MAY saya sa dibdib ni Jenny habang pinagmamasdan niya ang mga pagkain sa lamesa. Almusal pa lamang ang kanyang inihanda ngunit pang-fiesta na sa dami ng pagkain ang kanyang inihain. Espesyal para sa kanya ang araw na ito dahil sa isang linggo na sila sa kanilang bagong bahay.
Isang araw nang wala siyang nararamdaman na kakaiba sa kanilang bahay. Hindi na muling nagpakita sa kanya iyong matandang babae o iyong babae sa salamin at kahit na iyong lalaking duguan. Napansin niya lang na simula ng pinturahan ni Gio iyong kulay pula sa dingding ay natigil na rin ang mga pagpaparamdam sa kanya. Napapaisip tuloy siya kung konektado ang kulay pulang dingding sa mga nagpapakita sa kanya.
Ah, marahil ay nagkataon lamang iyon...
'Paniguradong matutuwa si Gio sa mga niluto ko.' natutuwang bulong niya sa kanyang sarili.
Tiningnan ni Jenny ang oras sa wall clock. Halos ala-siete na ng umaga ngunit hindi pa rin bumababa si Gio. Kadalasan kasi ay ala-sais pa lamang ng umaga ay gumigising na ito. Ang mabuti pa ay akyatin na niya ito sa itaas. Hindi na masarap kumain kapag lumamig na ng husto ang kanyang mga niluto.
Umakyat na si Jenny sa hagdan patungo sa kanilang kwarto. Pagkabukas niya ng pinto ng kanilang silid ay nakita niya si Gio na namamaluktot sa kanilang kama habang balot na balot ito ng kumot. Bumangon ang kaba sa kanyang dibdib pagkakita sa kalagayan ng kanyang asawa.
"G-gio!" nag-aalala niyang tawag dito.
Agad niya itong nilapitan at dinama ang noo at leeg nito dahil baka nilalagnat ito. Ngunit hindi naman ito mainit, bagkus ay medyo malamig ito.
"Gio, a-anong nararamdaman mo? Meron bang masakit sa iyo, ha?" kinakabahan niyang tanong dito.
"M-malamig... M-malamig, Jenny..." nanginginig nitong turan.
"Diyan ka lang, okey? Pupunsan ko ng maligamgam na tubig ang katawan mo!" aniya.
Pagtayo ni Jenny upang kumuha ng maligamgam na tubig ay natigilan siya nang magawi ang tingin niya sa dingding na pininturahan ni Gio. Hindi siya makapaniwala na bumalik ang mga kulay pulang mantsa doon. Tila hindi iyon pininturahan at bumalik iyon sa orihinal nitong anyo nang lumipat sila sa bahay na ito. Papaanong nangyari ito? Pininturahan na iyon ni Gio! At kanina, pagkagising niya ay tandang-tanda pa niya na wala na roon ang kulay pula sa dingding na iyon.
Bago pa makagawa ng kung ano pang ibang reaksiyon si Jenny ukol sa kababalaghang nakita ay inagaw na ang kanyang pansin ng pagsusuka ni Gio. Nakaupo si Gio sa gilid ng kama at nakatungo ang ulo habang sumusuka. Puro tubig ang isinusuka nito.
Hindi na niya itinuloy ang pagkuha ng maligamgam na tubig. Bagkus ay kinuha niya ang kanyang cellphone upang tumawag sa pinakamalapit na hospital.
"Hello--" Hindi niya naituloy ang kanyang sasabihin nang biglang lumapit sa kanya si Gio at inagaw sa kanya nito ang telepono.
Nang tingnan niya ang kanyang asawa ay napaawa siya sa hitsura nito. Pawis na pawis naman ito kahit na nang damhin niya ang leeg nito kanina ay napakalamig n'on. Hinihingal ito at may tumutulong malapot na laway sa gilid ng bibig nito.
"J-jenny..." tawag nito sa kanya.
"Gio, kailangan kong tumawag sa ospital. Kailangan na madala kita doon!" halos maiyak na siya ng mga oras na iyon. Ngunit pinipigilan niya lamang ang kanyang pagluha dahil kailangan niyang magpakatatag.
Niyakap lang siya ni Gio habang nakatuon sa balikat niya ang baba nito.
"'W-wag... Hindi na kailangan. Dito ka lang... Ang gusto ko ay dito ka lang sa tabi ko," hinihingal nitong sagot.
"Pero, Gio, hindi ko alam ang nangyayari sa iyo. Baka kung ano na iyan, eh!"
