Lumipas ang mga araw at dinarayo na ang unibersidad ng iba't ibang taong nanggaling sa gobyerno, maging sa kapulisan. Totoo nga ang sinabi ni Kye na gumagawa na ang mga ito ng aksyon hinggil sa mga nangyaring pagpatay. Gayon pa man, sa huli ay hindi rin nagtagumpay ang mga ito.
Wala sinuman ang nakatukoy kung sino ang suspek sa likod ng krimen na ito. Kahit pa ang mga magagaling na tiktik ay walang napatunayan. Wala talagang nakakaalam, kaya sa huli ay hinayaan na lamang nila ito dahil natigil na rin naman.
Ilang buwan na rin simula nang hindi nagparamdam ang killer. Tuluyan na ngang naging tahimik ang campus, kaya maging ang ibang estudyante ay nagsibalikan na rito, kabilang na si Lucille.
"My god, finally this has come to its end," tuwang-tuwa na sabi niya.
Nasa loob kami ng cafeteria at nagkukuwentuhan sa mga nangyari. Nagulat na lang din ako dahil bigla siyang sumulpot at ipinaalam sa akin na opisyal na siyang babalik sa Luxvard.
"Don't you have doubts?" tanong ko.
She shook her head. "Ilang buwan na rin naman, 'di ba? Baka wala na talaga. Saka mas mahigpit na ang security natin, ewan ko na lang kung magpakita pa 'yang killer na 'yan."
"We're not sure," kibit-balikat ko. "Wala ngang nakatukoy kung sino ang killer, eh. Maybe one day, bumalik ulit 'yon."
"Margot, don't scare me."
"I'm not trying to scare you, Lucille. I'm just telling you the truth para maging aware ka rin."
"Of course I am aware," she said. "I'm just trying to be positive. Kaya ikaw, huwag kang nega palagi."
"Not that I'm nega, just aware."
"Okay, fine. So how is my baby?" pag-iiba niya ng usapan.
"Well, he's doing fine," I answered. "Alam mo ba, nagulat din 'yon noong sinabi kong aalis ka."
Nag-angat siya ng kilay. "Really?"
Tumango ako. "May balak nga sana akong paglapitin kayong dalawa, pero umalis ka. 'Yan tuloy, nawalan na ako ng gana ngayon."
"Hoy, bakit?" simangot niya. "Simulan mo na lang ngayon total bumalik na rin naman ako."
"Ayan kasi paalis-alis pa, eh."
"So, ano na nga? Kailan 'yong huling naka-receive siya ng love letter galing sa mga mahaharot na babae dito sa university?"
"Wow, makasabi ng maharot parang siya mismo hindi maharot, eh."
"Ano ka ba? I'm not denying it naman, 'no. Ang punto ko lang dito, mas maharot 'yong mga ibang babae sa akin, hindi naman pinapansin."
"Eh, hindi ka nga rin pinapansin."
"Alam mo nakakainis ka, napaka-epal mo. Akala ko ba support mo ako?"
"Joke lang," tawa ko. "Siyempre support kita!"
"Oh, so ano na nga? Kailan siya huling naka-receive ng love letter or cheap chocolates?"
"Kahapon lang," ngisi ko.
"Kahapon?" Halata sa mukha niya ang galit. "Bakit kahapon? Bakit hindi siya tigilan ng mga 'yan? Naiinis na ako ah!"
"Eh, kung mas magaling ba naman silang duma-moves kaysa sa 'yo."
"Ang hirap kasing mag-first move, eh."
"Hay, ewan ko sa 'yo," irap ko.
Mukha lang akong naiinis, pero sa totoo lang ay tawang-tawa na naman ako sa Lucille na ito. Hirap na hirap talaga siyang mag-first move kay Psalm, kaya nag-iisip na ako ng puwedeng gagawin.
Habang ngumunguya ng pagkain ay nginitian ako ng kasama sa nakalolokong paraan. "Oh, anong meron sa ngiti na 'yan?" tanong ko.
"Eh, kayo? Kumusta?"
Nagkunot-noo ako. "Anong kayo?"
