Ilang araw matapos ang pagkawala ni Don Ignacio at ang tuluyang pagbagsak ng kanyang loob, niyanig ang mundo ng negosyo sa Maynila. Sunud-sunod na bumagsak ang halaga ng mga kumpanyang pinatatakbo ng pamilyang Montecillo. Ang mga bangkong dati nilang nalalapitan para sa malalaking pautang ay biglang umatras, habang isa-isang kinansela ang kanilang mga kontrata matapos ilabas ng Agustin Empire sa publiko ang mga dokumento tungkol sa mga ilegal na gawain ng kanilang pamilya.
Sa gitna ng kaguluhang iyon, nagpatawag ng emergency meeting si Atty. Victor Montecillo, ang nakababatang kapatid ni Don Ignacio at isa sa mga taong sangkot sa ilegal na pag-angkin ng lupa noon pabalik-balik siyang naglalakad sa loob ng kanyang opisina habang hawak ang mga dokumentong sunod-sunod na dumarating sa kanyang mesa.
"Ano ba ang nangyayari? Bakit biglang nagkagulo ang lahat ng accounts natin? galit niyang tanong.
Hindi pa man nakakasagot ang kanyang sekretarya ay biglang bumukas ang pinto. Nanlaki ang mga mata ni Victor nang makita ang kanyang mga pribadong guwardiya na nakabulagta sa labas. Ang ilan ay duguan habang ang iba naman ay walang malay.
Sa pintuan ay nakatayo si Malia Agustin kasama ang dalawang tauhan ng Agustin Empire. Suot niya ang puting blazer na nakapatong sa itim na silk dress. Kalma ang kanyang mukha, ngunit malamig ang kanyang mga mata.
"Sino ka? Paano ka nakapasok dito? nanginginig na tanong ni Victor habang mabilis na inaabot ang drawer ng kanyang mesa.
Bago pa man niya tuluyang mabuksan iyon, mabilis na bumunot ng baril si Malia at nagpaputok sa gilid ng mesa. Umalingawngaw ang malakas na putok sa buong opisina at napaatras si Victor sa takot.
"Huwag mo nang subukan, Attorney" malamig na sabi ni Malia habang dahan-dahan siyang lumalapit.
Nang tuluyan siyang makalapit sa mesa, tinitigan niya nang mabuti ang lalaking matagal na niyang hinahanap hindi niya kailangang hulaan kung sino si Victor. Kilalang-kilala niya ito mula sa mga dokumentong matagal nang hawak ng Agustin Empire. Si Victor ang isa sa mga pumirma sa mga pekeng dokumentong ginamit upang maagaw ang lupa ng kanyang pamilya labinlimang taon na ang nakalipas.
Unti-unting namutla si Victor nang makilala niya ang mukha ni Malia may kakaibang pamilyar sa mga mata nito, at sa ilang segundo ay tila bumalik sa kanyang alaala ang isang pamilyang minsan nilang pinaalis sa kanilang lupain.
" Eh ee..ikaw yung pamilya na ipinaalis namin sa bukid noon" mahina niyang sabi.
"Tumpak" seryosong sagot ni Malia.
Inilagay niya ang dalawang kamay sa ibabaw ng mesa at bahagyang yumuko.
Labinlimang taon na ang nakalipas pumirma ka ng mga dokumento para maagaw ang lupa ng pamilya ko.Dahil sa mga ginawa ninyo, nawala sa amin ang lahat. At hindi lang lupa ang nawala sa akin pati ang mga magulang ko.
"Patawarin mo ako, Malia" hindi ako ang nag-utos noon si Kuya Ignacio ang nagdesisyon mabilis na pagdadahilan ni Victor habang napaatras ang kanyang upuan.
"Magkapatid kayo" putol ni Malia. "Magkasama kayong nakinabang sa hirap ng mga magulang ko, magkasama kayong kumain sa perang nakuha ninyo sa aming pamilya, kaya tama lang na magkasama rin kayong bumagsak.
Hindi na nakasagot si Victor.
Inihagis ni Malia sa ibabaw ng mesa ang isang folder. Bumukas iyon at lumitaw ang kopya ng kasulatan ng pag-aari na nakuha mula sa vault ng kumpanya.
