Malamig. Iyon ang nararamdaman ko sa buong araw na nakahiga lang ako sa kwarto. Ang tiyan ko ay parang napuno ng yelo na siyang dahilan ng panlalamig sa loob nito. Ang bawat balahibo sa katawan ko ay aakalain mong mga sundalong sumasaludo sa mas mataas sa kanila, lahat nagtatayuan sa tuwing naaalala ko ang mga salitang namutawi sa bibig ni Lumen kahapon.
Buong gabi kong inisip ang mga sinabi niya. Hindi ko alam kung seryoso ba siya dahil ang ngisi niya pagkatapos bitiwan ang mga salitang hanggang ngayon ay bumabagabag pa sa akin ay talagang nakakaloko. Kung makita man kami ng ibang tao sa ganoong posisyon ay aakalain nilang maganda kaming usapin dahil sa lawak ng ngising ipinakita niya ngunit hindi. Kailanman ay hindi magiging maganda ang mga tinuran niyang salita. Maging ako ay mapapaisip na nagbibiro lamang siya sa lawak ba naman ng ngiting ipinapakita niya at walang makikitang bahid ng pagigising seryoso sa kaniyang mga mata. Tila isang napakatipikal na biro lang ang kaniyang tinuran.
Niyakap ko ang unan na nasa tabi ko kasabay ng malalim na buntonghininga. Kanina pa paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ko ang nangyari na animl'y isang sirang plaka. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Napakalalas na ng pakiramdam ko na si Lumen nga ang pumapatay lalo pa't siya na mismo ang nagpapain ng kaniyang sarili sa patibong. Halos aminin na rin niya ang ginagawa ngunit paano ko mapapatunayan gayong tuwing nagbibitiw siya ng mga salita ay tila nawawala ako sa sarili at nakakalimutang kumuha ng mga maaaring gawing ebidensiya. Makasalubong ko nga lang siya'y tila nagiging isang semento ako sa ilalim ng tirik na araw na agad naninigas. Parang hinihipnotismo ako ng iyang mga mata at wala akong ibang magawa kundi ang kabahan lang at maghintay ng gagawin o sasabihin niya. Tila alipin sa isang mahika ng mangkukulam.
At ang bagay na talagang bumabagabag sa akin magpasahanggang ngayon ay ang dahilan kung bakit niya sinabi ang mga salitang iyon? Para takutin ako? Tingin ba niya ay titigil ako sa ginagawang pagi-imbestiga at uuwi na lang sa amin kung malaman kong siya ang pumapatay? Hindi ko alam. I have never encountered a killer na kusang ibinubunyag ang sarili.
Madalas ay pilit nilang itatanggi at gagawa ng paraan para ma-divert ang atensyon ng mga taong tingin nila ay may nalalaman na ngunit si Lumen, tila mas natutuwa pa siyang malaman na siya ang pinagdududahan ko. Na siyang lalong kaduda-duda para sa akin.
It was as if, sobra-sobra ang tuwang nararamdaman noya tuwing nalalamn niyang may nakakaalam ng ginagawa niya. Kahit mali, parang napakasaya niya na finally, may nakakakita na ng mga ginagawa niya. Na finally, hindi na niya kailangang magtago. Tila nakita na niya ang kalayaan pagkatapso ng mahabang panahon ng pagkakakulong. Ganoon ang naiisip ko tuwing naaalala ang itsura niya at ang mga salitang binibitiwan niya na alam kong ikapapahamak niya kung sa ibang tao niya sasabihin.
Tahimik akong namimili sa may tindahan ni Aling Karmen sa sumunod na gabi. Nabutas kasi 'yung batya na ginagamit ko tuwing naglalaba kaya kailangan ko ng bago. Sinabay ko na rin ang iilang tinapay at mga snacks para hindi ako palaging bumibili. Kailangan kong limitahan ang pagpunta ko sa tindahang ito dahil una, hindi ako tinigilan ni Aling Karmen at pangalawa, ayokong makita si Aling Karmen.
"Pre!" Nilingon ko ang napakalakas na sigaw pagkalabas ko sa tindahan ni Aling Karmen. Sa tapat na bahay nila ay nandoon sina Lumen at Arturo, kasama ang mga asawa nila Aling Sita at Aling Lota, at ang iba pa naming mga kapitbahay na purong mga lalaki. Tila may okasyon dahil sa dami nila at kapansin-pansin ang mga bote ng alak na nakakalat sa kanilang mga mesa. Agaw atensiyon din ang napakaliwanag na paligid dala ng mga ilaw na nakapalibot sa bahay at idagdag pa ang liwanag na dala ng napakalaking buwan.
Akala ko noong una ay hindi ako ang tinatawag kaya naman balak ko na sanang ignorahin ngunit biglang tumayo si Lumen at malawak ang ngiti habang kumakaway sa akin, naestatwa na ako sa kinatatayuan ko. "Sali ka muna sa amin! Magsaya muna tayo at masyado tayong problemado nitong mga nakaraang araw!" Halos hindi ko na maintindihan ang sinisigaw niya. Sa boses pa lang ay halatang lasing na siya ngunit sa bilis ng pag-upo niya pabalik sa kaniyang puwesto at ang paraan ng pagtungga niya sa baso, alam kong wala pa siyang balak huminto.
