"One hour drive papuntang Bayan ng Assunta mula dito sa atin. Pagdating doon, babyahe pa papasok at papunta sa dulo ng Assunta saka pa lang makikita ang daan papuntang Bagong Baryo..." Nakanganga ako habang pinapakinggang ang paliwanag ni Chexter.
Madaling araw na at naghahanda na ano sa pag-alis pero ngayon pa lang itinuturo ni Chexter ang daan sa akin. "Sa dulo ng Assunta, may maliit na tila gubat doon at doon daw ang daan papunta sa baryong ito. Liblib masyado ang lugar kaya rin siguro walang mga nagiimbestiga sa lugar. Sigurado ka bang gusto mong gawin ito?"
Hindi ko na rin alam. Pakiramdam ko ay maling pinairal ko na naman ang pagiging bida-bida ko. Habang pinapakinggan ko ang mga direksyong itinuturo ni Chexter, pakiramdam ko ay dulo ng mundo ang pupuntahan ko. Hindi ko maiwasang hindi ma-imagine kung gaano kaliblib ang lugar na iyon.
Ilang sandali pa ay nakita ko na lang ang sarili ko na minamaneho ang kotseng ipinahiram ni Chexter sa akin. Kahit na nagmamaneho na papunta sa lugar, ang isip at puso ko ay parang naiwan sa bahay. Gusto kong bumalik at ipagpatuloy na lang ang tulog ko kaysa ang magmaneho sa madilim na daan sa ganitong oras.
"Masyado kang bida-bida, Joseph. Ayan tuloy..." bulong ko sa sarili.
Alam ko ang Bayan ng Assunta ngunit kailanman ay hindi pa ako nakakapunta rito. Bumungad sa akin ang maliit at lumang bakal na arko na nagsasabing nasa Assunta na nga ako. Dalawang kanto sa magkabilang gilid ng highway ang magkatapat. Ang arko ay nasa kanang kanto kung saan pagpasok ay may maliit at luma ring gusali ngunit hindi gaya ng daan na madilim, may liwanag ang gusali at may lalaking bakaupo sa bakuna nito.
Inihinto ko ang kotse sa tapat ng gusali at saka bumaba bitbit ang mga papel na ipinadala ni Chexter kagabi. "Magandang umaga po. Ito tanggapan ng Assunta?"
Ilang sandali akong tinitigan ng lalaki bago bumaling ang tingin niya sa sasakyan ko tapos pabalik sa akin saka mabagal na tumango. May katandaan na ito at medyo payat. Nakasuot din na itim na longsleeve at pantalon. May hawak itong kape at may tinapay na nakalapag sa gilid niya. "Ito nga. Sino ka?"
"Ah, ako po si Joseph Alcazar, isang imbestigador po. Gusto ko po sanang magtungo sa Bagong Baryo at imbestigahan ang pangyayari roon patungkol sa mga bata..." kumunot ang noo niya.
Mataman niya akong tinitigan. Kinakabahan ako sa paraan ng pagtitig niya at parang gusto ko na lang tumakbo paalis. "Sigurado ka? Mukhang bata ka pa... halika." Kinuha niya ang tinapay niya at naglakad papasok sa loob. "Pumirma ka na lang diyan sa log book, iho." Tumango ako at nagsimulanh magsulat ng impormasyon ko.
Bahagya pa akong nagtagal doon dahil may dumating na isa pang lalaki at nagtanong ng nagtanong sa akin patungkol sa iba't-ibang bagay. Akala ko nga ay hindi na ako makakaalis doon kung hindi siguro sinaway nang matandang lalaki ang kasama ay hindi iyon titigil sa pagtatanong.
Isa pang nagpatagal sa byahe ko ay ang bako-bakong daan ng Bayan. Marami ring aso ang nagtatakbuhan sa daan at mga dumi ng hayop na nagkalat. Ang kaliwang bahagi ay purong mga bahay at ang kanan ay bukid at mga kukungan ng hayop na may mga baka, kalabaw, kabayo at kambing.