"Ano ka ba!" irap niya sa akin. "Siyempre kapag gano'n, si Kye na ang tinutukoy ko. Ewan ko kung slow ka lang o nagpapaka-slow."
Bahagya akong uminom ng tubig. "Okay lang naman kami," mayamaya'y sabi ko.
Sa pagkakataon na ito, mas lalo pang lumawak ang ngiti niya. "Okay lang kayo? Ibig bang sabihin niyan may something na nangyayari?"
"Something ka diyan."
Hinampas niya ako sa balikat. "My god! Ito na nga ba ang sinasabi ko!"
Hindi siya natigil sa kahahampas sa akin kaya tinakbuhan ko siya sa cafeteria. Tawang-tawa naman akong nakarating sa classroom kasi hindi niya ako nahabol.
Ilang oras pa ang nakalipas at nagsimula na rin ang klase namin. Nagtataka lang ako dahil wala pa si Psalm. Naghiwalay kasi kaming dalawa during lunchtime. He told me he was going somewhere because he had an important thing to do. Hindi ko na tinanong kung ano iyon dahil mukhang nagmamadali siya.
"Nakita mo ba si Psalm?" bulong ko sa katabi ko.
Nagkibit-balikat lamang ito saka muling ibinaling ang atensyon sa guro naming nagdi-discuss sa harapan.
Palihim kong tiningnan ang selpon kong nasa bulsa ko, baka sakaling tumawag o nag-text sa akin ang kaibigan ko, pero wala. Nasaan na kaya iyong lalaking 'yon?
Humanap ako ng magandang tiyempo para magpaalam sa instructor ko. Mabuti na lamang at medyo good mood ito kaya pinayagan ako nitong magpunta saglit sa banyo. Pagkarating ko roon ay agad kong tinawagan si Psalm, ngunit hindi ito sumasagot. Kaya naman, sunod kong tinawagan si Tita Danara.
"Hello, Tita," bati ko rito nang sagutin nito ang tawag.
"Oh, Margot, bakit ka napatawag?"
"Nandiyan po ba si Psalm?" agad na tanong ko. "Nag-start na po kasi ang klase, pero hanggang ngayon ay wala pa rin po siya."
"Huh? Wala siya dito. Wala rin naman siyang sinabi sa akin na may pupuntahan siya. Ano bang sabi niya sa 'yo?"
"Ang sabi niya lang po sa akin kanina eh, may pupuntahan raw po siya kasi may importante siyang gagawin? Hindi naman po niya sinabi sa akin kung ano 'yon."
"My goodness, nasaan na ang batang 'yon?" nag-aalalang tanong nito. "Hindi man lang ba siya tumawag sa 'yo?"
"Hindi po, Tita. I've been texting and calling him, but he's not responding. I'm worried po baka kung ano nang nangyari doon."
"I'll try to call him and I'll inform you immediately, ha?"
"Yes, Tita. Balik na rin po ako sa room kasi baka magalit na prof ko, five minutes lang po ibinigay niyang time sa akin."
"Okay, Hija, mag-iingat ka."
Ibinaba ko na ang tawag saka bumalik sa room. Habang nagtuturo ang instructor namin ay oras-oras ko ring tinitingnan ang selpon ko, umaasang may update na galing kay Tita, ngunit maging dito ay wala rin akong natanggap.
Hanggang sa matapos ang klase sa buong araw ay hindi pa rin dumarating si Psalm. Ngunit bago ako umuwi ay paulit-ulit ko muna siyang tinawagan, pero wala talagang sumasagot. Maging si Tita Danara ay hindi na rin nagre-reply sa mga text ko.
Nang papunta na ako sa parking area ay nahagilap ng mga mata ko ang sasakyan ng kaibigan ko. Lumawak bigla ang ngiti ko habang papunta roon, ngunit naglaho rin lang iyon bigla nang sumilip ako sa loob at hindi siya nakita. Kung nandito ang kotse niya, nasaan siya?
As I hold the door, to my surprise, the car had opened. Ang mas lalo pang nagpakaba sa akin ay ang mga dugong nasa upuan.
Where did those bloods come from?