Nagsimula na ang trial ng kaso ng babae na namatay. Busy na rin si Mama dahil madalas siyang kinakailangan sa prisinto. Lalo na at malapit na silang pumunta sa korte. Pina-describe rin daw kay Mama ang mukha ng lalaki na nakita niya. Nang mabuo nila ang mukha ay nalaman na nila ang mga personal na impormasyon tungkol sa lalaki. Sa ngayon ay nasa wanted list na siya.
WANTED: Jeremy Languban
40 Years Old
CASE: MURDER AND r**e - STUDENT
Mabuti naman at binabantayan din ng ayos si Mama. Nakikita ko naman na hindi talaga siya pinababayaan ni Detective Benjamin Cason. Usap-usapan na rin sa eskwelahan namin na hindi pa rin nahuhuli ang wanted.
Habang naglalakad ako pauwi ay madilim na. Gumawa rin kasi kami ng proyekto ng mga kagrupo ko kaya hindi ako nakauwi kaagad. Hindi ko naman sila pwedeng papuntahin sa bahay namin upang doon maggawa dahil hindi kami magkakasya. Mabuti naman at mabilis lang din namin na natapos ang proyekto.
May kadiliman na sa dinadaanan ko ngayon. Sira pa kasi ang ibang street lights dito sa lugar namin kaya madilim na kapag naglalakad. Wala namang flashlight ang cellphone ko dahil hindi naman ito mamahalin at touch screen katulad sa mga ka-eskwela ko. Mabuti na lang at sanay naman na ako na maglakad sa dilim kaya wala nang problema sa akin.
Dalawang pares ng mga sapatos ang nakita ko na huminto sa harapan ko. Nakayuko kasi ako na naglalakad dahil tinitignan ko ang dinadaanan ko. Napahinto rin ako at iniangat ang paningin ko. Nakita ko ang isang lalaki na deretso ang mga matang nakatingin sa akin. Nakasuot siya ng sumbrero at may mask siyang suot. Tanging ang mga mata niya lamang ang nakikita ko ngayon.
Akmang lalagpasan ko na siya nang pigilan niya ako. “Ikaw ba ang anak ni Karen Leonard?” tanong niya sa akin.
“Sino ho ‘yon? Hindi ko ho kilala,” sagot ko agad. Deretso pa ang tingin ko sa mga mata niya. Hindi pamilyar sa akin ang mga mata na 'yon. Kaya hindi ko makilala kung sino siya. Hindi kaya siya ang kriminal na hinahanap ngayon ng mga pulis? Hindi ako sigurado dahil hindi ko naman nakita ang mukha ng nasa wanted list. Nakakaramdam ako ng kaba ngayon dahil alam niya ang pangalan ni Mama. Ngunit kailangan kong umakto na hindi ako ang anak niya. Maaaring manganib ang buhay ko ngayon. Lalo na at walang ibang tao rito na malapit sa pwesto namin ngayon. Walang ibang tutulong sa akin kung sakali na may gawin siyang masama.
“Saan ka nakatira?”
“Sino ho ba kayo? Bakit niyo ho ako tinatanong?”
Binitawan niya ako saka umiwas ng tingin. Saka ko napansin na may parang mga dugo sa damit niya. Medyo madilim kaya hindi ko maaninag ng ayos. “Wala, pwede ka nang umalis.”
Hindi na ako nagsalita pa at dumeretso nang umalis. Malapit na ang bahay namin ngunit kailangan kong lumagpas para hindi niya malaman na ako nga ang anak ni Karen.
Pakiramdam ko ay sumusunod siya sa akin o ‘di kaya ay pinapanood niya ako. Nang makalagpas ako sa bahay namin ay saka ko lang napansin na wala ang dalawang pulis na nakabantay sa labas. Kumabog ang dibdib ko at hindi ko malaman ang mararamdaman. Sobra na ang kaba ko at kung ano-ano ang mga naiisip ko. Nasaan ang dalawang pulis na nagbabantay kay Mama? Bakit bigla silang nawala? Ganitong oras pa sila nawala kung kailan narito sa street namin ang wanted na lalaki na ‘yon?
Lumiko ako at umikot sa kabilang daan. Tinignan ko kung may sumusunod sa akin ngunit nang makita na wala ay agad na akong tumakbo. May isa pang pinto sa likod ng bahay namin. Hindi ‘yon makikita ng lalaki kapag doon ako dumaan. Nang makapasok ako ay tahimik ang bahay at sobrang dilim. Nasaan si mama?
Binuksan ko ang ilaw at laking gulat ko na lamang nang makita na gulo-gulo ang buong bahay namin. Ano ang nangyari rito? Mas lalo akong kinabahan at naisip kong baka kung ano na ang nangyari kay mama!
“Ma? Nasaan ka? Mama?” tawag ko sa kaniya. Bigla ay may narinig akong tunog ng ambulansya at mga pulis. Nagmamadali akong pumasok sa kwarto ni mama at hindi ko inasahan ang nakita ko.
Punong-puno ng dugo si mama sa sahig na nanggagaling sa kaniyang ulo! Nakadilat pa nang kaunti ang mga mata niya at may luha na bumabagsak mula roon. Agad akong lumapit at nanginginig siyang hinawakan sa kaniyang mga kamay.
“M-Ma! Huwag mo po akong iwan,” umiiyak na sambit ko.
“M-mahal n-na mahal k-kita, anak,” nanghihinang sagot niya. Bumuhos lalo ang luha ko nang bumagsak na ng tuluyan ang kamay niya at pumikit na ang mga mata niya.
“Ma! Mama! Hindi ka maaaring mawala! Ma! Huwag mo akong iiwan, Mama!” umiiyak na hiyaw ko. Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong gawin. Saka nakita ko pa sa labas ang dalawang pulis na wala na ring buhay.
Ibig sabihin ay nanggaling na rito ang wanted na lalaki nang makasalubong ko siya. Ang mga dugo na nakita ko sa damit niya ay dahil sa ginawa niyang ito! Nanginginig ang mga kamay ko dahil sa galit at pighati ko ngayon. Sobra na ang nararamdaman kong galit habang umiiyak ako.
Napansin ko ang isang kwintas na hawak ni mama sa kaliwang kamay niya. Puno ito ng dugo. Kumuha ako ng isang panyo at mabilis iyon na kinuha saka inilagay sa iisang plastic. Itinago ko ‘yon sa bulsa ko. Bigla ay may mga pumasok sa bahay namin. Nakita ko ang mga pulis at ambulansya na nire-rescue ang mga pulis na namatay.
Pumasok sa kwarto ni mama si Detective Cason. Mabilis akong lumapit sa kaniya at kinweyuhan siya. “Akala ko ba ay pananatilihin mong ligtas ang nanay ko?! Bakit ganito ang kinahinatnan niya?! Kasalanan mo ‘to!” galit na sigaw ko sa kaniya.
Bigla na lamang siyang napaluhod nang makita ang sitwasyon ni mama sa sahig. Patuloy ang pag-iyak ko at hindi ko matanggap na wala na si mama. Inasikaso siya ng mga tauhan sa ambulansiya. Nanginginig akong tiningnan ang itsura ng lalaki sa litrato na may nakalagay na wanted. Tinitigan ko ang kaniyang mga mata. Hindi ako maaaring magkamali. 'Yon ang mata ng nakasalubong ko.
Isinusumpa ko, gagawin ko ang lahat upang pagbayaran ng lalaking ‘yon ang ginawa niya sa nanay ko. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko rin napapatay ang lalaki na ‘yon! Kailangan kong makuha ang hustisya na nararapat dahil sa nangyari sa aking ina.