SECOND TASK

2500 Words
Maaga akong nagising kinabukasan. 7:00 am ang pasok namin sa Detective Station District. Kaya alas-singko pa lang ng umaga ay gising na ako. Kailangan pang kumain at mag-ayos ng sarili. Lumabas naman ako mula sa aking kwarto at nakitang tahimik pa ang kabuuan ng dorm. Mukhang hindi pa gising ang mga kaibigan ko. Pumasok naman ako sa kwarto ni Nixon. Sinilip ko rin si Zephyr sa kaniyang kwarto at parehas pang masarap ang mga tulog. Mababagal pa man din kung kumilos ang mga kaibigan ko. Napailing na lang ako sa mga itsura nila. Kahit na ganito ang ugali ko ngayon, malakas pa rin ang trip ko minsan. Kinuha ko muna ang phone ko at parehas ko silang kinuhanan ng mga litrato. Magagamit ko rin ito sa kanila bilang panakot kapag nagkataon.  Pumasok muli ako sa kwarto ko at kinuha ang isang speaker. Itinapat ko 'yon sa gitna ng dalawang pinto ng mga kwarto nina Nixon at Zephyr. Magkatabi kasi ang kwarto nila samantalang ang kwarto ko naman ay nasa tapat nila. Nagpatugtog ako ng malakas na alarm para magulantang sila. Soundproof din naman itong dorm namin, kaya hindi maririnig sa labas kahit gaano pa kaingay dito.  "What the heck! Ang ingay!"  "Ang sakit sa tainga, Kyson Leonidas!" sigaw pa ni Zephyr. Tumakbo pa siya palabas sa kaniyang kwarto saka pinatay ang speaker. Lumabas na rin si Nixon habang nakatakip pa ang kaniyang mga kamay sa kaniyang tainga at gulo-gulo pa ang mga buhok. "Ano na naman ba ang trip mo ngayon?" tanong niya pa sa akin.  "Trip? Magpasalamat pa nga kayo sa akin dahil ginising ko kayo ngayon. Baka hindi niyo na makamit ang pangarap ninyo na maging detective kapag late kayo ng pasok mamaya sa station," sagot ko naman. Nagpunta na ako sa kusina upang magluto ng kakainin namin. Naramdaman ko naman na sumunod sila sa akin. Ako ang nakatoka na magluto ngayong araw. Bukas naman ay si Nixon at sa isang araw ay si Zephyr. Matapos no'n ay ako na muli ang magluluto. Alternate kaming tatlo para pantay lahat at walang lamangan.  "Oo nga pala. Hindi pa rin ako sanay na rookies na nga pala tayo ngayon at tinuturuan na upang maging isang ganap na detective," kumento ni Zephyr. Halata naman na antok pa siya. "Nagpuyat na naman ba kayo kagabi? Ano na lang ang gagawin ninyong dalawa kung hindi ako ang kasama niyo? Tiyak na ligwak na kayo sa training pa lang."  Sinamaan naman ng tingin ni Nixon si Zephyr. "Ito kasing si Zep! Niyaya pa niya ako kagabi maglaro ng PS4. Napuyat tuloy ako."  "Talagang sinisi mo pa ako, ha? Sabi ko nga kagabi last game na! Tapos ang sabi mo, last game pa kasi babawi ka sa akin. Hanggang sa naka-ilang babawi ka pa kahit hindi ka naman talaga mananalo laban sa akin!"  "Anong hindi mananalo? Nagawa ko nga na manalo laban sa 'yo kagabi!"  "Stupid. Nagpatalo na talaga ako dahil sobrang antok na ako. Ala-una na no'n ng madaling araw. Apat na oras lang tuloy ang tulog ko."  Nagpatuloy pa sila sa pag-aasaran nila. Hindi ako mahilig na maglaro ng PS4, kaya hindi nila ako magagawang mayaya sa mga gano'ng klase. Nagluto na lang ako ng aming agahan at hindi na sila pinagtuonan pa ng pansin. Para pa ring mga bata kung kumilos sila. Sanay na rin naman ako na gano'n sila kaingay at madalas na magbangayan. Daig pa nila ang aso at pusa kung mag-away. Sa akin lang naman sila hindi nakakapalag.  "Kumain na kayo. Mauuna na muna akong maligo sa banyo," sambit ko. Inihain ko na sa kanila ang kanilang kakainin. "Bakit hindi ka pa sumabay sa amin ngayon na kumain?" tanong naman sa akin ni Nixon.  "Baka mag-agawan pa tayo sa banyo mamaya. Mabilis lang din naman ako na maligo. Kaya mauna na kayong kumain."  "Siguraduhin mo lang na kakain ka mamaya, ha? Luto mo pa man din ang mga ito," sambit pa ni Zephyr. Tinanguan ko na lang sila at hinayaan na silang kumain. Mabilis lang ako na naligo at saka nang natapos ay kumain na rin. "Uuna na ako sa station!" paalam ko sa dalawa. Nagbibihis pa si Zephyr at si Nixon naman ay naliligo pa lang.  "Huh? Bakit hindi mo pa kami hintayin?" rinig ko pa na tanong ni Zephyr sa akin. Ngunit hindi na ako sumagot pa at nauna nang umalis sa dorm.  Nilakad ko lang papunta sa station. Medyo maaga pa ako dahil 6:30 am pa lang. Nang makarating ako ay kaunti pa lang ang mga trabahador na naroon. 8:00 am talaga ang office hour. Pero sa aming mga rookie ay pinapapasok kami ng 7:00 am. Kahit hindi ko naman alam kung bakit. Nakita ko naman ang lamesa ni Detective Cason na nakalagay sa gilid ng mga lamesa naming mga rookies. Nagtataka ako kung bakit sa tagal na niyang nagtatrabaho sa industriya na ito ay hindi pa rin napo-promote ang pwesto niya. Lalo na at nakakakita ako noon ng mga articles tungkol sa kaniya. Marami na siyang nalutas na mga major cases. Hahanga na sana ako sa kaniya, ngunit hindi niya nagawang malutas ang kaso ng nanay ko. Nangako pa siya sa akin noon na gagawin niya ang lahat para lamang mahuli ang kriminal na 'yon. Ngunit nang mawala lang ako sa probinsiya ay naibasura na rin ang kaso ng aking ina. Mas marami pa ang nabiktima dahil sa kaso na 'yon, dahil nagpakamatay ang mayor.  Nilingon ko naman ang paligid ko. Wala pa masiyadong mga tao sa loob. Umupo ako sa lamesa ko na may kalapitan sa lamesa ni Detective Cason. Nagkunwari muna ako na may ginagawa, saka ko kusang inilaglag ang ball pen na hawak ko. Papunta iyon sa lamesa ni Detective Cason. Tumayo naman ako at lumapit doon, nagkukunwari na kukunin ko ang ball pen. Nang makapunta sa harap ng lamesa niya ay nangalkal ako sa  mga folders na nasa isang drawer. Gusto kong mahanap ang files ng kaso ni Mama noon. Nakita ko naman ang isang lumang cell phone na nakalagay sa loob ng drawer. Kinuha ko 'yon at tiningnan kung gumagana pa. Nakabukas ito at mukhang ginagamit ito ni Detective Cason. Kinuha ko agad ang sim card number ng phone na 'yon saka ko inilagay sa cell phone ko. Ibinalik ko na 'yon sa drawer. Bigla ay may nag-text sa akin. Kinuha ko naman 'yon at tiningnan kung sino.  From: Detective Walker Mukhang maaga ka na pumasok ngayon. Nakita kitang pumasok na. Paki-kuha ng folder na nasa lamesa ni Detective Cason. Hintayin kita rito sa coffeee shop sa labas.  Nagpatuloy na ako sa paghahanap hanggang sa may marinig ako na nagsalita sa itaas ko. "Ano ang ginagawa mo sa lamesa ni Detective Cason?" tanong naman sa akin ng pamilyar na boses. Iniangat ko ang paningin ko at nakita na nakasilip sa akin si Paige. Kinuha ko naman ang ball pen ko sa sahig at inayos ang mga kinakalkal ko kanina. Badtrip! Dumating pa ang isang 'to.  Tumayo naman ako saka kinuha ang folder na nasa lamesa ni Detective Cason at ipinakita 'yon kay Paige. "May iniutos sa akin kaya ako narito. May problema ba?" walang gana na tanong ko. Mabuti na lang din at sakto ang utos sa akin. Hindi ko man lang naramdaman ang presensya ng babae na ito. Daig pa niya ang multo na bigla na lang sumusulpot nang hindi nararamdaman.  Sinuri pa niya ako habang nanliliit ang kaniyang mga mata. "E bakit parang may hinahanap ka pang iba sa drawer?" tanong pa niyang muli. "Alam mo ba ang iniutos sa akin?" Umiling naman siya sa tanong ko. Saka ko siya nilapitan sa kaniyang kinatatayuan.  "Hindi mo naman pala alam. I don't need to explain myself to you," sambit ko pa saka ko siya nilagpasan. "Napaka-sungit mo talaga. Ganiyan ba talaga ang ugali mo?" Sumunod pa siya sa akin habang naglalakad na ako papunta sa coffee shop na tinutukoy ni Detective Walker. Hindi ko na siya sinagot pa, pero nanatili lang siya na nakasunod sa akin. Para siyang aso.  Nakita ko naman si Detective Walker at Detective Cason na nagkakape roon. Glass wall ang coffee shop kaya kita namin agad ang pwesto nila. Pumasok ako sa loob saka kami bahagyang bumati sa kanila upang magbigay ng respeto. Iniabot ko naman kay Detective Walker ang pinapakuha niya sa akin. "Salamat. Mabuti na lang at nakita kitang papasok sa station."  "Walang anuman, Detective Walker," magalang na sagot ko. Sa kaniya lang ako may galang dahil wala naman siyang nagawang masama sa akin. Hindi katulad ng lalaki na nasa harapan niya. Ni hindi man lang kami binati pabalik. Kung bastos siya, bakit ko pa siya rerespetuhin?  Nagpaalam na kami at bumalik na sa station. Dumating na rin ang dalawa kong mga kaibigan. Lumipas ang mga oras at nakaupo lang kami sa kaniya-kaniya naming mga lamesa. May mga iniutos sa amin na gawin kaya nakatutok lang kami sa harap ng mga laptop namin buong umaga. "Lunch time na. Mag-lunch na muna kayo para mayroon kayong enerhiya mamaya kungg sakali man na may bagong report na dumating sa atin," sambit naman ni Detective Walker.  Natuwa naman ang mga kasamahan ko. Inayos ko ang gamit ko at tumayo na sa upuan. "Tara at kumain tayo roon sa Burger Garage na bagong bukas lang. Hindi naman 'yon masiyadong malayo mula rito. Hindi ko kasi gustong kumain ngayon ng kanin. Kayo ba?" yaya agad sa amin ni Zephyr. Basta sa mga magagandang lugar ay alam niya agad. Nakita ko na sa social media ang restaurant na 'yon. Maganda ang lugar na 'yon at bagong bukas lang.  "Ayos lang naman sa akin. Hindi ko rin gusto na magkanin dahil busog pa ako sa breakfast na iniluto ni Kyson kanina."  "Magkakasama ba kayo sa iisang dorm?" tanong naman ni Paige. Palabas na kami ng station. Dahil nga nakapagdesisyon na rin naman sila kung saan kami kakain, wala na akong magagawa kundi ang sumama na lang. Ayoko naman na humiwalay pa sa kanila at kumain nang mag-isa.  "Oo, magkakasama kaming tatlo. Swerte nga namin dahil hindi na kami nagkahiwa-hiwalay pa. Hindi masaya ang buhay ko kung hindi sila ang kasama ko," sagot ni Zephyr. Ang sipag talaga niyang sumagot sa bawat tanong. "Ikaw ba, Paige? Saan ka naninirahan ngayon?" tanong naman ni Nixon. Ayon na naman sila sa pag-uusap.  "Naka-apartment ako at hindi rin naman malayo mula sa district natin. Ang sungit nga ng landlady doon. Wala pa kasi ang payday kaya hindi pa ako nakakabayad ng upa para sa buwan na ito. Lalo na at kasisimula lang naman natin kahapon sa station."  "Gusto mo ba na pahiramin muna kita? May mga extra pa naman ako sa bank account ko mula sa allowances na ibinibigay sa akin nina Mom," alok pa ni Zephyr. "Naku! Huwag na 'no. Hindi ko naman kailangan niyan. Isa pa, ayoko na magkaroon ng utang. Hindi rin naman siguro ako palalayasin doon kapag hindi ako agad nakabayad ng upa. Ang mahalaga naman ay babayaran ko pa rin sa oras na sumahod na tayo."  "Ikaw ang bahala. Pero kung kailangan mo naman ng tulong ay narito lang kami." Sumakay na kami ng taxi papunta sa Burger Garage. Nang makarating kami roon ay patuloy pa rin ang usapan nilang tatlo. Samantalang ako ay tahimik lang at hinihintay ang aming orders. Nang dumating na ang orders namin ay sandali silang natahimik. Isa-isang inilalagay ng waitress ang mga orders namin sa lamesa. Nang matapos siya, pupunta na sana siya sa isang lamesa nang madulas siya.  "Tangina!"  Nang madulas siya ay nabuhos sa isang lalaki sa kabilang lamesa ang isang orange juice na dala ng waiter. Napatayo pa siya dahil sa nangyari sa kaniya. Babae ang waitress at siya rin ang nasa counter. Ang katulong niya lang dito sa Burger Garage ay ang kaniyang tagaluto. "Ano ba?! Hindi mo ba kayang gawin ng ayos angg trabaho mo?! Tingnan mo nga ang nagawa mo sa akin!" sigaw pa ng lalaki.  Sinuri ko naman ang pangangatawan ng lalaki na 'yon. May kalakihan ang katawan niya at mas matangkad sa akin. May mga tattoo rin siya sa katawan. Napansin ko naman na natakot ang babae sa kaniya. "P-Pasensiya na, Sir. Hindi ko naman po sinasadya," sambit pa niya. "Anong hindi sinasadya?! Tingnan mo, ang lagkit ng naibuhos mo sa akin! Wala mo ba kung gaano kamahal ang damit ko na ito?!" "Pasensya na po talaga, Sir. P-Punasan ko--"  "Gago!"  Mabilis siyang hinablot ng lalaki at saka sinakal. Ikinagulat naman namin ang kaniyang nagawa. Nag-iritan naman ang ibang customers na mga estudyante nang maglabas ng kutsilyo ang lalaki. Mabilis silang tumakbo palabas. Kaya naman ay kami na lang ang naiwan dito na customers. Agad naman kaming tumayo at naging alerto.  "Huminahon ho kayo. Hindi tama 'yang ginagawa mo ngayon," sambit ko sa lalaki. Ginawa na niyang hostage ang umiiyak na waitress. Itinutok naman niya ang hawak niyang kutsilyo sa amin. "Huwag kayong lalapit! Papatayin ko ang babae na ito sa oras na lumapit kayo!" banta pa niya.  Tiningnan naman niya si Paige, "I-lock mo ang pinto na 'yon! Bilis!" utos niya. Nagdadalawang-isip pa si Paige kung susundin ang utos ng lalaki, ngunit sinenyasan ko naman siya na gawin na lang. "Hoy, ikaw! Sino ang tinatawagan mo riyan?! Ibaba mo na 'yan kung ayaw mong mamatay ang kasamahan mo!" sigaw pa ng lalaki sa isang babae na nagluluto sa loob.  Hostage na niya kami ngayon dahil sa kaniyang ginawa. Nakita ko naman na dumarami na ang mga nakapalibot sa labas ng Burger Garage. Mga tao na nanonood sa kung ano na ang nangyayari rito sa loob. "Ilabas ninyo ang lahat ng pera na mayroon kayo. Makakaligtas kayong lahat kapag naibigay niyo sa akin ang kailangan ko."  "Pero wala kaming kapera-pera ngayon, boss. Short na rin kami sa pera," sagot ni Zephyr. Hindi ko alam kung pabiro ba ang sinabi niya o hindi. "Manahimik ka na! Nagagawa niyo nga na kumain dito, tapos sasabihin mo sa akin na wala kayong pera! Huwag kang gumalaw!"   Itinapat niya ang baril sa leeg ng babae na hawak niya ngayon. Mas lalo siyang naiyak dahil sa takot. Bigla ay napansin ko na ang sasakyan nina Detective Cason. May mga media na rin na nagsidatingan. Mukhang may nag-report na kung ano ang nangyayari rito ngayon. Naglabas naman ng megaphone si Detective Cason.  "Pakawalan mo na sila dahil napapalibutan ka na naming lahat."  "Sino ba ang tinakot nila? Ako? Lahat tayo ay mamamatay dito kung hindi ninyo ibibigay sa akin ang mga pera niyo!"  "I-Ibibigay ko na ang pera na mayroon ako!" umiiyak na sigaw ng hostage niya. Gano'n din ang isang babae. Bahagyang binitawan naman ng lalaki ang kaniyang hostage at pinagalaw upang makuha kung nasaan ang pera. 'Yon ang pagkakataon ko para malabanan siya.  Mabilis akong sumugod sa kaniya at sinipa ang kamay niya na hawak ang kutsilyo. Ngunit hindi niya 'yon nabitawan. Nagsuntukan pa kami hanggang sa pigilan ko ang kamay niyang saksakin ako. Sinipa niya ako kaya natumba ako sa sahig at agad niya akong dinaganan.  "Pakilamero ka masiyado!" sigaw niya saka itinaas ang kamay na hawak ang kutsilyo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD