dahil inaantok na siya. Hindi kasi siya nakatulog kanina sa bus na sinakyan niya.
Ipinikit niya ang mga mata. Ilang sandali lang ay hinila na siya ng antok.
Nang magising si Leamor ay hapon na. Nagmamadali siyang bumangon at muling nagbihis. Kailangan niyang makabili ng mga ibang gamit tulad ng toiletries at makakain na rin. Naglakad na lang siya papunta ng palengke. Hindi na siya nagtagal pa. Ayaw niyang abutin siya ng dilim kaya bumalik din siya agad sa boarding house nang mabili na niya ang kanyang kailangan.
“Ineng, lumabas ka pala? Bakit hindi ka man lang nagpaalam sa akin, ha?” sita ni Nanay Nora nang madaanan niya ito sa kanderya
Tumaas ang isang kilay ni Leamor.
“Kailangan ko pa po bang magpaalam sa inyo kapag lalabas ako? Sa palengke lang naman po ako pumunta, ah. Bumili lang po ako ng gamit ko.” Itinaas niya ang dala-dala niyang supot.
“Hindi naman sa gano’n, ineng. Nag-aalala lang ako sa iyo. Sa ganda mong iyan, baka kung mapaano ka sa daan.”
Bahagyang natawa si Leamor sa sinabi ng matanda. Kung makapag-alala ito, matindi pa sa Tita Marie niya. Kung tutuusin ay wala sana itong pakialam sa kanya dahil boarder lang naman siya.
“Huwag po kayong mag-alala, Nanay Nora. Mag-iingat po ako lagi. Saka sandali lang naman po ako, eh. Pero sige po, sa susunod ay magpapaalam na ako tuwing lalabas ako.”
“Oo, ineng. Huwag mong kalilimutan iyon.”
“Sige po. Tutuloy na ako.”
Tinanguan lang siya nito. Pagdating niya sa kanyang kuwarto ay inayos niya agad ang kanyang pinamili. Pagkatapos ay muli siyang lumabas at tumuloy sa karinderya. Dito na muna siya kakain habang wala pa siyang trabaho. Mas makakatipid kasi siya kaysa sa kung magluluto pa siya. Bukod sa wala pa siyang gamit sa pagluluto, kailangan din niyang bumili ng lulutuin. Magastos pa rin iyon. Kaya ganito na lang muna ang set-up niya.
Natuwa pa si Nanay Nora nang makita siya nitong muli. Bukod sa ito na mismo ang nag-serve sa kanya, inuna pa siya nito kaysa sa ibang customer.
“Kumain kang mabuti. Kung may kailangan ka pa, sabihin mo lang. Unli rice at unli sabaw para sa iyo,” pabulong nitong sinabi.
Napangiti siya nang malapad.
“Maraming salamat po, Nanay Nora.”
Tinapik lang siya sa balikat ng matanda bago siya nito iniwan.
Hindi naman siya matakaw kaya okay na sa kanya ang isang order ng kanin. Pero humingi siya ng refill sa sabaw. Pagkatapos niyang kumain ay nilapitan niya si Nanay Nora at dito na siya mismo nagbayad.
Pagdating niya sa kanyang kuwarto ay naligo muna siya bago sumampa sa kanyang kama. Binuksan din niya ang kanyang dala na plastic organizer kung saan naroon ang kanyang mahahalagang dokumento. Inihanda niya ang kanyang mga gagamitin sa pag-a-aply ng trabaho. Bukas ay magsisimula na siyang maghanap ng kanyang mapapasukan.
Kinabukasan ay maagang lumabas ng boarding house si Leamor. May nadaanan siyang signage kahapon. Kinuhanan niya ito ng picture. Balak niyang puntahan iyon ngayon. Kung hindi man siya makapasok sa mga opisina kahit sa mall na lang o sa mga restaurant. Bahala na kung saan siya matatanggap.
Itinuro sa kanya ni Nanay Nora kung saan siya sasakay papunta sa destinasyon niya nang magtanong siya rito.
