KELAI’S POV
“Alam mo minahal ko talaga ‘yang si Francis,” umiiyak kong sabi kay Ryan.
Malapit na naming maubos ang binili naming alak at hindi ko alam kung tumatalab na ba sa akin ang mga ininom ko. Basta ang alam ko lang ay umiikot na ang paningin ko at ang dami kong lakas ng loob para maging madaldal kay Ryan ngayon. Umiiyak na nga rin ako pero wala na akong pakialam.
“Yes, nakakailang sabi mo na nga,” natatawang sagot naman sa akin ni Ryan.
“Pero l*ngya siya, ginawa niya lang akong pampalipas oras. Grabe!” galit kong bulalas.
Sa dami na yata ng panloloko sa akin ni Francis, ngayon ko lang ilalabas lahat ng nararamdaman ko. Sa ilang buwan ko kasing heartbroken ay wala man lang akong napagsabihan na kahit sino. Wala naman kasi akong kaibigan dito sa ibang bansa. Iyong mga kaibigan ko naman sa Pinas, lahat sila ay busy at walang oras para makipagkwentuhan sa akin.
“Pero sabi mo naman naramdaman mong minahal ka niya ‘di ba?” tanong pa sa akin ni Ryan.
“Hindi ko nga alam kung pagmamahal ba iyon. Or baka masyado lang akong nabulagan dahil wala naman akong naging kaibigan dito. Lahat ng atensyon ko ay nasa kaniya, kaya sobra akong na-attach sa kaniya.
Ni hindi ko na nga nakilala ang sarili ko dahil sa kaniya. Ginawa ko ang lahat. Nagpakat*nga ako kasi ayokong iwanan niya ako. Tinanggap ko lahat ng panloloko niya kasi mahal ko e. Umaasa ako na pagdating ng araw, ako ang pipiliin niya kasi ako ‘yong nag-stay.”
Inabutan ako ni Ryan ng tissue na agad ko namang tinanggap. Tapos na akong umiyak kaya hindi ko alam kung bakit umiiyak ako ngayon. Halos isang buwan na akong hindi umiiyak, ngayon na lang ulit. Ganito ba talaga ang alak? Nakakaiyak.
“Nagmahal ka nang maling tao kaya ganiyan talaga kasakit,” seryosong sabi naman sa akin ni Ryan.
Mapakla akong tumawa. “Paano ba malalaman kapag nasa tamang tao ka na? Ikaw, nasa tamang tao ka na ba?” deretsong tanong ko.
“Kung nasa tamang tao na ako, hindi na ako magloloko pa ng ganito,” mabilis na sagot naman niya sa akin.
“Kung alam mong wala ka sa tamang tao, bakit ka pa nag-stay?” tanong ko naman.
Bahagyang napangiti sa akin si Ryan. “Ikaw ba, nalaman mo agad na nasa maling tao ka?”
“Siguro. Ipinagpilitan ko lang na maging tama kaya ayon, wasak,” natatawa ko namang sabi.
“Wala naman kasi talagang tamang tao. Magiging tama lang siya para sa ‘yo kapag pareho niyong ginawang tama ang isa’t isa. Hindi kasi ‘yon instant, pinagtatrabahuhan ‘yon.”
Napatitig ako sa mga mata ni Ryan. “Alam mo, sana katulad mo na lang ako. Hindi sineseryoso ang mga bagay-bagay. Gusto ko na lang na magpakasaya pero hindi ko alam kung paano magsimula.”
Ngumiti naman siya sa akin. “E ‘di simulan mo sa akin.”
Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Lumagok ako ng beer. Nahihilo na talaga ako pero nagagawa ko pa ring pagmasdan ang gwapong mukha ng kainuman ko. Malala na yata talaga ako.
“Hanggang ngayon ay nagdadalawang isip ka pa rin?” iiling iling na sabi pa ni Ryan sa akin.
“Sa lahat ng past relationships ko, never pa akong nagloko. Lahat sila sineryoso ko. Kaya hindi ko alam kung kaya kong panindigan ang gusto mong chill relationship,” pag-amin ko sa kaniya.
“Ganito na lang. Chill tayo tapos kapag feeling mo ay nagseseryoso ka na, ititigil na natin. Deal?”
Napangiti naman ako. Uminom ulit ako ng beer. “Matanong ko lang, sa dami nang babae sa restaurant, bakit ako?”
Nagkibit balikat naman si Ryan. “Ang totoo, hindi ko rin alam. Basta ang goal natin ay tuluyan ka nang makalimot. At ipapamukha natin kay Francis kung anong nawala sa kaniya. Ano, deal ka ba?”
Inilahad ni Ryan ang kamay niya sa akin. Mabilis ko namang tinanggap ang kamay niya at nakipag-shake hands. Napangiti naman sa akin si Ryan.
“Teka, n-nasusuka ako.”
THIRD POV
Biglang tumayo si Kelai para pumasok sa CR dahil nasusuka na siya. Ngunit pagtayo niya ay muntik na siyang matumba dahil sa kalasingan. Agad naman siyang inalalayan ni Ryan. Dahil sa pagkakadikit ng mga balat nila ay nakaramdam ng kuryente si Kelai. Saglit siyang natigilan dahil doon. Ngunit dahil nasusuka na talaga siya ay mabilis siyang pumasok sa CR.
Si Ryan naman ay nakaalalay lang sa kaniya hanggang sa maisuka na niya ang lahat ng dapat na maisuka. Muli siyang inalalayan ni Ryan pahiga sa kama.
“Umiikot ‘yong ceiling Ryan,” lasing na sabi ni Kelai.
Bahagya namang napangiti si Ryan. Hindi man lang siya tinablan ng ininom nila samantalang ang dalaga ay lasing na lasing na. May mumunti pang luha ang pumapatak sa mga mata ng dalaga. Lumuhod siya sa may bed nito at inayos ang ilang hibla ng buhok na tumabon sa maamong mukha ni Kelai.
“Sobra mo talaga siyang minahal na hanggang ngayon ay naaapektuhan ka pa rin. Nacu-curious tuloy ako kung paano magmahal ang isang Kelai Maghirang.”
Napatawa naman si Kelai. Kahit hilong hilo na siya ay naririnig pa rin niya ang mga sinabi ni Ryan.
“Huwag mo nang pangarapin na maranasan ang pagmamahal ko kasi ako na naman ang masassaktan sa huli. Masarap magmahal ang isang Kelai Maghirang ngunit hindi naman siya kamahal-mahal.”
Tuluyan nang nakatulog si Kelai dala ng sobrang kalasingan. Napailing na lang si Ryan at kinumutan niya ang natutulog na dalaga. Inayos na rin niya ang pinag-inuman nilang dalawa. Nang matapos siyang maglinis ay muli niyang nilapitan ang dalaga.
“Hindi ko alam Kelai pero gusto kong maranasan kung paano ka magmahal,” seryoso niyang sabi sa natutulog na dalaga.
Hinalikan niya ito sa noo bago siya nagpasyang umalis para umuwi sa kaniyang tinutuluyan.