Hapon noon ng alas tres nang magpasyang lumabas sa hardin si Selena. Nakita niya ang hardinero ng mga Lemman na tingin niya ay kasing edad lang halos ng kaniyang itay. Nakilala niya na rin naman ito at magaan din ang loob niya rito kaya walang pag-aatubili niya itong nilapitan.
"Magandang hapon po, Tatay Iggy," pagbati ni Selena sa paglapit niya rito.
"Ikaw pala, Selena," nakangiti namang sagot ni Tatay Iggy.
"Maaga po yata ang uwi ninyo ngayon?" ani Selena nang mapansin niyang tila naghahanda na ang hardinero sa pag-alis. Natatandaan niya kasing sa ilang araw niya na roon sa mansiyon ay tuwing alas kuwatro ng hapon pa naggagayak si Tatay Iggy.
"Oo. Nagpaalam na ako kina señor kanina. Nagpapasama kasi ang anak ko sa pagbili ng mga kakailanganin niya sa eskwelahan bago pa magpasukan. Hapon na pero makakaabot pa naman kami," mahabang sagot ni Tatay Iggy.
"Babae po ba ang anak ninyo? Ilang taon na po siya?" sunod na tanong ni Selena.
"Oo, babae. Kaedaran mo lang din siguro siya. Sixteen na siya at kagaya mo ay magsisimula pa lang din siya sa senior high school," saad ni Tatay Iggy.
"Ahmm... Nasa ikalawang taon na po dapat ako ng senior high school ngayon... Nagkaproblema lang po ako sa pinanggalingan kong school kaya hindi ko po natapos," nagkibit balikat pa si Selena bago muling nagpatuloy, "magsisimula po ulit ako ngayon."
"Ganoon ba, sayang naman..."
Ngumiti lang si Selena bilang pagtugon.
"Siya, mauna na ako ha? Hinihintay na ako ng anak ko eh," paalam na ni Tatay Iggy.
"Sige po, mag-iingat po kayo," saad naman ni Selena.
"Mukhang magkakasundo kayo ng anak ko. Sayang lang at hindi kayo magkakakilala dahil sa public school ko lang siya i-e-enroll," pahabol pang turan ni Tatay Iggy bago ito tuluyang naglakad.
Bahagya namang natigilan at napaisip si Selena. May ideyang pumasok sa kaniyang isipan at dali-dali siyang pumasok sa loob ng mansiyon upang kausapin ang mag-asawang Lemman.
"Manang Aida, saan ko po ba puwedeng makausap sina Señor Clenton?" naabutan ni Selena si Manang Aida na nasa kusina.
"May kailangan ka ba sa kanila? Nasa kuwarto lang nila sila ngayon, nagpapahinga dahil Linggo. Bukas ay balik na sila sa trabaho. Maaari mo naman silang puntahan doon kung gusto mo," sagot ni Manang Aida at sinabi pa nito sa kaniya kung saang banda sa itaas makikita ang kuwarto ng kanilang amo.
"Sige po, pupuntahan ko na lang. Kailangan ko lang po talaga silang makausap," ani Selena at umakyat na sa hagdanan upang puntahan ang kuwarto ng mag-asawa.
Mararahang katok ang ginawa ni Selena at mabilis namang nagbukas ang pinto. Si Señora Shiela ang bumungad sa kaniya.
"P-Pasensiya na p-po sa istorbo, señora," mabilis kaagad na paghingi ng paumanhin ni Selena.
"Selena, ikaw pala. Halika, pasok ka," niluwagan ni Señora Shiela ang bukas ng pinto.
Kiming pumasok sa loob ng kuwarto si Selena. Kahit na nahihiya ay nagawa pa niyang mailibot ang paningin sa loob. Ang luwang ng kuwarto at sa tingin niya ay triple niyon ang laki sa kuwarto nila ni Manang Aida.
"May problema ba, Selena?" paglingon naman ni Señor Clenton na nakaupo habang nakaharap sa computer nito.
"P-Pasensiya na po kayo, Señor Clenton. May gusto lang po sana akong ipagpaalam," umpisa ni Selena.
Naglakad naman si Señora Shiela palapit sa asawa nito.
"Ano iyon?" pumihit si Señor Clenton paharap kay Selena.
"Gusto ko po sanang sabihin na sa public school na lang po ako papasok," medyo alanganing saad ni Selena.
Nagkatinginan naman ang mag-asawang Lemman bago muling bumaling ng tingin kay Selena.
