Kahit na ano’ng paglilihim ni Aning sa kanyang kaibigan na si Rhea, hindi pa rin niya matiis ito. Kailangan niya pa ring may mahihingaan mula sa sitwasyong pinasukan. Hihingi ng payo kung ano ang dapat niyang gawin.
“Rheang, papaano ’to?” malungkot niyang saad. Kausap niya ngayon ang kaibigan sa telepono. “Hindi na yata ako makakaalis sa kinakaharap ko ngayon.”
“Sa laki ba naman ng perang ibinigay sa iyo at nagamit na? Paano ka pa kaya makalalabas sa problemang iyan?”
“Kung sana nag-isip muna ako bago sumang-ayon.”
“Sa totoo lang, Aning. Hindi naman problema ang tingin ko sa kalagayan mo ngayon. Kasi malaki ang naitulong ng perang ibinigay sa iyo para sa nanay mo. Tingnan mo, hindi na nagtatrabaho ngayon si Nanay. Nakakapahinga na siya. Aning matanda na ang nanay mo. Kaya kung ano man ang nararanasan mo ngayon, hayaan mo na lang at tanggapin na ikakasal ka na talaga sa isang bakla.” kasunod no’n ay halakhak mula kay Rhea.
“Rheang naman, eh. Pinagtatawanan mo pa ako."
“Uy! Teka lang, ha. Kung iisipin, Challenge iyan para sa iyo.”
“Ano’ng challenge ka riyan?” pagtataka niya.
“I-challenge mo kaya sarili mo para ma-enjoy ka habang nasa poder ka niya.”
“Ano? Seryoso?”
“Oo. Try mo kayang gawing straight ang beking iyan. Sa simple mong kagandahan, alam kong mahuhulog iyan sa iyo.”
“Hayts! Malaking kalokohan iyan, Rheang.”
“Posible naman iyon ’di ba? Lalaki pa rin iyan.”
“Sabihin mo nga. Paano ko gawing totoong lalaki ang beking iyon? Eh, ilang taon nang namumuhay na bakla iyon.”
“Malay natin. Hahahaha . . .”
“Alam mo? Ang laki ng naitulong mo. Pinalaki mo pa problema ko. Hindi ako marunong mang-akit ng lalaki kung iyan ang ipinupunto mo.”
“Alam ko. Good girl ka nga, eh. Pero, subukan mo kaya.” Maya-maya’y sumeryoso na si Rhea. “Wala namang masama kung mahulog man siya sa iyo at maging makatotohanan ang pagsasama n’yo. Hindi naman fake na kasal ang magaganap sa pagitan ninyo ’di ba?”
Natigilan si Aning. Nasa school siya ngayon habang kausap si Rhea.
“Aning, nandiyan ka pa ba?” tanong nito nang mapansing tumahimik si Aning sa kabilang linya.
“Oo. Nag-iisip lang.”
“So ano?”
“Mm, ewan. Huwag mo munang sabihin kay nanay ha. Ako na ang bahala. Sasabihin ko rin kapag kasal na kami ni Bekket.”
“Sige. Basta kung kailangan mo ng kausap, nandito lang ako. Syempre, iba pa rin kapag kay kausap ka sa tuwing may problema.”
“Alam ko iyon. Salamat at naiintindihan mo ako.”
Nasa kalagitnaan siya ng pag-uusap nang biglang narinig niya ang isang babaeng estudyante. Tumitili na para bang naiihi.
Maya-maya ay may isa pang babaeng estudyante na ganoon din ang ikinikilos. Nakaharap pa ito sa kaniya.
“Ha? Ano’ng nangyayari sa mga iyon? Parang zombie lang ang dating. Nanginginig na hindi mawari kung ano ang gagawin. At parang nagdidiliryo,” bulong niya habang tinitingnan ang mga babaeng estudyante.
Binalikan niya si Rhea sa telepono at mabilis na nagpaalam.
“Aahh!” Sabay-sabay na sigaw ng mga ito.
Sinundan ng tingin ni Aning ang isang estudyante upang malaman ang dahilan ng mga hindi maipaliwanag na pagtitili nito. Lumagpas ito sa kinaroroonan niya at doon niya nalaman ang dahilan.
“Hays . . . kaya pala. Ganoon ba talaga ang epekto ng beking ito sa ibang babae?” aniya na ang mga mata ay naniningkit. Nakayakap sa binder niya at nakakabit pa ang isang bagpack sa balikat.
Nakita niyang nagpapapicture pa ang iba kay Bekket. Sino ba naman ang hindi hahanga sa isang katulad niyang makinis ang kutis. Nakasando na kulay cream at nakasalamin ng kulay puti. Hindi ito nakadamit pang opisina ngayon. Ang sexy ng dating ni Bekket sa porma niyang iyon.
