"Hindi ko na talaga maintindihan kung bakit gano'n si Detective Cason. Pinaparamdam niya talaga sa atin na hindi niya gustong mayroon siyang mga rookies na kailangang asikasuhin at turuan," kumento ni Zephyr.
Narito na kami ngayon sa labas ng meeting room. Sinasabihan muli ni Detective Walker si Benjamin sa loob at pinapakalma. Nag-iinit ang dugo niya sa akin kahit na wala naman akong ginagawa sa kaniya. Pasalamat pa nga siya at hindi pa ako nagsisimula sa paghihiganti ko sa kaniya. Hanggang ngayon ay wala pa akong nagagawang aksyon para pabagsakiin siya sa kung ano ang mayroon siya ngayon. Sa oras na makakalap na ako ng mga sapat na ebidensiya at dokumento, tiyak na mawawalan na ng silbi ang lahat ng mga naabot niya hanggang ngayon.
"Kaya nga. Katulad kahapon ay nalutas din naman natin kanina ang nangyari. Hindi rin naman nakatakas ang kriminal. Kaya hindi ko na malaman kung bakit gano'n ang reaksyon niya. Tapos parang si Kyson lang din ang madalas niyang pag-initan. Hindi pa tayo nagtatagal ay ganito na ang trato niya sa atin. Hindi pa nga natin masiyadong naipapakita ang ating galing sa pag-solve ng mga kaso o sa mga on the spot crimes," dagdag naman ni Nixon.
"Pero nag-research ako kagabi tungkol kay Detective Cason. Ilang taon naman nang may mga rookies na pumapasok sa Detective Stations, pero ngayong taon lang nabigyan si Detective Cason ng mga rookies. Kaya siguro gano'n din siya makitungo sa atin ay dahil iniisip niya na sagabal lang tayo sa trabaho niya. Lalo na at hindi siya sanay humawak ng mga rookies, hindi katulad ng ibang mga detectives sa iba't-ibang stations na bihasa na sa pagtuturo," sambit naman muli ni Zephyr.
"Pero kahit na ayaw niya, dapat ay hindi gano'n kagrabe ang pakikitungo niya sa atin. Una pa lang kahapon ay hindi na siya maayos sa atin kung makitungo. Parang mas pinaparating niya sa atin na sumuko na lang tayo dahil wala siyang balak na turuan tayo. Hanga pa man din ako sa kaniya dahil siya ang pinaka-mahusay na detectives dito at legend din siya dahil marami na siyang natapos na mga kaso noon. Nahuhuli niya ang mga kriminal at kahit na matagal ay nagagawa pa rin niya na matapos ang isang kaso. Pero ganito pala talaga siya sa trabaho."
"Iba ang pananaw ko kaysa sa inyong dalawa," bigla ay sambit naman ni Paige. Nilingon siya ng dalawa dahil sa sinabi niya. "Sa tingin ko, kaya gano'n si Detective Cason sa atin ay dahil tine-testing niya tayo. Ang ginagawa niya ngayon ay sinasabihan niya tayo na sumuko na habang maaga pa, pero para sa akin ang ibig sabihin no'n ay mas magpursigi tayo sa pagtatrabaho upang makamit natin ang mga pangarap natin. He's just challenging us to be more stronger and to think better than what we did earlier. Tama naman na nalutas natin ang nangyari kanina, pero ang paraan ng paglutas natin sa problema ay masiyadong risky. 'Yon ang kinakagalit niya," dagdag pa ni Paige.
"Paano mo naman nasisiguro na ganiyan talaga ang gusto niyang iparating sa atin? Dahil para sa akin, gusto talaga niya na sumuko na tayo o 'di kaya ay mapalipat tayo sa ibang istasyon. Hindi mo ba narinig ang sinabi niya kanina? Napakababaw ng dahilan niya para gustuhin na mapaalis ako rito. Hindi tama ang gano'n. Gumagawa siya ng dahilan para mapaalis na tayo rito, dahil nga hindi niya gusto na may mga tuturuan siya. Some detectives are willing to share their knowledge about how to be a good detective. But for Detective Cason, he's selfish. It's like he doesn't want to share what his experiences and knowledge about this job," sabat ko naman sa usapan nila.