“Kung hindi ka matanggap diyan sa pupuntahan mo, sabihin mo agad sa akin. Iyong isang kasama mo sa bahay ay nagtatrabaho sa mall na malapit dito. Baka may bakante roon.”
“Okay po, Nanay Nora. Tatandaan ko po iyan. Aalis na po ako.”
“Mag-ingat ka, ineng.”
Nagpasalamat na lang siya saka tumuloy na. May kalayuan din ang lugar na pupuntahan niya. Inabot siya ng isang oras sa biyahe. Pero nakahinga siya nang maluwag pagdating niya sa building na iyon. Nasa third floor iyong pag-a-aplayan niya kaya sumakay siya ng elevator.
Nasa loob na siya ng elevator nang marinig ang pag-uusap ng dalawang babae na kasabay niya.
“Saang floor na nga ba iyong pupuntahan natin?”
“Sa seventh floor iyon. Sana matanggap tayo.”
“Sana nga. Balita ko kahit intern lang ay malaki na ang pasahod nila.”
“Oo nga, eh. Kaya dapat galingan natin sa exam at interview para makuha tayo.”
“Tama ka diyan.”
Napakunot ang noo ni Leamor. Kung gano'n mga bagong graduate rin ang dalawang ito katulad niya. Pero ayaw niyang maging intern kasi alam niyang maraming trabaho iyon. Mas gusto niyang mag-apply na mismo sa posisyon na may specific ng trabaho.
Nang bumukas ang elevator sa third floor ay lumabas na siya kasabay ang iba pa. Madali lang naman niyang nahanap ang pupuntahan niya dahil sa malaking karatula na naroon. Lumapit na lang siya sa may information at nagtanong rito kung saan siya pupunta.
“Miss, saan po rito puwedeng mag-submit ng resume?”
“Mag-a-apply ka? Anong position?”
Inilabas ni Leamor ang kanyang cellphone at ipinakita rito ang kinuha niyang picture. Umiling ang babaeng kausap niya.
“Sorry, miss. Pero may nakuha na ang HR kahapon pa.”
Bumagsak ang balikat ni Leamor sa kanyang narinig.
“Wala na po ba kayong bakanteng posisyon?” pangungulit niya. Gusto niya talagang magkatrabaho na.
“Wala na, miss. Sa iba ka na lang mag-apply.”
Mabigat ang dibdib na umalis si Leamor. Nang naglalakad na siya patungo sa elevator ay naalala niya iyong usapan ng dalawang babaeng nakasabay niya kaya dumiretso siya sa seventh floor. Hindi na niya kailangang magtanong pa nang makarating siya roon dahil napansin niya agad ang maraming aplikante na nakaupo roon.
“Dito ba ang pila ng mag-a-apply?” tanong niya sa isang babae nang lumapit siya sa pinakadulo.
“Oo, iyong para sa mga intern.”
Nagpasalamat siya bago umupo sa tabi nito.
Mahigit isang oras din siyang matiyagang naghintay bago siya tinawag. Ilang minuto rin siyang kinausap ng HR personnel habang patingin-tingin sa resume niya.
“Okay, tanggap ka na. Puwede ka nang magsimula bukas. Ang magiging sweldo mo ay twelve thousand per month. Hindi pa kasama rito ang overtime pay.”
Kumislap ang mga mata ni Leamor sa sinabi ng interviewer niya.
“Maraming salamat po, ma’am!” Kinamayan pa niya ito bago siya umalis.
Masayang-masaya siyang umuwi at ikinuwento pa niya ito kay Nanay Nora. Natuwa naman ang matanda sa kanya. Maaga siyang natulog ng gabing iyon. Dahil malayo ang biyahe niya, gumisng siya nang maaga kinabukasan. Ngunit sa kasamaang-palad sampung minuto na lang bago mag-alas-otso nang makarating siya sa Belarmino Building.
Tinakbo niya ang elevator saka nagmamadaling sumakay rito. Tahimik siyang nananalangin na sana umabot siya sa opisina bago mag-alas-otso. Paglabas niya ng elevator ay tumakbo siya agad. Sa kanyang pagmamadali, hindi na niya napansin ang makakasalubong niya. Naramdaman na lang niyang bumangga siya sa matigas na bagay. Bumagsak siya sa sahig. Akala niya ay pader ang nabangga niya. Pero nagulat siya nang makita ang isang lalaking nakatayo sa harapan niya.