Probinsiyang-probinsiya ang atmosphere sa lugar hindi gaya sa amin na moderno na at wala ng gaanong makikitang bukid. Maayos na rin ang daan kunpara dito na kung hindi bako, dumi naman ng hayop ang nakaharang.
Lumiko ako sa kaliwang bahagi pagdating sa dulo ng kanto. Akala ko ay iyon na ang daan patungo sa Bagong Baryo ngunit hindi pala. Isa ulit na padiretsong daan iyon na mas maayos na kumpara sa daan kanina. Ang problema, puro humps naman ang nandito kaya halos mahilo ako sa pagmamaneho.
Dito ay wala ng makikitang bukid at purong mga simentadong bahay na lamang ang makikita. Pagdating sa dulo ay lumiko akong muli pakanan at halos hampasin ko na ang mukha ko nang makitang hindi simentado ang daan at maputik pa iyon. Ang kaibahan, wala ng bahay na makikita at tanging puno na lamang.
Huminto ako eksantong katapat ng kanto at tinitigan iyon, tinitimbang ang mga desisyong ginawa ko nitong mga nakaraang araw at oras. Sasanayin ko na talaga ang sarili kong pigilan ang pagiging bida-bida ko. Nakakainis!
Napatingin ako sa babaeng lumabas mula sa isang malaki at lumang bahay. Gawa iyon sa kahoy at bukod tanging ganoon dahil lahat ng bahay dito sa kantong ito ay simentado na. Ibinaba ko ang bintana at kinuha ang atensiyon ng Ale.
"Ale, ito po ba ang daan patungong Bagong Baryo?" Itinuro ko ang kantong maputik ang daanan. Nilingon iyon ng Ale at marahang tumango. "Salamat po..." isinara kong muli ang bintana at huminga ng malalim.
Wala ka ng magagawa, Joseph Alcazar. Nandito ka na at hindi na maaaring umatras kung ayaw mong mapahiya ulit at mainsulto kay Chexter. Pumikit ako ng mariin bago tuluyang pinaandar muli ang sasakyan papasok sa nasabing kanto.
Mabagal lang ang takbo ko dahil sa putik at takot. Walang ibang makikita sa daan kundi ang mga puno sa magkabilang gilid nito. May iilang bigla na lang sumusulpot na mga hayop gaya ng aso at pusa kaya delikado rin kung mabilis magpatakbo ng sasakyan.
Hindi ko alam kung gaano katagal kong tinahak ang daan na iyon at napahinto na lang ako nang makitang isang mahabang hanging bridge ang dulo nito. Bumaba ako at tinitigan ang daanan. Sa ibaba ng hanging bridge ay isang tuyong ilog. May mga lalaking nandoon at hindi ko alam kung ano ang ginagawa.
"Excuse me!" Sigaw ko. Tumingala ang mga lalaki at mukhang gulat sa presensya ko. "May iba pa po bang daan patungong Bagong Baryo? 'Yung maaari po sanang makadaan ang sasakyan?"
Nagtinginan sila bago muling tumingala sa akin. Inilibot ko ang tingin ko sa paligid at napansin na lahat sila ay may mga dalang malalaking basket at sako. Mukhang may kinukuha sila sa ilog o 'di kaya ay sa gubat. Hindi ko alam.
"Oo! Sa kaliwang bahagi mo ay may maliit na daan. Kasya diyan ang sasakyan maliban sa truck. Sa dulo ay lumiko kang muli pakaliwa at makikita mo ang isang kubong maliit na may nakalagay na 'Bagong Baryo'!" Sigaw ng isa sa kanila. Pakiramdam ko ay lahat sila nagmamadali dahil nagtutulakan sila at pinagsabihan pa iyong lalaking huminto sa ginagawa para lang sagutin ang tanong ko. Nagpasalamat ako at lumakad na pabalik sa sasakyan.