"Nilagdaan mo ang pagkawala ng pamilya ko noon, malamig niyang sabi ngayon ako naman ang magtatapos sa lahat ng itinayo ng pamilya ninyo."
Tumalikod siya at nagbigay ng senyas sa kanyang mga tauhan.
"Kunin ninyo ang lahat huwag kayong mag-iwan ng kahit isang sentimo."
Agad na kumilos ang mga tauhan ng Agustin Empire kinuha nila ang mga dokumento, financial records, at iba pang mahahalagang papeles ng kumpanya. Habang pinapanood iyon ni Victor, unti-unti niyang naramdaman na tuluyan nang nawawala sa kanya ang lahat.
Ngunit hindi pa tapos si Malia.
Ang susunod niyang target ay ang mismong pinagmumulan ng kapangyarihan ng pamilya Montecillo, ang bilyun-bilyong pisong pera at mga nakatagong accounts sa ibang bansa na ginagamit nila upang mapanatili ang kanilang marangyang buhay at impluwensiya.
Sa loob ng pribadong opisina sa itaas na palapag ng Agustin Tower, nakaupo si Malia sa harap ng malaking screen kasama ang financial team ng Agustin Empire. Isa-isang lumilitaw sa screen ang mga rekord ng mga kumpanya at account na konektado sa mga Montecillo.
"Kumusta ang operasyon" tanong ni Malia.
"Tagumpay Ma'am " sagot ng isa sa kanyang mga tauhan nakuha na natin ang mga financial records ng Montecillo Holdings. Naipasa na rin sa mga awtoridad at media ang mga dokumento tungkol sa mga ilegal nilang proyekto at hindi pagbabayad ng buwis.
Bahagyang ngumiti si Malia.
Huwag kayong titigil hanggang sa tuluyan silang mawalan ng kakayahang lumaban. Gusto kong paggising nila bukas, wala na silang perang maaasahan at wala na ring pangalan na maipagmamalaki.
Kinabukasan, naging laman ng mga pangunahing balita ang malaking pagbagsak ng Montecillo Group of Companies. Isa-isang kinuha ng mga awtoridad at pinagkakautangan ang kanilang mga sasakyan, mansyon, at iba pang ari-arian dahil sa napakalaking utang at mga kasong kinakaharap ng kanilang pamilya.
Maging ang mga kaibigan at kakampi nila sa pulitika na dati ay laging nakapaligid sa kanila ay bigla ring nawala Wala ni isa ang naglakas-loob na tumulong alam nilang wala na ang dating kapangyarihan ng mga Montecillo at ayaw nilang madamay sa mga problemang kinakaharap ng pamilya.
Samantala, sa isang lumang apartment kung saan pansamantalang nagtago si Victor, tahimik siyang nakaupo sa harap ng lumang telebisyon wala na sa kanya ang mamahaling suit na dati niyang isinusuot. Wala na rin ang mga guwardiya at mga taong dati ay sumusunod sa bawat utos niya.
Tinitigan niya ang balita tungkol sa tuluyang pagbagsak ng kanilang pamilya. Sa bawat larawang lumilitaw sa screen, lalo niyang nararamdaman ang bigat ng kanilang pagkatalo.
"Tapos na tayo," mahina niyang sambit habang napaupo sa sahig at hinawakan ang kanyang ulo.
Sa labas ng apartment ay nakaparada ang isang itim na sasakyan sa loob nito ay tahimik na pinapanood ni Malia ang lumang gusali.
Para sa kanya, hindi pa iyon ang katapusan.
Simula pa lamang iyon.
Nang gabing iyon, nagtungo ang mga natitirang miyembro ng pamilya Montecillo sa isang abandonadong resort sa bulubundukin sa labas ng lalawigan. Dati, isa ito sa mga lugar na ginagamit nila kapag gusto nilang makalayo sa mga tao. Ngunit ngayon, iyon na lamang ang natitirang lugar na maaari nilang pagtaguan.