"Okey lang ako. Ang kailangan ko lang ay ang magpahinga..."
Masuyong inilalayan ni Jenny si Gio hanggang sa maihiga niya itong muli sa kama. Sinunod na lamang niya ang gusto nito na huwag na itong dalhin sa hospital. Pero kung sakaling may kakaibang mangyari dito ay hindi na siya magpapapigil dito--- dadalhin na niya ito doon. May awa na humaplos sa kanyang puso nang pagmasdan ang tila pagod na pagod na hitsura ni Gio. Wala siyang ideya kung bakit ito nagkakaganoon. Maayos pa naman ito kagabi bago sila matulog.
Nang makita niyang nakapikit na si Gio ay iniwan niya ito sandali upang linisin ang isinuka nitong likido sa sahig. Itinuloy na rin niya ang pagkuha ng maligamgam na tubig upang punasan ito. Matapos iyon ay ipinagluto naman niya ito ng lugaw upang makakain na ito.
Pagpasok niya sa kwarto dala ang lugaw ay nagulat si Jenny nang makita niyang nakatayo si Gio sa harap n'ong kulay pulang dingding.
"Bakit tumayo ka agad? Maayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya. Inilapag niya sa side table ang dalang lugaw.
"Mas maganda pala ang dingding na ito kapag ganito..." natigilan siya sa sinabi ng asawa.
"A-anong sabi mo?" aniya habang lumalapit dito.
"Itong dingding... Mas maganda siya kapag ganito," ulit ni Gio.
"Pero hindi ka ba nagtataka? P-pininturahan mo na iyan, 'di ba... Tapos muli siyang bumalik sa ganyan."
"Marahil ay ibinalik ng ibang nakatira sa bahay..." mahinang sagot nito na parang lumampas lang sa kanyang tenga.
Kumunot ang noo ni Jenny.
"Ano?"
Tiningnan siya ni Gio. Ngumiti ito ng malapad. "Wala. Ang sabi ko ay hayaan na natin. Huwag na nating isipin ang mga bagay na hindi naman natin kayang bigyan ng kasagutan..." makahulugan nitong sabi.
"Teka, kumusta na nga pala ang pakiramdam mo?"
"Ayos na ako, Jenny. Huwag kang mag-alala." At pinisil pa nito nang bahagya ang kanyang pisngi.
Iniwan siya ni Gio at pumasok ito sa banyo na nasa kanilang kwarto.
Labi-labis ang pagtataka ni Jenny dahil kanina lamang ay halos mamatay na si Gio sa tingin niya pero ngayon ay parang nahipan lang ito ng hangin at okey na itong muli. Isa pa sa ipinagtataka niya ay ang kulay pulang dingding. Hindi ba at ito pa nga ang gustong matanggal iyon ngunit bakit ngayon ay nagustuhan na nito iyon?
Tiningnan niyang muli ang kulay pulang dingding. Hindi niya alam ngunit sa tuwing tinitingnan niya iyon ay nakakaramdam siya ng pagtaas ng kanyang balahibo!
'Huwag na nating isipin ang mga bagay na hindi naman natin kayang bigyan ng kasagutan...' Muling umalingawngaw sa kanyang isip ang sinabing iyon ng kanyang asawa.
Marahil nga ay tama ito...
-----
INAAYOS ni Jenny ang mga gamit nila sa stock room ng araw na iyon. Iyon ay 'yong isa pang kwarto sa itaas na ginawa nilang tambakan ng mga gamit nila na hindi naman nila masyadong ginagamit. Medyo maalikabok na rin kasi doon kaya kailangan na rin ng konting linis.
Patapos na siya nang makarinig siya ng pag-ingit. Parang tunog ng isang pinto na nabuksan. Pagtingin niya sa kanyang likuran ay nakita niyang nakabukas iyong aparador na yari sa kahoy. Naroon na ang naturang aparador bago pa lamang sila lumipat. Sa pagkakaalam niya ay wala iyong laman.
Ganoon na lamang ang pagtataka niya. Papaanong bumukas iyon? Wala namang hangin siyang naramdaman...
Dahan-dahan ay lumapit siya sa aparador. Akmang isasara na niya iyon nang mapasinghap siya sa labis na gulat nang may biglang papel na nalaglag mula sa loob ng aparador. Kinuha niya ang papel at nalaman niyang isa pala iyong litrato.
Isang family picture... May batang babae, isang babae, isang lalaki at isang matandang babae. Tumuon ang kanyang pansin sa matandang babae. Hindi siya maaaring magkamali... Ito iyong matandang babae na nagpakita sa kanya!