ALISHA POV
NAKATULOG ako sa isang panaginip at hindi ko na nais pang magising dahil natatakot akong muling harapin ang kasalukuyan. Napamulat ako sa isang lugar na hindi ko gustong puntahan, ito ay ang hospital.
Pinilit kong gumalaw ngunit masakit ang buo kong katawan. May humawak sa akin, ang papa ni Martin. May pag-aalala sa mukha niya at tinawag ang nurse para tignan ang kalagayan ko.
“Okay naman na po siya, wala na po kayong dapat ipag-alala,” magalang nitong sabi.
“A-ang baby ko kumusta na?” tanong ko at ang nurse ay napatingin naman kay papa. Naguguluhan ako sa naging reaksyon nila lalo na noong napatingin si papa sa ibang direksyon. Napatingin ako sa padating, si tita Leng.
“Gising ka na pala anak,” natutuwang bati ni tita Leng pagkalapit. Mukhang kanina pa sila rito, may dala silang supot na tila sa labas lang binili.
“Tita, kumusta po ang anak ko?” pag-uulit ko sa aking tanong ngunit maging sila ay hindi agad nakasagot. “Sumagot naman kayo pakiusap, kumusta na ang baby ko?”
Garalgal na ang boses ko, pinipigilan kong umiyak at pilit pinapaniwala ang sariling panaginip ang lahat. Lumapit si tita Leng at niyakap ako.
H-hindi! Hinawakan ko ang aking tiyan at wala akong maramdamang batang nasa loob. Si papa ay naiiyak na rin. Napakapit ako kay tita Leng at napahagulgol ng iyak.
Anak ko, patawarin mo ako at hindi kita nailigtas. Bakit mo kami iniwan agad? Sabay tayong lalaban ni kuya Tyler mo, siguradong matutuwa siyang makita ka.
“Alisha, tumahan ka na. Hindi makabubuti sa’yo ang umiyak,” pagpapakalma ni tita Leng sa akin. Hindi ako makahinga sa sobrang sikip ng dibdib ko. Maya-maya bumukas ang pinto at tumambad sa akin si Martin.
“Anong ginagawa mo dito? Masaya ka na ba? Wala na ang anak ko at kung gusto mong makitang nagdurusa ako, nagtagumpay ka. Umalis ka na rito! Lahat ng kahayupan mo tinanggap ko pero pagod na pagod na’ko Martin. Kung may konsensiya pang natitira sa’yo, umalis ka na!” nanginginig kong sabi.
Lumapit si papa niya para ayain sa labas ngunit hindi siya sumama. “Alisha, patawarin mo ako sa lahat ng ginawa ko. Patawad,”
Mapait akong tumawa sa kanya. “Alam mo ba yung sinasabi mo? Martin minahal kita, binigay ko ang lahat! Ginawa ko yung bagay na hindi dapat, nagbulag-bulangan ako sa ginagawa mo, at nagmakaawa ako paulit-ulit para lang hindi masira ang pamilya natin para kay Tyler at sa batang nasa sinapupunan ko pero ngayon wala na! Umalis ka na!”
Hindi na sumagot pa si Martin, kinaldkad na siya ng kanyang ama palabas.
Sobra na ang ginawa niya sa akin, hindi na ako magpapakatanga pa. Tapos na ang lahat sa amin, siguro ay oras na para pahalagahan ko naman ang sarili kong nararamdaman.
Dumating si Tyler kasama ang asawa ni tita Leng na si tito Rick. Humahangos na lumapit ang aking anak at binigyan ako ng isang mahigpit na yakap.
“Mom, nandito na ako. Hindi ka na mag-iisa, simula ngayon ako na ang magliligtas sa’yo. Hindi ka na masasaktan pa,” saad niya na muling nagpaluha sa akin.
Humarap siya sa akin at pinagmasdan ko ang inosenteng mukha niya. Nakuwento ni Tita Leng ang nangyari sa bahay. Sinabi ni Dra. Villardez ang lahat kay Tyler at nakita din niyang kahalikan nito ang asawa ko.