"I respect all of your personal views, but I just said what I think about him." Nagkibit-balikat pa si Paige sa harapan namin. "Pero agree ako sa sinabi ni Kyson. Gano'n nga ang dating din sa akin. Kung talagang ayaw niya lang na sumuko tayo, hindi dapat gano'n ang paraan niya para turuan tayo. Marami pang mga mas maaayos na paraan. Paano na lang kung totoong susuko na tayo, 'di ba? E 'di tayo pa ang mas kawawa at sayang lang ang lahat ng mga napag-aralan natin dahil lang napunta tayo kay Detective Cason," dagdag pang muli ni Nixon. Mga kaibigan ko nga sila.
"May tiwala ako sa pamamaraan ni Detective Cason. Sigurado ako na hindi naman niya tayo papabayaan kung sakali man na maka-encounter muli tayo ng mas mahirap na krimen. Tuturuan niya tayo ng ayos sa sarili niyang pamamaraan at hindi sa katulad ng pamamaraan ng iba," sagot ni Paige.
Bakit ba niya pinagtatanggol ang lalaki na 'yon? Para bang kilala na niya noon pa si Benjamin kung sabihin niya ang mga 'yon. "Huwag ka masiyadong magtiwala sa kaniya. Hindi pa rin naman natin siya lubos na kilala. Unless, matagal mo na siyang kilala noon pa lang. O baka naman tatay mo siya?" sarkastiko pang sambit ko sa kaniya.
Umiling naman si Paige sa akin, "Hindi ko siya kilala personally. Nakikita ko lang din ang mukha at pangalan niya sa mga balita noon. Pero wala naman sigurong masama kung magtiwala ako sa kaniya. Wala namang mawawala sa akin kung sakaling tama ang lahat ng mga nasabi ninyo at mali ako."
Hinayaan ko na lang siya sa gusto niyang paniwalaan. Ang mga babae talaga, ayaw magpatalo. Hindi niya rin naman tinatanggap ang opinyon naming mga lalaki. Mas pinaninindigan lang niya ang kaniyang paniniwala. Siya rin naman ang mapapahiya sa oras na lumabas na ang pinakabaho at tunay pang ugali ni Benjamin. Ako ang maglalabas ng lahat nang 'yon.
Lumabas naman si Detective Walker mula sa meeting room kaya natigil din kami sa pag-uusap. Hindi naman nila kami naririnig mula sa loob kahit na mag-usap kami rito sa labas. "Pasiyensa na kayo kung ganoon ang trato sa inyo ni Detective Cason. Hindi lang talaga siya sanay na may mga kabataan na siyang tinuturan ngayon. Naga-adjust pa siya, kaya sana ay magtiis lang muna kayo sa kung ano ang ipinapakita niya sa inyo na ugali," sambit niya naman sa amin.
Bakit kami pa ang kailangan na magtiis sa ipinapakita niyang ugali sa amin? Wala naman kaming kasalanan kung gano'n ang pag-uugali niya. Siya na ang may problema at hindi kami. Dapat siya ang umayos sa amin dahil wala naman kaming ginagawang hindi maganda sa kaniya. Gusto ko sana na sabihin ang lahat ng mga naiisip ko ngayon, ngunit may respeto ako kay Detective Walker. Tiningnan niya naman ako.
"Gusto ko rin humingi ng pasiyensa sa 'yo dahil napag-iinitan ka niya ng ulo. Noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit siya gano'n, pero ngayona ay mukhang naiintindihan ko na."
Kumunot naman ang noo ko at nagtaka kung ano ang ibig niyang sabihin. Bakit? Ano naman ang dahilan kung bakit ako pinag-iinitan ng ulo ni Benjamin? Tatanungin ko na sana kung bakit, ngunit naunahan na akong magtanong ni Zephyr. Mabuti na lang at may pagka-chismoso siya. Hindi niya gusto na maging kuryoso sa isang bagay tapos hindi niya malalaman ang tungkol doon. Ilang araw siyang hindi nakakatulog kapag gano'n dahil nag-iisip lang siya tungkol sa bagay na 'yon.
"Bakit po ba siya pinag-iinitan ni Detective Cason?"
"May kamukha kasi siya... Kamukha niya ang isang binata na nakilala ni Detective Cason noon, mga anim na taon na ang nakakalipas. Pero magbabago rin naman ang trato niya sa inyo kapag nasanay na siyang kasama kayo sa lahat ng mga kaso at kapag nagtagal."
