KABANATA 2
(Valerie POV)
Nasa downtown na kami—isa sa mga pinaka-buhay na parte ng lungsod. Dito magkakatabi ang mamahaling gusali, mga high-end na restaurant, at isang kilalang mall na madalas ko lang makita sa social media. Iyong tipong lugar na kahit simpleng paglalakad lang, parang kailangan mong ayusin ang postura mo—dahil ramdam mong karamihan sa mga taong narito ay isinilang na may gintong kutsara sa bibig.
Huminto ang sasakyan ni Stella sa tapat ng isang bar na may minimalist ngunit eleganteng disenyo. Walang neon lights na sumisigaw ng pangalan nito. Tahimik lang ang labas, pero ramdam mo agad ang sosyal na dating. Itim ang pinto, may gintong detalye, at dalawang lalaking nakasuot ng itim na suit ang nakatayo sa magkabilang gilid.
Napabagal ang pagbaba ko mula sa kotse.
“Grabe,” saad ni Sarah habang nakatingala sa harapan. “Mukhang mahal dito.”
Tumango si Caty, halatang nagdadalawang-isip. “Oo nga. Baka sahod natin, ubos agad. Dai, pwede naman tayo sa iba ah? Bakit dito pa?”
Napatingin ako kay Stella. Hindi ko rin mapigilang magtanong sa isip ko kung anong trip ng kaibigan naming ito.
“Relax lang kayo,” natatawang sagot ni Stella, parang wala lang. “Kaibigan ko ang may-ari nito. Libre tayo ngayong gabi. At kung sakali mang may bayaran, fifty percent.”
Napatigil ako at dahan-dahang humarap sa kanya, tinaasan siya ng kilay.
“Siguraduhin mo lang, bruha,” babala ko. “Dahil kapag napagastos tayo nang mahal dito, ikaw ang sasagot ng pagkain namin sa loob ng isang buwan.”
“Uy,” singit ni Caty, “totoo naman sinabi ni Sarah. Mahal sa ganitong bar. Hindi ’to pang-sahuran level.”
“Tss,” mariing sagot ni Stella. “Wala ba kayong tiwala sa akin?”
Nagkibit-balikat ako. “Hindi sa walang tiwala. Alam mo namang hindi kami sanay sa ganito. Isang maling galaw lang, ubos agad ang pinaghirapan natin sa loob ng labinlimang araw.”
“Grabe kayo,” reklamo ni Stella.
“Tiwala lang. Kailan ko pa ba kayo pinahamak?” sabay tawa niya. “Ako na nga ang nagsasabi—ako ang bahala sa inyo. Hindi tayo gagastos nang mahal. Hindi tayo maglalabas ng pera rito.”
“Ewan,” tipid kong sagot, pero sumunod na lang ako habang naglalakad kaming apat papasok.
Sa totoo lang, naiilang ako. Ngayon lang ako nakapasok sa ganitong klaseng bar. Madalas, sa mall lang kami o sa simpleng kainan—iyong tipong pwede kang naka-tsinelas at walang huhusga. Pero rito, parang bawat galaw mo ay may matang nakamasid.
Pagpasok pa lang namin, sinalubong na kami ng malamig na hangin at mahinang tugtog ng jazz na may halong modern beats. Hindi masakit sa tenga, pero ramdam mo ang bigat ng bawat nota. Ang ilaw ay dim—sapat para makita ang mga mukha ng tao, pero hindi sapat para mabasa ang kanilang iniisip.
“Grabe,” bulong ko, halos sa sarili ko lang. “Parang ayokong umubo rito.”
“Naku, huwag kang maingay,” bulong balik ni Sarah. “Baka may dress code pala pati sa paghinga.”
Napatawa ako nang mahina.
Lumapit agad ang isang waiter na naka-vest at maayos ang tindig.
“Good evening, miss. Table for four?” magalang niyang tanong.
Tumango si Stella. “Yes. Stella Rivera.”
Bahagyang nagbago ang ekspresyon ng lalaki—hindi halata, pero kapansin-pansin.
“Ah, yes, miss. This way, please.”
Nagkatinginan kaming tatlo.
“Ano ’yon?” pabulong na tanong ni Caty habang sumusunod kami.
“Ewan,” bulong ko rin. “Pero mukhang totoo ang sinabi ni Stella na kaibigan niya ang may-ari.”