Ang pinakamasakit sa pagiging ina ay yung mawalan ng anak. Hindi lang paa ang inalis sa akin kung hindi buong katawan dahil sa pagkawala ng sanggol na aking dinadala, parang hindi na kumpleto ang pagkatao ko.
*****
“A-annulment?” naguguluhang tanong ni Martin habang binabasa ang nasa papeles. Nakapagdesisyon na akong makikipaghiwalay sa kanya at ito ang tanging paraan na naisip ko para matahimik na kaming mag-ina.
“Kung mahal mo pa si Tyler at kung may konsensiya pa sa katawan mo, pipirmahan mo ‘yan,” walang emosyon kong pahayag. Pagod na ang mga mata kong umiyak, naging bato na rin ang puso ko.
“Ito ba talaga ang gusto mo?” umiiyak niyang tugon.
“Oo,” diretso kong sagot.
“Sige,” tangi niyang sagot at pinirmahan na ang mga papeles. Kinuha ko na iyon lahat matapos at iniwan siya. Si Lyra at ibang mga nandito ay tahimik lang akong pinagmasdan hanggang makaalis. Pagkasakay ko sa kotse, muling naglabasan ang mga luha ko.
Kailangan kong maging matatag, kailangan kong iparamdam sa kanyang mabubuhay kami ni Tyler ng wala siya. Hindi namin siya kakailanganin pa.
“Mom, napirmahan na ni daddy?” tanong ni Tyler. Kasama ko siya ngayon ngunit pinaiwan ko na lang sa sasakyan. Ngumiti ako sa kanya at tumango.
Niyakap niya ako. “Mom, I am always here like what you’ve did for me,” bulong niya na tumagos ng husto sa puso ko. Wala na akong ibang hahanapin pa, sobra akong nagpapasalamat na may isang Tyler ang dumating sa buhay ko.
*****
6 month later…
Ayos na ang lahat. Kasalukuyan kaming nasa harap ng isang husgado upang tapusin na ang lahat ng mayroon sa amin ni Martin. Nagsimula na ang ceremony at nagkaroon ng paglilitis ng dahilan sa aming paghihiwalay.
Unang binigyan ng pagkakataon si Martin na makapagsalita. Tahimik ang paligid, ang lahat ay nakikinig sa gusto niyang sabihin.
“Hindi ako matatawag na isang ama o bilang mabuting asawa. Marami akong pagkakamali na lahat ng ‘yon ay tiniis at tinanggap ng asawa ko. Hindi biro ang kasal, dahil ang kasal ay karugtong ng kasalanan at pagkakasakal ng isa’t-isa. Mahal ko si Alisha ngunit dumating ang araw na nasaktan ko siya, emosyonal at pisikal na sugat ang aking naibigay. Ang custody ni Tyler ay ibinibigay ko nasa kanya. Nangangako akong susuportahan ko pa rin ang aming anak hanggang makatapos ng pag-aaral. Isa lang ang pakiusap ko, huwag niyong alisin ang karapatan ko sa kanya dahil…”
Tumingin siya sa akin. “Siya na lang ang natitirang pamilya ko,” sabay bagsak ng kanyang mga luha. Napatingin ako kay Tyler na matigas ang loob at walang anumang emosyon sa mukha.
Sumunod na magsasalita ay ako, nagbigay sila ng ilang oras para ipaglaban ang aking panig. May punto si Martin, wala akong karapatang ipagkait kay Tyler ang buhay ng walang ama. Pumayag ako sa gustong mangyari ni Martin at sa akin nga napunta ang custody.
Makalipas ang mahabang proseso, ganap na kaming naging malaya sa bawat isa at nagkausap na rin kami. Alam na niya yung tungkol sa kaso ng ama ni Dra. Villardez at nais nitong muling halungkatin ang mga nangyari. Nakaramdam ako ng kaba, sa pangalawang pagkakataon ay nagbabalik ang nakaraang hindi nagpatahimik sa akin ng mahigit sampung taon na nakalilipas.
Si kuya Alex ay hindi na nagparamdam pa at wala na rin akong balita. Samantala, si Tyler ay nagtuloy sa pag-aaral at si Martin ay patuloy pa rin sa pagsuyo ng anak.