Anim na taon? Ang batang ako ba ang tinutukoy niya? Kailangan ko munang makasigurado. "Sino po ba ang tinutukoy mo na kamukha ko?" may galang na tanong ko. "Ah, wala 'yon. Nakilala lang 'yon ni Detective Cason dahil sa isang malaking kaso na hindi niya nagawang lutasin noon. Basta huwag ka na lang masiyadong sumagot sa kaniya para hindi ka na niya mapag-initan pa sa susunod. Hangga't kaya mo, magtimpi ka na lang muna."
Hindi na ako nakasagot pa dahil iniwan na niya kami. Pakiramdam ko ay ako mismo ang tinutukoy ni Detective Walker. Bakit naman mag-iinit ang ulo ni Detective Cason nang makita ako dahil lang may kamukha ako? Ibig sabihin ay nakokonsensya na ba siya dahil guilty siya na may nagawa siyang kasalanan sa akin at sa ina ko? Marami na namang katanungan na nabuo sa isipan ko. Ngunit hindi ko alam kung paano masasagot. Nangangati na akong malaman ang lahat-lahat. Mukhang may alam din pala si Detective Walker tungkol sa nangyari sa kaso noon ni Mama na naibasura lamang. Pero hindi ko siya namataan noon. Ngayon ko lang din nalaman na may partner pala si Benjamin.
Lumipas pa ang ilang oras at abala ang lahat sa trabaho. May mga iniutos sa amin isa-isa si Detective Walker na gawin. Kaya naman nakatutok lang ako buong maghapon sa laptop ko hanggangg gabi. Samantalang napansin ko naman si Benjamin na maraming ginagawa at abala rin. Mabilis ko naman na tinapos ang trabaho ko. "Pwede na kayong umuwi ngayon. Past dinner na rin. Pwede naman na bukas niyo na tapusin 'yang mga trabaho na 'yan. Lalo na at hindi rin biro ang napagdaanan ninyo kaninang lunch," sambit sa amin ni Detective Walker.
"Gutom na nga rin ako, e. Bukas ko na nga siguro ito tatapusin. Hindi ko pa po kaya na mag-overtime sa trabaho. Kayo ba ay tapos na?" tanong sa amin ni Zephyr. Umiling lang sa kaniya si Nixon at si Paige naman ay sumagot. "Katatapos ko lang ng iniutos sa akin."
"Ikaw ba?" Tiningnan pa nila akong tatlo. Kinuha ko naman ang gamit ko saka naglakad na palabas nang hindi sila sinasagot. "Bakit mo pa ba siya tinanong? Mabilis naman matapos si Kyson sa mga trabaho na iuutos sa kaniya. Malamang tapos na 'yan," narinig ko pa na sambit ni Nixon kay Zephyr.
Nang makalabas kami ay narinig ko na nag-uusap na sila kung saan na naman kakain. Pero napili nila na sa malapit na lang kumain, dahil nga sa nangyari sa amin kaninang lunch ay ayaw na nilang lumayo pa. Hinarap ko naman sila, "Hindi muna ako sasama sa inyo ngayon. May importante akong kailangang lakarin. Kitain ko na lang kayo sa dorm mamaya," paalam ko naman sa kanila. Nagulat pa ang dalawa kong kaibigan.
"Saan ka naman pupunta? Kumain ka na muna kasama kami. Hindi rin naman tayo nakakain kanina ng lunch dahil sa nangyari kanina, kaya panigurado na gutom ka rin katulad namin. O gusto mo samahan ka na muna namin sa pupuntahan mo, tapos sabay-sabay tayong kakain?" suhestiyon pa ni Nixon. Inilingan ko lang siya.
"Kaya ko nang magpunta roon mag-isa. Kakain naman ako sa dorm kapag nakauwi na ako mamaya."
Bigla ay may tumawag naman kay Paige. Sinagot niya ito at tinalikuran kami. Pero maririnig pa rin namin ang kaniyang sasabihin. "Po? Ano po ang ibig mong sabihin? Pero sinabi ko naman po na magbabayad ako at hinihintay ko lang ang sahod ko para sa susunod na buwan. Kasisimula ko pa lang po kasi sa trabaho kahapon, kaya sa susunod na-- po? Hala, 'wag naman po. Papunta na po ako riyan."
