SUMALUBONG sa kanya ang madilim at magulong sala. Naglakad papunta sa kusina ang lalaki, magulo ang buhok, naka-shorts at sando lang. Nangangalo mata at mahaba na ang balbas at bigote nito.
Muntik pa siyang madapa nang matalisod sa kung ano. Nang tumingin siya sa sahig ay puro bote ng alak ang nakakalat doon. Sa kusina nakakalat ang mga pinggan na parang isang linggo na yatang hindi nahuhugasan. May tuwalya at mga damit na nakakalat sa sahig, sofa at mga silya. At ang picture frame ng mag-ina ay nasa sofa.
“Kumakain ka ba ng maayos, Spencer?” tanong niya habang binubuksan ang mga bintana para pumasok ang sariwang hangin.
Sumandal ito sa hamba ng pinto at tumingin sa kanya habang hawak ang isang bote ng beer.
“Bakit ikaw? Nakakakain ka ng maayos?” tanong din nito na may bahid ng pangungutya sabay tungga ng beer.
Lumapit siya dito at inagaw iyon. “Ang aga aga beer ang hawak mo,” puna niya.
Pero inagaw nito pabalik iyon. “Wala kang pakialam.”
“Meron, Spencer!”
Sarkastiko itong tumawa. “Namatayan ka rin, di ba? Bakit hindi mo asikasuhin ang sarili mo?! Bakit ka nandito?!” galit na tanong nito.
“Bakit mo binuksan ang pinto kung ayaw mo na pakialaman kita?!”
Hindi nakakibo si Spencer at umiwas ng tingin. Muli niyang inagaw ang bote ng beer at tinapon ang laman niyon sa lababo. Hindi napigilan ni Isla ang mapaiyak. Tinukod niya ang mga palad sa ibabaw ng kitchen countertop. Seeing him killing himself slowly. Nasasaktan siya. Dahil nakikita niya ang sarili dito.
“Noong unang beses na sinamahan ako ni Jo mag-grocery. She suddenly asked me and made me promise something.”
Lumingon sa kanya si Spencer. “She asked me to take care of you when she’s gone,” she said crying. “She joked about it as if she knew what was going to happen. And I promised her, I’ll take care of you.”
“Pero paano kita matutulungan kung sarili ko hindi ko alam kung paano tulungan. And seeing you right now, slowly killing yourself, hindi kita magawang pigilan o pagalitan dahil alam ko ang nararamdaman mo. Ganyan na ganyan din ako.”
Umiwas ng tingin sa kanya ang lalaki at nagpahid ng luha.
“Ang hirap gumising sa umaga ng wala si Clyde. Ang hirap kumain ng wala iyong taong dati kasabay mong kumain. Mahirap tumingin sa cellphone dahil alam mo sa sarili mo kahit maghintay ka maghapon hindi na siya tatawag o magte-text…”
“Isla, tama na, please…” naiirita nang awat ni Spencer sa kanya.
Pero tila bingi na nagpatuloy siya. Dahil alam niya kailangan nilang dawala na harapin ang totoo sa ayaw at sa gusto nila.
“Ang hirap tingnan ang mga pictures nila kasi hanggang sa ganoon paraan na lang natin sila makikita. Ang hirap gawin ang mga bagay na nakagawian natin gawin kasama sila…”
“I said, stop.”
“Ang hirap matulog sa gabi na alam mong nag-iisa ka…”
“Ang sabi ko, tama na!” galit na sigaw ni Spencer, sabay tabig ng mga pinggan na nasa mesa kaya nabasag ang mga iyon.
Napahagulgol ng iyak si Isla. Makalipas ang ilang sandali, matapos ayusin ang sarili. Muli niyang hinarap ang lalaki.
“Hindi! Hindi ako titigil dahil kailangan mong marinig iyon! Kailangan kong marinig iyon mula sa sarili kong bibig dahil kinakain at pinapatay na ako ng lungkot! Hindi ito ang gustong makita ni Clyde sa akin. Alam ko na gusto niyang ipagpatuloy ko ang buhay kahit wala na siya! Wala na si Jo at Noah, Spencer! Wala na sila at hindi na sila babalik! Gusto kong tuparin ang pangako ko sa kaibigan ko pero kailangan ko ng tulong mo. Kailangan tulungan mo ang sarili mo dahil hindi ko kaya itong mag-isa!” bulalas niya.
