"Good morning, sir Theo," nakangiting bati ni Carlo sa guro habang papalapit ito sa kanya.
"Good morning din sa'yo," ganti ng binata.
Palihabsa'y kabisado na niya ang daan palabas ng kanilang bahay kaya kahit walang umaalalay sa kanya eh kaya niyang maglakad ng mag-isa. Sa una, naging mahirap ang lahat para kay Theo. Hindi niya alam kung paano siya mabubuhay ng normal dahil sa kalagayan niya.
"Ang aga mo naman yata Carlo. Ilang araw na kitang napapansin. Mas lalo kang sumipag nitong mga nakaraang araw," puna ni Theo sa kanyang guide s***h driver s***h assistant s***h bestfriend na si Carlo.
"Huh? Ako? Araw-araw naman akong masipag ah. Grabe ka naman sa'kin, bro," pagkakaila nito habang pinagbubuksan ng pinto si Theo papasok sa kotse nito.
Sabay lumaki sina Theo at Carlo. Halos magkapatid na ang turingan nila sa isa't-isa. Mula ng mamatay ang mga magulang ni Carlo eh ang pamilya na ni Theo ang nagsilbing pamilya nito. Sabay silang naghigh school at ng maaksidente si Theo na naging dahilan ng pagkabulag nito, siya na rin ang nagsilbing mata ng binata.
"Naku, alam ko na 'yan bro. Kahit hindi ko man makita ang mukha mo, halata naman sa kilos at tono mo. Ano ba kasi iyon?" tanong ni Theo nang makapuwesto ito sa loob ng sasakyan at nagsimulang ikabit ang seat belt.
"Ano kasi..." nag-aalangang sabi ni Carlo at nagsimula na siyang magmaneho.
"Sige, hulaan ko na lang. Si Tonette na naman ba 'yan?" panghuhula nito.
Napalingon si Carlo sa kaibigan kahit nagmamaneho siya.
"Hala, panu mo naman nahulaan bro?" gulat na tanong ni Carlo.
"Eh pano ko naman hindi mahuhulaan eh sa tuwing nagkakaganyan, si Tonette lang naman palagi ang dahilan," pagpapaliwanag ni Theo.
Si Tonette ay matagal ng kasintahan ni Carlo. Masyadong demanding at maarte ito. Parehong ayaw ni Tonette at ni Theo sa isa't-isa. Para kasi kay Theo, hindi naman totoong mahal ni Tonette ang kaibigan nito. Sa tingin niya, piniperahan lang niya ito. Palibhasa kasi, mahal na mahal ni Carlo ang babae. Kaya kahit anong gawin o hingin nito ay tinatanggap niya na lang at binibigay. At para naman kay Tonette, isang malaking sagabal si Theo sa relasyon nila ng kanyang nobyo.
"Ang galing mo talaga, bro. Hindi ka lang pala gwapo gaya ko, may future ka rin pala sa pagiging manghuhula," pagbibiro ni Carlo nang maibalik ang atensyon sa kalsada.
"Sabihin mo na kung ano na naman ang problema mo bago pa magbago ang isip ko na tulungan ka," sabi ni Theo sa kaibigan. Pinilig niya ang kanyang ulo sa bintana ng kotse.
"Ano kasi...pwede ko bang hiramin ang kotse mo mamayang gabi? May pupuntahan kasing reunion si Tonette eh ayaw niyang pumunta doon na naka-taxi. Baka kasi pagtawanan siya ng mga ka-batchmates niya. Alam mo naman ang baby ko, balat-sibuyas. Baka umiyak iyon 'pag tinukso nila," pagpapaalam nto.
"Ang sabihin mo, napakaarte lang talaga ng babaeng iyon. At saka, tigilan mo nga ang katatawag sa kanya ng baby. Ang tanda-tanda na niyan para maging baby," banat ni Theo. Hindi niya talaga alam kung ano ang nakita ng kaibigan sa babaeng iyon. Head over heels talaga ang kababata sa maarteng iyon.
"Wag naman ganyan bro. Kahit ganun iyon, baby ko pa rin iyon. Pero 'wag kang mag-alala, ikaw pa rin 'yung first baby ko," pa-sweet na sabi ni Carlo sa kaibigan.
Minsan may punto naman talaga si Theo. Pero ano'ng magagawa niya? Eh talagang tinamaan siya eh.
"Yuck. Kadiri ka talaga. Huwag mo nga akong idamay sa kakornihan mo," nandidiri na sabi ni Theo.
Tumawa nang malakas si Carlo.
"Ano naman ang corny sa sinabi ko? Maghanap ka na rin kasi ng girlfriend para hindi ka na maging bitter. Aanhin mo naman 'yang kagwapuhan mo kung wala ka naman chika babe?" pang-aasar pa niya.
"O bakit sa'kin napunta ang usapan? Akala ko ba manghihiram ka lang ng kotse? Paano naman napasok sa usapan ang paggi-girlfriend?"
"Wala lang. Gusto ko lang na magka-girlfriend ka. Alam 'yon, may magpapangiti sa'yo araw-araw. May magtatanong sa'yo kung kumain ka na ba, kung nakatulog ka ba ng maayos, kung okay ka lang ba. Mga ganun bro," pagpapaliwanag ni Carlo.
Sa totoo lang, gusto niyang sumaya ang bestfriend sa kabila ng kalagayan nito. He deserves it. Gusto niyang makalimutan na ng kaibigan nang tuluyan ang masakit nitong kahapon.
Hindi umalis ang ulo ni Theo sa pagkakasandal sa bintana ng kotse. Sino ba ang may ayaw sa isang maganda at nakakakilig na lovestory? Pero para sa kanya, nawalan siya ng karapatan na magkaroon ng ganoong bagay.
"Sa tingin mo ba, may papatol sa isang bulag na katulad ko? Di ba, wala?" Tila may kirot sa puso niya nang lumabas sa bibig niya ang katotohanang iyon.
"Ayan ka na naman sa maling mindset mo eh. Paningin lang naman 'yung nawala sa'yo ah. Kahit sinong babae, gugustuhin ka. Eh ikaw naman kasi, may mga lumalapit nga sa'yo. Pero ano'ng ginagawa mo?" sagot naman ni Carlo. Gusto na niya talagang batukan ang kaibigan.
"Let's drop this conversation, will we? Ang aga-aga kinukulit mo na naman ako sa bagay na 'yan. Gisingin mo na lang ako kung nasa eskwelahan na tayo." Iyon lang at pinikit na niya ang kanyang mga mata.
***
"Pssstttt...chikitita..." Halos pabulong kung magsalita si Tellie. Nasa bintana ito ng kaibigang si Cyndie.
Napalingon ang dalagita sa bintana at nakita ang kaibigan na kumakaway ito sa kanya mula sa bintana. Tumayo ito mula sa pagkakaupo at nilapitan ito.
"Ano, dala mo ba?" agad nitong tanong kay Tellie. Hindi muna niya ito pinagbuksan ng bintana.
"Ano ba siz, ako pa ba?" sagot nito sabay kindat. "Pwede ba buksan mo na 'tong bintana? Kanina pa ako nangangawit dito eh."
Binuksan ni Cyndie ang bintana at pinapasok si Tellie. Ayaw kasi ng Tita Luchie niya kay Tellie dahil nga raw bad influence ito sa pamangkin. Nahuli kasi sila ng Tita Luchie niya na pumupunta sila sa isang tindahan ng mga pocketbooks noong high school. Galit na galit ang Tita Luchie niya. Puro raw kasi kabastusan ang laman ng mga pocketbooks at hindi dapat iyon binabasa. Kaya ng mahuli sila ng tiya ay pinagbawalan siyang makipagkita at makipagkaibigan kay Tellie dahil naniniwala ang matandang dalaga na ito ang nag-impluwensya sa pamangkin para bumili at magbasa ng mga malalaswang pocketbooks.
"O ayan na ang mga requests mo, mahal na prinsesa." Nilabas ni Tellie mula sa itim na garbage bag ang mga pocketbooks. "Alam mo ba kung gaano ako nahirapan sa paghiram niyan? Halos mabenta ko na ang lama't kaluluwa ko para sa mga iyan," eksaheradang sabi nito.
"Uy grabe ka naman. Pero thank you talaga siz. Wag kang mag-alala. Dahil sa mga sakripisyo na ginagawa mo, sisiguraduhin kong magiging bestseller ang first novel ko,"puno ng kumpiyansa na sabi ni Cyndie.
"Hays. Siguraduhin mo lang talaga sa akin babae ka.Hindi ako nagpapakahirap sa pag-akyat sa bintana mo, to the highest level na pambobola na ginagawa ko kay Aling Rustica, at pagpo-postpone ng mga date ko para lang bigyan mo ako ng walang kabuhay-buhay at walang kalibog-libog na romance novel," maarteng sabi ni Tellie sa kaibigan saka ito humiga sa kama.