Dinala kami sa isang semi-private area. Hindi ito totally sarado, pero sapat para magkaroon ng kaunting privacy. May malambot na sofa, mababang mesa, at tanaw ang buong bar.
“Wow,” sabi ni Sarah habang umuupo. “Pwede na tayong mag-artista rito ah.”
“Arte mo,” sagot ko, pero hindi ko rin maikakaila na sobrang komportable ng upuan.
May lumapit na isa pang waiter at iniabot ang menu. Nang silipin ko ito, muntik ko nang ibalik agad. Awtomatikong lumaki ang mga mata ko sa mga presyong nakalagay. Kahit sina Sarah at Caty sa tabi ko, iisa lang ang naging reaksyon.
“Stella,” bulong ko, “presyo pa lang ng isang cocktail, parang isang buwang sahod ko na.”
“Oo nga, grabe,” dagdag ni Sarah.
“Uwi na tayo,” suhestiyon ni Caty. “Pwede naman kina Aling Perla. Doon na lang tayo uminom. Bili tayo ng gin bilog, libre pa ang pulutan sa papa ni Sarah.”
Napatawa ako. Ang papa kasi ni Sarah ay may ihaw-ihaw sa tapat ng tindahan ni Aling Perla.
“Jusko,” dagdag pa ni Caty, “baka pagkatapos nito, wala na akong pambayad sa mga parcel ko.”
“Tingnan mo ’to,” sabay-sabay naming bulong ng tatlo.
Tinawanan lang kami ni Stella.
“Relax lang, girls. Ako ang bahala sa inyo.”
“Paano kami magre-relax kung—” sabay-sabay na sana kaming magsasalita, pero hindi na kami pinatapos ni Stella.
“Chill lang,” sagot niya.
Lalo kaming nagulat nang dumating na ang mga pagkain at inumin.
“Nag-order ka na agad?” sabay-sabay naming tanong.
“Yes.”
Nag-order siya ng ilang drinks—may mocktail para sa akin at wine para kina Caty at Sarah. Lahat siya ang nagsalita. Lahat siya ang nagdesisyon.
“Talagang prepared ka ah,” sabi ni Caty. “Parang kabisado mo na.”
“Syempre,” nakangiting sagot niya. “Hindi ako magdadala ng kaibigan sa lugar na hindi ko alam.”
Habang tumatagal, nagmasid ako sa paligid. Iba’t ibang klase ng tao—mga lalaking naka-suit kahit gabi na, mga babaeng elegante ang kilos, halatang sanay sa ganitong mundo. Walang malakas na tawanan. Walang sigawan. Para bang bawat kilos ay may sinusunod na alituntunin.
Parang… bawat salita ay may timbang.
“Uy, Val,” bulong ni Sarah. “Relax ka lang. Para kang iniinterbyu.”
Napangiti ako nang pilit. “Hindi lang ako sanay.”
“Halata,” singit ni Caty. “Pero okay lang ’yan. One night lang naman.”
“Exactly,” sagot ko. “One night.”
Dumating ang mga inumin. Inabot sa akin ang baso—simple ang itsura, pero eleganteng tingnan.
“Cheers,” sabi ni Stella.
Nagtaasan kami ng baso.
“Para sa sahod,” dagdag ni Sarah.
“Para sa off,” singit ni Caty.
“At para sa hindi pa natin alam na mangyayari,” biro ni Stella.
Napatingin ako sa kanya. “Hoy, huwag kang ganyan. Parang may pinapahaging ka.”
Tumawa lang siya.
Humigop ako ng mocktail. Matamis, may kaunting asim—masarap, pero hindi nakakapanibago.
Habang tumatagal, naging mas magaan ang usapan. Tawanan, kulitan, reklamo sa trabaho. Ilang sandali pa, halata nang tinamaan ng alak ang tatlo. Sumasabay na sila sa musika, nagtatawanan nang mas malakas.
Ako naman… parang may kakaiba.
“Teka,” bulong ko sa sarili ko. “Bakit umiikot ang paningin ko?”
“Juice lang naman ininom ko ah,” dagdag ko pa. “Bakit parang lasing na ako?”
“Stella,” tawag ko sa kanya, pero napapikit ako. Parang nagtatatlo ang tingin ko sa kanya.
“Oh, bakit?” lasing niyang tugon.
“Bakit nahihilo ako? Diba juice lang ang in-order ko?”
“O-oo,” sagot niya, halatang lasing na rin. “Juice lang.”
“Pero… may halo,” dagdag pa niya. “May konting alak ang juice dito.”