"Bakit naman, Selena? Galing ka sa isang private at sikat na eskwelahan sa San Andres... That's why I think you should be in a private school still," komento ni Señora Shiela.
"Naisip ko lang po kasi, baka mas maging madali sa akin kung sa public school na lang po ako. Isa pa po ay para hindi na po masyadong malaki ang magastos sa pag-aaral ko. Makakaipon po ako mula sa sasahurin ko rito nang hindi napupunta lahat sa tuition ko," paliwanag ni Selena.
"But we can pay for your tuition without getting it from your salary," sambit naman ni Señor Clenton.
"Iyon na nga po... Naisip ko na pong baka gawin niyo nga iyon kaya nahihiya po ako... Ipinagpapasalamat ko po iyon kung sakali. Pero gusto ko po sanang maging magaan lang po ang lahat sa atin. At isa pa po ay napakalaking tulong na ang tinanggap ninyo ako rito kaya sapat na po iyon," paliwanag muli ni Selena.
Nakakaunawa namang sabay na napatango ang mag-asawa. Napangiti naman si Selena sapagkat hindi naman pala siya mahihirapang mapapayag ang mag-asawa.
"Pasasamahan na lamang kita sa isa sa mga kasamahan mo rito na makakita ng public school na mapapasukan mo," saad ni Señora Shiela.
"Meron na po akong balak sana. Magpapatulong na lang po ako sana kay Tatay Iggy. Nabanggit niya po kasing ang anak niya ay senior high school din at nag-aaral sa public school. Baka doon na lang po ako," mabilis na sagot ni Selena.
Nang araw ding iyon ay tinawagan ni Señora Shiela si Tatay Iggy upang sabihin ang balak ni Selena. Masaya namang sinabi ni Tatay Iggy na pasasabayin na ang anak nito kay Selena pagdating ng kinabukasan.
************
Masayang nagpaalaman sina Selena at Lilibeth pagkalabas nila ng eskwelahan. Lunes noon at unang linggo ng klase nila. Noong nakaraang Lunes sila nagkakilala at sabay nga silang nagpa-enroll.
"See you tomorrow, Lilibeth," sambit ni Selena.
Tango at ngiti lang naman ang isinagot ni Lilibeth bago ito nagsimulang maglakad. Nagpapasalamat si Selena na magkaibang direksiyon ang daan nila ni Lilibeth pauwi. Dahil nga sa may kakayanan si Selena na makita o maramdaman kaagad kung makakagaanan niya ba ng loob ang isang tao, nakita niya kaagad na hindi kasama si Lilibeth doon. Hindi naman sa masamang tao si Lilibeth, sadyang nakita niya lang na hindi siya bet maging kaibigan ng anak ni Tatay Iggy. Mabait naman at kinakausap siya nang ayos ni Lilibeth. Napaisip na lang si Selena na hindi talaga lahat ng tao sa paligid ay maaari kang magustuhan. Iyon ang isang reality sa mundo ng mga tao. Hindi mo mapi-please lahat ng tao, mabait man iyan o hindi.
"Kuya, sa Ciero Mil po," wika ni Selena bago sumakay sa tricycle na sadyang nasa pilahan na para sa mga pasahero.
"Ciero Mil?" tila naniniyak pang sinilip ng driver si Selena sa loob ng tricycle nito.
"Opo," nakangiting pagsagot ni Selena.
Naisip ni Selena na baka nagtataka ang tricycle driver dahil halos mayayaman lang talaga ang nakatira sa Ciero Mil. Iyon kasi ang subdivision kung nasaan ang mansiyon ng mga Lemman. Malaki ang subdivision na iyon kumpara sa mga normal lang na subdivision.
Pagkaabot ni Selena ng bayad sa driver ay nginitian niya pa ito bago siya tumalikod. Maglalakad na siya papasok sa Ciero Mil dahil bawal ang mga tricycle sa loob niyon maliban na lamang kung pag-aari mismo ng nakatira roon o kaya'y may pahintulot ng may-ari ang pagpasok ng tricycle. Ayaw niya rin naman sa ideyang ipagpapaalam niya pa sa mga Lemman ang tungkol sa tricycle. Ayos naman na sa kaniyang maglakad papasok sa loob dahil madali na lang naman ang maglakad.