"Hoy, ano ka ba! Baka may makarinig sa'yo," saway ni Cyndie.
Kahit kelan talaga, nakapa-straight foward kung magsalita ng kaibigan. Walang kafilter-filter.
"At saka, hindi naman erotic novel ang sinusulat ko. Ikaw talaga," paggkaklaro niya.
Biglang napabangon ang kaibigan.
"Whaaattt??? Don't tell me, mapupunta sa wala ang mga sakripisyo ko. No way. Hindi iyan magiging isang romantic novel kung walang bed scenes at pangmalakasan na kissing scenes," pagbibigay-diin ng dalagita.
Tumayo ito at nagsimulang umarte.
"Hindi dapat mawala sa story ang eksena kung paano hinawakan ng bidang lalaki ang kamay ng bidang babae. Tapos mapapatigil ang bidang babae. Magkakatitigan silang dalawa. Tapos unti-unting lalapit ang bidang lalaki sa bidang babae. Maglalapit ang kanilang mga mukha. Pagkatapos, halos gahibla na ang pagitan nila sa isa't isa..." pagsasalaysay ni Tellie habang ang kanang kamay ay nasa kanyang pisngi at bigla siyang pumikit. "Tapos unti-unting maglalapat ang kanilang mga labi. Mapapakapit ang bidang babae sa batok ng bidang lalaki habang ninanamnam ang bawat halik ng isa't-isa. Mapupunta ang mga kamay ng bidang lalaki sa bewang ng babae. Magiging mainit at mapusok ang kanilang halikan...hanggang sa...aray!" Biglang napamulat ng mata si Tellie nang maramdaman ang pagdapo ng unan sa ulo niya.
"Alam mo, panira ka talaga ng moment, alam mo iyon?" naiinis na sabi ng dalagita. "Nagsisimula pa nga lang ako eh."
"Ikaw, tigilan mo na iyan. Hindi ko naman binabasa ang mga iyan para makakuha ng idea para sa mga bed scenes at kissing scenes," sabi ni Cyndie at napaupo sa kama.
"So, para saan pala ang mga iyan ha, aber? Sige, bigyan mo nga ng kaliwanagan ang lahat," sagot naman ng kaibigan sabay taas ng kilay.
"Yung storyline, yung mga plot twists, yung mga characters. Sila 'yung nagbibigay buhay sa mga pocketbooks na binabasa ko. Para sa'kin kasi, bonus na lang ang mga bed scenes na 'yan. At isa pa, hindi lang naman kama ang tanging lugar kung saan mo pwedeng iparamdam na mahal na mahal mo ang isang tao eh. It's more than that," pagpapaliwanag ni Cyndie.
"Huwaw naman sis. Ang lalim nun ha." Sinamahan pa ng palakpak ni Tellie.
"Siyempre naman siz. Ako pa ba?"
"Yes siz. Sa sobrang lalim ng paliwanag mo, bakit hindi ka na lang kaya gumawa ng journal? O baka gusto mo ibang profession na lang kaya kunin mo," pamimilosopo nito.
"Kagaya ng ano?"
"Ba't hindi ka na lang magkatekista? O mas mabuti pa kaya kung ikaw na lang 'yung pumalit sa rebulto ni Mama Mary sa simbahan? Daig mo pa kasi si Mama Mary sa pagka-birhen siz ," pang-aalaska ni Tellie sa kaibigan.
Hahampasin sana ni Cyndie ang kaibigan pero nakailag ito.
"Ikaw, sobra ka na talaga," naiinis na sabi ng dalaga habang hinahabol ang kaibigan.
"Aba, don't tell me na mali ako siz. Kaya nga di ba kumagat sa bitag ng Clarisse na iyon ang pinakamamahal mo na si Victor? Hindi ba, tama ako?" pang-ookray ni Tellie kay Cyndie habang patuloy sa pag-ilag sa mga hampas nito.
Napatigil naman si Cyndie sa sinabi ni Tellie. Bumalik na naman sa alaala niya kung kelan niya nahuli si Victor na mainit na nakikipaghalikan sa Clarisse na iyon.
"Matagal na iyon. At saka, napatawad ko na si Victor sa ginawa niya. Okay na kami ngayon,"sabi niya saka binalik ang unan sa kama. Umupo naman sa sahig si Tellie.
"Talaga ba? Sige nga. From 1 to 10, i-rate mo nga kung gaano kayo ka-okay ni Victor. At ang bottom line, naglevel-up na ba kayo?" tanong nito.