Ibinaba naman niya ang tawag saka kami nilingon. "Sorry, guys. Hindi pala ako makakasama muna sa inyo ngayong gabi para mag-dinner. May emergency sa apartment na tinitirahan ko. Bawi na lang ako next time," sambit pa niya sa amin.
"Ayos lang. Hindi mo ba kailangan ng tulong? Mukhang tungkol 'yon sa upa ng apartment mo, a?" tanong pa sa kaniya ni Nixon. Umiling naman si Paige, "Hindi na kailangan. Ako na ang bahala na kausapin ang landlady mamaya. Ingat kayo!"
Nagmadali na siya na umalis kaya muli akong tiningnan ng dalawa. Parang nalungkot pa sila dahil sa narinig na sinabi ni Paige. "Uuna na ako. Kitain ko na lang kayo mamaya sa dorm. Kayo na lang muna ang kumain ngayong gabi," paalam ko pang muli. Aalis na sana ako nang pigilan nila akong dalawa.
"Hindi ba pwede na sumama na lang kami sa 'yo? Hindi kami sanay na dalawa lang kaming kakain at wala ka."
"Oo nga, Ky. Parang ang tahimik ng buhay namin kapag hindi ka namin kasama." Sinamaan ko naman ng tingin si Nixon dahil sa sinabi niya. "Kahit naman kasama ninyo ako ay hindi umiingay ang mga buhay ninyo."
Napakamot siya sa kaniyang ulo, "Oo nga pala. Tahimik ka lang din pala madalas at minsan lang malakas ang trip," sambit pa niya. Inalis ko naman ang pagkakahawak nila sa akin. Para silang mga bata na ayaw maiwanan ng kanilang nanay. "Saan ba kasi ang punta mo? Gaano ba ka-importante 'yan at ayaw mo kaming pasamahin?" tanong naman ni Zephyr sa akin.
"Personal matter ito, kaya hindi ko maaaring ipaalam sa inyo. Aalis na ako," seryosong sagot ko. Kapag gano'n na ang salita ko, tiyak na matatakot na agad silang dalawa. Alam na nila na sobrang seryoso ng bagay na kailangan kong gawin. Hindi na sila pumalag pa at hinayaan ako.
Sumakay na ako sa taxi at nagpunta sa lugar na may kalayuan ng kaunti mula sa stationn. Matapos ang kalahating oras ay bumaba na ako sa isang eskinita. Nang makaalis na ang taxi ay pumasok na ako sa maliit na eskinita na 'yon at may kadiliman din. Nakarating ako sa dulo at nakita ang maliit na shop na naroon. Iisang ilaw lang ang ilaw na naroon. Tahimik din ang lugar na ito. Mga kakilala lang ng may-ari ang nakakaalam tungkol sa lugar na ito.
Kumatok naman ako na may pattern na katok. 'Yon ang nagsisilbing password ng mga pumupunta rito. Para malaman ng nasa loob na kakilala ang papasok. Awtomatiko naman na nagbukas ang pinto nang matapos akong kumatok. Pumasok na ako mula roon at nakitang abala ang isa kong kakilala noon pa sa harap ng kaniyang computers.
"What brings you here, Kien?" tanong niya sa akin nang hindi humaharap sa akin. Alam naman niya na nagbago na ako ng pangalan, pero mas gusto pa rin niya na tawagin ako sa tunay kong pangalan. "May gusto sana akong ipagawa sa 'yo."
Inikot niya ang kaniyang swivel chair at hinarap ako. "What is it, my friend?" Inilabas ko naman ang phone ko at ipinakita ang number ng cell phone ni Detective Cason. Old model phone na 'yon, pero gumagana pa. Malakas ang kutob ko na ginagamit niya iyon para sa ibang transaksyon. "Gawan mo ako ng duplicate sim card gamit ang numero na ito."
"Woah, is this rush or not?"
"I want it as soon as possible, if you can."
"I can do it, but of course... money first."
Inilapag ko naman sa harapan niya ang dalawang bundle ng pera mula sa bag ko. Natuwa naman siya nang makita iyon. "Nice! I will start right away. Just give me an hour to finish it."
Hinintay ko na lang na na matapos niya. Bukas ay bibili ako ng isa pang cell phone upang mailagay ko roon ang sim card na pinagawa ko. Ang lahat ng mga text messages at tawag na matatanggap ni Benjamin gamit ang numero na 'yon ay matatanggap ko rin sa pinagawa ko. Para mas mabantayan ko si Benjamin.