Kinabahan ako. Akala ko ay maglalakad ako sa hanging bridge bitbit ang maleta kong napakalaki. Tinahak ko ang daan na itinuro nila. Tatawagan ko na lang si Chexter mamaya at ipapaliwanag ang daan para kung magtaka siya kung bakit puro gasgas ang kotseng ipinahiram niya ay may paliwanag ako.
Purong talahib na lang ang nakapaligid sa daan na tingin ko ay ginawa lang din ng mga nakatira rito dahil ito ay may mga talahib na nakatumba. Mukhang sinadya nilang sirain ang mga talahib para mabuo ang daang ito.
Hinanap ko ang kubo na sinasabi niya pagkaliko. Wala kayang mga wild na hayop dito sa paligid? Baka mamaya ay magulat na lang ako, inaatake na pala ako ng oso o 'di kaya ay tigre.
Inihinto ko ang sasakyan malapit sa kubong halos magiba na. Sa gilid nito ay may maliit na karatula kung saan nakasulat ang pangalan ng lugar gamit ang uling-kung hindi ako nagkakamali. May tindahan ang kubo at wala man lang katao-tao.
Bumaba ako at dumiretso sa kubo. May matandang babae doon na nakatulala at halos mapatalon pa nang maramdaman marahil ang presensiya ko. "Magandang umaga po, ito po ang Bagong Baryo, hindi po ba?"
Tumango siya. Kunot-noo niya akong pinagmasdan mula ulo hanggang paa. Ang babae ay tingin ko nasa edad trenta hanggang kwarenta at medyo may katabaan. Ang buhok nitong buhaghag ay nakalugay at may bangs din na tumatakas dito na siyang halos magtakip na ng mata niya.
"Oo, ito nga. Anong kailangan mo? Pakibilisan at oras na para magsara ako." Kumunot ang noo ko.
"Magsasara? Ang akala ko po ay kabubukas lamang ninyo dahil maaga pa. Ako po si Joseph, imbestigador na balak hanapin kung sino ang pumapatay sa mga bata dito sa lugar ninyo..." natigilan siya. Mukhang may mali sa sinabi ko. Kinagat ko ang labi ko habang pinagmamasdan ang reaction niyang gulat at tila natatakot. Bakit siya natatakot?
"Kunin mo ang gamit mo. Dito ka na muna sa amin. May matitirhan ka na ba? Bilisan mo ang kilos at oras na. Baka dumating na siya..."
Hindi ko alam pero baka dahil sa taranta sa mga salita at kilos niya, napasunod niya ako. Binilisan ko ang pagkuha sa mga gamit ko at hindi ko na inalintana kung nasa labas ang kotse. Wala rin namang garahe ang bahay ng babae at hindi ko alam kung bakit ako nagtiwala sa kaniya at kung bakit ko sinusunod ang bawat sinasabi niya!
"Ang bagal mo naman! Bilis!" Hinatak niya ang isang bag ko at halos itulak na ako papasok sa isang bahay na may pareteng sementado at may parteng gawa sa kahoy. Akala ko ay ang kubo lang ang bahay niya ngunit mukhang tindahan lang iyon. "Bilis! Baka mamaya ay abutan niya tayo sa labas!"
Kumunot ang noo ko habang pinapanood siyang mag-lock ng pintuan at mga bintana. May dalawang bata na nakaupo sa sala at nakatitig lang sa ginagawa ng babae. "May dadating po ba? Bakit tila takot na takot kayo? Ano ho bang mayroon?"
"Hindi mo alam?" Umiling ako. "Tuwing umaga dumadating ang mamamatay bata. Kaya naman ang mga tao dito ay takot lumabas tuwing umaga... kung gusto mong mabuhay, huwag na huwag kang lalabas sa umaga, tandaan mo iyan..."