Napasimangot siya nang mapansin niyang nakatingin ito sa baba ng katawan niya. Nang mapatingin siya sa kanyang sarili ay saka lang niya na-realize na tumaas pala ang laylayan ng suot niyang bestida kaya nahantad ang mga hita niya pati na ang kanyang panloob. Uminit ang buong mukha niya.
Mabilis niyang inayos ang kanyang damit saka siya tumayo.
“Bastos ka! Manyakis!” Balak sana niyang sampalin ito pero hindi niya maabot ang mukha nito. Hanggang dibdib lang siya ng guwapong lalaki kahit pa nakasuot siya ng stiletto na may three inches na takong.
Nagsalubong ang kilay ng lalaki. Sa sobrang inis niya ay binangga niya ang braso nito saka siya nagmartsa paalis. Kasalukuyang nagtatawag ng pangalan ang isang staff nang makarating siya sa opisina. Nakahinga siya nang maluwag. Kaya nang marinig niya ang kanyang pangalan ay nagmamadali siyang lumapit dito.
Nagkaroon sila ng fifteen minutes na orientation pagkatapos pinapirma sila ng kontrata. Binigyan na rin sila ng kanya-kanyang gagawin ng araw na iyon. Na-assign sa kanya ang mga opisina ng mga executive at VIP kasama niya roon si Rosaline.
“Leamor, magtimpla ka ng kape at dalhin mo sa opisina ng CEO. Wala iyong sekretarya niya na gagawa ng kape niya,” utos ng supervisor nila.
“Okay po, ma’am.”
Agad siyang nagpunta sa pantry at nagtimpla ng kape. Wala namang sinabi kung ano ang timpla ng kape kaya ginawa na lang niya itong medyo mapait. Siguradong matanda na si Mr. Belarmino at malamang hindi puwede rito ang sobrang tamis na kape.
Kumatok muna siya ng tatlong beses bago niya binuksan ang pinto sa opisina ng CEO. Nadatnan niya ito na nakatalikod sa mesa habang nakaupo sa swivel chair nito.
“Good morning, sir! Here’s your coffee,” wika niya nang ilapag ang kape sa mesa nito.
Mabilis namang humarap si Mr. Belarmino. Halos himatayin siya nang makita ang itsura nito.
“I-Ikaw?” Mabuti at may lumabas pang salita mula sa bibig niya. Gusto niyang manalangin na sana bumuka ang lupa at lamunin siya dahil ang CEO ng kompanya at ang lalaking nakabangga sa kanya kanina ay iisa.
Patay siya ngayon!
“Are you one of the new interns?” Blangko ang ekspresyon ng mukha nito. Hindi niya alam kung galit ito sa kanya o sadyang malamig lang ang mga mata nito kung tumitig.
“Y-yes, s-sir,” sagot niya sabay tango.
Hindi nagsalita si Mr. Belarmino. Inabot nito ang kape at sumimsim dito.
“What did you say a while ago?”
Napalunok si Leamor. Hindi niya magawang sagutin ang tanong nito.
“Bastos? Manyakis?”
Mariing napapikit ang dalaga. Gusto na niyang tumakbo palabas ng opisina pero nanlambot ang mga tuhod niya at hindi niya magawang kumilos.
“Then let me prove now that your words are true. Undress yourself!”
Napamulat si Leamor. Hindi na lang ang mga tuhod niya ang nangatog. Ang buong katawan niya ay nanginginig na.
“S-Sir…?”
Dumilim ang mukha ni Mr. Belarmino.
“You heard me. Take off your clothes, now!” Pinukpok pa nito ang mesa kaya muntik nang tumapon ang kape nito.
Naiiyak na si Leamor. Hindi niya malaman ang gagawin. Susundin ba niya ang kanyang boss? O magmamakaawa ritong patawarin siya?