Malakas ang buhos ng ulan sa labas madilim ang buong paligid at malamig ang loob ng lumang silid. Kasama ni Victor ang ilan sa mga tauhang nanatiling tapat sa kanilang pamilya, ngunit kahit ang mga ito ay halatang natatakot. Wala na silang pera, wala na silang dating kapangyarihan, at wala na rin ang mga taong dati nilang ginagamit bilang proteksiyon.
Tahimik na nakatingin si Victor sa pintuan nang biglang bumukas ang pintong bakal.
Isang malakas na kalabog ang umalingawngaw sa buong silid.
Napaatras ang mga tao.
Sa pintuan ay lumitaw si Malia Agustin.
Suot niya ang itim na trench coat at bahagyang basa ang kanyang buhok dahil sa ulan. Hawak niya ang kanyang baril habang mabagal siyang naglalakad papasok. Sa labas ay mabilis na kumilos ang mga tauhan ng Agustin Empire at napabagsak ang mga natitirang guwardiya ng mga Montecillo.
Napaatras si Victor hanggang sa matamaan ng kanyang katawan ang isang sirang upuan. Muntik siyang matumba bago tuluyang napasandal sa pader.
"Huwag na huwag kang lalapit sa akin" sigaw niya habang nanginginig ang mga kamay.
Hindi huminto si Malia. Dahan-dahan siyang lumapit hanggang sa ilang hakbang na lamang ang pagitan nila.
"Labinlimang taon na ang lumipas" sabi ni Malia. "Labinlimang taon mula nang makita ko ang mga magulang ko na nakahandusay sa lupa, labinlimang taon mula nang mawala ang lahat sa akin dahil sa mga ginawa ng pamilya ninyo.
Hindi makasagot si Victor.
"Ngayon, narito ka sa harapan ko wala nang pera wala nang mga tauhan wala nang mga taong makapagtatago sa iyo."
"Patawarin mo ako, Malia"sigaw ni Victor habang tumutulo ang luha sa kanyang mukha. "nagkamali ako h indi ko dapat ginawa iyon
"Patawarin mo ako"
Tinitigan lamang siya ni Malia.
"Ang kapatawaran ay para sa mga taong marunong umako ng kasalanan. Pero ang pamilya ninyo, ilang buhay ang sinira ninyo? Ilang pamilya ang inapi ninyo dahil lang sa pera at kapangyarihan.
Napayuko si Victor.
"Hindi ko makakalimutan ang mga nangyari sa pamilya ko hindi ko makakalimutan ang mga magulang ko. At hindi ko rin makakalimutan kung sino ang mga taong dahilan kung bakit nawala sila sa akin."
Dahan-dahang itinaas ni Malia ang kanyang baril at itinutok iyon kay Victor.
Pumikit si Victor.
Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa lumang silid.
Muling bumalik ang katahimikan tanging malakas na patak ng ulan sa bubong ang maririnig.
Makalipas ang ilang araw, kumalat sa buong bansa ang balita tungkol sa tuluyang pagbagsak ng pamilyang Montecillo. Isa-isang natagpuan ang mga natitirang miyembro ng kanilang pamilya at tuluyang nawala ang dating kapangyarihan ng kanilang angkan.
Samantala, lalo pang lumakas ang Agustin Empire sa murang edad, si Malia Agustin ay naging isa sa mga kilalang babaeng namumuno sa malaking negosyo sa bansa.
Sa itaas na palapag ng Agustin Tower, nakatayo si Malia sa harap ng malaking bintana habang hawak ang isang lumang litrato. Nandoon ang kanyang mga magulang, nakangiti sa gitna ng kanilang simpleng bukid.
Matagal niyang tinitigan ang litrato bago siya marahang nagsalita.
"Tapos na ang utang ninyo sa amin, mga Montecillo."
Humigop siya ng kanyang tsaa habang hawak pa rin ang litrato sa wakas, nagawa ko na ang matagal kong ipinangako sa sarili.
Ngunit sa kabila ng lahat ng kanyang nakamit, alam ni Malia na hindi na siya ang batang babae na dating umiiyak sa gitna ng sagingan. Isa na siyang babaeng may sariling pangalan, sariling kapangyarihan, at sariling imperyo.
At mula sa araw na iyon, wala nang sinuman ang basta-basta maglalakas-loob na apakan ang pangalan ng mga Agustin.