Chapter 4: Young Melissa, the throwback.

2121 Words
Sa kanyang pag-iisip habang nakahiga sa sariling silid ay nagsimulang maglayag ang kanyang utak labing pitong taon na ang nakaraan. Anim na taong gulang lamang si Melissa noon at ang tanging kasama ay ang kanyang ina. Wala itong permanenteng trabaho at sa isang eskinita sila sa Tondo malapit sa tulay nakatira. Sa araw-araw ay naglalako ang mag-ina ng sampaguita. Minsan naman ay hinahatak ang ina na tumulong sa pagtitinda ng isda at gulay sa palengke. Kinse anyos lang nang mabuntis ang kanyang ina at dahil bata pa ito noon katulad ng kanyang ama ay hindi rin nagtagal na magkasama ang dalawa. Wala s'yang alam kung saan napadpad ang ama basta ang tumatak sa kanyang isipan ay ang naranasang kahirapan sa murang edad. "Rita, ito na muna ang iyong ilalako. Paubos mo muna ito saka ka bumalik rito," saad ni Aling Hilda na pinagkukuhanan nila ng sampaguita. "Bakit ito lang po? Hindi po ba pwede na dagdagan para isang bentahan ko lang?" pakiusap ng ina. "Hay naku! Kung ayaw mo sa iba ko na ibibigay iyan, dami mo'ng sinasabi. Ako ang may-ari kaya ako ang masusunod. Ano kukunin mo ba ito o hindi?" sermon ng matandang babae. Nasa edad na mahigit singkwenta na ito. Masungit at lagi ito nakabulyaw. Walang magawa ang batang ina ni Melissa kundi hanguin at ilagay sa kanyang hawak na maliit na basket ang ititindang mga sampaguita. "Siguraduhin mo na maubos iyan ng maaga saka ka bumalik rito. Ikaw rin kung gusto mo ng malaki-laki ang kikitain dapat mabilis ka at malakas ka magtinda," sigaw nito bilang paalala sa kanyang ina. Hawak s'ya ng ina sa isang kamay habang sa kabila ay hawak nito ang maliit na basket. Nilakad nila mula bahay ni Aling Hilda at nadaanan nila ang maliliit na eskinita kung saan ay nakakalat ang mga basura sa tabi. Marami ang mga nakatira sa kalye at doon makikita ang tunay na mukha ng Manila. Mga batang patpatin at madungis, mga tambay at basagulero, mga adik at masasaksihan rin madalas ang iba't ibang uri ng mga masasamang gawain na sandamakmak. Papunta sila sa simbahan ng Quiapo upang makapaglako dahil doon ay kumpulan ang mga tao na nagsisimba at namimili. Natatanaw na nila ang simbahan at marami na din ang mga papunta pa lang ng simbahan. Sinasalubong nilang mag-ina ang mga papasok pa lang ng Quiapo church. "Ale, bili na po kayo. Mura lang po!" saad ni Rita sa isang matandang babae. Malinis ito at maayos ang pananamit, may hawak na abaniko at namumula pa ang labi dahil sa suot na pulang lipstick. Lumingon ito ng bahagya sa kanila at napadako ang tingin nito sa kanya saka binalingan ang sampaguita. "Magkano?" tanong nito. "Bente po isang tali," sagot ng ina. "Ang mahal naman, kinse lang." Ungos ng matanda. "Mura na po iyan, Maam. Pinapaubos ko lang po ito upang makauwi na kami. Pambili lang po ng pagkain ng anak ko," saad ng ina na si Rita. "Hay naku, bakit kasi ang bata-bata mo pa nag-asawa? Tuloy hirap ka sa buhay. Naku ineng! Tapos gagamitin ang anak sa raket para kaawaan," panghahamak nito sa kanyang ina. Nagbaba ng tingin ang ina at hindi nakasagot. "Nagtitinda po ang nanay ko para kumita at may pambili kami ng pagkain, hindi naman po s'ya nanghihingi sa inyo. Kung bibili man kayo o hindi huwag n'yo naman po sana hamakin ang nanay ko," pagtatanggol ni Melissa sa ina. Napipi ang matanda sa naging sagot ng bata. May ilan na nakarinig sa tinuran n'ya ngunit hindi n'ya ininda basta ang alam n'ya lang ay ayaw n'ya na kinakawawa sila. "Hayaan mo na, 'nak! Doon na lang tayo," nahihiyang saad ni Rita. Akay s'ya ng ina nang may humawak sa braso nito na isang babae. Maganda ito at mukhang mayaman. "Magkano lahat iyan?" tanong nito. "Lahat po?" ulit ni Rita. Nakangiting tumango ang babae. "Three hundred pesos lang po," magalang na sagot ng ina sa kausap. Nakangiti ito at kumuha ng isang libo. "Bibilhin po ninyo ang lahat ng ito?" namamangha na tanong ni Rita sa magandang babae. Tumango ito at ngumiti sa kanya na nakatayo katabi ng ina. "Naku, wala po akong panukli eh. Makapaghintay po ba kayo? Maghahanap lang po ako ng panukli," paalam ni Rita. "Itago mo