“At dito pa talaga nagkalat?” patuloy na saad ng dalaga. “Tsk. Kung alam lang ng mga babaeng iyan na bakla ang pinagkakaguluhan nila.”
Sa halip na puntahan si Bekket na nakasandal sa favorite car nito, mas pinili ni Aning na talikuran at magpatuloy sa next class niya.
Si Bekket naman ay humabol sa papalayong dalaga nang makita ito.
“Hey! Wait!” pigil niya rito.
Pero hindi siya pinansin ni Aning at nagpatuloy pa rin sa paglalakad.
“Ano ba’ng problema no’n?” tanong ni Bekket sa kanyang sarili.
Nagpatuloy pa rin sa paglalakad si Aning. Ayaw niya kasing harapin ito lalo na’t maraming babae ang nagkakandarapa rito na patuloy pa rin sa pagsunod.
Malapit na si Aning sa pintuan ng next class niya nang may sumalubong sa kanyang kaklase na lalaki.
“Nagawa mo na ba iyong assignment natin?” tanong nito na nakangiti pa sa kanya.
“Oo. Tapos na ’ko. Ikaw?” Ngumiti rin si Aning sa lalaki.
“Tapos na rin. Halika sabay na tayong pumasok sa room,” yaya nito sa dalaga.
“Mm, sige.” Wala namang masama kung pagbigyan niya itong kaklase niya.
Mabilis na lumapit si Bekket sa dalawa. Pinisil ang pisngi ni Aning sa harap mismo ng lalaking kausap.
“Aray!” daing ni Aning at napalingon sa taong pumisil ng pisngi niya. Sabay salubong ng magkabilang kilay.
“Sorry ha. Kailangan kasi kitang makausap,” ani Bekket na nanatili pa rin sa pisngi ni Aning ang kamay. At saka pagkatapos, inakbayan. “P’re, kakausapin ko lang itong Yeobo ko,” pagpapaalam nito sa lalaking kasama ni Aning.
Inaakbayan pa rin ni Bekket si Aning papunta sa kotse nito. Pinagtitinginan lang sila ng mga tao at ang iba naman ay nanghinayang sa kanilang nakitang ka-sweet-an ni Bekket kay Aning.
“Ano ba?” Iwinaksi nito ang kamay ni Bekket. “Wala ang lolo mo kaya tigilan mo iyang kakaakbay mo sa akin, ha.”
Lumapit si Bekket kay Aning. “Kahit hindi nakatingin si Lolo, kailangan pa rin nating magmukhang magkarelasyon sa mga mata ng ibang tao. Alam mo na, kilala ako kahit saan man ako magpunta.”
“Oy! Hindi ka kilala ng mga estudyante rito,” sabi niya.
“Nagkakamali ka. Alam mo bang nagbigay ako ng malaking halaga sa school na ito? Nakita mo ’yung isang building doon?” Sabay turo niya. “Ako ang nagpagawa no’n.”
“Pfft!”
“Oh, bakit?”
“Kaya pala kulay penk! Baklang-bakla ang dating. Hahaha! Ikaw pala ang nagpagawa.” Tumawa nang malakas si Aning.
“Asul paborito ko noh!” pagtatama nito. “Anyways, susunduin kita pagkatapos ng klase mo, pipili tayo ng gown mo.”
“Gown ko? Baka naman gown mo?”
“Kung puwede lang . . . why not? Kaso ikaw ang bride, eh.”
Natahimik si Aning. Wala na talaga siyang kawala.
“Sige na. Bumalik ka na sa klase mo at maghihintay ako. Last subject mo na ’di ba?”
“Mm,” malungkot nitong tugon.
Hinawakan ni Bekket ang kaniyang ulo at inaayos ang kaniyang buhok.
“’Yan, ganyan. Hindi ka ba nagsuklay ng buhok, girl? Parang dinaanan ng bagyo itong hair mo, ah.” Patuloy lang ito sa pag-aayos ng buhok ng dalaga. “Hayan, sige na.” Sabay biglang halik sa kaniyang noo.
Pinukulan naman siya ng nanlilisik na tingin ni Aning.
“Whats with that looks, girl? I need to kiss you. Maraming nakatingin sa atin.” Dahilan nito na siya namang totoo. Marami pa ring mga mata ang nakatingin sa kanila.
Umalis na si Aning at naiwan si Bekket sa kotse. Sumandal na muli at kumaway pa sa dalaga.
“Hays . . . she's so cute. Pero mas cute ako.” Pagkatapos ay pumasok ng kotse at maghihintay hanggang sa matapos ang klase ni Aning.