Natigilan si Spencer.
“Akala mo ba ikaw lang ang miserable? Mas ako! Dahil nagsisimula pa lang ang buhay namin bilang mag-asawa. Bumubuo pa lang kami ng mga alaala. Bubuo pa lang kami ng pamilya. Mabuti nga ikaw, nagawa mong maging asawa’t ama kay Noah at Josephine. Me? I was never given a chance to be a wife to my husband or even a mother of our future child.”
Lumapit siya dito at hinablot ang sando nito.
“I have no one, Spencer. Wala! Mag-isa lang ako dito sa Scotland! Mag-isa na lang din ako sa buhay. Si Clyde na lang ang tangi kong pamilya. Si Josephine ang kaisa-isang kaibigan ko dito. Kayong dalawa. Nawala na nga sila. Pati pa ba ikaw? Kung nandito lang ang asawa mo at nakita niya ang ginagawa mo sa sarili mo, tiyak na malulungkot siya. Naiintindihan ko naman eh, hindi madaling tanggapin ang lahat. Mahirap. Nakakamatay ang lungkot. Iyong pakiramdam na parang gusto mo na lang sumunod sa kanila sa kamatayan. Pero hindi tama iyon, sa ayaw at sa gusto natin, kailangan kayanin natin dahil tayo ang naiwan dito. We need to live whether we like it or not! Dahil alam ko, sa ganoon paraan mapapasaya natin sila. Tayo ang nandito, buhay. Life has to move on for us.”
Nang yakapin siya nito. Hindi nagawang tumanggi ni Isla at gumanti ng yakap. Sa mga bisig niya ay umiyak ito at binuhos ang sakit na nararamdaman. Kung meron man nakakaintindi sa pinagdaraanan niya ngayon. Iyon ay walang iba kung hindi si Spencer. Pareho silang nawalan ng minamahal. Pareho silang nasa gitna ng pagdadalamhati at walang ibang magbibigay ng lakas sa isa’t-isa kung hindi silang dalawa rin.
“Clyde, Jo, help us to get through this,” she cried inside.
HOW to move on after a great lost? Hindi naman iyon ang unang beses na
nawalan si Isla ng minamahal sa buhay. She was only fourteen years old nang unang mawala ang Nanay niya dahil sa breast cancer. Makalipas ang apat na taon, ang Tatay naman niya ang sumunod na nawala, matapos itong saksakin ng kasama nitong construction worker. Nagkapikunan daw ang dalawa habang nag-iinuman na nag-resulta sa pananaksak sa tatay niya. Agad nahuli ang suspect at agad na dinala sa ospital ang kanyang ama, pero bumigay din ito sa emergency room.
Isla lived alone since then. Nagtrabaho siya habang nag-aaral ng college. Mabuti na lang at may mabuting puso na nagbigay sa kanya ng Scholarship. Aral sa umaga. Trabaho sa gabi. She loved writing novels every since. Pakiramdam ni Isla ay pansamantala niyang natatakasan ang malupit na katotohanan ng buhay kapag nagsusulat siya ng nobela. At iyon marahil ang dahilan kaya sinusubsob niya ang sarili sa trabaho.
She kept herself busy. Hindi niya hinahayaan na mabakante ang kanyang isipan para maalala si Clyde at patuloy na malungkot at magluksa. It’s been two weeks, since her husband died. Isang linggo na simula nang bumalik siya sa pagsusulat. Kung paano niya nagagawang magsulat ng kuwento sa kabila ng mga nangyari sa kanyang buhay, hindi niya alam. Bukod sa pagsusulat ng kuwento. Nag-apply din siyang editor sa Publishing Company na may hawak sa kanya. Editor sa umaga. Writer sa gabi. Isang linggo na siyang walang maayos na tulog. She will just take naps in between working. Natatakot si Isla na matulog dahil baka mapanaginipan niya Clyde, and might feel lonely when she wakes up.
Matapos din nilang magtalo ni Spencer. Hindi na niya muli itong pinuntahan, pero noong isang araw ay nakasalubong niya ito sa hallway. He went back to his job. Nag-shave na rin ito at mas maayos na ang itsura. Masaya siya para sa lalaki, sana ay magtuloy-tuloy na itong maging maayos. Naputol ang pag-iisip ni Isla nang biglang mag-ring ang messenger niya. It’s Sibby, her bestfriend.
“Hi,” pilit ang ngiti na bungad niya pagsagot ng tawag nito.
“I don’t have to ask, hindi ka okay.”
Natawa siya. “Anong klaseng pangangamusta ‘yan?” tanong niya.
“Girl, obvious sa mukha mo. Your eyebags. Pumayat ka. Natutulog ka pa ba? Kumakain ka ba ng maayos?”
Nag-isip ng idadahilan si Isla, pero ayaw mag-proseso ng utak niya. Hindi niya magawang magsinungaling sa kaibigan dahil bata pa lang ay magkaibigan na sila at kilalang-kilala siya nito.
“You’re not sleeping, right? Umamin ka.”
Bumuntong-hininga siya. “Look, marami lang talagang trabaho. I got some editing job from our publisher. Nag-e-edit ako sa umaga, nagsusulat ako ng kuwento sa gabi.”
Marahas na bumuntong-hininga rin si Sibby. “Isla, if this is your way of killing yourself. Please, I beg you to stop. Ayan ka na naman eh. Ganyan na ganyan ka noong namatay ang Tatay mo.”
Hindi siya nakakibo.
“Akala mo ba hindi ko alam? You’re acting tough. Ginagawa mong busy ang sarili mo to the point na hindi ka na natutulog dahil ang akala mo sa ganyan paraan madali kang makaka-move on. You’re not helping yourself; you’re killing yourself,” sermon sa kanya ng kaibigan.
Umagos ang luha sa kanyang pisngi ngunit agad din niya iyon pinahid ng daliri.
“What do you want me to do? Hindi ganoon kadali ang lahat.”
“Look, Isla. I know and I understand. What I’m trying to say is, try to live a normal life. Kung anong daily routine mo noon, ganoon pa rin ang gawin mo. Dahil hindi ka makaka-move on kahit na isubsob at patayin mo ang sarili mo sa trabaho. Kung nandiyan si Clyde, siguradong hindi niya magugustuhan ang ginagawa mo. Ayokong magkasakit ka, girl. Please. Do you want me to come over?”
Hindi na niya napigilan ang sarili at tuluyan bumulalas ang emosyon. Pagkatapos ay tumango bilang sagot sa tanong ni Sibby.
“Sige, kakausapin ko si hubby ko. Then, I’ll ask for leave from the company. Pagkatapos puntahan agad kita.”
“Thank you.”
Nang matapos makipag-usap sa kaibigan. Tumayo siya mula sa kama at humarap sa salamin. Doon lang na-realize ni Isla kung gaano niya napabayaan ang sarili. There are dark circles around her eyes. Nahulog ang katawan niya at halos wala siyang suklay. Doon niya lang din naalala na hindi pa pala siya naliligo. Tama si Sibby. Sa ginagawa niya ay pinapatay niya ang sarili paunti-unti. Humugot siya ng malalim na hininga.
Bigla rin niyang naalala ang mga sinabi niya kay Spencer. Funny how she said all of those words to him. Eh ano nga ba ang pinagkaiba nila ngayon?
“Ayusin mo ang sarili mo, Isla,” sabi pa niya sa sarili.
Mula doon, nagsimula siyang kumilos. Niligpit niya ang laptop at mga manuscripts na pinrint niya. Pagkatapos ay naglinis siya ng buong bahay. Nang buksan niya ang refrigerator at ang pantry. Doon niya nakitang wala na pala halos siyang pagkain. On that thought, naligo siya at agad naghanda para lumabas at pumunta sa supermarket.