Pagkarating niya sa gate ng mga Lemman ay kaagad iyong binuksan ng guwardiya. Binati niya ang guwardiya kahit na alam niyang hindi siya nito babatiin pabalik. Napakaseryoso ng guwardiyang iyon ngunit alam ni Selena na napakabait nitong tao. Marahil ay hindi lang talaga mahilig makipagbatian ang guwardiya.
Nang makapasok na si Selena sa mansiyon ay tila may kakaibang awra siyang naramdaman. Mas lalo na nang maabutan niya si Manang Aida sa kuwarto nila na nakaupo lang at tila hindi mapakali.
"Manang Aida, may problema po ba?" kagyat na tanong ni Selena.
"Naku, Selena, dito ka muna. Huwag ka munang pupunta sa kusina," medyo natatarantang sagot ni Manang Aida.
"Po?" nangunot ang noo ni Selena dahil sa ikinilos ng mayordoma.
"Basta! Mamaya ka na tumulong kay Fely sa kusina," ani Manang Aida.
Hindi na lang umimik pa si Selena at inilagay na ang kaniyang bag sa sabitan. Kumuha na rin siya ng bihisan upang magpalit sana ngunit bigla na naman siyang pinigilan ni Manang Aida. Sa CR kasi siya nagpapalit kapag nandoon si Manang Aida dahil naiilang din siya kahit papano. Isa pa ay baka aksidenteng matanggal ang kuwintas niya kaya naman nag-iingat lang siya. Hanggat maaari ay nag-iisa lang siya kapag magbibihis.
"Dito ka na lang magbihis, Selena. Huwag ka na munang lumabas," pigil ni Manang Aida.
"P-Pero h-hindi p-po kasi ako sanay na magbihis na may ibang tao... P-Pasensiya na po," napayuko pa si Selena dahil sa hiya sa pagtanggi rito.
"O, siya sige, pero iyong CR sa hindi mo na madadaanan ang kusina ang puntahan mo ha?" bilin na lamang ni Manang Aida.
Kaagad na tumango si Selena bago ito tuluyang lumabas doon. Sinunod niya ang sinabi ni Manang Aida na huwag madadaanan ang kusina. Kung tutuusin kasi ay malapit sa kusina ang kuwarto nila, nasa bandang kanan iyon paglabas sa kuwarto. Kaya naman kumaliwa siya. Sa pagkakaalam niya ay may dalawang common CR doon sa baba. Nang marating niya ang CR ay itutulak niya na sana ito nang kusa iyong bumukas. Napaawang pa ang kaniyang bibig nang isang lalaking lumabas na sa tantiya niya ay halos kaedaran niya lang. Mas matangkad sa kaniya ang lalaki. Kung susumahin, maaaring nasa five-seven ang height nito habang siya ay five-five. Sobrang puti rin ng lalaki at maigsi lang ang buhok nito. Hindi niya alam kung bakit napagala ang mga mata niya sa mukha ng lalaki. Kulay brown ang mga mata nito, matangos ang ilong, at mapula ang mga labi. Tila na-i-ha-hawig pa niya ito kay Señor Clenton.
"Who are you?" kunot ang noong tinitigan siya ng lalaki mula ulo hanggang paa.
Napalunok si Selena. Kagabi lang ay nagulat siya nang may makitang babae sa kusina na hindi niya pa nakikita roon dati. Ngayon naman ay isang lalaki naman.
"I said who are you?" untag muli ng lalaki.
"Ah... A-ako s-si S-Selena..." utal na sagot ni Selena at humigpit pa ang pagkakahawak niya sa mga pamalit na hawak.
"I'm not asking for your name," kalmado ang boses na sagot ng lalaki.
Napalunok muli si Selena. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit tila nawala ang kakayanan niyang makita o maramdaman kung mabait ba ang lalaking kaharap at sadyang suplado lang makipag-usap.
"I-I'm o-one o-of t-the m-maids h-here..." utal pa ring sagot ni Selena. Pinili pa nitong sagutin sa wikang Ingles ang lalaki dahil sa isiping baka hindi siya nito maintindihan.
Halos tumigil naman ang paghinga ni Selena nang bigla na lamang umalis ang lalaki. Hindi na ito nagsalita matapos ang naging sagot niya at basta na lamang siya nitong nilampasan. Kahit na ang lakas pa rin ng kabog ng dibdib niya ay nagawa niya pa rin namang pumasok sa loob ng CR upang makapagpalit.
Palaisipan sa kaniya kung sino ang lalaking iyon at bakit ito kahawig ni Señor Clenton..