Lalo lang akong napaisip kung dapat ba akong lumapit o hindi. Kung wala siguro si Lumen at Arturo roon ay baka mabilis pa sa alas kwatro akong naglakad palapit ngunit ang presensiya ng dalawa ang ayoko. Pakiramdam ko ay may hindi magandang mangyayari tuwing nandiyan sila.
Tinanguan ako at sinenyasan ng asawa ni Aling Sita na sumama sa kanila. Nilingon ko muna ang bahay, iniisip kung pupunta ba ako sa kanila o uuwi na lang. I was about go home nang makitang sumisenyas ulit ang asawa ni Aling Sita. Nakakahiya naman kung hindi ko lalapitan lalo na't ialng beses na akong tinawag kaya imbes na patungong bahay ang direskyon ko, lumihis ako ng bahagya para makalapit sa kanila bitbit ang bagong batya at tabo na binili ko kina Aling Karmen. Baka mamaya ay isipin pa nilang hindi ako marunong makisama, mahirap na.
Marahan kong itinulak ang gate na gawa sa kahoy saka mabilis na pumasok at lumapit sa likuran ng asawa ni Aling Lota. Inilapag ko sa may lupa ang mga bitbit ko saka tinapik ang balikat niya bilang pagbati habang marahan ko namang tinanguan ang iba na sinuklian naman nila ng ngiti at pagtango.
"Shot ka muna. Minsan lang kami walang trabaho kaya sulitin na." Tumatawang usal ni Lumen. Tingungga niya ang inuming hawak nang hindi inaalis ang kaniyang tingin sa akin. Sigurado akong pareho kami ng iniisip at hindi iyon nakakatuwa. Nagsisimula na akong kabahan sa mga titig niyang parang nang-aasar. Tang*na, naduduwag ako kapag siya na ang tumitingin sa akin. Para akong makahiya na biglang tumitiklop ngunit hindi dahil hinahawakan kundi dahil tinititigan ng isang taong kulang yata sa pansin.
Ilang segundo ring nagtagal ang titigan namin bago ko nagawang putulin iyon at ibaling ang atensyon ko kay Arturo na siya ring nakatitig din pala sa akin. Ano ba ang problema ng dalawang ito at ako na lang palagi ang trip nila? Ganoon ba ako ka-gwapo para titigan nila? Hindi kasi nakakatuwa. Nakakailangang at nanginginig sa takot ang anti-social self ko na sila lang ang nakakapagpalabas.
"Ito, oh." Kinuha ko ang iniaabot na bote ng isang lalaki at mabilis na tinungga iyon. Wala akong balak mag-inom ngunit sa kagustuhang lumakas ang loob ay iinom ako. Agad kong ibinalik ang baso sa kanila na agad din naman nilang sinalinan ulit at ipinainom ulit sa akin. Hindi ako tumanggi dahil una, baka sabihin nilang kill joy ako at pangalawa, iniiwasan kong tignan si Lumen na hanggang ngayon ay nakatingin pa rin sa akin. "Aba'y malakas palang uminom itong binatang ito?" Masayang usal ng lalaki pagkabalik kong muli ng baso.
Malaks na nagtawanan ang mga kasama nila. "Manok ko 'to!" Sigaw ng asawa ni Aling Sita habang pilit na hinahawakan ang balikat ko. Yumuko ako para maabot niya iyon at nang tuluyang magawa, nagsisi agad ako dahil halos ubuhin na ako sa sobrang higpit ng pagkakaakbay niya sa akin.
"O, dahan-dahan lang po sa pag-akbay at nasasakal si Joseph. Baka mamaya ay matuluyan. Hindi pwede dahil..." Hindi ko na napigilan ang mga mata nang mabilis na bumaling ang mga iyon sa direksyon ni Lumen nang magsalita ito. Nagtama agad ang tinginan namin na siyang pinakaayoko sa lahat. Tititigan ko na ang manok, huwag lang ang mga nakakatakot na mata ni Lumen. May ibinulong siyang hindi ko maintindihan. Ngumisi siya pagkatapos at agad na nilagok ang boteng nasa harapan niya saka walang sabing umalis.
Ano ba talaga kasi ang gusto niya? Ano ang ipinapahiwatig niya? Sa ilang taon ko sa trabahong ito, kailanman ay hindi ako nahirapang basahin ang iniisip ng mga taong nakakaharap ko ngunit iba itong kay Lumen. Tila may napakataas na pader na nakaharang sa mga iniisip niya at hindi ko magawang hulaan man lang iyon. Palagi na lang akong naliligaw sa mga salita niyang tagalog naman ngunit tila banyaga ang mga iyon sa akin.
Wala ni isa ang pumigil sa pag-alis ni Lumen. Sinulyapan lamang siya ni Arturo tapos ay walang imik na lang na uminom. Taliwas sa ingay ng mga kasama, miminsang ngiti at tawa lang ang ambag ni Arturo. Well, pati rin naman ako kaso hindi gaya niya, humahanap na kang ako ng tiyempo para makapagpaalam at makauwi na.