na ang sobra pambili ng kailangan ninyong mag-iina," mabait na turan ng babae. Nanlaki ang mga mata ni Rita sa sinagot ng babae. Hindi s'ya makapaniwala sa sinabi nito. "Ho? Eh napakalaking pera naman po ito, okay na po ako sa tubo ko. Malaking bagay na agad naubos ang paninda ko, makakalako pa naman ako ulit mamaya pagkatapos nito." Pahayag ni Rita. "Wala iyon, sige na kunin mo na iyan. Sa inyo na ang sukli. Basta alagaan at ingatan mo itong anak mo, napakaganda pa naman." Paalala ng mabait na babae sa kanyang ina. "Sige po, salamat po ng marami." Masayang tugon ni Rita. Ngumiti naman si Melissa sa mabait na estranghero. "Maraming salamat po. Napakabait ninyo, hindi gaya ng Ale kanina. Hindi na nga s'ya maganda eh pangit pa ugali," saad ni Melissa. Sinaway naman s'ya ng ina sa kanyang mga sinabi, habang natawa lang ang matanda. Tinapik nito ang kanyang balikat at pati na rin kay Rita bilang paalam bago ito tumalikod saka lumapit sa lalaki na naghintay sa kanya. Nag-ikot si Rita kasama ang anak upang makahanap ng sukli. Hindi maaring ibigay n'ya ng buo ang pera kay Hilda dahil napakagahaman nito pagdating sa pera. "Nay, maglalako pa ulit tayo mamaya?" tanong n'ya sa ina. "Oo 'nak, sayang kasi lalo na linggo ngayon at maraming tao." Tugon ni Rita na nagmamadali sa paglalakad upang agad na makarating sa bahay ni Hilda. Pagdating sa bahay ni Hilda ay kailangan na ulit nilang pumila dahil marami ang gusto maglako. Kaya tsambahan din ang kita nila sa dami, nila na nakakalat sa kalsada. "Bilis mo yata ngayon Rita, saan na ang kinita mo?" tanong nito. "Ito po," agad na sagot ng ina. Inabot nito ang tatlong tig-isang daan. Binigay naman ni Hilda ang tubo ng ina. "Bakit po ito lang?" nakakunot ang noo na tanong ni Rita dahil napagtanto na kulang ng bente pesos ang binigay nito. "Eh, makapagtinda ka pa naman ulit. Ipaubos mo muna ang mga ito saka ko dadagdagan." Saad nito habang inaabot ang isang bungkos ng sampaguita. "Grabe naman po kayo, magkano nga lang tubo ko kada piraso babawasan pa ninyo." Reklamo ni Rita. "Bakit? Eh ako ang may-ari, ako ang namumuhunan habang kayo nakikitinda lang tapos may gana pa kayo magreklamo. Kung ayaw mo, marami pa ang gustong maglako ng paninda ko. Sinabi ko na nga na ipaubos mo muna iyan at dagdagan ko mamaya ang tubo mo eh panay reklamo pa," yamot na sigaw ng matanda. "Sige po basta mamaya ah," walang magawa na tanging sagot ni Rita. "Oo nga, ang kulit! Tsupe tsupe! Ang tagal mo rito, umalis ka na at magtinda ka na upang makarami ka. Di mo ba nakikita may mga nakapila pa sa likuran mo?" pagtataboy nito. Lulugo-lugo ang mag-ina na naglakad pabalik sa kanilang puwesto. "Sana may mabait na mamimili ulit tayo mamaya," dasal ni Rita na nagkakandahaba at lumalabas ang ugat sa leeg kakasigaw upang makabenta. "Sampaguita po kayo! Mura lang po ito!" patuloy na sigaw ni Rita. Tagaktak ang pawis at hindi alintana ang mainit na sikat ng araw na tumatama sa balat. Nangingitim na puno ng alikabok at usok mula ulo hanggang talampakan. "Nay, magtubig muna kayo!" saad n'ya sa ina. Lumagok ito ng ilang beses saka bumalik sa ilalim ng araw ang mag-ina upang magtinda. "Dalawang piraso na lang at makakauwi na tayo," saad nito. "Oo nga po, Nay gusto ko ng fried chicken para mamayang gabi." Hiling n'ya sa ina. "Sige, bibili tayo mamaya." Nakangiting tugon nito. Mga isang oras pa sila na naglako saka naubos ang natitira nilang paninda. Magkahawak kamay na naglakad ang mag-ina papunta kay Hilda. "Lakas mo ngayong araw ah," puna nito. Wala ng nakapila sa labas ng bahay nito. Marahil ay naglalako pa ang karamihan sa kanila. "Tsamba lang po," sagot ni Rita saka inabot ang kanilang kinita. "Ayos! Oh ito sa iyo," saad ng ganid na babae sa kanyang ina sabay abot ng tubo. Binilang ito ni Rita. "Isang daan? Kulang pa rin ng twenty pesos," reklamo nito. "Anong kulang?" nandidilat ang mga mata na sagot nito. "Iyong tubo ko po, di ba po dapat ay one hundred twenty pesos lahat?" pangungulit ni Rita. "Kailan ka pa natuto mag-math? Kulang-kulang ka diyan, sobra na nga iyan!" sigaw nito. "Grabe naman po kayo. Kahit sa