“MABUTI naman at bumalik ka na sa trabaho. Nag-aalala kami sa’yo simula nang mabalitaan namin ang nangyari.”
Malungkot na ngumiti si Spencer sa mga kagrupo habang kausap ang mga ito sa pamamagitan ng video call.
“May gumising lang sa akin sa katotohanan,” sagot niya habang nasa isip si Isla.
“That’s good to hear. Pero pare, kung gusto mo umuwi muna dito sa Pinas para naman makapagpahinga ka. Sabihin mo lang.”
“Saka na siguro, kakabalik ko lang sa trabaho eh. Huwag kayong mag-alala, I’m getting by. Mahirap pero kinakaya ko naman.”
“Masaya kaming marinig ‘yan mula sa’yo. Basta pare, kung nalulungkot ka. Tawag o chat ka lang. Anytime. Magkakapatid na tayo. Huwag kang mahihiya.”
Sa pagkakataon na iyon, bukal sa kalooban na ngumiti siya sa mga kaibigan.
“Thank you. I appreciate it.”
Nang matapos makipag-usap, sakto naman na narinig niyang bumukas ang pinto mula sa katabing apartment. Agad siyang tumayo at lumabas. Tama ang hinala niya. It was Isla. Matagal niyang hindi nakita ang babae at gusto niyang kumustahin ito.
“Isla!”
Agad lumingon ito sa kanya at ngumiti.
“Uy, kumusta?” tanong agad nito.
Lumapit siya dito. “Ayos naman. Trying to be okay.”
“At least you’re trying,” sagot nito.
“By the way, I just want to thank you for what you did last week. Salamat. Kung hindi ka siguro dumating, baka kung ano nang kalokohan ang ginawa ko sa sarili ko.”
Umiling ito na hindi nawawala ang ngiti. “Wala ‘yon. Ang totoo, sinabi ko ‘yon para din sa sarili ko.”
“Nga pala, wala akong pasok ngayon araw. Gusto mo mag-dinner tayo sa bahay? I’ll cook.”
Nang tumawa ito ay umaliwalas ang mukha nitong nababalot sa lungkot. Tumingkad ang ganda nito na ngayon lang din niya napansin. Pero bukod doon, kanina pa rin niya napapansin ang pamumutla nito.
“Sure. I’d love that.”
“Mukhang aalis ka, saan ang punta mo?”
“Uhm, sa supermarket. Wala na kasi akong stock sa bahay.”
“Hintayin mo ako, samahan na kita! May kailangan din akong bilhin eh.”
“Okay. Hintayin na lang kita sa labas.”
Nagmadali siyang pumasok at nagbihis pagkatapos ay agad na kinuha ang susi ng sasakyan at ang wallet niya. Pababa na sana siya ng hagdan nang manlaki ang mga mata niya sa gulat sa bumungad sa kanya. Walang malay na naka-handusay sa sahig si Isla. May sugat at nagdudugo ang noo nito habang dinadaluhan ng dalawang tenant din ng apartment building na iyon.
“Isla!” sigaw niya at nagmadali sa pagbaba.
“What happened to her?” tanong agad niya.
“She fainted in the middle of the stairs and fell. Don’t worry, we already called for help. They’re on their way.”
“Thank you.”
Hinawakan ni Spencer ang kamay nito at tinapik ang pisngi.
“Isla… Isla… gumising ka…” paulit-ulit na sabi niya.
“Oh, my dear!” bulalas ng babaeng tumulong dito.
Sinundan niya ang tinitingnan nito. May dugo ang jeans na suot nito sa pagitan ng mga hita nito.
“Is she pregnant?” tanong pa ng babae sa kanya.
Umiling siya. “I… I have no idea.”
Binalot ng awa si Spencer para kay Isla. Kung totoo nga ang hinala nila, huwag naman sanang may mangyaring masama sa baby nito. Dahil tiyak na hindi na kakayanin nito kapag ang kaisa-isang alaala ni Clyde ay mawawala rin.