Malaki ang naging galit ng aming anak ngunit ang pangaral ko sa kanya ay matutong magpatawad. Hindi man maibalik ang isang masaya’t buong pamilya ay nais ko pa rin siyang magabayan namin ni Martin na dati kong asawa.
“Mom, nandito si tito Renz,” ani Tyler noong makita kung kaninong sasakyan ang parating. Bubuksan ko na sana yung pinto ng humawak sa kamay ko si Tyler.
“Do you like him?” diretsong tanong sa akin ng aking anak. Agad akong umiling bilang sagot dahil magkaibigan lang kami ni Renz at kung ano man mayroon sa amin ngayon ay walang ibang ibig sabihin.
Binuksan ko na ang pinto at pumasok si Renz habang bitbit ang mga laruan. Kinuha ito ni Tyler at pumasok sa kuwarto.
“Anong nangyari sa kanya?” kamot-ulong tanong ni Renz. Hindi ko na sinagot pa ang tanong niya at naghanda na ako ng lulutuin para sa dinner.
Saktong alas-syete ay naluto na. Tinawag ko si Tyler para kumain na at bumaba naman ito. Ilang saglit pa, may nagdoor bell sa labas. Dahil abala ako sa paghahanda, si Tyler ang nagbukas.
Noong matapos ko isalin ang ulam, tinignan ko ang dumating. Si Martin.
“Pa-pasensiya nasa istorbo, may bisita pala kayo,” sambit niya. May binigay siya kay Tyler at mukhang aalis na rin kaya pinigilan ko siya. “D-dito ka na magdinner,” pag-anyaya ko at hindi naman siya tumanggi.
Sabay-sabay kaming humarap sa hapag. Tahimik lang ang paligid, tanging pagtunog lang ng kutsara ang maririnig. Hindi nagtagal ang aming salo-salo, naunang natapos si Tyler at agad pumanik sa taas. Natapos na rin ako kaya iniligpit ko na ang ibang plato.
Tumayo si Martin para tulungan ako at gano’n na lang din ang ginawa ni Renz. Alam kong hindi maganda ang samahan nilang dalawa, minabuti ko na lang na parehas silang paalisin at sa labas na lang magtalo.
Unang lumabas si Renz at sumunod na si Martin. Nagligpit na ako ng hapag at naghanda ng salad para maging dessert para libangan na rin habang nagkekwentuhan.
Noong nakapaghanda na ko, lumabas ako para hanapin ang dalawa. Natanawan ko silang nakatalikod habang may kung anong pinag-uusapan.
Hindi ko masyadong rinig kaya minabuti kong pakinggan ng malapitan.
“Hanggang ngayon pinagsisisihan ko pa rin ang nangyari. Ingatan mo sana sila,” ani Martin sa kausap niyang hindi naman umiimik.
Siguro ay ako ang pinag-uusapan nila at pagod na ako sa bagay na iyon. Pumasok na ‘ko sa loob dahil hindi ko na rin balak pang balikan ang nakaraan.
Dinalhan ko ng salad si Tyler sa kuwarto. Pagbaba ko ay nandito na rin sina Renz at Martin sa sala na tahimik lamang.
“Maraming salamat sa dinner Alisha, I have to go. By the way, sana raw ay bumisita ka ulit sabi ni mommy,” paalam ni Renz bago umalis.
Si Martin naman ay umupo sa sofa. “Alisha, baka ito na rin ang pansamantalang huli kong bisita rito. May kailangan akong asikasuhin. Kung kailangan ako ni Tyler, huwag ka magdalawang isip na itext ako ha. Magpapaalam na rin ako, pasabi kay Tyler na mahal ko siya,”
Tumayo siya ng biglang may nagsalita. “Mag-iingat ka,” sambit ni Tyler. Ngumiti si Martin sa anak at tuloy-tuloy na lumabas.
Hindi ko alam pero sa sinabi ni Martin, may kakaiba akong naramdaman. Dapat ba akong matuwa na matatahimik na rin ang buhay namin ni Tyler o ang kabahan dahil sa estado ng kanyang salita? Sa mga oras na’to, may kakaibang takot at pagkabahalang bumabagabag sa akin kaya't hindi matahimik ang kalooban ko simula noong makaalis siya.