“Ano?” Napadilat ako. “Bakit hindi mo sinabi?”
“Luh, Dai,” sagot niya. “Hindi mo naman tinanong.”
Napasambunot ako sa buhok.
Akmang tatayo ako, pero napaupo ulit dahil sa hilo.
“Ayos ka lang?” tanong ni Sarah.
“Oo,” maikli kong sagot.
“Yeta,” bulong ko sa sarili ko. “Kaya ayaw ko sa alak eh. Hindi kami bati at kailanman hindi kami magkakasundo.”
Nagpahinga ako sandali bago magdesisyong pumunta sa restroom. Mukhang enjoy na enjoy naman ang tatlo.
Dahan-dahan akong tumayo at naglakad patungo sa restroom.
“Saan ka pupunta?” tanong ni Stella.
“Restroom,” tipid kong sagot.
“Samahan kita?”
“Hindi na. Kaya ko pa.”
“Sure ka?”
“Yeah. Maghihilamos lang ako.”
Sa harap ng salamin, hinilamos ko ang mukha ko. Tinapik-tapik ko pa ito.
“Jusmiyo, Val,” bulong ko. “Ayaw ko talaga sa alak. Pangako, hindi na talaga ako titikim.”
Naglakad na ako pabalik sa mesa, pero hindi pa rin nawawala ang hilo. Nakahawak ako sa pader para hindi matumba.
“Hi, miss.”
Napahinto ako.
“Anong pangalan mo?” tanong ng lalaking nasa harap ko. Hindi ko na masyadong maaninag ang itsura niya—parang dumadami siya sa paningin ko.
“Miss, lasing ka na. Gusto mo ba kaming ihatid ka?” sabi pa niya sabay hawak sa braso ko.
“Ano ba—sino ba kayo?” protesta ko. “Bitawan ninyo ako.”
Pero humigpit ang hawak niya.
“Ganito ang gusto ko,” narinig kong sabi niya. “Palaban—”
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang bigla na lang siyang bumagsak sa harapan ko.
“Sino ka bang—” simula ng isa pang lalaki.
Napasandal ako sa pader, nawalan ng balanse. Nagdidilim na ang paningin ko.
Pero bago tuluyang mawala ang lahat—
May isang pabango.
Malalim. Malamig. Nakakabinging presensya.
Bakit… napakabango ng pader na ito?
Iyon na lang ang huling naisip ko bago tuluyang nagdilim ang mundo.
Kazuki pov
Humarap ang mga lalaki sa akin—may tapang sa mata, pero halatang pilit lang.
“Sino ba kayo?” tanong ng isa, matigas ang boses habang nakatingin sa babaeng nasa bisig ko.
Hindi pa ako nagsasalita nang mauna si Mikhail.
“You don’t need to know who we are,” malamig niyang wika.
“Kami ang nau—”
Hindi na natapos ang sasabihin ng lalaki.
Isang mabilis na sipa mula kay Darkness ang tumama sa mukha nito. Bumagsak ang lalaki sa sahig, walang kamalay-malay. Napaatras ang dalawa pa, bakas ang takot sa mga mata. Nang masilayan nila ang presensiya ko—ang bigat ng katahimikang dala ko—wala na silang hinintay pa. Tumalikod sila at mabilis na nagsitakbuhan.
Tahimik ang paligid.
Masyadong tahimik.
“Hmmm…” mahina niyang bulong habang sumasandal nang mas maayos sa dibdib ko. “Bakit ang bango naman ng pader?”
Napapikit ako sandali.
“Tss,” iyon lang ang lumabas sa bibig ko.
Wala na akong sinabi pa. Inayos ko lang ang pagkakahawak ko at binuhat siya nang maayos, parang natural na kilos—parang ilang beses ko nang nagawa, kahit alam kong hindi.
“She’s coming with me,” malamig kong wika
Tumango lang ang tatlo kong kasama.
“Kayo na ang bahala sa iba,” dugtong ko, hindi na lumilingon.
Isang sabayang tango lang ang sagot nila.
Habang naglalakad ako palayo, mas bumigat ang katawan niya sa mga bisig ko. Mahina ang hininga, ngunit maayos. Buhay. Ligtas.
Hindi ko alam kung bakit ko siya binuhat.
Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko siya iniwan sa mga kaibigan niya.
Ang alam ko lang—
mula sa sandaling iyon, hindi na siya basta estrangherang nadaanan ko lang sa isang bar.