Kailangan ko pang pag-aralan ang mga nakuha kong mga sample mula sa damit ng mga biktima noong nakaraan. Kailangan kong ipadala ang mga iyon kay Chexter sa lalong madaling panahon para mai-check kung tugma ba ang mga dugong ginamit pansulat sa mga damit nila.
Isa rin iyon sa mga kailangan kong alamin oras na makilala na kung sino ang pumapatay. Bakit kailangang dugo pa ang ipangguhit niya? Bakit siya pumapatay? Ano ang motibo niya? Ano ang dahilan niya?
Mula sa unang batang biktimang nakita ko hanggang sa pinakabgo, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng mga pattern na nakaguhit sa kanilang mga damit. Ang pagkakatulad lang ay lahat sila ay mga bata, may suot na kulay puting t-shirt, at dugo ang ginamit na pangguhit sa kanilang mga kasuotan.
"Talaga bang nagpunta ka rito para alamin kung sino ang pumapatay sa mga bata?" Hindi ko alam kung lasing ba ang lalaking bigla na lang kumausap sa akin o hindi. Hindi ko siya kilala ngunit nakikita ko siya palagi tuwing nagsasama-sama ng ganito ang lahat. "Narinig ko nang pag-usapan ni Sita at Lota noong nakaraan." Paliwanag niya nang mapansin siguro ang gulat at pagtataka ko. Natatandaan kong nakiusap ako sa dalawang Ale noon na huwag ipagsabi ang totoong dahilan ng ipinunta ko rito ngunit inasahan ko rin naman na hindi nila matutupad ang pangakong isesekreto iyon. Hindi ko lang talaga inaasahan na ganito kabilis kakalat ang balita. Mukhang pasmado talaga ang bibig ng dalawang Ale at wala na akong magagawa roon.
"Talaga?" Bakas sa boses ni Arturo ang kagalakan at gulat nang bigla siyang sumingit, akmang sasagot na sana ako sa matanda. "Hinahanap mo ang pumapatay ng bata? Hindi ka ba natatakot?" Nilingon ko siya at marahang umiling.
Hindi ako natutuwa na alam na nila ang totoong pakay ko sa lugar na ito dahil posibleng makarating agad ang balita sa kriminal. Lalo pa't si Lumen ang tanging suspect ko na nakatira malapit rito sa inyo. Ngunit ano pa ba ang magagawa ko? Alam na nila.
"Totoo." Bumuntoghininga ako, pilit kinakalma ang kumakalabog na puso. "Nagpunta ako para tulungan kayong matuldukan ang pagpatay rito."
"Kung ganoon," nilingon ko si Arturo na nakangiti sa akin. Ngayon ko lang yata siya nakitang ngumiti at talagang para sa akin pa. "Gsuto mo, tulungan kitang maghanap? Magaling akong mag imbestiga at hindi rin ako madaldal o tsismosa!" Bakas ang kagalakan sa tono ng boses niya. Halos mapatayo pa siya at mapapalakpak na animo'y talagang nakakatuwa ang usapan.
Hindi naman masamang magpatulong, hindi ba? Wala naman sa usapan namin ni Chexter na bawal akong magpatulong. Ang usapan lang ay tutupad siya sa pangako kung magagawa kong hulihin ang kriminal at tingin ko ay malapit na iyon. Isa pa, kailangan ko talaga ng tulong dahil matatagalan ako masyado kung mag-isa ako. Sa siyudad ay isang buong team kami na madalas ay umaabot ng lima ang miyembro kaya madaling gawin ang mga trabaho ngunit dito, wala akong ibang katulong kundi ang sarili ko.
Alam kong hindi ko pwedeng ipakita at ipaalam ang mga impormasyong nalalaman ko kung kani-kanino ng ganoon lang kadali ngunit pakiramdam ko naman ay ayos lang lalo na't taga rito rin naman siya at para rin naman sa kanila ang trabahong ginagawa ko.
Kung mag tamper man siya ng ebidensiya, aakuin ko na lang ang kasalanan. Iyon naman talaga ang dapat dahil ako ang nagdesisyon na patulungin siya kahit na alam kong hindi maaari. Kung may mangyari mang hindi maganda, aakuin ko ang lahat ng kasalanan. Bahala na, basta ang gusto ko ay matapos na lang ang lahat ng ito.
Hindi pa man ako sumasagot ay tuluyan na siyang tumayo na may kasabay pang pagpalakpak. Malawak ang ngiti niya. Tila nakapulot siya ng isang milyon sa kalsada sa sobrang saya niya. Gaya ng mga bituin tywing gabi, kumikislap ang kaniyang mga mata. "Tutulungan na kita mula ngayon." Inosenteng usal niya habang masaya pa ring nakatitig sa akin.
Tumango ako. "Yeah, sige. Sana lang ay mahanap na natin agad ang mamamatay bata." At sana lang ay hindi ko pagsisihan ang desisyon kong ito.