HIndi nakasagot si Cyndie. Gaano ba sila ka okay ni Victor? Level up? Eh, magkaibigan pa rin naman sila.
"Tumigil ka na nga. Mabuti pa tulungan mo na lang akong pumili kung alin yung uunahin ko." Agad niyang iniba ang usapan. Ayaw na muna niyang isipin si Victor lalo pa ngayo't may gumugulo sa isipan niya.
Habang pumipili sila ni Tellie ng mga pocketbooks na babasahin, biglang pumasok sa isip niya si Theo.
Pakiramdam niya kasi parang nagkita na sila ni Theo pero imposible. Sa buong buhay niya, mangilan-ngilan lang ang mga lalaking nakakasalamuha niya dahil malimit lang siya lumabas ng bahay.
"Siz? Chikitita? Hoy!" pukaw sa kanya ni Tellie. "Tulaley ka siz. Ano bang iniisip mo?"
"Ha? Wala naman. Wala naman akong iniisip. May bigla lang pumasok sa isip ko," tugon niya.
"Ano naman iyon? Bed scene ba iyan?" pilyang tanong ng kaibigan.
"Ano ka ba, hindi nuh. Ikaw talaga, ang dumi ng utak mo," saway niya dito.
"Eh ano nga kasi iyon siz? at napapa-tulaley ka diyan?"
"May naalala lang ako. Pero hayaan mo na, pumili ka na lang diyan."
Napabuntong-hininga na lamang si Cyndie dahil sa pagkaka-alala niya kay Theo.
***
"Sandali lang bro, ihahanda ko lang 'yung kotse. Hintayin mo na lang ako dito," bilin ni Carlo kay Theo. Tumango lamang ang binatang guro.
Tapos na ang buong araw na pagtuturo ni Theo. Oras na para umuwi siya pero habang naghihintay siya sa labas ng classroom, nilapitan siya ng kanyang co-teacher.
"Sir Theo, uuwi ka na ba?" tanong nito.
Base sa malumanay na boses na narinig niya, sigurado siya na si Miss Nikki iyon. Siya ang adviser ng katabing classroom na pinagtuturuan ni Theo.
"Oo," matipid na sagot niya.
"Ganun ba? Gusto mo ba sabay na lang tayo lumabas ng gate? Paalis na rin kasi ako. Ihahatid na lang kita sa parking lot," alok nito sa kanya.
Hindi man lang nilingon ni Theo ang dalaga mula sa likuran niya.
"No, thanks," walang ka-emosyon emosyon na tugon niya. ''I'll just wait for Sir Carlo here."
Ramdam niya ang pagkadismaya ng kasamang guro. Pero mas okay na iyon. Ayaw niyang bigyan ng pag-asa si Miss Nikki at ang sarili niya sa isang bagay na kailan man hindi niya makukuha.
"Si-sige. Mauna na'ko," pagpapaalam ng guro sa kanya.
Ilang sandali pa'y dumating si Carlo. Nilapitan siya nito at sinimulang alalayan patungo sa kotse.
"Bro, nakita kong nag-uusap kayo ni Miss Nikki. Ano'ng pinag-usapan niyo? May namumuo na ba?" usisa ni Carlo.
Gusto niya si Miss Nikki para sa bestfriend. Matagal ng may gusto si Teacher Nikki kay Theo pero palagi siyang iniiwasan ng binatang guro.
"Ano'ng namumuo? Walang ganun. Wag mo na akong simulan. Baka nakakalimutan mo na hindi pa ako pumapayag sa hinihiling mo," pagbabanta niya sa kaibigan. Kailangan niyang maagapan at mapigilan ang nagbabadyang pangrereto ng kaibigan sa kanya.
"Oo na. Hindi na po. Okay na? Payag ka na ba na hiramin ko ang kotse?" malatupang tanong ni Carlo.
Napatigil si Theo sa paglalakad gayundin si Carlo.
"O bakit ka huminto? May nakalimutan ka sa classroom?"
"Papahiram ko sa'yo ang kotse sa isang kondisyon," seryosong sabi ni Theo.
"Sige game ako diyan. Ano ba 'yan?"
"May gusto akong malaman tungkol sa isang tao."
"Sino naman?" nagtatakang tanong ni Carlo.
At saka binulong ni Theo kay Carlo ang taong tinutukoy niya. Pagkatapos nun ay tuloy-tuloy na silang pumasok sa kotse.