konting halaga eh buburautin n'yo pa ako," masama ang loob na turan ni Rita. "Ano pinagsasabi mo diyan? Kung panay ka reklamo, huwag ka ng magtinda ng mga paninda ko. B*i*it to!" malakas ang pagkakasigaw nito. Nangatog ang mga tuhod ni Melissa sa takot at hindi n'ya napigilan ang maiyak sa nerbyos. "Tahan na, 'nak! Halika, bumili na lang tayo ng fried chicken na gusto mo." Pang-aalo ng ina. Hindi na nito nagawang ipilit pa ang kulang na bayad sa kanya ni Aling Hilda. Marahil sa takot na baka hindi na s'ya nito bibigyan ng paninda sa susunod, dahil malaking kawalan ito para sa tulad n'ya na hindi nakapagtapos at mahina ang loob. Bago pa makauwi sa kanilang tinutuluyan na barong-barong ay dumaan muna ang mag-ina sa tindahan upang makabili ng pagkain at pangunahing pangangailangan. "Dalawang fried chicken nga po," sigaw ni Melissa sa tindero. "Sarap ng ulam ngayon ni Melissa ah," puna ng mabait tindero ng fried chicken na nasa cart. Madalas ay nadadaanan ito ng mag-ina sa tuwing sila ay pauwi na galing sa paglalako. "Oo nga po eh," masayang tugon ni Melissa na animo ay hindi galing sa pagkakaiyak. "Malaki ba kinita natin ngayon?" usisa anito. "Pambili lang po ng pagkain, salamat po!" tipid na sagot ng bata at nagtatakbo ito papunta sa ina na naghintay sa kanya. Pagdating sa kanilang barong-barong ay masaya nilang pinagsaluhan ang nabiling pagkain. Napadighay ang bata ng malakas pagkatapos ng masayang hapunan. "Sarap! Sana ganito araw-araw!" hiling ng bata habang nakahimlay sa balikat ng ina. Madilim na sa labas at tanging tunog ng tubig na galing sa ilog at ingay ng mga sasakyan ang maririnig. Ang ilaw sa malapit na poste ang nagsisilbing liwanag nila. "Nay, gusto ko paglaki ay maging mayaman din ako katulad ng mabait na babae kanina. Mabibili ko ang gusto ko at makakatulong din ako sa ibang tao," nangangarap na pahayag ng bata habang ang ina ay matamlay na sinusuklayan ang anak. Hindi umiimik si Rita sa tinuran ng anak. "Nay, saan nagpunta si tatay?" usisa n'ya dahil kahit kailan ay hindi na n'ya ulit nasilayan ang ama. "Hindi ko alam eh, anak. Basta ang gusto lang ni nanay ay maging maayos ang buhay mo at huwag kang magaya sa akin. Pasensya ka na dahil ako ang naging nanay mo, hindi ko alam kung paano ako makakabawi eh!" emosyonal na tugon ni Rita sa anak. "Pangako po magiging mayaman ako at sa malaking bahay ko kayo ititira." Pahayag ng bata na hindi nagdadalawang isip sa mga bagay na lumalabas sa kanyang bibig. "Kahit ikaw na lang, ayaw ko na maging pabigat at problema mo pa ako." Manipis at mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ng ina. "Bakit ayaw po ninyong umuwi kanila Lolo at Lola?" tanong ng batang si Melissa. Ang alam n'ya ay malakas pa ang mga magulang ng ina ngunit ni minsan ay hindi sila nito nagkita. "Dahil galit sila sa akin, sa ginawa ko na maaga na naging ina. Hayaan mo na sila, nagagawa naman natin na mamuhay ng tahimik na hindi naging pabigat sa ibang tao. Okay na siguro iyon," saad ni Rita sa anak na matamang nakikinig. "Gusto ko makapag-aral doon!" hiling ng walang muwang na si Melissa sabay turo sa isang malaking university sa Manila na natatanaw mula sa kanilang maliit na tahanan. "Mahal ang pag-aaral diyan, anak. Baka hindi kaya ni nanay," sagot ng ina. Napatingin ang bata sa ina at nalungkot sa sinabi nito. "Mahirap lang tayo anak eh, masuwerte na nga kung makakain tayo ng dalawang beses sa isang araw kaya hindi ko alam kung paano kita maipasok sa school." Malungkot na pahayag ng ina. "Bakit hindi natin subukan umuwi kanila Lolo at Lola? Baka hindi na sila galit sa atin, tutulong naman tayo sa kanila eh. Kung doon tayo sa kanila at magtutulungan tayo makapag-aral din ako. " Pakiusap ni Melissa. "Nahihiya ako kung paano ko sila haharapin at kakausapin," saad ng ina. Napabuntong-hininga ang ina sa naisip. "Hayaan mo, isang araw makakadalaw din tayo sa kanila. Mag-iipon muna tayo!" tanging tugon ni Rita. Wala silang pakialam kung madumi sila na nakatulog sa matinding pagod, ang mahalaga ay may laman ang kanilang mga tiyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD